KABANATA VIII

1047 Words
“ATE, ayaw ko na sumama kay Ama. Masyado lamang umaasa si Senahiah sa aking nararamdaman, ayaw ko siya masaktan kung patatagalin pa ang katotohanan. Hindi ko nais na lumuha siya dahil sa akin,” malungkot na wika ni Jenoah. “Lilipas din iyan, magbabago pa ang desisyon nila para sa inyong kinabukasan. Magtiwala ka sa ating magulang,” payo naman ni Laura. “Hindi na ako bata upang sila pa rin ang magdesisyon sa akin. Hindi ko nais ang mapakasal sa kanya,” Sasagot na sana si Laura nang matigilan. Si Senahiah ay tila kanina pa sa kanilang likuran na nakikinig. Namumula ang kanyang mga mata, anumang oras ay pabagsak na ang mga luha. “Ate tulungan mo ako, hindi ko mahal si Senahiah kung hindi si Clara. Pakiusap,” pagmamakaawa nito. Hindi pa rin makapagsalita si Laura at nakatingin pa rin sa batang babae. Mukhang napansin naman ni Jenoah kung kaya’t lumingon sa likod, gano’n na lang din ang kanyang pagkagulat sa nakita. “B-bakit ka naparito, Senahiah?” kinakabahan niyang tanong. “N-nakalimutan mong dalhin ang iyong libro. H-huwag kang mabahala dahil ako’y hindi na rin magtatagal,” Ibinaba na ng batang babae ang dala at tumakbo. Napalamukos naman ng mukha si Jenoah bago niya sundan. “Senahiah,” tawag niya rito kung kaya’t napatigil sa pagtakbo. “H-huwag kang mag-alala, kalilimutan ko ang aking mga narinig. Bata pa tayo, maaari pang magbago ang iyong nararamdaman. Hihintayin kita,” Hinawakan ni Jenoah ang kamay ni Senahiah. Huminga na muna siya ng malalim, kailangan niya ipaalam ang tunay na nararamdaman upang hindi na magdulot pa ng sugat sa puso nito. “Ang lahat ng iyong narinig ay totoo. Mayroon na akong naiibigan, ang puso ko ay hindi na maaari pang magbago. Ayaw kitang saktan dahil —” Hindi niya natapos pa ang sasabihin dahil sa muling pagsabat ng kausap. “Dahil kaibigan mo ako? Maraming taon pa ang darating, Jenoah. Handa akong magbulag-bulagan sa lahat ng iyong ginagawa, handa rin ako magsawalan ng kibo sa sakit na iyong ipinadama ngunit hindi ko hahayaang mapunta ka iba,” Sinalubong ni Senahiah ang mga mata ni Jenoah na lumilihis sa ibang direksiyon. "Ayos lamang kung hindi mo masuklian ang aking nararamdaman para sa'yo ngunit sana ay huwag mo akong saktan dahil lang sa pagkakamaling inibig kita, Jenoah. Kung pagiging sakim ang tawag sa aking sinasambit, tila pagiging makasarili ang ipagdamot ka kahit hindi kita pagmamay-ari. Patawarin mo ako dahil minamahal kita," Matapos nitong sabihin ni Senahiah ay tuluyan na umalis at sumakay ng kalesa.   ***** Alas-singko pa lamang noong pumasok ang tagasunod sa silid ni Selestina upang sabihing naghihintay sa labas si Hinatha, kausap nito sina Don Miguel na kasalukuyang nagkakape. Agad naman napapayag ang mag-asawang Asuncion dahil sa tiwala. Ang pamilya ni Hinatha ay mayroong pag-aari sa kalakalan. Maraming produkto ang naililimbag at karamihan sa tumatangkilik ay ang tsino na mahilig sa murang halaga. Lumabas si Selestina na nagniningning ang mga mata sa saya, samantalang si Laura ay nasa sulok lamang at nagmamasid. Nais niyang sundan ang kapatid, nais nito malaman kung ano ang gagawin. Umalis na ang kalesa ng kanilang sinasakyan. Agad nagtungo si Laura sa sikretong lagusan papuntang bukirin kung nasaan si Zefar. “Binibini, bakit ka narito ng ganitong oras?” nagtatakang tanong ng binata noong makita siya. “Kailangan ko ng iyong tulong,” Magtatanong pa sana siya ngunit hinatak na niya ito upang hindi maiwanan ng kalesa na sinasakyan nila Selestina. Hindi man maintindihan ni Zefar ang nangyayari ay wala na rin nagawa pa kung hindi ang sumunod. Nakarating sila sa San Felicidad, dito ginaganap ang pag-enhasyo sa gaganaping palabas sa plaza. Isang beses sa isang buwan ang pagdaraos, si Selestina ay hindi nakakasali ngunit isa siya sa mga nagtuturo lalo na sa mga baguhan. Mahigit isang buwan simula noong huling bisita niya rito dahil sa paghihigpit ni Don Miguel. Masaya silang nagsimula at mula sa malayo, maluha-luha si Laura dahil sa husay ng kapatid. “Bakit ayaw mong lumapit?” tanong ni Zefar na tila inaantok sa pinanonood. Napayuko naman si Laura, gustuhin man niya ay hindi maaari dahil siguradong iisipin lamang ni Selestina na siya ay nagmamasid upang magsumbong sa mga magulang. “Masaya na akong makita siya mula sa malayo,” Hindi na umimik pa ang binata. Tahimik lamang nilang pinanood ang ginagawa ng kanyang kapatid hanggang matapos. Alas-syete na noong maisipan nila umalis. Sumakay na ng kabayo sina Zefar at Laura. May mga karwahe at kalesa, ngunit ang madalas lamang makasakay dito ay ang may kaya sa buhay. May mga mura namang renta bagamat kung ihahambing sa buhay ng mga magsasaka at mababang pamilya, hindi nila magagawang magbayad ng salapi upang isakay. May isang kabayo si Zefar na pinangalanang Bibo, ito ay hango sa salitang masigasig na ang ibig sabihin ay mayroong determinasyon. Naniniwala kasi ang pamilya Faustino na simula noong dumating si Bibo, mas lumakas ang sakahan. “Salamat sa iyong pagsama,” ani Laura. Napakamot sa ulo si Zefar. Tila may gusto siyang sabihin na may pumipigil sa isipan. Ilang saglit lang ay hindi na rin siya nakapagpigil pa. “Binibining Laura, yung tungkol sana kagabi. Hindi ko sinasadya,” Napatingin sa kanya ang dalaga. Hindi nito maintindihan sapagkat ang memorya ng kanyang katawan habang gamit ni Lira ay hindi maapuhap ng kanyang isipan. “Paalam,” dagdag pa ni Zefar at hindi na hinintay pang sumagot si Laura. Namumula ang kanyang mukha at halata rito ang labis na hiyang nararamdaman. Nagtungo na si Laura sa palikuran upang magbabad sa tubig. Mainit ang sikat ng araw sa balat, mas mabuting magpalamig na muna. Habang siya ay naroon, hindi maalis sa isipan ang sinabi ng binatang si Zefar. Matapos ang mahigit isang-oras, nagdesisyon na siyang magbihis sa silid. Habang naghahanap ng gamit, aksidente niyang nakapa ang isang tela na nakasabit, kasama ito sa kanyang mga damit. Dahil sa kuryosidad, kinuha niya ito at nagdamit muna bago siyasatin ang laman. Pagbuklat ay mayroong mga puting tela. Mayroon ding balahibo ng itim na kalapati, at isang maliit na bote ng pulang likido. Binuksan iyon ni Laura at wala namang amoy kung hindi isa lamang matapang na kemikal. Kumunot ang noo ni Laura, aanhin naman ni Lira ang ganito kung maaari naman gumamit ng iba pang materyal na sulatan?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD