KABANATA I

1667 Words
THIRD POV LUMAGANAP ang ikalawang digmaang pandaigdig. Dumating ang mga Hapones sa taong 1942, ito ang sumakop sa Pilipinas na nagtapos noong Abril 9, 1945. Maraming Pilipinong sundalo ang namatay dahil sa ginawang martsa na ginanap sa Bataan, lugar kung saan tumalsik ang dugo ng mga taong nag-alay ng buhay para sa bayan. Setyembre 03, 1945 noong idineklara ang pagsuko ng mananakop mula sa malagim na trahedyang naranasan ng maraming Pilipino. Ang masalimuot na pangayayari ay tinuring na malaking parte ng kasaysayan. Sa loob ng maraming taon, nagkaroon ng katahimikan sa lupain ng San Isidro na parte ng Bataan, at naging maganda ang pamamalakad ng kalakalan. Pangunahing kinabubuhay ng mga tao rito ay ang pagsasaka sa Hacienda de Asuncion, lupaing hindi maaaring ipagbili sapagkat sila ang nagbabayad ng buwis. Ang pamilya Asuncion naman ay tinaguriang tanyag sa larangan ng negosyo, sila ang nangangasiwa sa palitan ng produkto sa Maynila. Tahimik lamang ang probinsiya, masasaya ang bawat batang nagtatampisaw sa ulan habang ang kanilang mga magulang ay abala sa pagbuburda. Umaga pa lamang ay umaalis na ang mga kalalakihan upang magtungo sa hacienda upang maggapas ng palay, magtanim, at mag-araro. Masaya silang nagtatrabaho kahit sentimo lamang ang nakukuha. Ang makaraos sa pang-araw-araw ay ang tangi nilang hinahangad at hindi ang labis na karangyaan. Kasalukuyang naghahanda ang lahat upang ipagdiwang ang araw ng masaganang ani sa mayamang kalikasan. Ang lahat ay imbitado, lalo na’t naglalayong muling tumakbo bilang cabeza de barangay si Don Miguel, ang kaisa-isang tagapagmana ng kayamanang iniwan ng mga magulang nito. Marso 24, 1956 “LAURA!” Isang malakas na sigaw ang nakakuha sa atensiyon ng lahat noong marinig ang boses ni Doña Henrietta. Nagkagulo ang mga tagapagsilbi sa paghahanap kay Laura, ang itinuring na ikalawang anak ng mag-asawang Asuncion. “Ina, wala po si Laura sa kanyang silid,” malumanay na sagot ni Selestina, ang nakatatandang anak. Lalong nag-init sa galit ang mukha ng kanilang ina. “Tawagin mo ang mga tagapagbantay. Huwag babalik hangga’t hindi siya nakikita!” ma-awtoridad nitong utos bago bumaba para salubungin ang mga bisita. Napasapo na lamang sa ulo si Selestina dahil sa ginawang pagtakas ni Laura. Lumapit si Jenoah sa kanya, ang nakababata niyang kapatid. “Ate Selestina, ako na hahanap kay ate Laura. Ikaw na muna ang bahala rito,” paalam niya bago umalis. Tinignan munang mabuti ni Jenoah ang paligid kung mayroong sumunod bago pumasok sa sikretong lagusan, ito ay papunta sa malawak na bukiring pinapamahalaan ng kanilang pamilya. Hindi nga siya nagkamali, narito si Laura habang kausap sa ilalim ng puno ang lalaking magbibigay ng panganib sa kanyang kapatid. Simula pa noon, alam na ni Jenoah ang lihim na ginagawang pakikipagtagpo nito sa ginoong matalik na kaaway ng kanilang pamilya. Kahit may kutob siya sa relasyon ng dalawa, ngayon lamang niya ito napatunayan. Halos maestatwa sa kinatatayuan si laura noong makita siyang papalapit. “A-anong ginagawa mo rito?” kabado tanong ng dalaga. “Kanina ka pa ipinapahanap ni Ina. Ang lahat ay nagkakagulo sa pag-aalala sa’yo,” Napasapo naman agad sa noo si Laura. Tila nakalimutan niya ang oras noong nakasama na si Rafael, ang nag-iisang anak ng pamilya Santiago. Agad nagpaalam si Laura sa binata bago lumisan. Hinitak na rin niya ang kamay ng bunsong kapatid pauwi sa mansyon. “Pakiusap Jenoah, wala kang pagsasabihan sa anuman na iyong nakita. Hindi dapat malaman ng kahit sino ang iyong nasaksihan,” bilin nito. “Ate, alam mo ang mangyayari sa oras na malaman nila Ina ang bagay na ‘to. Isang malaking gulo ang inyong papasukin,” Hinawakan ni Laura ang kamay ng kapatid upang makiusap ‘pagkat walang ibang maaaring makaalam sa kanyang ginagawa. Siguradong kamumuhian siya ng kanyang mga magulang sa oras na malaman ang lihim niyang pagsasagawa ng kilos. Sasagot na sana si Jenoah ngunit natanawan niya ang humahangos, at naghahabol ng hiningang si Selestina. “Laura, pumasok ka na sa iyong silid,” Pinipilit nitong pigilin ang boses upang walang makarinig na tagasilbi ngunit ang tono niya ay may halong babala. Huli na ang lahat noong magtatanong pa si Laura, dumating ang kanilang ama na si Don Miguel. Mukhang pinipigilan din siya ng asawang si Doña Henrietta ngunit hindi man lang nagpatinag. Nakaramdam siya ng matinding takot sa hindi malamang dahilan. “Pumasok ka sa iyong silid,” matigas nitong sambit bago siya talikuran. Hindi man maintindihan ng dalaga, sumunod siya sa kanyang ama. Pagkasarado pa lamang ng pinto, isang malakas na sampal ang kanyang natamo. “Ikinahihiya kitang lubos!” sigaw ni Don Miguel. “Paano mo nagawang magtaksil sa sarili mong mga magulang? Ang pamilya Santiago, sila ang dahilan kung bakit tayo nawala rito sa San Isidro!” Tinignan siya ng matalim ni Laura. “Dahil ba totoo ang kanilang bintang na kayo ang pumaslang sa kanyang ama? Pinatay niyo si Don Emilio Santiago!” Sa pagsagot ng dalaga ay lalong nagdilim ang paningin ni Don Miguel. Sa pagkakataong iyon, napalakas ang sumunod na sampal. Napaupo siya sa sahig habang hawak ang namumulang pisngi. Pumasok na rin sa silid sina Doña Henrietta, Selestina, at Jenoah. “Hindi ko akalaing lalaki kang ganito, Laura. Sana bago mo sambitin ang paratang mo na lubos sa aking dumudurog, huwag mo kalimutang ako ang iyong ama,” sambit nito bago lumabas ng silid. Tinignan lamang siya ng kanilang ina bago tumalikod at nag-iwan ng matalim na tingin bago umalis. Maging si Selestina ay may pagkadismaya sa mukha, tanging si Jenoah lamang ang natira upang tulungan siyang gamutin ang pamumula ng kanyang pisngi. “Pabayaan mo na ako,” Agad umiling si Jenoah. “Hindi kita iiwan. Ang lahat ay nagkakamali at wala ako sa iyong posisyon upang husgahan ka,” wika niya bago kumuha ng gamot sa kabinet. Pakiramdam ni Laura, wala na siyang iba pang kakampi rito sa mansyon ng mga Asuncion. “Iwanan mo na ako,” muli niyang pakiusap at kinuha ang gamot sa kamay ng kapatid. Ayaw man umalis nito ay wala na ring nagawa kung hindi sumunod. Noong makitang walang tao sa labas, kumuha siya ng isang piraso ng puting papel. Gamit ang plumang mula sa balahibo ng manok at ang natitirang dagta ng dahon na hinaluan ng dinikdik na uling, isinulat niya ang isang liham para kay Rafael. “Mahal ko, nalaman na nila ang totoo. Ipagpatawad mo ang hindi ko na muna paglabas. Gagawa ako ng paraan, tutulungan kita. Mag-iingat ka sa iyong plano,” Matapos niyang sumulat ay agad tinalian ng puting laso at isinabit sa punong katabi ng bintana. Bago isarado ang kurtina, pinagmasdan niya ang mga bituin sa kalangitan at doon ay mayroong sunod-sunod na luha ang bumagsak mula sa kanyang mga mata. “Kahinaan ang papatay sa’yo!” Hinanap ni Laura kung saan nagmula ang boses na iyon. Umihip ang malakas na hangin, kasabay nito ang pagbuhos ng ulan. Bumalik na lamang siya sa higaan at mahigpit na niyakap ang unan. ***** Nagising si Laura mula sa sinag ng araw. Noong buksan niya ang bintana, may isang papel na nakaipit sa puno. Mayroong pulang tali kung kaya’t siguradong mula kay Rafael. Masaya niya iyong binuklat at agad binasa ang liham. “Salamat aking irog, hindi ko sasayangin ang ating nasimulan. Kailangan mong ibahin ang kanilang isipan upang mas mapapadali ang ating gagawin. Panandalian muna ako mawawala,” Nakaramdam ng matinding takot ang dalaga dahil sa mensaheng pagpapaalam ng kanyang nobyo. Hindi isang magandang pahiwatig ang nais nitong ipinarating. Mayroong biglang kumatok kung kaya’t agad niyang itinago ang sulat sa ilalim ng kama. “Binibining Laura, nakahain na po ang almusal. Pinapatawag na kayo,” magalang na sambit ni Rosa bago tumalikod, siya ay isa sa matagal nang naninilbihan sa pamilya Asuncion. Pumunta muna siyang palikuran upang maghilamos at mag-ayos ng buhok. Hindi sagot ang pagmumukmok upang magbigyan ng kasagutan ang mga katanungan sa kanyang isipan. Matapos mag-ayos, dumaretso na siya sa hapag upang makisabay ng salo-salo. Tahimik lamang ang paligid. Maging ang pagkain sa pinggan ay walang anumang kaluskos o tunog na maririnig. “Tapos na ako,” sambit ni Don Miguel noong susubo pa lamang si Laura. “Hindi ka man lang ba hihingi ng tawad sa ating Ama?” puno ng pagpipigil ni Selestina sa inis na nararamdaman. Sinalubong ni Laura ang nakaiinsultong tingin ng kapatid. “Hindi mo ako katulad na gagawin ang lahat para lamang maging paborito nila. Magkaiba tayo. Kailanman ay hindi ko nanaising maging katulad mo,” mapangutyang sagot ni Laura. “Isa kang—” Hindi na naituloy pa ni Selestina ang sasabihin dahil sa malakas na pagbagsak ng kutsarang hawak ng kanilang ina. “Kaunting respeto naman para sa grasya!” Parehas silang natahimik na magkapatid. Hindi na rin tinapos ni Selestina ang kinakain habang si Laura ay kalmadong itinuon na lamang ang sarili sa hapag-kainan. “Humingi ka ng tawad sa iyong Ama. Ipangako mong hindi ka na makikipagtagpo pa sa mga Santiago,” utos ni Doña Henrietta. Hindi na rin kumibo pa si Laura. Pagkatapos ng salo-salo, muli siyang pumasok ng silid at kinuha ang isang sulatan. “Ang kadiliman sa bayan ng San Isidro ay hindi mawawala hanggat may taong na sa likod ng maskarang nagtatago sa tunay nitong mukha,” Matapos sumulat, napatingin siya sa salamin. Ang isang maganda, mahinhin, at animo’y isang anghel na dalaga ay unti-unting nagbago ang anyo. Nanlilisik ang kanyang mga mata, mayroon din itong kakaibang ngiti na magbibigay takot sa makakakita. Ang Laura na nakikita ng maraming tao ay tila iba sa Laura na kasalukuyang na sa loob ng silid. “Hindi ka nila mahal, Laura. Isa ka lamang laruang pinaiikot sa kanilang kamay. Lumaban ka, ipakita mong mali sila tungkol sa’yo!” May kung anong bumubulong sa kanya. “M-mahal nila ako!” Napahawak na lamang siya sa ulo habang kinakausap ang sarili. Naguguluhan, hindi maapuhap ng kanyang isipan kung saan nagmumula ang tinig na iyon. Unti-unti na rin siyang napabagsak sa sahig hanggang tuluyang mawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD