“Baby?” naalimpungatan si Connor mula sa mahimbing na pagtulog nang hindi niya maramdaman ang presensiya ni Diana sa tabi niya.
Malakas na napaubo siya at pilit na bumangon sa kama.
Mahinang napaigik siya nang sumigid sa buong kalamnan niya ang matinding sakit. Hanggang ngayon ay nahihilo pa rin siya at masakit ang ulo niya. Hindi niya inakala na ang simpleng sinat niya kagabi ay mauuwi na sa trangkaso. Siguro ay dahil sa matinding pagod at nabasa pa siya ng ulan kahapon kaya siya nagkasakit.
Nang makarinig siya ng mga tinig na nag uusap mula sa labas ng silid ay tumayo na siya. Nanghihina man ang buong katawan ay pinilit niya ang sariling kumilos.
“Ang kapal ng mukha mo! Inalagaan ka namin ng mommy mo pero ito lang ang igaganti mo sa amin? Hindi mo man lang inisip ang magiging kapakanan ng pamilya mo dahil sa ginawa mo!”
Agad na bumaha ang pagtataka at kakaibang takot sa dibdib niya dahil sa narinig. Mariing hinawakan niya ang seradura ng pinto at halos magiba na iyon ng buksan niya.
“Diana!” parang sinuntok siya ng malakas sa dibdib nang makita ang pagsampal dito ng sariling ama.
Nadatnan niya ang buong pamilya ni Diana sa sala habang nagtatalo ang mga ito.
“Hinding hindi kita mapapatawad!”
Nahihilo man ay mabilis ang mga hakbang na nilapitan niya si Diana at mabilis na hinila ito palapit sa kaniya. Itinago niya ito sa bandang likuran niya at nanlilisik ang mga matang tiningnan niya ang daddy nito.
“Anong ginagawa ninyo dito? anong karapatan ninyo na saktan siya?” nangangalit ang mga ngipin na asik niya.
“Connor, makinig ka sa amin, nilalason lang ni Diana ang utak mo. Malaki ang inggit niya sa akin kaya niya nagawa ito!” nilapitan siya ni Hasmine at hinawakan sa kanang braso. Pumiksi siya at matalim ang tingin na ibinigay niya sa babae.
“Wala akong oras para pakinggan ang mga sasabihin ninyo!”
“Connor!” nanginginig ang tinig na pagtawag ni Diana sa kaniya.
Hinarap niya ito at buong pag aalalang hinaplos niya ang mga pisngi nito. Nagsikip ang dibdib niya nang makita ang namumulang pisngi nito.
“Aalis tayo dito ngayon din! Hindi ka nila pwedeng bawiin sa akin.”
Napailing ito at punong puno ng takot ang mga mata na pinagmasdan siya.
“Diana, halika na, kailangan na natin umalis!” mariing wika ng daddy nito na mahigpit na tinutulan naman niya.
“No! kung may dapat man na umalis dito ay kayo iyon. Kahit anong mangyari ay hindi ko ibabalik sa inyo si Diana.”
“Idiot!” asik ni Hasmine sa kaniya. Hindi niya pinansin ang sinabi nito at muling sumulyap siya kay Diana. Pinahid niya ang mga luhang lumandas sa pisngi nito.
“S-sasama na ako sa kanila....” mahinang anas nito at nag iwas ng tingin sa kaniya.
Pakiramdam ni Connor ay pinagsakluban siya ng langit dahil sa narinig. Parang literal na tumigil sa pagtibok ang puso niya nang makita ang determinasyon sa buong mukha ni Diana.
“No…no…” paulit ulit na anas niya at nalilitong naisuklay ang mga daliri sa buhok niya. Gusto niyang sabunutan ang sarili ng mga sandaling iyon.
Ilan beses niyang nahiling na sana ay isang masamang panaginip lamg ang lahat.
“S-sabihin mong nagbibiro ka lang..”
“C-connor..tama na..pagod na pagod na ako.”
"Bullshit!” kusang tumulo ang mga luha niya at malakas na napamura. Nagimbal siya nang bumukas ang pinto sa sala at iniluwa niyon ang mga magulang at lolo niya.
“Connor, anak!” nilapitan siya ng mommy niya at umiiyak na niyakap siya nito ng mahigpit.
“M-mom..” hindi makapaniwalang sinulyapan niya ang daddy at lolo niya.
“Tinawagan ko sila para sunduin ka na.” paliwanag ni Diana.
“Anong ibig mong sabihin?” magkasalubong ang mga kilay na nilingon niya si Diana.
Tila may malaking bato na dumagan sa dibdib niya dahil bigla ay nahirapan na siyang huminga habang pinipigilan niya ang sariling umiyak.
Marahas na napabuntong hininga si Diana at pilit na nagpumiglas nang hawakan niya ito sa magkabilang braso.
“Napapagod na ako sa ganitong buhay, ayoko nang makatikim ng hirap. Kung hindi mo naman pala ako kayang bigyan ng magandang buhay, dapat noong una pa lang ay hindi na ako sumama sa'yo.”
“D-diana..” nagsisikip ang dibdib na anas niya. Hindi siya makapaniwala na maririnig niya ang masakit na mga salitang iyon mula dito. “Hindi totoo yan!” malakas na sigaw niya. “Nagsisinungaling ka lang dahil tinatakot ka nila!”
“Totoo ang sinabi ng kapatid ko, Connor. Tinawagan niya si mommy kanina para ipasundo kayong dalawa.” dagdag pa ni Hasmine.
“Let’s go.” sabi ng daddy niya at pilit na pinigilan siya sa isang braso.
“Ayoko! hindi ako sasama sa inyo!”
Sumenyas ito sa mga tauhan nito mula sa labas ng bahay nang marinig ang sinabi niya. Iglap lang ay pinalibutan na siya ng mga tauhan ng daddy niya at mahigpit na hinawakan siya ng mga ito sa balikat at kamay.
Dahil nanghihina pa ang katawan niya ay hindi niya magawang lumaban.
“Diana! Huwag kang umalis, please! huwag mo akong iwan! Mahal kita!” tuluyan na siyang napaiyak dahil sa matinding sakit na bumalot sa dibdib niya nang talikuran siya nito.
“Tapos na tayo, Connor. Tama ang sinabi ni Ate Hasmine. Ginamit lang kita dahil naiinggit ako sa kaniya. Siya ang magaling sa aming dalawa, siya ang tinitingala ng lahat. Kaya ako pumayag na sumama sa'yo ay dahil gusto kong makuha ang atensiyon ng pamilya ko. Gusto ko na kahit isang beses lang ay matalo ko ang kapatid ko.”
Naikuyom niya ang mga palad at pilit na nagpumiglas mula sa pagkapit sa kaniya ng mga tauhan ng daddy niya.
“Hindi totoo yan! mahal mo ako, alam kong mahal mo ako!”
“Tama na!” umiiyak na sigaw ni Diana. Hindi na ito nag abalang lingunin pa siya at mabilis ang mga hakbang na umalis na.
“Diana!” paulit ulit na tinawag niya ito.
Nang muli siyang makaramdam nang pagkahilo ay naipikit niya ang mga mata at tuluyan nang nagdilim ang paningin niya.