1
"Diana."
Mula sa binabasang libro ay napilitan mag angat ng tingin si Diana. Bahagya lamang niyang tinanguan ang kaibigan niyang si Nadine bago ibinalik ang atensiyon sa pagbabasa. Napapalatak ito at tumabi nang upo sa kaniya, sa mahabang bench sa labas ng locker room.
"Diyos ko naman, friend, anong oras na pero nagmumukmok ka pa rin dito. Baka naman gusto mong kumain?"
Napalabi siya at hindi pinansin ang sinabi nito. Apat na page na lang ay matatapos na niya ang libro. Pagkalipas ng ilan pang minuto ay pinahid niya ang mga luha at sumulyap kay Nadine.
"Diana Shane!" naiiling na tawag nito sa buong pangalan niya nang mapansin ang pag iyak niya. "Ikaw lang ang kilala ko na umiiyak sa tuwing nagbabasa ng libro."
"Kasi naman eh," napakagat labi siya. Siguro ay malambot lang talaga ang puso niya kaya hindi niya mapigilan na mapaiyak habang nagbabasa. Napapalatak naman si Nadine at dumukot ng tissue mula sa loob ng bag nito at iniabot iyon sa kaniya.
"Malayong malayo ka talaga sa ate Hasmine mo, noh? ang ate mo kasi puro bar hopping at shopping lang ang ginagawa."
Malungkot na ngumiti siya at nang mapansin iyon ni Nadine ay hindi nito mapigilan ang matawa.
"Bakit?" nagtatakang tanong naman niya.
"Hindi bagay sa'yo ang ganiyan na pagkatapos mo'ng umiyak ay matatawa ka naman. Adik lang? at saka, ikaw talagang babae ka, mas pinili mo pa na magbasa ng libro dito sa labas ng locker room, sa halip na hubarin mo na 'yan costume mo."
Natawa siya sa sinabi ni Nadine. Simula unang taon sa kolehiyo ay naging matalik na magkaibigan na sila. Kagaya niya ay Culinary Arts din ang kinukuha nitong kurso at isang taon na lang ay makakapagtapos na sila.
"Hindi naman ako nerd!" angal niya.
Alam niya na iyon ang sunod na sasabihin ni Nadine kaya inunahan na niya ito. Pasimpleng kinamot niya ng isang kamay ang kaliwang pisngi nang maramdaman ang biglang pangangati niyon. Makapal ang inilagay na make up sa kaniya kanina para sa party na ginanap sa isang middle class Restaurant kung saan idinaos ang birthday party ng pinsan ni Nadine.
Marami siyang raket at isa na doon ang pagiging clown. Kaya nang alukin siya ni Nadine na maging clown sa birthday party ng pinsan nito ay hindi siya tumanggi. Gusto niyang kumita sa sarili niyang diskarte kahit hindi alam ng mga magulang niya ang pagkakaroon niya ng part time job.
"Hindi ka naman talaga nerd, Diana. Ang totoo niyan kung hindi mo lang sana itinatago ang magandang katawan mo sa mga simpleng blouse at pants, naku! tiyak na taob ang ate Hasmine mo."
May punto naman ang sinabi ni Nadine. Hindi siya matatawag na nerd dahil hindi naman siya kagaya ng ibang schoolmate nila na matalino at nagsusunog ng kilay sa pag aaral. Simpleng estudyante lang siya na ang pangarap ay makapagtapos at makapagpatayo ng sariling bakeshop.
Hind siya matalino na katulad ng ate Hasmine niya. Kung ikukumpara siya sa panganay na kapatid ay para lang siyang isang maliit na bato, samantalang ito ay isang kumikinang na perlas.
Simula pagkabata ay hindi siya naging malapit sa kapatid niya. Maraming beses niyang sinubukan na lumapit rito dahil naniniwala siya na ito lang ang pwede niyang maging kakampi maliban sa mga magulang nila. Dalawa lang silang magkapatid kaya hindi siya nawalan ng pag asa noong una na abutin ito.
Pero kahit siguro ano pang gawin niya ay nakatatak na sa isip ng panganay niyang kapatid na kailanman ay hindi sila pwedeng maging magkasundo. Siguro ay ikinakahiya rin siya nito kagaya ng daddy nila.
Nagsikip ang dibdib niya kaya malalim na napabuga siya ng hangin para kalmahin ang sarili. Ganoon ang madalas na reaksiyon niya sa tuwing maaalala niya ang malamig na pakikitungo sa kaniya ng ama.
Ang ate Hasmine niya ang paborito ng daddy nila dahil maliban sa maganda ay matalino rin ito. Madalas sabihin ng iba na ang kapatid niya ang nagmana sa daddy nila at matagal na niyang tanggap ang bagay na iyon. Hindi siya katulad ng kapatid na humahakot ng medalya at nagbibilang ng achievements.
Siya lang si Diana. Isang hamak na bunsong anak na naghahanap ng atensiyon ng mga magulang at kapatid niya. Kaya lang ay imposible niyang makuha ang gusto niya mula sa pamilya. Daig pa niya ang flower vase sa mansiyon kung itrato siya ng mga ito.
Mas lalo pang kumapal ang pader sa pagitan niya at ng pamilya niya nang tanggihan niya ang kursong gusto ng ama para sa kaniya. Culinary Arts ang kinuha niyang kurso dahil pakiramdam niya ay ang pagluluto lang ang talento na maaari niyang maipagmalaki.
Malayong malayo iyon sa kursong Commerce na natapos ng kapatid niya. Dalawang beses na-accelerate si Hasmine noong nag aaral pa sila sa high school. Isang taon pagkatapos nitong makagradute sa kolehiyo ay pinagbigyan ito ng daddy nila nang sabihin nito na gusto na muna nitong magfocus sa pagiging modelo.
Eighteen na siya at dalawang taon lang ang tanda sa kaniya ni Hasmine. Ang kapatid niya ang tipo ng estudyante na kahit hindi magpuyat sa pagrereview ay nakakakuha naman ng mataas na grades. Gifted child si Hasmine at nahihirapan siyang sundan ang yapak nito kaya mas mabuti pa na ihiwalay na lang niya ang sarili sa anino nito. Iyon ang natutunan niya pagkatapos siyang mabigo na gibain ang pader sa pagitan nilang dalawa.
"Anak mayaman ka pero nagagawa mong makihalubilo sa mga kagaya kong poorita. Tingnan mo nga, ni wala kang suot kahit isang pirasong alahas sa katawan mo."
"Sabi ko naman sa'yo, Nads, mas komportable akong kasama ka kaysa sa iba." giit ni Diana. Tumayo na siya at basta na lang isinuksok ang libro sa loob ng backpack niya. Kailangan na niyang magbihis at maghilamos dahil tiyak na mapapagalitan siya ng mommy niya kapag hindi siya umuwi ng maaga.
"Ibang iba ka, my friend. Ang tita ko nga nakalanghap lang ng kaunting simoy ng aircon ay naging mayabang na." sabi ni Nadine. Natawa siya sa sinabi nito. Ang tiyahin nito ang ina ng batang nagcelebrate ng kaarawan ngayon.
"Ang sama mo." sabi na lang niya at tinungo ang pinto ng locker room.
Aktong pipihitin na niya ang seradura ng pinto nang marinig niyang tumunog ang cellphone sa loob ng bag niya. Nang kunin niya ang cellphone at makita ang pangalan ng mommy niya sa screen ay agad na sinagot niya ang tawag.
"Mommy, hindi mo na ako kailangang tawagan pa. Pauwi na po ako." sabi niya sa ina.
"Diana Shane! umuwi ka ngayon din! Naglayas ang ate Hasmine mo!" nanginginig ang tinig at parang kagagaling lang sa pag iyak na sabi ng mommy niya sa kabilang linya.
"Po?" humigpit ang paghawak niya sa aparato at halos madurog na iyon sa mga kamay niya.
Bigla ay nagsikip ang dibdib niya at nahirapan siyang huminga. Bakit ba pakiramdam niya ay mayroong hindi mangyayaring maganda sa kaniya ngayon na naglayas ang kapatid niya?