Maaga akong pumasok sa Losyl Academy upang maiwasan kong makita si Simon o ang mga ka-grupo nito.
Uminom pa muna ako ng gamot upang mabawasan ang hilong nararamdaman ko gawa ng pagkapuyat.
Nakapagtataka ngang hindi ako pinagalitan nina Mama at Papa dahil sa pag-uwi ko ng late sa bahay. Bagkus ay malambing pa akong kinausap ng ina ko tungkol doon.
Marahil nga ay totoo ang sinabi ni Simon na ipinagpaalam niya na ako sa mga magulang ko, kaya naman wala na rin masyadong maraming tanong ang mga ito sa'kin nang maka-uwi ako ng bahay.
Nakahinga ako nang maluwag ng 'di ko nakita o nakasalubong man lang si Simon habang papunta sa silid aralan.
Diretso akong umupo sa silya saka inumpisahang gawin ang mga assignment kong 'di nagawa kahapon.
Matining na ingay ng ring ng bell ang maririnig sa buong paligid ng paaralan kasunod nang pagpasok ng aming guro.
"Good morning, Class!" bati sa amin nito.
"Good morning, Sir!" ganting bati naman namin sa aming guro.
"Okay... So let's start the class by reading your biology bo-..." Naputol ang anumang sasabihin ni Sir nang pumasok mula sa pintuan si Simon kasama ang dalawang lalaking kagrupo nito.
"G-good morning, Mr. Villaforte! What can I do for you?" kandautal na bati ng guro namin kay Simon.
Nataranta bigla ang guro namin sa pagdating ng presensiya ni Simon at panay na ang punas ng pawis nito sa kaniyang mukha.
"I'm going to attend your class, Sir," walang kaabog-abog na tugon ng binata.
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig na sinabi nito.
" I see..." manghang bulalas ng aming guro.
"Feel free, Mr. Villaforte. Have a seat!" Itinuro pa ni Sir ang mga bakanteng upuan kay Simon.
Kinabahan ako nang humakbang si Simon papunta sa bandang gawi ko at umupo ito sa may katabi kong bakanteng silya. Lalo pang nadagdagan ang kaba ko nang tumingin ito sa akin at nakakalokong ngumiti ito.
Ang dalawa naman nitong kasama ay umupo malayo sa aming dalawa.
"Diyos ko, umiwas na nga po ako sa kanila pero pilit pa rin nila akong sinusundan," piping dalangin ko.
"Ano'ng sinasabi mo?" Nagulat ako nang tapikin ni Simon ang aking balikat.
"Ha? Wala naman akong sinasabi," maang kong anas sa kaniya.
"Marunong bang magbasa ng isip 'to?" piping tanong ko sa isipan.
"Oo!" sagot naman sa akin ni Simon.
"Ewan ko sa'yo!" paismid kong turan sa binata saka binuklat ko ang librong pinapabasa ni Sir.
Tumahimik naman ito at 'di na ako ginulo pa. Tinawag ako ni Sir upang mag-recitation sa harapan ng klase.
Nang makatayo na ako sa harapan ng klase ay nakaramdam ako ng kakaibang pagkaasiwa. Nailang ako gawa nang matiim na titig sa akin ni Simon, kung kaya nadi-distract ako sa aking recitation.
"Are you okay, Ms. Medina? Ba't parang namumutla ka?" tanong sa akin ni Sir nang mapansin siguro nito ang 'di mapakaling paggalaw ng aking katawan.
"Pasensiya na po Sir, nakalimutan ko po kasi ang tungkol sa ire-recite ko," hinging paumanhin ko sa guro.
"It's okay! Have a seat, Ms. Medina," tugon naman sa akin ni Sir.
Mabilis akong bumalik sa kinauupuan ko saka kinuha ang baunang tubig upang uminom. Pagkatapos kong uminom ay inagaw sa akin ni Simon mula sa kamay ko ang baunang tubig.
"Akin na 'yan!" inis kong wika sa binata.
Hindi ito kumibo bagkus ay isinubo lamang nito ang jug sa kaniyang bibig kung saan ako banda uminom.
Nanlaki ang mga mata ko nang dumilap pa ito sa ibabang bahagi ng kaniyang labi na tila sarap na sarap sa ininom na tubig. Naiinis na inagaw ko mula sa kaniyang mga kamay ang jug.
"Mayaman ka tapos wala kang pambili ng baunan ng tubig," bubulong-bulong kong turan sa binata.
"Mas gusto kong inumin ang laway mo," nakakalokong wika nito.
Nasamid naman ako sa nakakaeskandalong pahayag nito.
"Kadiri ka talaga!" diring-diring wika ko.
Hahawakan sana nito ang braso ko ng biglang tumunog ang bell.
Mabilis kong inayos ang mga gamit ko upang makalabas agad mula sa loob ng silid aralan. Katatayo ko pa lamang nang hilahin ako sa braso ni Simon.
"Ano ba, Simon? Saan mo na naman ba ako dadalhin?" matapang kong turan sa kaniya.
"Hindi pa tapos ang parusa mo, baka nakakalimutan mo na?!" sagot naman nito sa'kin na patuloy lamang sa pagkaladkad.
"Susmaryosep, Simon! Ikinulong mo na nga ako lahat. Gabi mo na rin pinauwi, tapos sasabihin mo hindi pa rin tapos ang parusa ko," sagot ko naman sa kaniya.
"Wala pa akong parusang iginagawad sa'yo sa mga sinasabi mo," ani naman nito.
Gusto kong maiyak ng mga sandaling iyon. Parang gusto ko na ring pagsisihan ang pagpasok sa Losyl Academy dahil sa mga katulad ni Simon.
"Diyos ko, gusto ko lang naman pong mag-aral. Pero, bakit may mga kasamang bw*sit po?! piping dalangin ko.
Pagdating namin sa lumang building kung saan ako nagtago at nakulong ni Simon ay inabot sa akin nito ang susi ng pinto.
"Buksan mo ang pinto!" utos sa'kin nito.
"Ikaw na may hawak ng susi, iuutos mo pa sa akin ang pagbukas," pareklamong tugon ko naman sa kaniya.
"Ikaw ang magbukas ng pinto at baka takasan mo pa ako." Kinuha nito ang mga gamit ko na hawak.
"As if naman makakatakas ako sa tulad mong unggoy," bulong ko naman sa sarili.
"What did you say?" tanong sa'kin nito.
"Wala!" Padabog kong kinuha ang susi saka sinusian ko ang doorknob ng pinto upang bumukas iyon.
"May lahi ba kayong unggoy?" wala sa loob kong tanong sa binata dala ng sobrang inis na nararamdaman ko.
"Sa gwapo kong ito, mukha ba akong may lahing unggoy?" sagot naman nito.
Binuksan ko ang pinto. Itinulak naman ako nito papasok sa loob ng 'di ako gumalaw sa pagkakatayo sa may pintuan.
"Wala ka ngang lahing unggoy pero para ka namang unggoy sa bilis mong manambang ng tao," naiiling kong saad kay Simon sabay upo sa sofang naroon.
Dumukwang ito sa aking harapan saka mariing pinisil nito ang ilalim ng baba ko. "Hinuhuli ko talaga ang mga taong may atraso sa akin."
"W-wala akong atraso sa'yo!" utal kong sagot sa kaniya.
"Iyon ang akala mo!" Muli nitong pinisil ang ilalim ng baba ko saka tumayo ito ng tuwid sa aking harapan.
"Linisin mo ang buong silid na 'to. Iyan ang parusa mo sa ginawa mong pangingialam," pahayag sa'kin nito saka humakbang ito patungo sa may pinto.
"Pero may klase pa ako, Simon!" sansala ko sa kaniyag sinabi.
"Don't mind your class. Makakapasa ka pa rin kahit hindi mo pasukan iyon. Sa akin ka dapat matakot oras na hindi ka sumunod," matigas nitong wika saka humakbang na ito palabas ng pintuan.
Naiwan naman akong mag-isa sa loob ng silid na 'yon.