Chapter 1
Nilibot ko ng tingin ang buong paligid ng Losyl Academy, malaki at malawak ito. Mayroong magkaka-ibang building para sa Elementary, Junior High, Senior High at College level.
Isang exclusive school ang Losyl Academy sa aming lugar kung kaya naman marami ang naghahangad na makapasok dito.
Kapag graduate ka kasi sa eskwelahang ito ay mabilis kang matatanggap sa trabaho. ‘Ika nga nila, dekalidad ang mga turo rito kahit mahal ang tuition fee!
Nang una ay ayaw pumayag ni Mama na mag-aral ako rito dahil sa mahal daw ng tuition fee. Naalala ko pa kung paano sila nag-react nang sabihin ko sa kanila na dito ko gustong mag-aral ng kolehiyo.
“Pa, Ma, sa Losyl Academy ko po gustong magkolehiyo,” sabi ko sa kanila habang nanonood ang mga ‘to ng isang noon time show.
“Ano?!” bulalas ni Mama.
“Alam mo bang sinasabi mo, Carla?!” asik pa niya sa’kin.
“Ma, sige na please…” Pakiusap ko pa at lumuhod sa kaniyang harapan.
“Tigilan mo nga ako sa mga ganiyang drama mo, Carla,” galit na saway ni Mama sa’kin.
“Ba’t doon mo naman naisipang mag-aral?” naiiling na tanong naman ni Papa.
“Maganda po kasi ang credentials ng Losyl Academy at mas mabilis po akong magkakaroon ng trabaho kapag doon po ako maka-graduate.” Paliwanag ko sa kanila.
“Doon mo pa talaga napiling mag-aral gayong pagkamahal-mahal ng tuition fee sa eskwelahang ‘yon!” galit pa ring saad ni Mama.
“Mag-a-apply po ako ng scholarship para mabawasan ang babayaran natin sa tuition fee.” Pangungumbinsi ko naman sa kanila.
“O siya, siguraduhin mo lang na tatapusin mo ang iyong pag-aaral. Ayaw ko nang papalit-palit ka ng kurso dahil sayang ang taon.” Naiiling na tumayo si Papa mula sa pagkakaupo sa sofa.
“Opo! Pangako!” Mabilis na tumayo ako mula sa pagkakaluhod at humalik sa pisngi nito, “Salamat Pa!”
“At siguruhin mo ring makakapasa ka sa scholarship,” sabad naman ni Mama.
“Opo, ipapasa ko po iyon! Promise!” nakangiti kong sabi at itinaas ang aking kanang kamay na tila nanunumpa sa kanila.
Naiiling na tumalikod si Papa sa amin at humakbang na ito paakyat ng hagdan. Pumasok naman si Mama sa kusina upang abalahin ang kaniyang sarili sa paghuhugas ng aming mga pinagkainan.
“F*ck!” dinig kong mura ng isang baritonong boses na siyang nagpabalik sa aking diwa.
Napanganga ako nang sa'king paglingon ay makita ang isang matangkad na lalaki. Matangos ang ilong at mapula ang labi. Makakapal ang mga kilay na siyang lalong nagbigay kagwapuhan sa mukha nito.
“Miss, ‘wag kang tat*nga-t*nga sa daan!” bulyaw niya sa’kin.
Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ang sinabi nito.
“Hindi ko sinasadya,” nakayukong dispensa ko.
“Alam mo bang pinarurusahan ko ang mga taong t*nga tulad mo?” Madiing pinisil nito ang aking balikat.
“Pasensiya na talaga!” nakangiwing sagot ko sa kaniya dahil nasasaktan na rin ako sa pagpisil nito sa'king balikat.
Pinagtitinginan na kami ng ibang mga estudyante sa'ming paligid. Kaya pinilit kong magpumiglas mula sa kaniyang pagkakapisil sa aking balikat at mabilis kong tinalikuran ito.
“Gwapo nga, nuknukan naman ng sungit!” bubulong-bulong kong saad sa sarili.
Kung tutuusin ay ako naman talaga ang may kasalanan dahil hindi ko tinitingnan ang nilalakaran dahil nga sa naging abala ang aking isipan sa pagbabalik-tanaw.
Dahil sa nangyaring engkwentro namin nang masungit na lalaking ‘yon ay na-late tuloy ako nang pasok sa first subject.
“Bw*sit na lalaking ‘yon!” impit kong tili sa aking isipan. “Bw*sit talaga siya!”
“Miss Medina, it’s your turn! Tell us about yourself.” Tawag ng professor namin ang pumukaw sa aking pansin.
Alumpihit akong tumayo sa harapan ng klase at kinakabahang nagpakilala sa kanila.
Pagkatapos ng klase ay dumiretso ako ng library. Hilig ko kasi ang pagbabasa ng mga libro at mas gusto kong binabasa ito sa library mismo. Bukod sa tahimik ang lugar na iyon ay mas nai-imagine kong maige ang kwento na para bagang kasali ako sa mga tauhan sa kwento.
May pumasok na grupo ng mga kalalakihan. Pumalibot ang mga ito sa isang mesa at panay ang kanilang hiyawan at tawanan.
Napansin kong hindi sila sinisita ng mga guro at bantay patrol kahit pa nga napakaingay ng mga ito at nakabubulahaw na sa ibang mga estudyante na naroon.
Dahil hindi ako makapag-concentrate sa aking binabasa, tumayo ako at nilapitan ang mga ito.
“Excuse me, pwede bang ‘wag kayong maingay. Nasa library po kayo at wala sa palengke,” mataray kong sabi sa kanila.
Tumingin ang grupo sa'kin at sabay-sabay na nagtawanan ang mga ito.
“Ang tapang niya!” narinig kong sabi ng isang lalaki sa grupo at nagtawanan silang muli.
Tinaasan ko ng kilay ang mga ito. Akmang tatalikod na ako nang maramdaman ang matigas na bahagi ng librong tumama sa aking balikat. Tiningnan ko kung sino ang nagbato ng librong iyon at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang masungit na lalaking naka-engkwentro kaninang umaga.
“Ikaw!?” manghang sabi ko.
Nginisihan niya ako at pinitik ang kaniyang daliri sa hangin. Tumayo ang mga lalaking nakaupo sa mesa at hinawakan nila ang magkabilang braso ko. Dinala nila ako sa masungit na lalaki at pinaupo sa tabi nito.
“Kung kanina ay nakaligtas ka sa parusa ko, sisiguraduhin kong hindi na mangyayari ‘yon ngayon.” Hinawakan niya ang pisngi ko at madiing pinisil-pisil iyon.
Nagtawanan naman ang mga kasamahan nitong nakapalibot sa aming dalawa.
“Dalhin niyo siya sa hide-out upang magtanda,” utos nito sa mga kasamahan.
Napasinghap naman ang mga guro at bantay patrol sa kanilang narinig.
“Anong gagawin ninyo sa akin?” matapang kong tanong sa kanila kahit pa nga nakakaramdam na ako ng takot.
“Bibigyan ka lang ni Boss ng tanda, Miss!” sagot ng payat na lalaki sa kaniyang tabi.
"Masyado ka kasing matapang,” nakangisi namang sabi ng matabang lalaki sa bandang kaliwa.
Nakaramdam ako ng kaba ngunit ‘di ko ito ipinahalata sa kanila. Piniringan nila ang mga mata ko at kinaladkad palakad patungo sa kung saan.
“Ang bango naman niya, Tol,” dinig kong sabi ng isang lalaki.
“Arborin na lang kaya natin ‘to kay Boss?” sabi naman ng isa pa.
“Oo nga, ang sexy pa naman niya.” At may biglang humawak sa aking baywang.
“Bastos!” asik ko sa ‘di nakikitang mga lalaki.
Nagtawanan ang mga ‘to. Nagpumiglas ako sa pagkakahawak nila ngunit mas lalo lang nilang hinigpitan ang paghawak sa aking braso.
“Hoy kayo! Tigilan ninyo ‘yang pananantsing sa kaniya kundi malilintikan kayo kay Boss,” sabi ng isa sa kanila.
“Hindi pa nga nagsasawa si Boss sa kaniya, gusto niyo nang sakmalin agad,” natatawang sambit ng isa pa sa kanila.
Napalunok ako ng laway nang paulit-ulit dahil sa mga narinig. Bigla akong kinilabutan at pinagpawisan ng malapot.
“Diyos ko, iligtas Mo po ako sa kanila!” nahihintakutang dalangin ko sa isipan.