Bigla kaming huminto sa paglalakad. Narinig ko ang pagbukas ng pinto at muli nila akong kinaladkad papunta sa kung saan.
Nang mahinto kami ay itinaas nila ang aking mga kamay at naramdaman kong itinali nila ito sa isang matigas na bagay.
“Parang awa niyo na… Uuwi na po ako!” At ‘di ko na napigilang tumulo ang mga luha ko.
“Tol, umiyak si Miss Ganda.” Nagtawanan silang lahat ngunit bigla ring nahinto nang malakas na kumalabog ang pinto.
“Boss, nagmamakaawang pauwiin natin siya,” rinig kong sabi ng isa sa kanila.
Narinig ko ang papalapit na yabag sa kinaroroonan ko at hinawakan ang aking pisngi nang may panggigigil. Pakiramdam ko ay mamamaga ang pisngi ko sa paraan nang pagkakahawak nito.
“Pakiusap…” humihikbing sambit ko.
“Walang uuwi nang hindi napaparusahan,” saad nito.
Naalala kong hindi nakatali ang aking mga paa kaya mabilis kong iniigkas pataas ang isang tuhod ko. May tinamaan ako na kung ano at narinig ko ang malakas na pagsinghap ng mga taong nasa paligid namin.
“P*tang-i*a!” Malutong na mura nito.
Sinampal niya ako nang malakas at pakiramdam ko ay tumabingi rin ang aking mukha. Nalasahan ko ang sariling dugo sa aking labi dahil sa nakagat ko 'to sa lakas nang pagkakasampal niya sa’kin.
Nawala lahat ng tapang ko sa katawan at naramdaman ko ang panginginig ng aking mga tuhod. Kung hindi lang siguro ako nakatali ay malamang humandusay na ako sa sahig.
“Dugo…” nahihintakutang usal ko at biglang nagdilim ang lahat sa aking paligid.
=================
Nagising ako sa mahinang pagyugyog sa akin. Pagdilat ko ng mga mata ay nasa loob na ulit ako ng library at mukha ng mga bantay patrol doon ang sumalubong sa’kin.
“Miss, okay ka lang ba? Ano’ng ginawa nila sa’yo? May masakit ba sa’yo?” sunod-sunod na tanong nila.
Sunod-sunod na iling din ang aking ginawa. Sinampal ako at ‘yon ang huling naalala kong ginawa sa’kin. Nasapo ko ang noo.
“Mae, mabuti pa ay samahan mo muna siyang umuwi sa kanila,” sabi ng isang guro na ‘di namin namalayang nakalapit na pala.
Tumango naman dito ang tinawag na si Mae at inalalayan akong tumayo. Binitbit nito ang ibang mga gamit ko at nagsimula kaming maglakad palabas ng library.
“Grabe ka, ang tapang mong sumagot sa grupo nila Simon.” Sinulyapan niya ako at muling itinuon ang pansin sa daanan habang nakaalalay pa rin ito sa aking paglalakad.
“Sino si Simon?” balik tanong ko naman sa kaniya.
“Si Simon Villaforte, ang siyang pinuno ng grupong sinita mo sa library kanina. Mga malulupit at masasamang tao sila sa grupo na ‘yon. Binu-bully nila ang lahat ng mga estudyante at gurong mapag-trip-an nila. Wala yatang hindi umiyak sa kanila kahit pa nga ang mismong prinsipal ng Losyl Academy ay nakatikim din ng lupit nila!” Mahabang kwento ni Mae.
“Eh bakit sila pumapayag na gawin ni Simon iyon?” muling tanong ko sa kaniya.
"Dahil si Simon Villaforte, lang naman ang nag-iisang anak ng may-ari ng Losyl Academy,” saad nito at bahagyang huminto pa sa paglalakad.
“Kaya ikaw, kung gusto mong tumagal sa eskwelahang ito at manatili ang scholarship mo… Iwasan mong lumapit sa grupong ‘yon lalo na kay Simon.” Pangangaral pa ni Mae sa’kin.
Tumango naman ako bilang tugon dito. Pagdating sa sakayan ng jeep ay pinauwi ko na si Mae. Tumanggi na akong magpahatid sa kaniya hanggang bahay dahil nahiya rin naman ako at sobrang abala ko na sa kaniya.
Nagpaalam na rin ito sa akin nang masigurong kaya ko nang umuwi. Ramdam ko pa rin ang pagkahilo dala nang malakas na sampal sa’kin. Hinawakan ko ang pisngi at parang namamaga na nga ito.
Nagpara na lamang ako ng taxi at sinabi sa taxi driver ang address ng bahay namin upang magpahatid doon.
Mula nang mangyari ‘yon ay iniwasan ko nang lumabas ng silid aralan. Maliban na lamang kung oras nang uwian. Nag-request din ako kay Mama na pabaunan na lang ako ng pagkain. Nagtataka man ay nagkibit balikat na lamang ito. Mabuti nga raw ‘yon at bawas sa baon kong pera na siya nga niyang ginawa.
Hindi na rin muna ako nagpupunta ng library lalo na kung hindi rin naman kinakailangan. Napag-alaman ko kasing doon madalas tumatambay ang grupo ni Simon.
“Gwapo nga, ang sama naman ng ugali!” ani ko sa isipan nang maalala ang ginawa ni Simon sa’kin.
Nakarinig ako nang malakas na hiyawan mula sa labas ng aming silid aralan. Tinanong ko ang isang kaklase at ang sagot niya ay may bagong estudyante raw na pinagti-trip-an ang grupo nila Simon.
Lumabas ako ng silid aralan upang silipin ang mga kaganapan. Nakisiksik ako sa mga nagkukumpulang estudyante at nakita kong may nakaluhod na isang babaeng estudyante sa lupa. Nakapiring ang mga mata nito kagaya nang ginawa nila sa’kin. Basang-basa ito ng pawis at puro putik na rin ang suot na uniporme.
“P-parang awa niyo na… ‘Di ko na uulitin iyon,” Pakiusap ng babaeng estudyante.
“Sa susunod kasi Miss, pumili ka nang lalandiin. H’wag si Boss at ‘di mo madadala ‘yon sa mga panlalandi mo.” At nagtawanan ang grupo.
“P-parang awa mo na Simon…” Pagsusumamong muli ng babaeng estudyante kahit wala naman sa kaniyang harapan ang binanggit na tao.
Sumulpot si Simon mula sa kung saan. Sinabunutan niya ang buhok ng babae at inginudngod ang mukha nito sa lupa. Pag-angat niya sa ulo ng babaeng estudyante ay puro na ito sugat at halos dumudugo na rin ang ibang parte ng mukha partikular na ang bandang labi nito.
Naawa naman ako sa babaeng estudyante kaya dinampot ko ang batong inaapakan at ibinato ito kay Simon. Tinamaan ko ‘to sa kaniyang likod kung kaya napalingon ito sa’kin.
“Simon!" Sigaw ko sa pangalan niya. "Ang sama ng ugali mo!”
Napasinghap ang ibang mga estudyante na nakapaligid sa’min at mabilis silang nagpulusan palayo sa tabi ko na para bagang may bagyong darating.
Salubong ang mga kilay na binitiwan ni Simon ang babaeng estudyante at nagsimulang maglakad ito palapit sa’kin.
Saka ko pa lang din napagtanto sa sarili ko ang ginawang kapangahasan dito. Mabilis akong tumakbo paalis sa lugar na ‘yon.
“Habulin niyo siya!” rinig kong utos ni Simon sa grupo.
Walang lingon likod akong tumakbo ng mabilis at naghanap ng matataguan. Nakita ko ang isang lumang building kaya dali-dali akong nagtungo roon. Nakita kong bukas ang pintuan ng isang silid kaya pumasok ako roon at agad na ini-lock ang pinto.
“Ano ba kasi ‘tong napasukan kong gulo. Kung bakit naman kasi nakialam pa ako.” Sisi ko sa sarili.
“Maghihintay na lang muna ako nang pagdilim dito para tiyak ng ‘di nila ako makita lalo na ni Simon,” sabi ko pa sa sarili.
Pinagmasdan ko ang buong paligid ng silid at napansin kong mayroong mini ref, telebisyon, radio at iba pang kagamitang pambahay rito. Malinis ang silid at mukhang alaga ng kung sinuman ang gumagamit niyon.
Umupo ako sa sofa at nakaramdam ng antok hanggang sa ‘di ko namalayang unti-unting napapikit na pala ako at tuluyang ginapo ng antok.