PROLOGUE
“Ma… please…”
Lumuhod ako sa malamig na marmol ng sala. Wala na akong dignidad na iniingatan, wala na akong pride na hawak. Ang meron na lang ako takot. Takot na mawala ang anak ko.
“Dugo n’yo rin ’to, Ma… apo n’yo ho ’to. Please…” nanginginig ang boses ko habang mahigpit kong hawak ang laylayan ng damit ni Mama. “Hindi ko na alam ang gagawin. Araw-araw po siyang nanghihina. Hindi na po siya nakakakain nang maayos.”
Tahimik ang buong mansyon. Naririnig ko lang ang mahinang pag-ubo ng anak ko sa sofa sa likod ko. Apat na taong gulang pa lang siya, pero para bang pasan na niya ang bigat ng mundong hindi niya naman ginusto.
“Sky,” malamig na sambit ni Papa, nakaupo sa paborito niyang upuan, “ilang beses na naming sinabi sa’yo. Ang problema mo, ikaw rin ang may gawa.”
Napapikit ako. Parang kutsilyong bumaon sa dibdib ko ang bawat salita niya.
“Hindi ko po kasalanan na minahal ko siya, Pa…” umiiyak kong sagot. “Hindi ko po kasalanan na naging masaya ako kahit mahirap.”
Tumayo si Mama. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin, ngunit hindi para yakapin ako kundi para ipakita kung gaano siya kalayo sa pagiging ina.
“Kung hindi mo pinili ang lalaking ’yon,” malamig niyang sabi, “hindi ka sana nandito ngayon. Hindi sana naghihingalo ang anak mo.”
Parang may pumutok sa loob ng ulo ko.
“Ma…” halos pabulong na lang. “Please… isang beses lang… tulungan n’yo ako bilang anak n’yo.”
Tahimik silang nagkatinginan. Doon ko naramdaman may kapalit ang awa. At kinatatakutan ko kung ano iyon.
Bumukas ang pinto.
“Good evening, Tita. Tito.”
Ang boses na iyon. Makinis. Kalmado. Ngunit alam kong puno ng pagnanasa at pagmamay-ari.
Si Laurence Digos.
Nakatayo siya roon, nakaayos, may ngiting hindi ko kailanman pinagkatiwalaan. Lumapit siya at bahagyang yumuko sa harap ng mga magulang ko.
“May paraan,” sabi niya, nakatingin sa akin. “I can shoulder everything. Hospital bills, specialists, kahit dalhin pa natin sa abroad.”
Napatingin ako sa kanya, nanginginig ang buong katawan ko.
“Pero?” tanong ko, halos alam ko na ang sagot.
Ngumiti siya ang ngiting matagal ko nang kinatatakutan.
“Pero magiging akin ka.”
Biglang tumayo si Jhon.
“Hindi!” malakas at buo ang boses niya. “Hindi mangyayari iyan!”
Lumapit siya sa akin, agad akong hinawakan sa balikat, para bang kaya niya akong protektahan laban sa buong mundo.
“May ibang paraan,” mariin niyang sabi. “Huwag kang makikinig sa kanila. Magtatrabaho ako. Hahanap ako ng paraan. Hindi kita ibibigay kahit kanino.”
“Jhon” umiiyak kong tawag.
“Hindi ka nila bibilhin,” dugtong niya. “Hindi ka nila kukunin sa akin. Asawa kita. Ina ng anak ko.”
Tumawa si Laurence. Mababa. Mapanghamak.
“Jhon” sabi niya sa Taglish, “you really think kaya mo ’to? Tingnan mo ang paligid mo. Tingnan mo ang anak mo.”
Parang sinaksak ang puso ko.
Lumapit si Mama sa akin.
“Sky,” mahina ngunit mabigat ang tono, “kung ayaw mong mamatay ang anak mo… alam mo na ang gagawin.”
Napahagulhol ako.
“Ma… please… huwag n’yo akong ipagpalit…”
Ngunit tumalikod siya.
Sa sandaling iyon, may pumutok sa loob ko. Hindi na ako anak. Hindi na ako babae. Isa na lang akong ina.
Lumapit ako kay Jhon. Hinawakan ko ang mukha niya. Nanginginig ang kamay ko.
“I’m sorry…” pabulong kong sabi. “I’m so sorry, Jhon…”
“Anong sinasabi mo?” naguguluhan niyang tanong. “Huwag kang matakot. Nandito ako.”
“Mahal na mahal kita… kayong dalawa,” umiiyak kong sabi. “Pero hindi ko kayang panoorin na mamatay ang anak natin.”
“May ibang paraan,” paulit-ulit niyang sabi, halos nagmamakaawa na rin. “Huwag kang sasama. Huwag mo akong iwan.”
Lumapit ang mga tauhan ni Laurence.
“Huwag!” sigaw ni Jhon. “Huwag ninyong hawakan ang asawa ko!”
Ngunit hinarang siya. Dalawa. Tatlo. Hinawakan ang mga braso niya.
“Bitawan n’yo ako!” sigaw niya. “Asawa ko siya! Mahal ko siya!”
Lumapit si Laurence sa akin at hinawakan ang kamay ko.
“Let’s go,” malamig niyang sabi.
“Jhon…” umiiyak kong tawag habang hinihila ako palayo. “I’m sorry… mahal ko kayo…”
“Sky!” sigaw niya habang pumupumiglas. “Huwag kang sasama! Gagawin ko ang lahat! Ililigtas ko ang anak natin! May ibang paraan pa!”
Pinilit kong huwag lumingon. Dahil kapag lumingon ako, baka bumigay ako. Baka piliin ko ang puso ko kaysa sa buhay ng anak ko.
Isinakay nila ako sa kotse.
“Ma!” iyak ng anak ko. “Mama!”
Parang gumuho ang mundo ko.
“Anak… mahal… patawad…” paulit-ulit kong bulong habang sinasara ang pinto.
Umandar ang sasakyan.
Tumakbo si Jhon takbo nang takbo sumisigaw humahabol.
“Huwag kang sasama!” sigaw niya. “Mahal kita! Mahal ko kayo! Bumaba ka!”
Kinapa ko ang salamin sa likod ng sasakyan. Umiiyak. Sumisigaw nang walang tunog.
“I’m sorry…” paulit-ulit kong iyak. “Para ’to sa anak natin sana mapatawad mo ako mahal ko…”
Patuloy siyang tumatakbo hanggang sa hindi ko na siya makita. At doon ko naramdaman hindi lang ako iniwan ng mundo iniwan ko rin ang taong pinakamamahal ko ang anak ko para mailigtas lamang s'ya.