Pagsisibak

1904 Words
CHAPTER 3 THIRD PERSON POV Tahimik ang hapon sa liblib na baryo ng Cebu. Ang araw ay nakabitin sa pagitan ng init at paglubog, parang pagod na ring lumaban, kagaya ng mga taong nakatira roon. Sa maliit na bahay ng pamilya Paga, nakaupo si Jhon Ohen sa may pintuan, nakasandal sa haliging kahoy na may lamat na parang sugat ng panahon. Tahimik siya. Pero ang katahimikan niya ay mabigat. Sa loob ng bahay, maririnig ang mahina at putol-putol na ubo ng ama niya. Sa kusina, gumagalaw ang ina niya, pilit na pinapainit ang natitirang kanin na halos wala nang laman. Ang mga kapatid niya ay tahimik ding naglalaro, sanay na sa kakulangan, sanay na sa pagtitimpi. Huminga nang malalim si Jhon. Masakit ang likod niya. Masakit ang mga kamay niya. Pero mas masakit ang pakiramdam na kahit anong kayod niya, parang kulang pa rin at bigla. TOK! TOK! TOK! Napalingon siya. Sino ang bibisita sa ganitong oras? Sa ganitong lugar? Bago pa man siya makatayo, biglang bumukas ang pinto. “JHON OHEN PAGA!” Napatalon siya sa gulat. “ANDITO NA ANG REYNA NG AYUDA!” Isang babae ang nakatayo sa pintuan naka-denim jacket, puting bestida, maayos ang buhok, at may hawak na dalawang malalaking eco bag na halos hindi na niya kayang buhatin. Pawisan siya, pero nakangiti. ‘Yung ngiting sobrang pamilyar. “Sky…” bulong ni Jhon, nanlaki ang mata. Sky Santillian Dalawampu’t anim na taong gulang. Anak ng isa sa pinakamayamang pamilya sa bayan. Babaeng lumaki sa komportableng mundo may sasakyan, may aircon, may tatlong klase ng sapatos para sa isang okasyon. At siya rin ang batang babae na kasabay niyang lumaki sa alikabok ng baryo, sa takbuhan, sa sugat, sa tawa. “Bakit ganyan mukha mo?” reklamo ni Sky habang humihingal. “Parang hindi masaya na nakita ako?” “Hindi,” sagot ni Jhon. “Nagulat lang ako. Akala ko multo ka.” “Wow,” sagot ni Sky. “Ganyan pala trato sa may dalang pagkain.” Bigla niyang inilapag ang mga bag sa lamesa nang may tunog na thud. “Nay!” sigaw niya. “Maghanda na po kayo ng mesa! May sponsor ang hapunan!” Napahawak sa dibdib ang ina ni Jhon. “Ay naku, Sky… ang dami naman nito…” “Ay bawal tumanggi,” mabilis na sagot ni Sky. “Pag tumanggi kayo, babawiin ko lahat. Gutom pa naman ako.” “Edi ikaw ang kumain,” sabat ni Jhon. “Excuse me,” sabi ni Sky, nakapamaywang. “Kung wala ako, lugaw na naman kayo mamaya.” “Tama ka na,” sagot ni Jhon. “Masakit na.” Tumawa ang mga kapatid ni Jhon. Si Lino, ang bunso, ay agad lumapit kay Sky. “Ate Sky! Ang bango!” “Ay syempre,” sabi ni Sky sabay himas sa ulo nito. “Pag ako ang dumating, automatic masarap.” Habang inaayos ang pagkain, tahimik na lumapit si Sky kay Jhon. Tinignan niya ito mula ulo hanggang paa ang kupas na damit, ang payat na katawan, ang matang pagod na pagod nawala ang ngiti niya. “Kamusta ka?” tanong niya, mahina. Hindi agad sumagot si Jhon. Nakatingin lang siya sa sahig. “Humihinga pa,” sagot niya sa wakas. Sumandal si Sky sa tabi niya. Hindi niya pinilit magsalita si Jhon. Kilala niya ito. Mula pagkabata hanggang ngayon. Sabay silang lumaki. Magkaibang mundo, pero magkaparehong takot ang mawalan ng taong mahalaga. Naalala ni Sky kung paano nila nilusong ang baha noon para lang makapasok sa eskwela. Kung paano niya hinahatian si Jhon ng baon kahit magagalit ang yaya niya. Kung paano si Jhon ang nagbuhat sa kanya nang madapa siya at masugatan ang tuhod. “Naalala mo,” biglang sabi ni Sky, “nung sinabi mong paglaki mo, yayaman ka para hindi na magkasakit si Tito?” Napangiti si Jhon, mapait. “Ang yabang ko noon.” “Hindi,” sagot ni Sky. “Matapang ka lang.” Nagkainan sila. Sa unang pagkakataon sa loob ng ilang araw, masagana ang hapag. May adobo, may isda, may prutas, may kanin na hindi tinitipid. “Kuya Jhon,” sabi ni Lino, “parang fiesta!” “Fiesta kasi dumating si Sky,” sagot ni Jhon. “Oy,” singit ni Sky. “Fiesta kasi deserve n’yo.” Biglang tumayo si Sky at tinignan si Jhon mula ulo hanggang paa. “Alam mo,” sabi niya, “ang pangit mo na.” Napatawa si Jhon. “Salamat ha.” “Hindi, seryoso,” dugtong niya. “Parang tinakasan ka na ng pahinga.” “Tinatakasan ko rin,” sagot ni Jhon. Tumawa sila. Malakas. Totoo. Matapos kumain, naupo silang dalawa sa labas ng bahay. Tahimik ang gabi. Maliwanag ang mga bituin. “Jhon,” biglang sabi ni Sky. “Hindi ka nag-iisa.” Huminga siya nang malalim. “Alam ko.” “Hindi,” ulit ni Sky. “Talagang hindi.” Tumulo ang luha ni Jhon. Tahimik. Mabagal. “Pagod na pagod na ako,” amin niya. “Minsan… nahihiya na akong humingi ng tulong.” Hinawakan ni Sky ang kamay niya. Mahigpit. “Kung hindi ka hihingi,” sabi niya, nanginginig ang boses, “magagalit ako.” Napatawa si Jhon sa gitna ng luha. “Ikaw talaga.” “Best friend mo ‘ko,” sagot ni Sky. “Trabaho kong maging epal sa buhay mo.” Sa gabing iyon, may iyakan, may tawanan, may kalokohan. At sa gitna ng hirap ng mundo, may dalawang magkaibigang nagpapatunay na kahit magkaiba ang pinanggalingan, puwedeng magkapantay ang t***k ng puso. Matapos ang mahabang hapunan na puno ng tawa, kwento, at ilang patak ng luha, tumayo si Jhon mula sa kinauupuan. Inunat niya ang likod niya na may kasamang impit na daing. “Ay” napaungol siya. “Mamaya na lang uli ako uupo. Magsisibak muna ako sa likod.” Napalingon si Sky sa kanya, nakataas ang kilay. “Magsisibak?” ulit niya. “Ikaw? Sa lagay mong ‘yan? Mukha ka nang lalaglag sa isang malakas na ihip ng hangin.” “Hindi ako salamin,” sagot ni Jhon. “Hindi mo kailangang i-describe lahat.” “Best friend kita,” sabi ni Sky. “Karapatan ko ‘yan.” Naglakad si Jhon papunta sa likod ng bahay, dala ang lumang palakol na halatang mas matanda pa sa kanilang dalawa. Ang lupa roon ay basag-basag, may mga nakasalansang na kahoy na matagal nang nakatambak, hinihintay na gawing panggatong o ibenta sa bayan huminga siya nang malalim. “Konti lang,” bulong niya sa sarili. “Para may maibenta mamaya.” At bago pa man niya maitaas ang palakol. “OYYYYY!” Napapikit si Jhon. “Alam ko na,” sabi niya nang hindi lumilingon. “Sumunod ka na naman.” Lumabas si Sky mula sa likod ng pader, may hawak na basang bimpo at nakangiti na parang may binabalak na kalokohan. “Bestfriend,” sabi niya, naka-akbay agad kay Jhon. “Kahit mayaman ako, hindi ako maarte. Alam mo ‘yan.” “Alam ko,” sagot ni Jhon. “Kasi kahit mayaman ka, epal ka pa rin.” “Excuse me,” sagot ni Sky. “Epal na may malasakit.” Inagaw niya bigla ang palakol mula sa kamay ni Jhon. “Hoy!” sigaw nito. “Ano ka ba” “Akin na ‘yan,” sabi ni Sky. “Ako muna magsisibak.” Nanlaki ang mata ni Jhon. “Sky, hindi ‘yan laruan.” “Oi,” sagot ni Sky, itinaas ang baba. “Babae ako, oo. Mayaman, oo. Pero maarte? HINDI.” Itinaas niya ang palakol nang todo, saka WHAAAK! Tumama ang palakol… sa lupa tahimik pagkatapos—l. “Ay.” Napahawak si Sky sa bewang. Napapikit si Jhon. “Ano’ng ‘ay’?” “Masakit pala sa likod ‘to,” sagot ni Sky, seryoso ang mukha. Biglang sumabog ang tawa ni Jhon. Malakas. Totoo. ‘Yung tipong napaupo pa siya sa lupa. “Sky!” tawa niya. “Wala pang isang segundo, reklamo ka na!” “Hoy,” depensa ni Sky. “Hindi ako nagreklamo. Nag-obserba lang.” “Magsibak ka na nga,” sagot ni Jhon. Tinapik ni Sky ang balikat niya. “Watch and learn, bestfriend.” Huminga siya nang malalim, inayos ang hawak, pinikit ang isang mata, saka muling hinataw ang palakol. WHAAAK! Tumama. Pero. “AY!” sigaw ni Sky. “Bakit gumalaw ‘yung kahoy?!” “Sky,” hingal na sagot ni Jhon, “hindi gumagalaw ang kahoy.” “Gumalaw,” giit niya. “Feeling ko tumakas.” Tumatawa na si Jhon hanggang sa mangilid ang luha niya. “Kaya mo ‘yan,” sabi niya sa pagitan ng tawa. “Isipin mo na lang… ex mo ‘yan.” “AY!” sigaw ni Sky ulit sabay hataw ng palakol. “MASAMA KA!” Sa wakas, nabiyak ang kahoy. Nanlaki ang mata ni Sky. “Oh my gosh.” Tumingin siya kay Jhon na parang bata. “Jhon… nakita mo ‘yon?” Tumango si Jhon, may ngiting hindi niya mapigilan. “Oo.” “Nabiyak!” “Congratulations,” sagot niya. “Certified magsisibak ka na.” Napatalon si Sky sa tuwa at biglang niyakap si Jhon. Doon sila napatigil. Magkalapit ang mukha nila. Sobrang lapit. Naamoy ni Jhon ang pabango ni Sky hindi matapang, hindi mahalata, pero preskong-presko. Ramdam niya ang init ng kamay nito sa likod niya. At sa loob ng ilang segundo, nakalimutan niya ang pagod, ang hirap, ang mundo. Napakagat si Sky sa labi at biglang umatras. “Mainit,” sabi niya. “Mainit dito.” “Hapon,” sagot ni Jhon. “Natural.” Tumikhim si Sky at muling hinawakan ang palakol. “Ako pa,” sabi niya. “Para may maibenta tayo mamaya.” Habang nagsisibak sila o mas tamang sabihing habang si Sky ang nagsisibak at si Jhon ang taga-tawa napuno ang likod-bahay ng ingay, tawanan, at asaran. “Jhon,” hingal ni Sky, “bakit parang ang hirap yumaman?” “Hindi madali,” sagot niya. “Pero mas mahirap ang magpanggap na kaya mo lahat.” Napatingin si Sky sa kanya tahimik. “Hindi mo kailangang kayanin lahat,” sabi niya, mahina. “Nandito ako.” nagtagpo ang mga mata nila. May kilig na hindi pinangalanan. May damdaming matagal nang nandiyan pero hindi binibigkas. Biglang nadulas si Sky sa tuyong lupa. “Ay!” Agad sinalo ni Jhon ang bewang niya. “Okay ka lang?” tanong niya, seryoso. Tumango si Sky, pero hindi agad umalis sa hawak niya. “Alam mo,” sabi niya, pilit na pabiro, “kung araw-araw kang sasalo sa akin, baka mahulog ako.” Nanlaki ang mata ni Jhon. “Hoy” Tumawa si Sky. “Joke lang!” Pero ang puso ni Jhon… hindi tumawa. Sa pagtatapos ng hapon, may ilang piraso na silang kahoy. Pawisan si Sky. Pagod si Jhon. Pero pareho silang nakangiti. “See?” sabi ni Sky. “Hindi ako maarte.” Tumango si Jhon. “Hindi nga.” At sa likod ng maliit na bahay, sa pagitan ng mga kahoy, pawis, at tawa, may dalawang pusong dahan-dahang lumalapit hindi bilang mahirap at mayaman, hindi bilang lalaki at babae kundi bilang dalawang taong matagal nang mahalaga sa isa’t isa. At hindi pa nila alam na ang kilig na ‘yon ay simula pa lang ng mas magulong damdamin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD