Chapter 1
PAUWI na sa bahay nila ang dalagang si Analyn nang mapansin nito ang magarang kotse na nakaparada sa kanilang bakuran.
Kunot ang noo nitong lumapit sa kanilang bahay na nakamata sa kotse. Wala naman kasi itong inaasahang bibisita sa kanila na may kaya dito sa probinsya.
“Nay, nandito na po ako,” pagtawag nito sa kanyang ina.
Pagpasok nito sa bahay, natigilan ito na napalis ang ngiti sa nabungarang bisita nila. Halos hindi nito makilala ang supistikadang dalaga na nakaupo sa kanilang sofa na kausap ang ina nila.
“Analyn anak, nand'yan ka na pala.” Saad ng ina nito na ikinabalik ng ulirat ng dalaga.
Napatikhim ito na lumapit sa dalawa at nagmano sa ina nila.
“Magandang hapon po, Nay. Sana sa susunod, hwag kayong basta nagpapapasok ng ibang tao sa pamamahay natin,” parinig nito sa dalagang katabi ng ina na natawa at iling.
“Anak naman, hwag ka namang ganyan sa kambal mo. Minsanan sa isang taon na nga lang dumalaw ang kapatid mo dito eh,” pagsaway ng ina nila dito.
“Yon na nga, Nay. Iniwan at halos kalimutan na tayo, ‘di ba?” sagot ng dalaga na nagtungo sa kusina.
“Pagpasensyahan mo na si Analyn, Annalisa ha? Nagtatampo lang iyon sa'yo,” dinig niya pang saad ng ina niya na ikinaikot ng mga mata nito sa inis.
Lumaki silang magkapatid na malapit sa isa't-isa. Pero pagtuntong nila sa kolehiyo, isa lang ang kayang pag-aralin ng ina nila. Kaya pinauna nito ang kakambal niya na piniling sa Manila mag-aral. Nagtrabaho si Analyn bilang tindera ng mga kakanin sa palengke para makatulong sa ina at unti-unting makapag-ipon para sa pagbabalik eskwela nito.
Pero kung kailan magtatapos na sa kursong kinuha ang kakambal niya, huminto ito sa pag-aaral at sumama sa isang matandang balo at may kaya sa buhay.
Nagalit si Analyn sa kapatid nito. Dahil nagsakripisyo siya para dito. Para makapagtapos ito ng pag-aaral. Pero sa huli, sumama lang ito sa isang matanda na kayang ibigay lahat ng luho ng dalaga.
Magmula nang mag-away silang magkapatid ay umiwas na rin si Annalisa sa kanilang mag-ina. Minsanan lang sa isang taon ito umuwi sa probinsya para dalawin ang ina nila.
“Hanggang ngayon ba naman galit ka sa akin, sis?”
Napaismid ito na marinig ang maarteng boses ng kakambal nitong sinundan siya sa kusina.
“Umalis ka na. Hindi ka namin kailangan dito,” masungit nitong saad na pabalang inilapag sa mesa ang basong ginamit nito sa pag-inom ng tubig.
Natawa at iling naman ang kakambal nito na humalukipkip na nakamata kay Analyn.
“Sorry na, okay? Pag-aaralin kita kung gusto mo. Kahit anong kurso pa ang kunin mo,” pag-aalo pa ng dalaga na ikinaismid lang ng kakambal nito.
“Hindi ko kailangan ng perang mula sa'yo. Dahil alam ko rin namang. . . galing iyan sa pagbebenta mo ng katawan sa matandang sugar daddy mo,” sagot ni Analyn dito na natawa.
“Sa hirap ng buhay ngayon? Mag-iinarte ka pa ba? C'mon, sis. ‘Yong ibang tao nga eh galing sa nakaw ang perang pinangbubuhay nila sa kanilang pamilya. Masyado namang mataas ang prinsipyo mo sa buhay. Ipinanganak tayong mahirap, Analyn. Kaya kung paiiralin mo ang dignidad at prinsipyo mo? Mananatili ka dito sa bulok nating probinsya na walang asenso.” Turan ng kapatid nito na ikinailing ni Analyn.
“Kaya ano? Kaya ibebenta mo ang katawan mo sa isang matanda para may pera ka, gano'n ba?” sarkastikong tanong nito sa kakambal na natawa.
“Hindi naman gano'n katanda si Theodore, Analyn. Kung nakita mo lang siya? Hindi mo aakalaing turning 50’s na siya. Hindi lang naman mapera si Theodore. Mabait siya, malambing at higit sa lahat? Gwapo, okay?” saad ni Annalisa dito na napaikot lang ng mga mata.
“Umalis ka na. Hindi ka namin kailangan dito.” Pag-iiba ni Analyn na tinalikuran na ito.
“Ten million.”
Napahinto si Analyn na magsalita ito. Napalunok ito na hinihintay ang sasabihin ng kakambal niya.
“I'll pay you ten million pesos, Analyn. Sa laki ng perang iyon? Maipapagawa mo na ang bahay natin. Makakapag simula na kayo ni Nanay at higit sa lahat? Pwede ka ng bumalik sa pag-aaral mo,” alok ng dalaga na nagtungo sa harapan ng kakambal nitong natuod sa kinatatayuan.
Napangisi ang dalaga na makitang namumutla ang kakambal nito na hindi makaimik.
“Pero syempre. . . may kapalit, sis.” Paglilinaw nito na ikinabalik ng ulirat ni Analyn na napatitig dito.
“A-anong kapalit?” utal na tanong ni Analyn dito na napangisi.
“Simple lang, sis.” Anito na humakbang palapit sa kakambal at bahagyang yumuko.
“Magpanggap kang ako. Sa loob ng tatlong buwan, magpanggap kang ikaw. . . ako.” Bulong nito na ikinakunot ng noo ni Analyn.
“Ano?”
“Ikaw muna si Annalisa for three months, sis. Gano'n kasimple.” Saad ng dalaga dito.
“At bakit naman ako magpapanggap na ikaw?”
“Because you need my money, Analyn.”
Natawa ng pagak si Analyn na napailing sa tinuran ng kakambal nito.
“Nababaliw ka na. Hinding-hindi ako. . . tutulad sa'yo.” Madiing sagot nito na tinalikuran na ang kakambal.
“Kahit na may malubhang karamdaman si Nanay at pwede mo na siyang maipagamot gamit ang perang iyon?” saad ni Annalisa na ikinatigil nito sa akmang pagpasok ng kanyang silid.
“Alam ko na, Analyn. Alam ko na kung bakit todo kayod ka sa pagbebenta ng mga cheap mong kakanin sa palengke. Dahil nag-iipon ka para kay Nanay. Para maipagamot mo siya. Hindi ba?” anito.
Napalunok si Analyn na hindi nakaimik. Tama naman kasi ang kapatid nito. May kidney disease ang ina nila kaya hirap ito at nasa bahay lang. Pero dahil malaki-laking halaga ang kakailanganin ni Analyn, hindi niya pa naipapagamot ang ina nila.
"Three months only, Analyn. Wala ka namang gagawin kundi magpanggap na ako." Wika ng dalaga na ikinakuyom nito ng kamao.
"Bakit? Bakit kailangan kong magpanggap na ikaw?" tanong nito sa kakambal na napahingang malalim.
"Naaksidente si Theodore last week. Comatose siya ngayon. Ang sabi ng doctor, himala na lang kung mabubuhay pa siya. Kailangan kong magpuntang ibang bansa. Pero hindi ako pwedeng umalis na nasa gano'ng sitwasyon si Theodore. Baka mamaya ay mapagbintangan pa ako sa nangyari sa kanya. Kaya kailangan kita, Analyn. Wala ka namang ibang gagawin kundi manatili sa tabi ni Theodore. After three months, nakabalik na ako no'n. Pwede ka ng. . . bumalik dito." Pangungumbinsi ni Annalisa dito na napaisip.
"One week, sis. I'll give you one week para pag-isipan ang alok ko." Saad nito na tinapik sa balikat ang kapatid.
"Bakit hindi mo na lang ipagamot si Nanay? Total may pera ka naman," wika ni Analyn dito na kiming ngumiti.
"Kaya nga binibigyan kita ng offer, sis. Malaking pera na iyon para makapag simula na kayo ng bagong buhay ni Nanay. Nasa iyo na. . . kung tutulungan mo ako." Sagot ng dalaga na tinalikuran na itong binalikan ang ina nilang nasa sala.
TULALANG pumasok si Analyn sa silid na pinag-iisipan ang alok ng kakambal nito. Kung comatose naman pala ang sugar daddy nito ay madali lang sa kanyang magpanggap na si Annalisa. Kapalit no'n, maipapagamot na niya ang ina nila at makakapag simula ng magandang buhay.
Naupo ito sa gilid ng maliit niyang kama na napapahilot sa ulo. Dinig naman niyang umalis na ang kotse ng kapatid niya.
"Anak?"
Napaangat ito ng mukha na bumukas ang pinto at tinawag siya ng kanyang ina. Bakas ang lungkot sa mga mata nito na lumapit sa dalaga.
"Hindi pa rin ba kayo nagkakaayos ng kapatid mo?" tanong ng ina nito.
"Hindi naman po iyon ang sadya niya dito eh," sagot ni Analyn dito na napahingang malalim.
"Tinanggap mo ba ang alok niya?" muling tanong ng ina nito.
Napatitig si Analyn sa ina nito na kinuha ang kamay ng matanda.
"Nay, gustong-gusto ko po kayong gumaling. Gustong-gusto ko po kayong itira sa mas maganda, malaki at maayos na bahay. Pero kahit anong pagsusumikap ko naman sa pagtitinda ng kakanin sa palengke ay hindi ako nakakapag-ipon at nagagamit din natin," saad ng dalaga.
Pilit ngumiti ang matanda na hinaplos sa ulo ang anak nito.
"Alam ko namang hirap na hirap ka na rin sa pagtataguyod sa pamumuhay natin, anak. Sa nakikita ko, wala namang masama sa ipapagawa sa'yo ng kapatid mo. Bakit hindi mo tanggapin ang alok niya. Tatlong buwan lang naman tayong magkalalayo, anak." Pangungumbinsi ng ina nito na ikinalunok ng dalaga.
"Kung luluwas po ako ng Manila, paano po kayo, Nay? Sinong makakasama mo dito?" tanong ni Analyn dito na umiling.
"Kaya ko naman ang sarili ko, anak. Saka, nandito naman si Brando na pinsan mo," sagot ng ina nito na tinutukoy ang binabaeng pinsan nitong si Brenda.
"Gusto niyo po bang tanggapin ko ang alok ni Annalisa, Nay?" tanong ni Analyn dito na pilit ngumiti.
"Kung ako lang, oo naman, anak. Ayoko ng nahihirapan ka. Kapag tinanggap mo iyon, makakaahon na tayo sa hirap." Sagot ng ina nito na ikinatango-tango ng dalaga.
"Sige po, Nay. Kakausapin ko bukas si Annalisa na pumapayag na ako. Pumapayag na akong. . . magpanggap bilang siya." Mababang saad nito kahit labag sa loob niya ang gagawin.
Wala itong magagawa. Mas mahalaga sa kanya na maisalba ang buhay ng ina nila. Lahat gagawin nito madugtungan lang ang buhay ng ina nito. Kahit ayaw niyang manloko ng ibang tao ay pikitmata niyang gagawin. Alang-alang sa mahal niyang ina.