CHAPTER 21

1317 Words
“Nasaan na kaya siya?” nag-aalalang tanong ni Czerina sa sarili. Hindi pa rin bumabalik si Slyth Aeryx mula nang umalis sa kanilang suite. Kanina pa siya palakad-lakad sa labas ng kanilang silid. Nakatulugan na niya sa sofa ang paghihintay subalit wala pa rin ang kaniyang asawa. “Fifteen minutes na lang, alas una na ng madaling araw,” aniya nang mapatingin sa suot na pangbisig na relo. Muling naupo si Czerina sa sofa, isinandal ang likod sa sandalan. “Kung nasaan ka man, sana ligtas kang makauwi, Aeryx. Sana din ay hindi ka gaanong lasing.” Magmula nang magsama sila ni Slyth Aeryx, halos araw-araw ay lasing kung umuwi tuwing madaling araw ang lalaki. Noo’y hindi siya nababahala kung umuwi man itong lango sa alak, sapagkat kasama naman nito ang driver na si Allan. Subalit ngayon ay mag-isa lamang ang kaniyang asawa, at natatakot siya na baka may mangyaring masama dito. Dala ng pagbubuntis, muling iginupo ng antok si Czerina. Nakatulog siya sa pahabang sofa sa kahihintay sa asawa. Hindi niya namalayang dumating na ang lalaki habang may kasamang babae na tila sawa kung makalingkis. Tanging malamlam na ilaw lang ang nakabukas sa sala kaya hindi napansin ng babaeng kasama ni Slyth Aeryx si Czerina na mahimbing na natutulog. Humahagikhik pa ang babae habang hinahalik-halikan ng lalaki. Sinadya nitong isama ang babaeng nakilala sa bar upang bigyan ng sama ng loob ang kabiyak. Nang magising si Czerina kinabukasan, kaagad siyang napabalikwas ng bangon. Dumako ang mga mata niya sa kaniyang pangbisig na relo. “Eight thirty na, nakauwi na kaya si Aeryx?” aniya sa sarili. Sinuklay niya ang buhok gamit ang mga daliri. Ipinuyod niya iyon saka siya tumayo at lumakad patungo sa kuwarto nilang mag-asawa upang alamin kung naroroon na si Slyth Aeryx. Mâlakas na napasinghap si Czerina nang pagbukas niya ng pinto ay tumambad sa kaniya si Slyth Aeryx na nakahiga sa kama at may kasamang ibang babae. Tila pïnígà ang dib dib ni Czerina sa mga nasaksihan. Nagkalat ang mga hinübád na damit sa sahig. Sa harapan niya ay ang mga damit ni Slyth Aeryx na siya mismo ang naghanda at nagsuot sa lalaki bago umalis. Sa hindi kalayuan naman ay isang pulang night dress kasama ang isang pares ng pula ring stiletto heels. Nang muling dumako ang mga mata niya sa kama, napansin niya rin ang pulang underwear sa ibabaw ng night lamp na tila basta na lang inihagis. Tinakpan ni Czerina ang bïbig gamit ang kaliwang kamay. Tahimik siyang napaluha. Nanghina ang kaniyang mga tuhod kaya mahigpit siyang nâpakapit sa door knob. “Mga baboy...” mahina niyang sambit. Dahan-dahang umatras si Czerina habang nângínginig ang kaniyang katawan. Hindi na niya nagawa pang isara ang pinto. Bumalik siya sa sofa kung saan siya nakatulog sa kahihintay sa asawa, at doon ay umiyak nang umiyak. “Hello! Good morning!” bati ng papalapit na tinig ng isang babae kay Czerina. Huminto siya sa paghahalo ng niluluto niyang sinigang na hipon, subalit hindi siya lumingon. Matapos niyang mailabas lahat ng sama ng loob kay Slyth Aeryx sa pamamagitan ng pag-iyak, hinamig niya ang sarili at napagdesisyunang magluto ng kanilang tanghalian kaysa magmukmok at magngangawa. “Ikaw ba ang kasambahay ni Slyth?” nakangiting tanong ng babae. “Paki-timplahan naman ako ng kape, please?” kapagkuwa’y magalang na utos nito sa kaniya. Humugot ng malalim na paghinga si Czerina habang nakatiim ang bagang. Nagbilang muna siya ng tatlong segundo bago humarap sa babae at naglakad ng ilang hakbang palapit dito. “Hindi ako kasambahay ni Aeryx,” pagtatama niya sa sinabi nito. Kumunot ang noo ng babae. Tinitigan siya mula ulo hanggang paa–titig na walang halong panghahamak, bagkus ay kababakasan lamang ng pagtataka. Kagaya ng ginawa ng babae sa kaniya, sinuri niya rin ito sa paraang hindi nakakainsulto; mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang kabuoan nito. Malaporselana ang balat ng babae, unat at itim ang buhok na abot hanggang balakang, matangos ang ilong at maaliwalas ang mukha. “P-Pero ’yon kasi ang sinabi sa ’kin ni Slyth kagabi–na may kasama daw siyang kasambahay dito,” nalilitong tugon ng babae. Muling nagpakawala ng malalim na paghinga si Czerina, pinipigilang magalit sa babaeng kaharap. Lihim ang pagpapakasal nila ni Slyth Aeryx. Iniisip niyang marahil ay hindi alam ng babae na may asawa na ang lalaking sinamahan nito, kaya hindi siya puwedeng basta na lang magalit dito. Kung magagalit man siya, dapat ay kay Slyth Aeryx lang mismo. Alam naman ng kaniyang asawa na mayroon na itong pananagutan sa iba ngunit nagawa pang maghanap ng ibang babae. At ang mas malala pa ay inuwi pa sa kanilang tinutuluyan. Ngunit ano nga ba ang karapatan niya? Gayong siya din naman ay hinayaan ang sarili na may mamagitan sa kanila ng lalaki kahit alam niyang ikakasal na ito noon. “A-Asawa niya ako,” halos pabulong niyang saad. “Kakakasal lang namin kahapon.” Marahas siyang napalünøk, sabay iwas ng tingin sa babae. Rumehistro sa mukha ng babae ang pagkabigla, hiya, at galit para kay Slyth Aeryx. “Are you his wife?” hindi makapaniwalang tanong nito. Ibinalik ni Czerina ang mga mata sa kausap. “Oo,” sagot niya, sinabayan ng marahang pagtango. Hindi na niya idinagdag na siya’y nagdadalang-tao, sapagkat ayaw niyang kaawaan siya ng babae. Hindi nakaligtas sa paningin ng babaeng kausap ang kirot na dumaan sa mga mata ni Czerina. Nilamon ng konsensiya, awa, at hiya ang buong pagkatao nito. “I-I’m so sorry. Hindi ko alam na may asawa na pala siya.” Kaagad na napatayo ang babae, bakas ang pagkapahiya sa mukha. “Ayaw kong makasira ng pagsasama. Pasensiya ka na kung sumama ako sa kaniya dito, hindi ko talaga alam.” Dinampot nito ang itim na crystal-embellished evening bag saka isinukbit. “Aalis na ako, sorry talaga,” hinging paumanhin nito habang bakas ang konsensiya at simpatya sa mukha. “H-Hindi mo naman alam, biktima ka lang din.” Umalon ang lalamunan ni Czerina. Labis siyang nasaktan sa ginawa ni Slyth Aeryx sa unang araw nila bilang mag-asawa, ngunit alam niyang paghihiganti ang dahilan ng lalaki kaya ito nagdala ng babae sa hotel na tinutuluyan nila. Tumalikod ang babae, subalit bago pa ito makalayo, lumabas sa kanilang silid si Slyth Aeryx. Magulo ang buhok at walang damit pang-itaas. “Oh! You’re already awake, lover boy!” sabi ng babae sa nang-uuyam na tinig. Mabibigat ang hakbang na humakbang ito palapit sa kaniyang asawa, at nagulat siya sa sunod na ginawa nito. “Para ’yan sa pagsisinungaling mo!” Isang malakas na sampal ang pinadapo nito kay Slyth Aeryx, dahilan upang magitla ang lalaki. “Ito naman ay para sa pananakit mo sa damdamin ng asawa mo!” Muli nitong sinampal ang kaniyang asawa, ngunit mas malakas ang huling sampal na iginawad nito, naroon ang gigil at galit. “What the fck!” pagmumura ni Slyth Aeryx habang sapo ang kaliwang pisngi na huling sinampal ng dalaga. Agad na namula ang mukha nito sa galit habang nagtatagis ang mga bagang. Bago pa muling magsalita ang kaniyang asawa, agad na tumalikod at padabog na naglakad palabas ang dalaga. Samantala, muling bumalik sa kanilang silid si Slyth Aeryx, sapo pa rin ang pisngi na tumanggap ng mas malakas na sampal mula sa babaeng inuwi nito. Bumakat sa magkabilang pisngi ng kaniyang asawa ang palad ng dalaga sa lakas ng pagkakasampal. Hinila ni Czerina ang upuan sa dining table habang nanginginig ang tuhod dahil sa mga naganap Sa kabila ng nangyari sa lalaki, hindi niya magawang maawa rito. Bagkus ay bahagya pang gumaan ang dib dib niya sapagkat kaagad nitong pinagbayaran ang ginawang pagtataksil sa kaniya sa unang araw nilang pagsasama bilang mag-asawa. Lihim din siyang umusal ng pasasalamat sa dalaga. Buong akala niya’y aapihin siya nito at gagawing utusan kagaya ng kadalasan niyang nababasa at mga napapanood; na mas matapang pa ang taong kumabit kaysa sa legal na asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD