CHAPTER 1
“Akitin mo si Slyth.”
Mga katagang nagpaawang sa bibig ni Czerina Dulce Evares o mas kilala sa palayaw na Cedee. Kumunot ang noo ng dalaga. Bakas ang kalituhan sa mukha habang nakatingin sa babaeng walang pag-aalinlangang sinambit ang mga salitang iyon.
Marahan niyang pinilig ang ulo. Itinikom ang bibig at tumikhim nang mahina. “T-Tama po ba ang narinig ko? Gusto ninyong akitin ko ang magiging asawa ng anak n’yo?” paglilinaw niya.
Day off niya ngayon. Halos katatapos lang nilang kumain sa isang restaurant na nasa loob ng mall. Nagpaalam si Santina sa kaniyang amo na isasama siyang mamasyal sa kabilang bayan.
Kahit nagtataka’y agad siyang pumayag dahil wala naman siyang gagawin. Idagdag pa na mabait sa kaniya ang ginang kaya hindi niya ito magawang tanggihan.
“Limang milyon, kapalit ng isang gabi kasama ang fiance ng anak ko,” walang kurap na sambit ni Santina Vermin–ang ina ng mapapangasawa ng lalaking lihim na iniibig ni Czerina.
Namilog ang mga mata ng dalaga sa mga narinig. Sunod-sunod siyang napalünøk. Hindi makapaniwala sa laki ng halagang inaalok sa kaniya.
“Sobra-sobra na ang perang ’yan, Cedee. Makakabayad ka na sa utang ninyong mag-ina sa mga Del Castillo,” panghihimok pa ng ginang.
Ngayon lang nakita ng dalaga si Santina na ganito kaseryoso makipag-usap. Madalas ay maaliwalas ang mukha nito at laging nakangiti. Kaya hindi kataka-taka na kahit limampu’t dalawang taong gulang na ay mas bata pa rin tingnan kumpara sa tunay na edad. Subalit nitong mga huling pagbisita nito sa mansiyon, napansin niya na tila laging malalim ang iniisip ng ginang.
“P-Pero bakit gusto n’yo po na akitin ko si Slyth?” aniya, bakas pa rin ang pagtataka sa magandang mukha. “Malapit na po silang ikasal ni Atasha.” Tukoy niya sa fiance ng lalaking lihim na itinatangi ng kaniyang puso.
“Gusto kong malaman kung karapat-dapat ba talaga siya maging asawa ng anak ko, Cedee.” Ibinaling ni Santina ang mga mata sa ibang direksiyon. Huminga nang malalim na tila ba may bumabagabag sa isip.
Muling napalunok si Czerina, bumaba ang tingin sa magkasalikop na mga kamay na nakapatong sa mesa ngunit wala doon ang kaniyang atensiyon.
Malaking tulong na sa kaniya ang perang inaalok ng ginang. Makakabayad na siya sa utang at magagamit pa niya ang matitira upang makalayo sa kanilang lugar at makapagsimulang muli. Idagdag din na may pagtingin siya kay Slyth kaya pabor sa kaniya ang gustong ipagawa ni Santina.
“Tutulungan din kitang makalayo sa mapang-abuso mong ama,” dagdag pa nito.
Màrahàs na nag-angat ng tingin ang dalaga. “M-May alam po kayo sa mga ginagawa ni Papa?” aniya, sa namimilog na mga mata.
Dumaan ang awa at simpatya sa mukha ng babaeng kaharap. “Hindi sinasadyang narinig ng bodyguard ko ang pinag-uusapan nina Romeo pati na ng mga kaibigan niya. May binabalak siyang masama sa ’yo. Sabi pa raw ng ama mo, ipangbabayad ka rin niya sa pinagkakautangan sa oras na magawa na ang masamang balak sa ’yo.”
Hümïgpit ang pagkakahawak ni Santina sa bag na nakapatong sa kandungan nito. Maging ito man ay nakadama ng galit para sa isang ama na kayang gumawa ng masama sa sariling dugo at lāman.
Kinilabutan si Czerina sa mga narinig. Umahon ang galit at takot sa d*bdib para sa ama. “K-Kailan po narinig ni Mang Gaston ang mga sinabi ni Papa?” usisa niya habang nângínginig ang katawan.
“Noong isang araw na pumunta siya sa bar, day off niya kasi kaya naglibang-libang din,” tugon ni Santina. “Magdadalawang linggo ka ng hindi umuuwi sa inyo, at nabanggit sa ’kin ni Aelinor na nakiusap ka daw na kung pwede ay doon ka na mamalagi sa kanilang mansiyon,” tukoy nito sa ina ni Slyth Aeryx Del Castillo.
“Magtulungan tayo, Cedee.” Ginagap ng ginang ang mga kamay niyang nakapatong sa mesa, marahang pinisil. “Kayang-kaya kong ipakulong ang ama mo upang hindi ka na niya mapagtangkaang gawan ng masama. Marami na rin siyang ginawang kalokohan, hindi nga lang nakakarating sa ’yo dahil pinagtatakpan ni Czarina.”
Isang beses ng nakulong ang ama ni Czerina na si Romeo Evares dahil sa kasong pagnanakaw, ngunit nakapagpiyansa si Czarina kaya muling nakalaya. At ang pangyayaring iyon ay lingid sa kaalaman ng dalaga.
“S-Sige po, pumapayag ako sa gusto ninyong ipagawa sa akin,” pagsang-ayon niya.
Kaagad na umaliwalas ang mukha ni Santina.
“Pero sa isang kundisyon, tulungan n’yo po akong makaalis dito at maipakulong si Papa.”
“Oo naman, madali kong magagawan ’yan ng paraan,” sambit ni Santina, may kislap sa mga mata.
Dayo lamang sa Isla Clementez ang mag-asawang Santina at Lauro Vermin kasama ang anak na babae na si Atasha na noo’y isang taong gulang pa lamang.
Malawak ang nabiling lupain ng mag-asawa, at ang mga ito ang pangalawa sa mainpluwensiyang tao sa kanilang lugar.
Naging magkaibigan ang pamilya Vermin at pamilya Del Castillo–na kalaunan ay nagkasundo na ipakasal ang kanilang mga anak upang mas lalong lumawak ang kanilang negosyo at mga ari-arian.
Mahigit kalahati ng lupain sa isla ay pagmamay-ari ng mga Del Castillo, at ang natitira ay pag-aari ng mag-asawang Vermin.
KANINA pa hindi mapakali si Czerina. Ngayon ang gabi kung saan isasakatuparan niya ang kasunduan nila ng ina ni Atasha. Palakad-lakad siya sa loob ng kaniyang silid.
Bawat kasambahay ay may sariling kwarto. Maliit lang ang bawat silid ngunit sapat upang maging komportable sila at magkaroon ng privacy.
“’Ma, tulungan n’yo po ako. Gusto ko na pong mabayaran ang utang natin at makalayo kay Papa.” Naupo ang dalaga sa maliit na kama. Pinagsalikop ang nanginginig na mga kamay saka tumingala na para bang makikita niya ang inang namayapa.
Nag-iisang anak nina Romeo at Czarina Dulciana Evares si Czerina Dulce. Mula nang magkaisip, madalas niyang marinig na nagtatalo ang mga magulang. At kapag ganoon na ang nangyayari, dinadala siya ng kaniyang lola Carina sa silid nilang dalawa. Niyayakap nang mahigpit at kinakantahan upang hindi marinig ang pagtatalo ng kaniyang mga magulang.
Halos isang beses lang sa isang linggo kung umuwi si Romeo sa kanilang tahanan. Lasing lagi ang kaniyang ama sa tuwing darating. Umuuwi lang ito kapag wala ng pera na pangbili ng alak. Laging barkada at babae ang inaatupag nito. Kaya laging nag-aaway ang ama at ina niya dahil kahit ang pinaghirapan ni Czarina ay nilulustay lang sa mga walang kuwentang bagay.
Kung wala ang lola niyang si Carina, walang magbabantay sa kaniya kapag nasa trabaho ang ina. Hindi rin magawang iwanan ni Czarina si Romeo kahit puro sakit lang ng ulo ang dala sapagkat pinagbabantaan nito ang ina niya na ipapäpatây.
Takot si Czarina sa asawa sapagkat alam nitong may mga ilegal na gawain ang lalaki, na huli na nitong natuklasan. At marami itong kakilala na pwedeng utusan upang totohanin ang banta. Kaya kahit sawang-sawa na sa pagtrato ng asawa, patuloy pa ring nagtitiis ang babae upang manatiling ligtas ang ina.
Nang tumuntong si Czerina sa edad na labing-dalawa, pumanaw ang kaniyang lola Carina dahil sa atake sa puso. Magmula noon, madalas na siyang isama ng kaniyang ina sa mansiyon.
Doon niya din nasilayan nang malapitan ang unico hijo ng pinakamayaman at maimpluwensiyang tao sa isla Clementez–si Slyth Aeryx Del Castillo na noo’y dalawampu’t isang taong gulang pa lamang.
Unang pagtatama pa lang ng mga mata nila ng binata, bumilis na kaagad ang tíbôk ng kaniyang puso. At iyon ang unang beses na humanga siya sa isang lalaki. Kaya magmula noon, pinananabikan na niya ang pagpunta sa mansiyon ng mga Del Castillo upang makita ang gwapong binata na may matikas na pangangatawan.