Walang patid ang pagtulo ng mga luha ni Mariella dahil sa dami ng dugong kumalat sa lupa na humalo na sa bato’t buhangin doon.
“Walang hiya ka talaga, Arthur!”
Singhal niya sa lalake habang pinanlilisikan ito ng mata.
“Nag-uumpisa pa lang ako!”
Hangos nitong sambit bago mapahalakhak ng nakakaloko.
May bahid ng pamumula ang mga mata nito, kasabay ng walang patid na paglalaway, kahit ang paghinga nito ay hindi na normal dahil sa lalim at bilis noon.
“Mam Mariella, diyan lang po kayo!”
Mabilis harang ng binata nang tangkang lalapit nanaman si Arthur sa kanya.
Ito ang sumagip sa kanya kanina habang dinadaganan siya ng naturang lalake, walang kahirap-hirap nitong ibinalibag palayo si Arthur na kala mo ay unan lamang patanggal sa kanyang ibabaw.
“Matapang kang bata ka, ah!”
Ngitngit ni Arthur na mas hinigpitan pa ang hawak sa kutsilyo na itinututok sa binata.
“Sige, subukan mong lumapit!”
Mabilis ang naging pag-angat ng kamay ng lalake na kuyom ang mga palad at handa na sa pagdepensa, hindi alintana ang malaking sugat sa braso na walang tigil pa rin sa pagdurugo.
Nagtagisan ng tingin ang dalawang, walang gumagalaw dahil sa tila tinitimbang ang lakas ng bawat isa. Mayroon man hawak na sandata si Arthur ay alangan pa rin ito dahil sa laki ng katunggali, maliban doon ay halatang mas lamang ito dahil sa hubog at tikas ng pangangatawan, idagdag pa na mukhang may nalalaman ito sa paglaban.
“Tulong, holdaper!”
Tuloy-tuloy na ang naging pagtili ni Mariella, sa pagkakataon na iyon ay hindi na siya nagawang pigilan ng dating asawa, dahil na rin sa nanatiling nakaprotekta sa kanya ang binata.
Ilang saglit pa at may mangilan-ngilan ng tao ang nag-usisa at pumalibot sa kanila, kasabay ng malalakas na tunog ng mga pito na nagmumula sa lupon ng mga security guards na tumatakbo papunta sa kanila.
Wala ng nagawa si Arthur kung hindi ang kumaripas ng takbo, maliksi itong umiwas sa ilang mga naroon na sumubok humuli rito.
Doon na nagawang lumapit ni Mariella sa binata, mabilisan niyang dinampian ng panyo ang sugat sa braso nito upang pigilan ang pagtagas ng dugo.
“Jusko, Adrian. Ano ka ba naman.”
Mangiyak-ngiyak siya dahil sa dinanas nito nang sanggain ang patalim na para dapat sa kanya.
“Huwag po kayo mag-alala mam Mariella, malayo po ito sa bituka.”
Magiliw nitong sambit na napapatawa na lamang habang nagkakamot sa ulo.
Naroon ang kung anong pamumula sa mukha nito, kung kaya ganoon na lamang ang lalong pag-aalala ni Mariella.
“Mam, okay lang po kayo?”
Inilawan na sila ng isa sa mga security na naiwan doon, kunot ang noo nito na pinapakatitigan ang katabi niya.
“Sir, tumawag po kayo ng ambulansya.”
Mabilis ang naging pagyakap ni Mariella sa braso ng binata para hatakin ito upang gumalaw na.
“Huwag na po, gasgas lang naman ito.”
Turan naman ni Adrian na mas lalo lamang nag-init ang mukha dahil sa biglaan pagkakadikit ng dibdib ng kasama sa kamay. Napalunok pa ito ng malalim, kasabay ng malalalim na paghinga.
“Hospital na po iyong building sa likod niyo, mabuti po doon na natin siya dalhin.”
Turo ng guwardiya.
“Mam, Mariella, hindi na po, okay lang ako talaga.”
“Ay hindi. Paano na lang kung may kung ano iyong ginamit ng siraulong iyon.”
Sita ni Mariella sa binata bago balingan ang security guard.
“Sir, pasama naman po.”
Pagpapaamo niya ng mata dito.
Nandoon pa rin kasi ang kaba sa kanya na baka makasalubong nila si Arthus, kung kaya naman mas nanaisin niyang mayroon kasama.
Tumango naman ang naturang guwardiya at tinulungan pa siya sa pag-alalay sa naturang binata na napangiwi na lamang dahil sa walang magawa.
Mabuti na lamang at mababaw lang ang naging hiwa sa braso nito, kaya naman hindi na kinailangan ng tahi. Matapos malapatan ng paunang lunas ay nakalabas na rin sila sa hospital.
“Sabi ko naman sa inyo mababaw lang iyong sugat ko. Napagastos pa tuloy kayo.”
Napapakamot na lang si Adrian habang naglalakad sila pabalik sa parking lot kung saan nangyari ang lahat. Sa pagkakataon na iyon ay mayroon ng rumurondang mga security guard dahil sa hindi nila nagawang mahuli ang salarin kanina.
“Jusko, huwag mo iyon isipin. Ako naman ang may dahilan kung bakit nangyari iyan sa iyo.”
Birong palo na lang niya sa biceps nito.
Ganoon na lang tuloy ang hiyang tawa ng binata.
“Naku mam Mariella, wala kayong kasalanan doon. Naisahan lang ako ng ugok na iyon kasi nadulas ako kanina, kung hindi iyong nangyari bugbog sarado iyon sa akin.”
Pumostura pa ito ng mga kamay na tila boksingero para ipakita ang bilis at liksi sa pagsuntok.
Ang matinding takot at konsensya na walang patid na umuusig sa kanya kanina ay nabawasan dahil sa mga sinabi nito. Subalit naroon pa rin ang bigat ng pagsisisi niya dahil sa nangyari.
“Paano ba ako makakabawi sa iyo? May gusto ka ba, sabihin mo lang.”
Alam niyang hindi sasapat ang kahit anong bagay dahil sa pagliligtas nito sa kanyang buhay, pero nais niya pa rin masuklian ang pagliligtas nito sa kanya.
Sigurado niya kasi na kung hindi ito dumating ay baka wala na siyang buhay ngayon, lalo pa nang makita ang kabaliwan at dilim ng paningin ni Arthur kanina. Maliban doon ay hindi mawala sa kanyang isipan ang alaala ng pagdampi ng malamig at matalim na dulo ng patalim sa kanyang leeg, kung kaya’t sobra-sobra ang pasasalamt niya sa pagdating ng binata.
Mabilis namutawi ang kung anong saya sa mukha ni Adrian, napakagat na lang ito sa ibabang labi kasabay ng matinding pamumula.
Ibinuka nito ang bibig at akmang sasabihin na ang nais nang tumunog ang telepono sa bulsa nito na siyang nagpatigil dito.
Nagmamadali nitong kinuha ang naturang bagay, tarantang sinagot nang makita ang pangalan na nakalagay roon. Sumenyas na lang ito kay Mariella ng sandali bago patakbong lumayo upang kausapin ang nasa kabilang linya.
Isang malalim na buntong hininga na lang ang pinakawalan ni Mariella habang pinagmamasdan ito, naroon pa rin ang ngiti sa kanya. Nag-iisip na siya kung ano ang pwedeng iregalo rito para ipakita ang kanyang taos pusong pasasalamat.
Ganoon na lamang ang pagpipigil niya ng tawa nang makitang pumapadyak ito sa lupa, habang walang patid na nakikipagtalo sa kung sino man ang kausap nito. Tumuwid lang siya muli nang makitang natapos na ang binata at naglalakad na ng mabilis papalapit sa kanya.
“Mam Mariella, pwede po ba I-hold muna natin iyong reward ko, may kailangan po kasi ako gawin.”
Pagpupungay nito ng mata habang magkadikit pa ang mga kamay sa tila pagmamakaawa.
Isang mahinhin na hagikgik na lamang ang napakawalan niya dahil sa tuwa dito.
“Of course, sabihin mo lang sa akin kung kailan at ano and gagawan ko ng paraan.”
Wala sa sariling turan niya dahil sa pagkaaliw dito.
“Sigurado iyan, mam Mariella ah!”
Nanlalaking matang saad nito na hindi pa rin makapaniwala.
“Oo naman, basta kaya ko at abot ng budget.”
Natatawang tapik na lang niya rito.
Handa naman siya na bigyan ito ng pabuya, lalo pa at ito ang dahilan kung bakit ayos at ligtas siya ngayon.
Mas lalo pang nagningning ang mga mata ni Adrian, bago mapasuntok sa ere sabay talon, mukhang hindi na nito narinig ang mga huling sinabi ni Mariella dahil sa walang patid na pagdiriwang.
“Kunin ko po number niyo.”
Abot nito ng telepono sa kanya, matapos ang ilang saglit ng pagbubunyi.
Inabot kaagad ni Mariella ito para ilagay ang kanyang numero.
“Oh heto.”
Balik niya na matapos i-save ang numero rito.
“Okay!”
Dali-dali naman tinawagan ni Adrian iyon, at nang marinig ang pagtunog ng cellphone ni Mariella ay doon na ito nagmamadaling umalis.
“Ingat ka!”
Kawa na lang niya rito habang pinagmamasdan ito.
“Bye mam Mariella.”
Balik naman nito na mayroon ngiti sa mukha, bakas na bakas ang saya sa bawat kilos nito, dahil halos nagsasayaw pa ito habang walang patid sa pagtatalon habang papalayo.