Chapter 8 Nag-inat muna si Aliah bago dahan-dahang tumayo sa higaan. Ikatlong linggo na niya na nakatira sa bahay ni Krish at kahit papaano ay nakakagalaw-galaw na siya. Panaka-naka pa rin ang pagsakit n’yon ngunit hindi na kagaya rati na kailangan pa siyang buhatin ni Krish papunta sa banyo. Paika-ika pa rin siya kung maglakad at para bang sinimento ang kanyang balakang kaya sapo-sapo niya iyon sa tuwing siya ay maglalakad. “Hay naku naman! Kailan ba ako makakalakad ng maayos?” napapailing na sabi ni Aliah habang lumalakad palabas ng kwarto. Pagkalabas niya ay nagpalinga-linga pa siya sa sala ngunit hindi niya nakita ang binata. Nagkibit-balikat na lamang siya at nagtungo na sa kusina. “Ano ‘to?” Kinuha ni Aliah ang sticky note na nakadikit sa refrigerator, mayroon doong nakasulat.

