“AAAAARRRGGGHHHH!!!!” Natutop ni Mrs. Nilda Castro ang bibig nang makita ang anak niyang nagwawala nang pumasok siya sa loob ng condo na nirerentahan nito. Kararating niya lamang galing sa Santa Flores. Parang hindi siya mapakali kaya napagdesisyunan niyang bisitahin si Bettina rito sa Metro Manila ngunit hindi niya inasahan na ganito ang madadatnan niya. Nakakalat ang mga gamit nito sa kahit saan. May mga bote ng alak at mukhang hindi pa nahuhugasan ang mga pinggan sa kusina ng ilang araw. Maarte sa katawan si Bettina. Palagi itong nakaayos. Kahit nasa bahay lamang ay sinisiguro nitong presentable itong tingnan. Ngunit ngayon ay sabog ang buhok nito at mukhang hindi pa naliligo. Maging ang damit nito ay may mga mantsa. Nakaupo ito ngayon sa carpet habang umiiyak at sumisigaw.

