Asha
Kinabukasan ay maaga akong ginising ng aking ina upang maghanda sa pagpunta ng isang pari raw dito sa aming bahay. Si Tasha naman ay naka-handa na para naman sa pagpunta namin sa sinasabi niyang medium. Ni hindi ko magawang tumingin sa aking kwarto dahil natatakot ako na oras na ginawa ko ito ay baka makita ko siya.
Napalunok ako nang dumating ang pari kasama ang ilan niyang kasama at pumasok sila sa aming bahay. Hindi ko kilala ang mga taong ito pero sana lang ay makatulong sila sa anumang bagay na nakita ko kagabi. Hindi ko pa rin makalimutan hanggang ngayon iyong takot na aking naramdaman noong makita ko siya.
Nang makita ko ang kanyang sungay ay alam ko na isa siyang demonyo lalo na iyong mapupula niyang mga mata na parang gusto akong patayin anumang oras. Nang makapasok silang lahat ay kinausap muna nila saglit ang aking ina. Pagkatapos ng ilang minuto ay tinawag na nila ako at agad namang hinawakan ng aking ina ang aking kamay.
“Simulan na natin ang blessing,” simula ng pari.
May dinasal lang siya kunti sa akin habang nakahawak naman ang aking ina at kapatid sa magkabilang gilid ko. Nang matapos ang kanyang pagdarasal ay napapikit na lang ako nang sinimulan niya akong wisikan ng Holy Water. Nang matapos ay nagpasalamat kaming lahat sa pari at imbes na gumaan ang aking pakiramdam ay parang bumigat lamang ito lalo.
Alam ko na dapat ay oras na bliness na nila ako ng Holy Water ay mas maramdaman ko na ligtas na ako pero bakit parang kakaiba ang aking nararamdaman. Mabigat ito na para bang babagsak ako anumang oras at imbes na mawala ang anumang takot na aking nararamdaman ay mas dumoble pa ito. Nang makaalis ang pari at ang mga kasama niya ay pinahid ko ang mga tumalsik na Holy Water sa aking mukha.
“Tasha, ikaw na muna ang bahala sa Ate mo at pupunta lang ako ng palengke para bumili ng mga kailangan natin,” bilin ni Mama kay Tasha.
Nang makaalis na si Mama ay dinukot ni Tasha ang cellphone niya sa kanyang bulsa sabay may tinawagan. Hindi naman ako nakinig sa kung sino’ng kausap niya nang dumungaw ako sa labas at nakita ko na may isang puting van na pumarada sa tapat ng bahay namin. Dalawang babae at isang lalaki ang lumabas doon at napansin ko na papalapit sila ngayon sa bahay namin.
“T-Tasha? May mga bisita yata tayo?” pukaw ko sa aking kapatid at nang tignan niya ay kinawayan niya ang mga ito.
Paglapit nila sa amin ay nginitian ako ng isang babae na sobrang pamilyar sa akin pero hindi ko alam kung saan ko na siya nakita.
“Pasok ho kayo,” paanyaya ni Tasha sa kanila na aking ipinagtaka.
Nang makapasok sila ay pinigilan ko si Tasha sa kanyang braso. “Sino sila at bakit sila nandito? Alam ba ni Mama na may mga bisita tayo?”
“Ate, syempre hindi niya alam iyon. Kaya nga sinakto ko talaga na wala si Mama dahil alam mo naman na sa sobrang mapamahiin ni Mama ay baka hindi siya pumayag sa ideya ko. Isa pa makaaasa ka na matutulungan ka naman nila dahil magaling sila. Sila iyong medium na tinutukoy ko Ate,” paliwanag niya.
“Hi,” bati sa kanila ng aking kapatid at agad na napatingin sa akin iyong babae na pamilyar.
Nang malapitan ko siya ay doon ko lang naalala na siya iyong babae na nakita ko sa hospital noong nagpa-check-up ako. Nang makita niya ako ay ngumiti siya sabay hinawakan niya ang aking kamay ng mahigpit.
“Sabi ko sa iyo ay kapag may naramdaman ka ay tawagin mo lang ako.” Napakunot naman ang aking noo sa kanyang sinabi.
“Sakto pala at nakilala niyo na ang isa’t isa. Ate siya iyong tinutukoy ko sa iyo na medium na pwede nating hingan ng tulong. Tinawagan ko siya at sinabi niyang pupunta raw siya ngayon dito,” sabi ni Tasha.
“Hello, ikaw ba ang kapatid ni Asha na tumawag sa akin?” tanong niya at tumango naman ang aking kapatid.
“Matutulungan niyo po ba ang aking kapatid? Alam ko ho na hindi makatutulong sa kanya ang bless ng pari kaya tinawag ko ho kayo.” Tipid siyang napangiti.
“Walang problema. Kailangan ko lang tignan ng mabuti ang bahay niyo kung ayos lang sa inyo.” Nagkatinginan naman kami ni Tasha sabay tumango.
“Wala hong problema,” sagot ni Tasha.
“Siya nga pala, ayos lang naman na sumama sila sa akin ‘di ba? Mga kasama ko sila kaya kung papayagan niyo ay sasama sila sa akin.” Tumango kaming muli ni Tasha sa kanya at ngumiti siyang muli sabay nagsimulang mag-ikot-ikot sa aming bahay.
Hindi ko naman bukod akalain na isa pala siyang medium kaya naman pala noong makita ko siya ay parang ang gaan ng loob ko sa kanya. Nang hinawakan niya ako ay para bang wala akong problema na kinahaharap ngayon.
“Sabihin niyo lang ho kung may kailangan ho kayo, Ms…”
“Laura. Ang pangalan ko ay Laura. Hmm. Asha? Pwede mo bang sabihin sa akin kung paanong nagparamdam sa iyo iyong nilalang na gumagambala sa iyo?” tanong niya habang iniikot niya ang kanyang mga mata sa kabuuan ng unang palapag ng aming bahay.
Agad ko namang sinabi sa kanya ang lahat at napansin ko na nakikinig lang sa akin si Tasha habang kinukwento ko ang nangyayari. Nang matapos kong sabihin sa kanya ay nagsimula siyang umakyat sa ikalawang palapag papunta sa aking kwarto pero bigla akong natigilan.
“Ate? May problema ba?” tanong ni Tasha.
“Uhm, a-ayos lang ba kung hindi muna ako sumama sa taas?” Mukhang narinig kami ni Ms. Laura dahil napalingon siya sa amin.
“Ayos lang naman kung hindi ka na muna sumama, iha. Kami na lang muna ang aakyat at kung may kailangan naman kami ay sasabihan ka naman namin agad. Maghintay na lang muna kayo ng kapatid mo rito at kami na ang bahalang tumingin sa kwarto mo.” Nakahinga naman ako ng maluwag.
Tulad ng sabi nila ay nawala sila sa aking paningin habang umupo naman ako sa sofa kasama si Tasha. Pareho kaming tahimik ni Tasha ng ilang saglit nang may maitanong si Tasha sa akin.
“Ate, hanggang ngayon ay hindi mo pa rin sinasabi sa akin kung ano iyong nakita mo kaya ka takot na takot na pumunta sa kwarto mo.” Natahimik naman ako sa sinabi niya saglit.
“Hays. Hindi ko rin alam hanggang ngayon kung ano iyong nakita ko Tasha. Hindi ko kasi alam kung ano iyong katangahan na ginawa ko.” Napatungo ako.
“Teka, ibig mo bang sabihin ay matagal mo nang nakikita iyon? Bakit hindi mo sinabi sa amin ni Mama?” tanong niya.
“Dahil nagpakain ako sa sariling kamunduhan ko na hindi ko dapat ginawa.”
“Hindi bale. Malalaman na natin kung ano iyong nakita mo at kung paano natin siya mapapaalis.” Tumango naman ako.
Makalipas ang ilang minuto ay narinig na namin ang kanilang mga yabag at nagsimula na silang bumaba kaya naman napatayo kami agad. Pagkatapos ay iyong dalawang kasama ni Ms. Laura ay dire-diretsong lumabas ng aming bahay habang naiwan naman dito si Ms. Laura. Sinundan ko naman ng tingin ang dalawang kasama niya at nagtataka ako kung saan sila pupunta.
“Tapos na ang trabaho nila rito kaya umalis na muna sila.” Napatingin naman ako kay Ms. Laura sa kanyang sinabi.
“Umupo muna kayo. Gusto niyo ba ng meryenda?” tanong ni Tasha sa kanya.
“Maraming salamat sa alok mo pero hindi na kailangan, iha,” magalang na tanggi niya kay Tasha.
Pagkatapos ay hiniling niya kay Tasha na kung maaari ay kausapin ako ni Ms. Laura na kaming dalawa lang. Noong una ay medyo alanganin si Tasha pero kalaunan ay pumayag naman siya kaya lumabas na muna siya. Nang kaming dalawa na lang ang naiwan ay napatingin ako kay Ms. Laura at agad siyang tumabi sa akin.
“Noong unang beses pa lang kitang nakita ay napansin ko na may kakaiba sa iyo. Hindi ko nga lang masyadong makita ito noong una dahil hindi pa gano’n kalakas ang presensya niya kapag malayo ka sa kanya. Pero napatunayan ko iyon ngayon tumapak ako sa bahay niyo at doon ko agad naramdaman ang presensya niya,” paliwanag niya.
“Alam niyo ho ba kung ano iyong gumagambala sa akin at kung bakit niya ho ginawa ang dapat niyang gawin?” tanong ko.
“Gusto kong malaman kung paano nagsimula ang lahat bago mo siya nakita. Kailan, saan at ano’ng oras mo siyang nakikita?” tanong niya.
Mabilis kong sinabi sa kanya ang lahat simula roon sa panahon na nakita ko ang Quija Board sa aming attic hanggang sa nakita ko na nga siya sa wakas ng harapan. Nang matapos kong ikwento sa kanya ang lahat ay tumahimik siya saglit sabay diretsong napatingin sa akin. Inabot niya ang aking ulo at pumikit ng mariin sabay huminga naman ako ng malalim. Napalunok ako nang bigla na lang niyang imulat ang kanyang mga mata at sa pagkakataong ito ay may kakaiba na sa kanyang mga tingin.
“Kung anuman ang sasabihin ko sa iyo ay gusto kong malaman mo na ito iyong mga nakita ko kanina sa kwarto mo.” Tumango naman ako. “Hindi ko alam kung paano siyang nagsimula na lumapit sa iyo pero ayon sa nakita ko kanina at base na rin sa kwento mo ay pinayagan mo siyang pasukin ang buhay mo, Asha. Pinayagan mo siyang hawakan ka sa leeg kaya hindi ka niya tinitigilan. Ang buong akala mo ay isa siyang klase ng tulong pero ang totoo niyan ay ang tanging habol lang niya ay ang kaluluwa mo.” Napahinga ako ng malalim.
“Pinayagan? P-Pero wala naman po akong naaalala na pinayagan ko siya sa kahit na anuman bukod na lamang sa… Katulad nga ng kwento ko kanina ay pumapayag lang ako sa gabi.” Tumango siya ng isang beses.
“Ang buhay ng isang tao ay maraming pagsubok at tuwing nagigipit tayo ay naghahanap tayo ng paraan para makawala agad sa problemang iyon. Kadalasan kung saan tayo mahina ay doon tayo inaatake ng mga nilalang na ito,” sabi niya.
“P-Pero paano ho nangyari iyon na nahanap niya ako? Bakit sa lahat ho ng mga tao ay ako pa talaga ang napili niya? Matagal na hong nakatayo ang bahay namin na ito at kung sakali mang may mga kaluluwa o nilalang na pagala-gala rito ay hindi naman ho gano’n kalala ang nangyayari,” paliwanag ko.
“Tama ka pero binuksan mo ang isang pintuan na hindi mo dapat ginawa, Asha. Noong linaro niyo iyong Quija Board na iyon ay hindi ama niyo ang nakausap niyo kung hindi isang nilalang na naghihintay sa pinto upang makapasok. Ang masama niyan ay hindi niyo sinara ng mabuti ang pinto na pinanggalingan niya kaya madali lang siyang nakapasok sa mundo natin.
“Ang buong akala mo ay naisara mo ito pero hindi gano’n kadali ang magsara ng pinto ng kabilang buhay, Asha. Ngayon ipinakita niya sa iyo na kakampi mo siya na siya ang tanging tumutulong sa iyo pero ang totoo niyan ay ginagawa lamang niya iyon para kunin ang kaluluwa mo. Nagtataka ka ba kung bakit palagi kang pagod?” Tumango ako.
“Iyon ay dahil inuunti-unti niyang kinukuha ang kaluluwa mo at kung hindi mo ito pipigilan ay hindi ka na magigising pa.” Napatakip ako sa aking bibig.
“A-Ano ho bang klaseng nilalang iyong pinapasok ko Ms. Laura? Ano ho ang dapat kong gawin para tigilan niya ako?” tanong ko.
“Nakikita natin sila dahil sa pangungulila natin sa isang tao na mahal natin. Ngayon nabanggit mo na nakaramdam ka ng ilang beses na para bang nagtatalik kayo, tama?” Tumango ako. “Incubus demons ang tawag sa kanila at kinakain nila ang kaluluwa ng tao sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Kaya tuwing nagigising ka sa umaga ay kakaibang pagod ang nararamdaman mo. Hindi pa niya tuluyang nakukuha ang kaluluwa mo kaya nagiging mabait siya sa paningin mo. Pero oras na makuha na niya ang gusto niya ay doon niya ipapakita ang kanyang tunay na kulay.”
Halos mapatakip ako sa aking bibig sa takot ng mga naging galaw ko nitong nakaraang buwan. At ayos lang sana kung isang buwan ito o kahit isang linggo pero pinayagan ko siya ng mahigit apat na buwan. Apat na buwan na niyang kinukuha ang aking kaluluwa ng hindi ko nalalaman.
“Ano ho ang pwede nating gawin para lubayan niya ho ako?” tanong ko.
“Papalayasin ko ang demonyong iyon sa bahay na ito gamit ang isang ritwal ngunit kailangan ay ikaw ang gagawa at ako lang ang magdarasal. Isang babala lamang na kailangan mong tandaan oras na gawin natin ang ritwal. Kailangan mong maging matatag dahil oras na makita mo siya ay gagawin niya ang lahat para maniwala ka sa kanya at huwag na huwag kang maniniwala sa kanya. Naiintindihan mo ba?” Tumango ako ng mabilis.
“Kailan ho natin gagawin ang ritwal?” tanong ko.
“Mamayang gabi eksaktong hatinggabi. Magsindi ka ng kandila na itim sa gitna ng kwarto mo at kasama ang Quija board na ginamit mo para papasukin siya ay dasalin mo itong ibibigay ko sa iyo ng tatlong beses. Oras na magawa mo ito ay mararamdaman ko ito at ako na ang bahalang magpabalik sa kanya at isasara na natin ng tuluyan ang Quija Board. Isang paalala lang, Asha. Wala dapat makaalam nito at hindi ka pwedeng tumigil kahit na ano’ng maririnig o makikita mo. Gagawin niya ang lahat huwag lang siyang umalis sa tabi mo kaya tatagan mo lamang ang loob mo.” Kinakabahan akong tumango.
Nang matapos niyang ipaliwanag sa akin ang aking mga gagawin ay nagpasalamat kami sa kanya at ipinagdasal ko na sana ay maging matagumpay ito.