Asha
Nang makaalis na sila ay tinanong sa akin ni Tasha kung ano ang aming pinag-usapan pero naalala ko iyong bilin sa akin ni Ms. Laura kaya hindi ko sinabi sa kanya ang lahat. Naintindihan naman niya at hindi siya nangulit na aking ipinagpasalamat. Mabuti na lamang at nakaalis na sila dahil saktong pag-alis nila ay iyon naman ang dating ni Mama.
Hindi pa rin ako makapaniwala na nagawa kong pagkatiwalaan ang isang demonyo na maging mabait sa akin. Nang dahil sa pagtitiwala ko sa kanya ay nagawa niyang kunin ang aking kaluluwa ng wala akong kaalam-alam. Ang buong akala ko ay siya ang tagapagligtas ko pero nagkamali ako dahil nagawa niya akong lukuhin para lang makuha niya ang kanyang gusto.
Pagsapit ng gabi ay hinintay kong makatulog ang lahat ng tao sa bahay at nang masiguro kong tahimik na at mukhang hindi na sila magigising ay lumabas ako sa kwarto ni Tasha. Dala-dala ko ang itim na kandila at mahigpit ko itong hinawakan malapit sa aking dibdib sabay napatingin sa ikalawang palapag ng aming bahay. Pakiramdam ko ay para akong mahihimatay sa pag-akyat lamang sa hagdan ng bahay namin na alam ko naman na matagal ko nang ginagawa.
Huminga na muna ako ng ilang beses saka ko tinatagan ang aking loob at mabilis kong inakyat ang aking kwarto. Pagkarating ko sa aking kwarto ay agad kong binuksan ang ilaw ng aking kwarto saka napatingin sa kabuuan nito. Sa gitna ng aking kwarto ay mabilis akong gumalaw at sinindihan ko ang itim na kandila sabay umupo sa tabi nito habang nasa tabi ng kandila ang Quija Board.
Nang maisindihan ko na ang itim na kandila at sigurado ako na kumpleto na ang aking gagawin ay pinatay ko na ang ilaw ng aking kwarto sabay isinara ang pinto. Inalala ko ang sinabing dasal sa akin ni Ms. Laura at mabilis kong binigkas ito isa-isa at agad kong naramdaman ang kakaibang lamig at init sa loob ng aking kwarto. Ipinikit ko ang aking mga mata nang magsimulang magbukas ang pinto ng aking aparador tanda na nandito na siya.
Kakaibang lamig at init ang namagitan sa aking kwarto at hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman. Narinig ko mula sa aking likuran ang pagbukas din ng pinto ng banyo kaya naman hindi ako tumigil sa pagbigkas ng aking dasal.
“Stratum. Claudere. Rejicere. Porta. Cincinno.” Iyan ang mga katagang inulit ko ulit sa pangalawang pagkakataon nang marinig ko na may bumulong sa akin.
“Hindi ko gusto ang saktan ka, Asha. Maniwala ka sa akin.” Halos tumaas lahat ang balahibo ng aking batok nang marinig ko ang boses niya at alam kong malapit lang siya sa akin. Napalunok ako pero umiling ako dahil hindi ako pwedeng maniwala sa sasabihin niya.
“Please, Asha. You need to trust me.” Hindi ko siya pinakinggan.
Inulit ko sa pangatlong pagkakataon ang mga salita nang bigla na lang tumigil sa kabubulong sa akin ang nilalang. Unti-unti na ring nawawala ang init at lamig sa loob ng aking kwarto kaya naman unti-unti kong minulat ang aking mga mata. Nakita kong gumagalaw ang apoy sa itim na kandila nang bigla na lang magbukas ang aparador ko.
Pinagsaklop ko ang aking mga kamay na parang nagdarasal nang bigla na lamang lumutang ang Quija Board habang naririnig ko sa paligid ang kakaibang sigaw na para bang mabibingi ako anumang oras. Makalipas ang ilang minuto ay tumigil ang pagsigaw at nakita kong bumagsak ang Quija Board sa sahig kasabay nito ay nahati ito sa dalawa.
Kapansin-pansin din na umuusok ito na para bang nailagay ito sa sunog at bigla na lang namatay ang apoy sa kandila. Nang matapos ay binuksan ko ang ilaw at nakita ko na parang kung anuman ang nandito na mabigat noon ay wala na ngayon. Hindi ko na nararamdaman ang kanyang presensya tanda na marahil ay naibalik na siya kung saan siya nanggaling.
Sinubukan kong lapitan ang Quija Board at akmang hahawakan ko ito nang mapatigil ako. Kumuha ako ng isang maliit na tela at mabilis kong binalot ang Quija Board kasama ang planchette nito at saka tinago ko ito sa isang kahon. Bukas na bukas din ay ipupunta ko ito sa attic kung saan ko ito nakita at hinding-hindi ko na ito muli pang gagalawin.
Ngayon na wala na siya ay matatahimik na ako at hindi ko na kailangan pang intindihin na may gagambala sa akin. Pero ngayong gabi ay hindi ko na muna kaya ang matulog dito sa aking kwarto kaya naman bumalik ako sa kwarto ni Tasha. Paghiga ko sa kama niya ay may ngiti sa aking mga labi nang gumalaw si Tasha.
“Ate?” sabi niya sa inaantok na boses. “Gising ka pa? Hindi ka ba makatulog?”
“Ayos lang ako, Tasha. Maraming salamat dahil simula ngayong araw na ito ay malaya na ako,” sagot ko sa kanya.
“Hmm,” ungol niya sabay natahimik tanda na bumalik na siya sa pagkakatulog.
Nang gabi na iyon ay mahimbing akong natulog dahil alam kong wala na akong problema pa. Kinaumagahan ay nagising ako dahil sa huni ng mga ibon sa labas at pagmulat ko ng aking mga mata ay nakita kong wala ni si Tasha sa aking tabi. Bumangon ako at mabilis na lumabas mula sa kanyang kwarto at agad na hinanap ang mga tao rito sa bahay.
Nagmumog na muna ako bago ako pumunta sa kusina kung saan ay nakita kong may nakatakip na mga pagkain na mukhang bagong luto pa lang.
“O Ate?” Napalingon ako nang makita ko si Tasha na may bitbit na plato. “Buti naman at nagising ka na. Kumain ka na rin habang mainit pa iyong mga ulam.”
“Sige. Si Mama?” tanong ko sa kanya.
“Syempre katulad ng dati ay nandoon pa rin at naglilinis ng mga kalat. Ikaw, Ate? Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong niya habang linalagay ang kanyang pinggan sa lababo.
“Wala na iyong nilalang na gumagambala sa akin, Tasha. Katulad ng sinabi ni Ms. Laura ay ginawa ko ang lahat ng kanyang sinabi at ngayon ay tuluyan nang wala iyong demonyong iyon.” Lumaki ang kanyang mga mata dahil sa tuwa.
“Seryoso? Wow! Sabi ko sa iyo magaling talaga si Ms. Laura e.”
“Bumili na lang tayo mamaya ng mga prutas na regalo natin sa kanya. Kailangan ko siyang pasalamatan sa pagtulong niya sa atin.” Tumango naman si Tasha.
Masaya akong kumain ng aking almusal at nang matapos akong kumain ay naligo ako na ako sa aking banyo sa kwarto. Nakakapanibago dahil kung dati ay tuwing matatapos akong maligo ay may nagsusulat ng kung anu-ano sa aking salamin. Ngayon ay halos wala na talaga akong maramdaman na presensya ng kahit na ano.
Nang matapos akong magpalit ay sakto namang tapos na ring maligo si Tasha. Pagbaba ko sa salas ay sakto namang pumasok si Mama sa loob ng bahay.
“O? May pupuntahan ka ba, Asha?” tanong niya.
“Meron ho. Mamamasyal lang ho kami saglit ni Tasha, Mama,” sagot ko nang saktong lumabas naman si Tasha mula sa kanyang kwarto.
“Huwag kayong magpapa-gabi ha? Siya nga pala sakto rin lang naman na lalabas kayo ay pwede niyo ba akong bilhan ng maintenance ko sa drug store.” May sinulat siya sa papel at mabilis niya itong binigay sa amin.
Nang ayos na ang lahat ay mabilis kaming lumabas pero bago kami sumakay ng bus ay dumiretso na muna kami sa palengke. Bumili kami ng maraming prutas at pinalagay namin ito sa isang basket para ganito na lang namin na ibibigay kay Ms. Laura. Nang matapos ay mabilis kaming sumakay ng bus at pumunta kami sa address na binigay niya noon.
Pagdating namin sa kanyang barangay ay nagtanong-tanong kami at agad naman nila kaming tinuro sa kung nasaan ang kanilang bahay. Habang papunta kami roon ay muli naming tinanong ang isang ginang upang tanungin kung malapit lang ba ang bahay ni Ms. Laura.
“Bibisitahin niyo si Laura mga iha?” tanong ng ginang.
“Oho. Magpapasalamat lang ho sana kami sa kanya,” sagot ni Tasha.
“Naku. Hindi niyo pa ba nababalitaan ang nangyari sa kanya?” Nagtataka kaming nagkatinginan ni Tasha sa sinabi niya. “Aba’y ang kawawang Laura ay nabawian ng buhay kagabi lang. Nakita na lamang siya ng mga kasamabahay niya na isang malamig na bangkay kaninang madaling araw.”
Halos maang kaming nagkatinginan ni Tasha at hindi makapaniwala sa aming narinig na balita.
“Ale, s-sigurado ho ba kayo na iisang Laura lang ho ang tinutukoy natin?” tanong ko at ipinagdadasal ko na sana ay hindi siya.
“Oo. Siya lang naman ang nag-iisang Laura rito sa barangay at sikat siya dahil marami siyang natulungan dito sa amin noon. Nakakalungkot nga dahil ngayon na wala na siya ay wala na kaming hihingan ng tulong oras na may mga maligno na umaaligid dito. Kawawa talaga ang babaeng iyon lalo na at napaka-bata pa man din,” paliwanag niya.
Umalis na iyong ginang at halos mapaupo na lang ako sa sahig sa sobrang panghihina ng aking mga tuhod sa aking nalaman. Dinamayan naman ako ni Tasha at agad na yinakap ako para sa kanya ako kumuha ng lakas.
“K-Kahapon ay ayos lang siya, Tasha. H-Hindi naman pwede na bigla na lang siyang mawala ng walang dahilan ‘di ba? K-Kasalanan ko ito, Tasha. Kung hindi ko lang sana hiningi ang tulong niya ay hindi sana mangyayari ito.” Naluha na ako at agad naman akong pinatahan ni Tasha.
“Wala kang kasalanan, Ate. Hindi mo naman alam na ganito ang mangyayari ‘di ba? Isa pa kung meron mang may kasalanan dito ay ako iyon dahil ako ang tumawag sa kanya. Isa pa hindi naman natin alam kung iyong dahilan ba ng pagkamatay niya ay dahil sa iyo, Ate.” Napapikit na lamang ako ng mariin at muling umiyak.
Nang mahimasmasan ako at makakuha ako ng lakas ay lumapit kami sa kanyang bahay kung saan ay nakita namin na marami ang mga taong naglalabas pasok. Nanatili lamang kaming nakatayo ni Tasha sa labas ng kanyang bahay nang mapansin kami ng dalawang kasama niya kahapon. Nang makita nila kami ay linapitan nila kami at agad na yinakap nila kami.
“Pumasok na muna kayo sa loob nang makita niyo sa huling pagkakataon si Ms. Laura.” Umiling ako sabay binigay sa kanila iyong binili namin na mga prutas. “Huwag mong sisihin ang sarili mo, iha. Ginusto kang tulungan ni Laura at wala nang iba. Kung naging kapalit man nito ay buhay niya ay alam kong trabaho niya iyon at ginampanan niya iyon hanggang sa huling pagkakataon.”
Pagkatapos nun ay umiyak ako ng sobrang lakas na halos patahanin nila akong dalawa. Hindi ako makapaniwala na gagawin ito ni Ms. Laura. Kung alam ko lang na ang kapalit nito ay buhay niya ay hindi ko na lang sana siya dinamay pa.