Asha
Hindi ko nagawang pumasok sa loob ng bahay ni Ms. Laura kahit na ano’ng pilit nila sa akin ay hindi ako tumapak ni minsan. Kabastusan man ito para sa kanila pero para sa akin ay mas kabastusan ang tumapak ako sa bahay niya gayong alam kong ako ang may dahilan ng pagkawala niya. Hindi kayang tanggapin ng konsensya ko ang nangyari sa kanya kahit sabihin nila na hindi ko ito kasalanan. Hindi na ako umiiyak pero sumisinok-sinok ako sa kaiiyak.
“Tasha, iha, ayos lang ba na kausapin ko ang kapatid mo? Samahan mo na muna ang Kuya Lance mo sa loob kung ayos lang?” utos ng babae sa aking kapatid. “Asha, maglakad-lakad na muna tayo para naman mahimasmasan ka.” Tumango ako.
Nanatili lamang akong nakasunod sa kanya ng tahimik at hindi ko alam kung saan kami papunta. Basta ang alam ko lang ay mas makabubuti kung lalayo kami sa bahay ni Ms. Laura para hindi ako lalong atakihin ng konsensya ko. Maya-maya ay napansin ko na lang na tumigil si… Hindi ko pa nga pala alam ang buo niyang pangalan.
“Clara. Kung gusto mong malaman kung sino ako ay ang pangalan ko ay Clara.” Nginitian niya ako sabay napatingin sa malayo.
Nang sundan ko ang kanyang tinitignan ay nagtaka ako kung bakit nasa harapan kami ng isang sementeryo.
“Alam mo noong mga bata kami ni Laura ay alam ko nang may espesyal sa kanya at palagi siyang sinasabihan ng mga kaklase namin na wirdo. Kadalasan kasi ay palagi niyang sinasabi sa amin ang mga nakikita niya at kung ano ang mga sinasabi ng mga ito. Naalala ko nga noong isang beses na pauwi kami ay palagi lang siyang nakatayo rito sa harapan ng sementeryo na ito,” paliwanag niya.
“Bakit ho? May nakikita ho ba siya rito ulit?” tanong ko at tumango siya.
“Iyon iyong unang beses na sinabi ko sa sarili ko na kahit na ano’ng mangyari ay susundan ko siya. Simula bata ay alam na ni Laura ang calling niya at iyon ay ang tumulong sa ibang tao. Nakatatawa nga dahil sa lahat ng mga ginawa naming tulong ay hindi mo siya makitaan ng lungkot o takot. Kapag natatapaos kami sa isang case ay natutuwa siya.” Napatungo naman ako sa kanyang sinabi.
Natahimik ako habang nakatingin sa kawalan nang bigla akong hilain ni Clara sa loob ng sementeryo. Ayaw na ayaw ko sa mga lugar na ito dahil pakiramdam ko ay parang may nakatingin sa akin. Gusto kong hilain ang aking kamay sa paghila ni Clara pero may nagsasabi sa akin na sundan ko lamang siya.
Maya-maya ay bigla kaming tumigil sa isang puntod kung saan ay noong binasa ko ito ay nagulat ako nang makita ko na ang pangalan niya. Doon ko lang napagtanto kung ano ang ibig sabihin ng pangalan niya rito sa isang puntod. Napatingin ako kay Clara na malungkot na nakatingin sa puntod niya.
“Paano hong…” simula ko.
“Isang buwan ang nakararaan ay sinabi na sa akin ni Laura na gawan ko raw siya ng puntod niya dahil malapit na raw matapos ang buhay niya rito sa mundo. Noong una ay hindi ako naniwala at sinabi ko sa aking sarili na napaka-imposible nun dahil paano mo naman masasabi na mamamatay ka na ‘di ba? Pero sa isang buwan na iyon ay palagi siyang nananaginip ng mga nilalang na sabi niya ay may pakpak at may sungay. Hangggang sa tumawag ang kapatid mo sa amin at doon namin nalaman na ang kapatid niya ay ginagambala ng isang kakaibang nilalang.” Napatingin siya sa akin at napalunok naman ako.
“P-Pero paano niya naman ho nalaman na ako ho ang magiging dahilan ng pagkamatay niya?” tanong ko.
“Nang pumunta kami sa bahay mo noong mga oras na iyon ay nagtataka kami sa ikinikilos ni Laura noong mga araw na iyon. Ang sabi niya ay ikaw iyong taong magiging dahilan ng pagkawala niya pero gusto niyang tulungan ka. Sinabi ko sa kanya na pwede naman na mag-back out kami pero ayaw niya.
“Pagpasok pa lang namin sa lote niyo ay alam na niyang may kakaiba sa bahay mo at kating-kati siyang pasukin ito. Nang tumuntong kami sa kwarto mo ay doon siya naging aligaga at sinabi niya sa amin na kailangan naming tulungan ka kahit na ano’ng mangyari. Alam mo ba kung ilan ang demonyong nagbabantay sa iyo sa kwarto mong iyon?” Umiling ako. “Tatlong demonyo at isa sa kanila ay ayon kay Laura ay may kakaibang aura.”
“Kakaibang aura? Wala naman ho siyang nababanggit sa akin.” Tumango siya.
“Maski sa amin ay hindi rin niya iyong nabanggit lalo na kung hindi ko lang siya pinilit. Ang sabi lang niya ay dalawa sa kanila ay ang habol ay ang katawan mo pero iyong isa ay may kakaiba sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin hanggang sa gawin niya ang ritwal noong gabing iyon. Nandoon ako noong mga panahon na nakikipag-agawan siya at nang matapos niya ay nagulat na lang kami nang malaman namin na wala na siyang buhay.” Nagsimula siyang maiyak.
“Sa huling pagkakataon ay hindi niya man lang sinabi sa amin kung ano ang pinagdaanan niya. Gusto kitang sisihin pero hindi ko rin magawa dahil siya ang may gusto nito. Ngayon na wala na si Laura ay alam kong may dahilan siya kung bakit ka niya tinulungan. Bago siya mamatay ay binanggit niya ang mga katagang ‘Tulungan mo siya.’
“Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin nun pero pakiramdam ko ay hindi pa tapos ang pagsubok mo, Asha. Anuman ang pinapasok mo sa buhay mo noong mga araw na iyon ay alam kong may gusto siyang sabihin o ipahiwatig sa iyo. Hindi ko alam kung ano iyon pero sa ngayon ay ito lang ang maitutulong ko sa iyo. Ang magiging payo ko lang ay magpakatatag ka,” paliwanag niya.
Nang matapos kong makausap si Clara ay bumalik kami sa bahay ni Ms. Laura kung saan ay nakita kong nakikipagkwentuhan si Tasha kay Sir Lance. Nang makita nila kami ay sinalubong nila kami at inalok ng pagkain na amin namang tinanggap. Inasikaso muna nila ang iba pang bisita nang matigil naman ako sa pagkain at napatingin sa kabaong ni Ms. Laura na nakahimlay sa loob ng kanyang bahay.
Iniisip ko noong mga oras na iyon, ‘Ano ang gusto mong sabihin sa akin, Ms. Laura? Sino ang tinutukoy mo na tutulungan ko? Bakit?’ Iyan ang mga tanong na gusto ko sanang sabihin sa kanya pero alam kong hindi ko na magagawa dahil wala na siya. At saka tatlong demonyo? Ang buong akala ko ay iisang demonyo lang ang pinalayas ni Ms. Laura.
Noong kinakausap niya ako ay hindi niya nabanggit na tatlo ang demonyo na gumugulo sa akin. Alam ko na isa lang ang pinayagan ko noong mga oras na iyon pero iyong dalawa ay kailan at saan ko sila nakita? Ang buong akala ko pa naman ay tapos na ang aking problema pero ngayon na akala ko ay wala na ay mas lalo lang akong naguluhan.
Nang matapos kaming kumain ay nanatili ako sa labas ng bahay ni Ms. Laura at hindi ako pumasok para silipin siya ni minsan. Alam kong hindi ako sinisisi nila Clara at alam ni Ms. Laura na mangyayari sa kanya ito. Pero hindi ko magawang sabihin sa aking sarili na wala akong kasalanan dahil bali-baliktarin man ay ako ang naging dahilan ng kanyang pagkawala.
Nagpaalam na kami sa kanilang dalawa ni Ms. Clara at Sir Lance at umuwi na kami sa aming bahay. Pag-uwi namin ay agad akong dumiretso sa aking kwarto kung saan ay humiga ako at tumingin ng diretso sa kisame. Tama lang ba na humingi ako ng tulong sa isang medium o dapat bang may malaman pa ako?
Kinabukasan ay maaga akong nagising at isang bagay lang ang tumatakbo sa aking isip lalo na sa aking mga nalaman. Wala akong masyadong alam tungkol sa mga Incubus Demons dahil ang alam ko ay masasama silang lahat. Pero totoo nga ba na marami na akong alam oras na sinabi mong Incubus?
Alam ko na maraming klase ng mga demonyo base na rin sa mga napapanuod ko sa sine at nababasa ko sa mga libro. Kaya naman naisipan ko noong mga araw na iyon na mag-imbestiga at alamin pa ang tungkol sa kanila. Maaaring may malaman ako na pwedeng magpaliwanag ng sinabi ni Ms. Laura.
Naligo ako at nagpalit ng aking damit upang pumunta sa isang library sa bayan kung saan ay pwede akong may makuhang mga kaalaman. Nagpaalam ako sa aking ina na maaaring gabihin na akong umuwi at huwag na akong hinatayin sa pananghalian at hapunan. Pagkatapos ay mabilis akong sumakay ng bus papunta sa bayan.
Pagkarating ko sa nasabing library ay mabilis akong pumasok at kapansin-pansin na kunti na lang ang pumupunta rito. Marami na kasi ang umaasa ngayon sa teknolohiya kaya tuwing pupunta ka sa isang library ay halos wala ka nang makita na kabataan ngayon. Kadalasan ay mga matatanda na lamang ang makikita mo rito na naglalagi para magbasa ng newspaper o magasin.
Pagpasok ko ay agad akong dumiretso sa mga religious books kung saan ay puro biblya ang aking mga nakikita. Naghanap ako ng mga libro tungkol sa Incubus o kaya ay Angels or Demon at lahat ay kinukuha ko sabay maghahanap ng aking upuan. Nang masiguro kong nakuha ko na lahat ng aking mga kailangan ay doon na ako nagsimulang magbasa.
Lumipas ang ilang oras ay nakatapos ako ng isang libro na puro pahapyaw lang tungkol sa mga Incubus Demons. Humikab pa ako at nag-inat-inat nang makaramdam ako bigla ng gutom kaya tumayo na muna ako at bumili ng pagkain sa labas. Pagbalik ko ay napansin ko na may lalaking nakaupo sa aking pwesto at binabasa niya ang mga librong kinuha ko.
Mabilis ko siyang linapitan pero habang papalapit ako ay napansin ko na parang nakita ko na siya kung saan pero hindi ko lang malaman kung saan. Pansin ko rin na kakaiba ang gwapo niya kaysa sa isang normal na lalaki na hindi ko pa yata nakikita sa iba. May pagka-asul ang kanyang mga mata, ang buhok niya ay kulot na itim na itim, matangos na ilong, mahabang pilik mata at mapupulang mga labi.
Sa kabuuan ay para siyang anghel na hinulog mula sa langit. Hindi ko napansin na matagal na akong nakatitig sa kanya hanggang sa dumapo ang kanyang tingin sa akin at bigla na lang akong nakaramdam ng hiya. Tumikhim ako at agad na linapitan siya sabay napangiti siya sa akin na ikinapula ng aking pisngi.
“Pasensya ka na. Sa iyo ba ang mga libro na ito?” tanong niya.
“Uhm, o-oo. H-Hiramin mo ba? Hindi ko naman mababasa ang lahat ng iyan sa isang araw lang. Kinuha ko lang talaga iyong mga libro na may interes ako,” sagot ko at napangiti siyang muli.
“Kakaiba ang interes mo. Kadalasan ay ang mga katulad mo ay dapat nagbabasa ng manga o comics pero nandito ka at nagbabasa ka ng tungkol sa mga demonyo?” Tinaas niya ang isang libro at napangiti ako sa kanya sabay naupo ako sa upuan ko at tumabi naman siya sa akin.
“Uhm, wala naman sana akong balak talaga pero dahil sa mga kakaibang pangyayari ay nagkaroon ako agad ng interes,” sagot ko.
“Hmm. Incubus? Sigurado ka ba na gusto mong malaman ang tungkol sa kanila? Karamihan sa kanila ay mahilig sa pakikipagtalik pero iyong mga sinasabi nila na royal blood ay kayang tiisin ang kanilang pagnanasa.” Napatingin ako sa kanya.
“Royal blood? Paano mo naman nasabi na may royal blood ang mga demonyo? Parang hari o reyna o kaya prinsesa o prinsipe?” Ngumiti siya at napailing naman ako. “Hindi ko alam kung saan mo nabasa iyon pero pakiramdam ko ay hindi totoo iyon.”
“Hmm. Akala ko pa naman ay may interes ka sa mga katulad nila.” Napatango naman ako at nanatili siyang nakatitig sa akin.
Sa buong hapon lang na iyon ay nakasama ko ang estrangherong lalaki na ito na hindi ko pa natatanong ang pangalan. Pero may kakaiba sa kanya at hindi ko lang malaman kung ano.