Asha
Nang sumunod na araw ay bumalik akong muli sa library at inaasahan ko na makikita kong muli ang lalaking iyon pero nadismaya ako na wala siya. Buong araw akong naghintay na dumating siya pero hindi siya napakita. Napailing na lang ako dahil hindi naman siya ang pinunta ko at ang importante ay kailangan kong malaman kung ano ang ibig sabihin ni Ms. Laura.
Kaya naman itinuon ko na lamang ang aking mga pansin sa aking binabasa hanggang sa hindi ko namamalayan na humahapon na pala. Pagtingin ko sa aking orasan ay alas-singko na ng hapon at maaaring hinahanap na ako ng aking ina. Kaya naman binuhat ko lahat ang mga libro na kinuha ko at binalik ito sa tamang lagayan. Isa-isa kong ibinabalik ang mga libro nang bigla na lang nahulog sa aking mga kamay ang mga natirang libro dahil sa bigat ng mga ito.
“Hays. Shoot.”
Pinulot ko isa-isa ang mga libro nang may tumulong sa akin at pag-angat ko ng aking mukha ay gano’n na lang ang gulat ko nang makita ko kung sino ito.
“Buti na lang pala at naabutan pa kita. Akala ko ay umalis ka na pero pagtingin ko rito ay ikaw nga,” sabi niya at nanatili lang akong tulala sa kanya. “Uhm, hello?” Napakurap-kurap ako at agad na pinulot ang mga libro habang nahihiyang nakatingin sa gwapong lalaki.
“S-Salamat. A-ano nga pala ang ginagawa mo rito? At saka bakit mo ako hinahanap?” tanong ko habang binabalik ko iyong mga libro.
“Interesado lang kasi ako sa iyo dahil kakaiba ang interes mo. Hindi mo naitatanong pero ang totoo niyan ay mahilig din ako sa mga demonyo tulad ng binabasa mo. Naniniwala kasi ako na hindi lahat sa kanila ay masasama at marami rin sa kanila ay mabait din,” sabi niya.
“Nabasa mo ulit?” tanong ko at tumango siya na aking ikinangiti.
Pagkabalik ko ng mga libro ay kinuha ko ang aking mga gamit at sabay na kaming lumabas ng library. Napansin ko na hapon na at marami na ang mga sasakyan kaya naman naglakad ako papunta sa hintayan ng bus.
“Ayos lang ba na ihatid kita pauwi?” tanong niya na aking ikinagulat.
“S-Sige ba. Pero hindi naman kaya gabihin ka oras na ihatid mo pa ako? Isa pa baka mas malayo ka pa kaysa sa akin.” Umiling siya.
“Sa S**** ako kaya malapit lang ako.” Maang akong napatingin sa kanya.
“Talaga? Taga-doon din ako. Nakatutuwa naman dahil parehas na parehas pala tayo ng uuwian.” Ngumiti siya at bigla siyang tumigil sa isang magarbong sasakyan.
Napatingin ako sa kanya at nanatili lang akong nakatingin sa kanya nang mukhang mabasa niya sa aking mukha ang gulat. Sinabi nga niya na siya ang may-ari ng sasakyan na ito kaya mas lalo akong namangha sa kanya. Pinasakay niya ako sa kanyang asul na sasakyan at nakagat ko na lang ang aking ibabang labi nang maamoy ko ang kakaibang amoy ng lavender.
Wala naman akong makitang car freshener pero ang bango ng loob ng kotse niya at halatang alagang-alaga ito. Sinuot ko ang aking seatbelt nang maramdaman kong umuga ang sasakyan at sumakay siya sabay sinimulan ang makina nito.
“Tara?” tanong niya at tumango naman ako.
Habang lulan kami ng kanyang sasakyan ay sobrang komportable ng sumakay sa sasakyan niya. Para bang hindi pansin na umaandar kami sa sobrang gaan ng kung anumang klase ang sasakyan na ito. Ninanakawan ko rin siya ng sulyap at napapatanong na lang ako kung saang lupalop galing ang isang gwapong katulad niya.
Pero nang maalala ko bigla si Birch ay biglang nawala ang pagkamangha ko dahil naisip ko ay hindi na ako pwedeng magpadalos-dalos ulit. Ayoko nang maulit iyong dati na nahulog ako dahil sa panlabas na anyo at muntik na akong maloko. Maya-maya ay nang malapit na kami ay akmang ituturo ko na sana sa kanya kung saan siya papasok ay nagulat ako nang doon din siya lumiko.
“Oh, uhm, l-lucky guess?” sabi niya na aking ipinagtaka.
“Wow. Kung hindi ko lang iisipin na ngayon lang kita nakilala ay baka pagkamalan kitang stalker ko. Ang galing mo naman at nahulaan mo kung saan ako tumitira,” sabi ko at nahihiya siyang napakamot sa kanyang ulo.
Ang buong akala ko ay alam niya nga kung saan ako nakatira pero mukhang nanghula lang talaga siya dahil nang sumunod na liko ay hindi na niya alam. Kaya naman tinuro ko na lang sa kanya ang daan papunta sa amin. Pagdating namin sa aming bahay ay inaya ko na muna siya sa loob para naman maipakilala ko siya sa kanila Mama.
Nahihiya pa siya pero pinilit ko siya kaya naman pinarada niya na lang muna ang kanyang sasakyan at sumama sa akin sa loob. Sakto dahil pagpasok namin ay mukhang may kunting hinanda si Mama at nandoon sila Stella at iyong kapatid niya. Pagpasok namin ay napatingin silang lahat sa lalaking nakasunod sa akin at kapansin-pansin din ang gulat sa kanilang mga mukha.
Gusto kong matawa sa kanilang mga itsura dahil kunti na lang ay pwede nang pasukan ng langaw ang kanilang mga bibig. Pagkatapos ay ako na ang tumikhim kaya naman natauhan sila at mabilis na inaya ni Mama ang lalaking kasama ko na kumain. Hindi ko nga pala alam kung ano ang kanyang pangalan at ang lakas ng aking loob na ayain siya rito sa loob ng aming bahay.
“Hindi mo naman sinabi na may bisita ka pala iha at sobrang gwapo pa,” sabi ni Mama. “Hala. Ikaw na ang umasikaso sa bisita mo, Asha.”
Binigyan ko siya ng pinggan at kubyertos habang pansin ko naman na nakatitig lang sina Stella at Tasha sa kanya na aking ikinatawa. Maya-maya ay tumikhim si Stella sabay siniko ako at sinabing ipakilala ko raw ang bisita ko.
“Uhm…” Napatingin ako sa lalaki at mukhang napansin niya na gusto ko siyang ipakilala pero hindi ko naman alam ang pangalan niya.
“Oh. My name is Night. Night Andras.” Kung gano’n ay Night pala ang pangalan niya.
“Ay. Ang cool naman ng pangalan mo, Kuya Night. May gf ka na ba? Pwedeng mag-apply kung sakaling wala?” Binatukan ko si Stella sa tanong niya kay Night.
Narinig naman namin siyang natawa at pati pagtawa ay makalaglag panty. Hays. Ano ba naman, Asha? Nagsisimula ka nanamang mahulog sa isang lalaki na hindi mo nanamang lubusang kilala. Marami pang naging tanong sina Stella at Tasha kay Night na lahat ay sinagot naman niya. Doon ko nalaman na halos kapitbahay na barangay lang namin siya.
Mag-isa lang niyang nakatira rito sa Pilipinas dahil ang mga magulang niya ay nasa ibang bansa. Only child din lang siya at mukhang tama ang hinala ko na mayaman talaga siya dahil may business daw sila rito sa Pilipinas. Siya raw ang mamamahala nun kaya siya nandito ngayon sa Pilipinas.
Noong tinanong ni Stella kung may nobya siya ay para bang nakahinga ako ng maluwag nang malaman ko na single raw siya. Pero may parte rin na hindi ako naniwala sa kanya dahil ganyan na ganyan din ang sinabi ni Birch sa akin pero nagsinungaling siya sa akin. At saka sa gwapo niyang iyan ay imposibleng wala siyang girlfriend ngayon.
“Paano kayo nagkakilala ni Ate, Kuya Night?” tanong ni Tasha.
“Sa library. Pinakialaman ko iyong librong binabasa niya,” sagot ni Night.
“Ahh. Liniligawan mo ba si Ate?” Sa gulat ko ay sinipa ko si Tasha sa ilalim ng mesa. “Kasi kung oo ay boto ako sa iyo lalo na at walang nobyo si Ate.”
Nahihiya akong napatingin kay Night at ngumingiti lang siya.
“Pero kung hindi mo tipo si Ate ay pwede namang ako na lang,” sabi ni Stella na sinita ni Mama.
“Ano ba naman iyang sinasabi niyo? Kayo talagang mga bata, oo. Pagpasensyahan mo na sila Night, iho at ngayon lang sila nakakita ng gwapo.” Natawa ng mahina si Night sa sinabi ni Mama at pati ako ay nahihiyang napatingin sa kanya.
“Ayos lang ho iyon. Sanay naman na ho ako,” sagot ni Night sabay subo ng pagkain.
“Pero Mama, maganda nga kung maging sila ni Kuya Night para naman hindi nanaman guluhin ng demonyo si Ate,” sabi ni Tasha at biglang napatakip sa kanyang bibig.
Ako naman ay pinanlakihan ko si Tasha ng aking mga mata at pagtingin ko kay Night ay nagtataka siyang nakatingin sa akin.
“Demonyo? Sino si Asha?” tanong ni Night.
“Ha? Ah, eh, naku huwag mong masyadong pansinin iyong sinabi ng aking kapatid. Ang ibig niyang sabihin ay iyong mga demonyong tao na mga manluluko. Kung anu-ano kasi ang pinapanuod niya kaya akala niya ay nangyayari rin sa akin iyon. ‘Di ba, Tasha?” Baling ko kay Tasha sabay pinanlakihan siya ng aking mga mata.
Nagpasalamat naman ako na hindi na nagtanong pa si Night sa sinabi ni Tasha hanggang sa matapos ang hapunan. Dahil gabi na ay nagpaalam na si Night sa amin at ako na ang naghatid sa kanya hanggang sa kanyang sasakyan. Pagdating namin sa kanyang sasakyan ay nagpalitan kami ng ngiti sa isa’t isa.
“Salamat sa pag-imbita sa akin sa bahay mo, Asha at nakilala ko ang pamilya mo. Ang babait nila,” sabi niya na muntik ko nang ikatawa dahil malayo pa sila sa pagiging mabait.
“Walang anuman. P-Pasensya ka na nga pala sa inasal ng kapatid at pinsan ko.” Natawa naman siya ng mahina sabay umiling.
“Wala iyon. Nakikipaglokohan lang naman siguro marahil sa akin ang kapatid at pinsan mo. Asha? May gusto lang sana akong tanungin sa iyo kung ayos lang?” tanong niya. “Iyong tungkol sa sinabi ng kapatid mo kanina, may katotohanan ba iyon? Kaya ba nagbabasa ka ng mga libro tungkol sa demonyo dahil sa nangyari sa iyo.”
Natahimik naman ako sa kanyang sinabi at napatungo dahil ayokong sabihin ni Night na nababaliw na ako dahil sa nangyari sa akin.
“Kung ayaw mong sagutin ay ayos lang dahil masyado na akong nanghihimasok sa buhay mo at alam ko naman kakikilala pa lang natin. Pero gusto ko lang na malaman mo na naniniwala ako sa iyo at hindi kita huhusgahan ng dahil doon.” Napatingin ako sa kanya at nakita ko ang kanyang ngiti sa akin.
“P-Paano kung totoo nga iyong sinabi ng aking kapatid? Maniniwala ka ba?” Huminga siya ng malalim.
“May mga bagay tayong hindi natin maipaliwanag at naniniwala ako sa kabilang buhay tulad ng paniniwala mo na sisikat ang araw kinabukasan.” Napangiti ako sa sinabi niya. “Kaya huwag kang mag-alala dahil hindi kita huhusgahan sa kung anuman ang nangyari sa iyo.”
Natutuwa ako na naniniwala siya sa akin pero masyado pang maaga para sabihin ko sa kanya ang nangyari sa akin. Hindi ko pa rin siya lubusang kilala at ayokong magtiwala agad sa kanya sa kabutihang pinapakita niya. Natuto na ako sa una kong pagkakamali at hindi na ako uulit pa.
“Ayos lang naman Asha kung ayaw mong sabihin sa akin ang lahat dahil maiintindihan ko. Kapag handa ka na ay nandito lang ako para makinig sa iyo,” sabi niya na aking ikinangiti.
“Salamat, Night. Pasensya ka na kung hindi ko masabi sa iyo agad. Hindi sa ayaw kitang pagkatiwalaan pero nag-iingat lang ako at ayaw ko na ulit ang maloko,” hingi ko ng pasensya.
Lumapit siya sa akin at agad na hinawakan niya ang aking kamay at halos pigil ang aking hininga dahil sa lapit niya.
“Hindi kita pipilitin sa isang bagay na ayaw mo, Asha. Rerespetuhin ko ang mga desisyon mo at hindi ako maghahangad ng higit pa sa kaya mong ibigay sa akin ngayon. Masaya na ako na pinapansin mo ako at tinuring mo akong kaibigan mo.” Diretso akong nakatingin sa mga mata niya na asul.
Pagkatapos nun ay akala ko hahalikan niya ako pero humiwalay siya sa akin at mabilis na sumakay siya sa kanyang sasakyan. Bago umandar ang kanyang sasakyan ay bumusina pa siya ng dalawang beses bago siya tuluyang makalayo sa aming bahay. Hindi ko alam kung dapat ba akong maniwala sa mga sinabi niya pero sa ngayon ay bibigyang importansya ko ang mga sinabi niya sa akin.