Chapter 24

2037 Words
Asha Sa lumipas na araw ay palagi lang kaming nakatambay ni Night sa library at kung minsan ay palagi na lang akong nasa labas kasama niya. Aaminin ko na sa ilang araw na magkasama kami ay nakikilala ko siya ng unti-unti at sabihin na natin na medyo nagtitiwala na rin ako sa kanya. Katulad ngayon kung saan ay nagtatawanan kaming dalawa sa kwento niya tungkol sa mga kalokohan niya noong bata pa lamang siya habang palabas kami ng library. Nagsimula kaming maglakad papunta sa kanyang kotse na nagkwekwentuhan. “Mas enjoy pala ang childhood mo kaysa sa akin. Na-enjoy ko rin naman iyong kabataan ko pero masyado kasing strikto si Mama. Hindi ako nakapunta ng JS Prom dahil sabi niya ay delikado raw ang pag-uwi sa gabi. Marami pa akong hindi nasubukan sa buong buhay ko dahil palagi akong may curfew noon.” Mataman lang siyang nakikinig sa akin. “Pero tignan mo naman ngayon at napalaki ka ng tama ng ina mo kahit marami siyang ipinagbawal sa iyo noon.” Tumango naman ako. “Minsan iniisip ko nga kung naging pasaway ba akong anak ay nandito kaya ako ngayon sa kung saan ako ngayon o napariwara ba ang buhay ko?” Ngumiti siya. “Pwede rin na hindi kita nakilala.” Napatingin ako sa kanya at agad kong napansin ang kakaibang tingin niya kaya naman nakaramdam ako ng kakaibang kilig. Pagdating namin sa aming bahay ay naabutan ko na abalang may kausap si Mama na bisita. Pagpasok ko sa aming bahay ay hindi ko napansin na nakasunod pala si Night sa akin. Nakita kong nakaupo sina Ms. Clara at Sir Lance sa aming sofa habang kumakain sila ng meryenda. Nagmano naman ako kay Mama at agad na tumayo naman sila Ms. Clara upang yakapin ako. “Hello po. Matagal na po ba kayong nandito, Ate?” tanong ko kay Ms. Clara. “Hindi naman masyado, Asha. Pero ayos lang dahil sinabi naman ng ina mo na may pinuntahan ka.” Ngumiti siya habang tahimik lang si Sir Lance. “Bakit ho kayo napadalaw dito, Ate?” Sasagot na sana siya nang dumapo ang pansin niya sa taong nasa aking likuran. Paglingon ko ay nakita kong nakapamulsang nakatayo si Night habang nakatingin sa amin. Pinapasok ko siya at pinaupo sa sofa kung saan ay pinakilala ko siya sa kanila Sir Lance. “Hindi ko alam na magkasama pala kayo ng nobyo mo, Asha.” Halos lumaki ang aking mga mata sa sinabi ni Ms. Clara at agad na napailing sa kanya. “N-Naku, h-hindi ko siya nobyo, Ate. Kaibigan ko lang ho siya at hinatid niya ho ako rito galing sa library kanina,” paliwanag ko. “Gano’n ba? Ikinagagalak kitang makilala, Night. Ako nga pala si Clara at ito naman si Lance. Mga kaibigan kami ni Asha,” pakilala ni Ms. Clara. Nakipagkamay si Ms. Clara kay Night pero napansin ko na seryoso silang dalawa at agad ko rin napansin na parang napakunot si Ms. Clara pero pwede rin na mali lang ako ng akala. Tumikhim si Ms. Clara at agad na binalingan ako. “Ano ho pala ang ipinunta niyo rito?” tanong ko at nagtinginan silang dalawa ni Sir Lance. “Uhm, pwede ka ba naming makausap tungkol kay Laura? May nahanap kasi kami sa mga gamit niya na pwedeng tulungan ka sa problema mo.” Napatingin naman ako kay Night at napansin kong nakatingin siya sa amin kaya agad akong ngumiti sa kanya. “S-Sige ho. Okay lang ho ba na pumunta tayo sa kwarto ko?” Tumango naman siya at agad siyang sumunod sa akin habang nagpaiwan naman si Sir Lance sa salas. Pag-akyat namin sa kwarto ko ay agad na isinara ni Ms. Clara ang pinto at pagharap niya sa akin ay nakatingin siya ng diretso sa akin. “Asha? Pwede ko bang malaman kung sino iyong bago mong kaibigan? Hindi sa nanghihimasok ako pero parang may kakaiba kasi sa kanya,” sabi niya na aking ipinagtaka. Sinabi ko naman sa kanya kung paano kaming nagkakilala na agad namang sinang-ayunan ni Ms. Clara. May gusto siyang sabihin pero imbes na sabihin niya ito ay mukhang mas pinili niya ang ipagpaliban na lamang ito. “Hindi na iyon mahalaga. Ang importante ay iyong nakita kong bagay sa kwarto ni Laura noong naglilinis kami ng mga gamit niya. Hindi ko alam kung para saan ang bagay na ito pero nakita ko kasing nakapangalan sa iyo ito.” May linabas siya sa kanyang bag at binigay niya ito sa akin. Isang makapal na papel ito na naka-fold ng ilang beses sabay may nakasulat na Asha rito kaya agad ko namang kinuha ito at binuklat. Nang makita ko kung ano ang nakasulat dito o mas magandang sabihin ay kung ano ang nakaguhit dito ay nagtaka ako. Sa papel kasi ay nakaguhit ang isang spiral na itim na mukhang araw at sa baba nito ay may nakalagay na ‘The Devil’s Mark.’ Napatingin ako kay Ms. Clara at agad na umupo sa ibabaw ng aking kama habang nakamasid sa binigay niya sa akin na papel. Nang tignan ito ni Ms. Clara ay pati siya mukhang hindi niya alam kung bakit ito gustong ibigay sa akin ni Ms. Laura. “The Devil’s Mark? Ano naman ang ibig sabihin nun at bakit niya ito gustong ibigay sa akin?” tanong ko kay Ms. Clara. “Hindi ko rin alam pero nakita mo ba ang guhit na ito kung saan?” tanong ni Ms. Clara. “Hindi pa ho e. Pero sabi kasi rito ay isa itong marka ng demonyo pero para saan at para kanino?” Umiling lang si Ms. Clara dahil hindi niya rin alam kung para saan ito. “Wala akong masyadong alam sa mga marka ng demonyo at sinubukan ko rin na hanapin ang ibig sabihin nito sa mga libro na meron si Laura pero wala akong nakita. Sinubukan ko rin na hanapin ito sa internet pero wala rin akong makita kung ano ang ibig sabihin nito.” Napabuntong hininga si Ms. Clara sabay tumayo at lumapit siya sa aking bintana. “Sa totoo niyan ay ngayon na nawala si Laura ay imbes na mag-iwan siya ng mga sagot ay mas lalo lang siyang nag-iwan ng mga maraming katanungan. At tuwing may malalaman kami sa mga ito ay isang tanong ulit ang nakukuha namin.” Humarap siya sa akin sabay muling lumapit sa akin at umupo sa aking tabi. “Asha, hindi ko alam kung ano’ng klaseng demonyo ang natawag mo o pinayagan mo sa buhay mo pero pakiramdam ko kung anuman itong iniwan ni Laura ay may kaugnayan ito sa kanya.” Napalunok ako. “Ano ho ang gusto niyong gawin ko? G-Gusto niyo ho bang tawagin ko ulit iyong demonyo na muntik nang kumuha ng kaluluwa ko para lang masagot ang mga katanungang ito? Oras na ginawa ko iyon ay kailangan ko ulit magsakripisyo ng isang buhay para lang bumalik ito sa kabilang buhay. Hindi na ho ako papayag na may mapapahamak nanaman ng dahil sa akin.” Natahimik naman si Ms. Clara at agad na humingi ng tawad sa akin. “Pasensya ka na, Asha. Ako rin ay gusto kong malaman kung para saan ito pero nag-aalala kasi ako na sa iniwan ni Laura ay hindi natin alam na nasa panganib na pala ang buhay mo. Kailangan nating maghanap ng isa pang paraan para malaman natin kung para saan ito at kung bakit ito iniwan ni Laura sa iyo.” Tumango ako sabay nag-isip nang may maalala ako na pwedeng makatulong sa akin. Nang matapos kaming mag-usap ni Ms. Clara ay sabay na kaming bumaba at hinatid ko naman sila sa labas. Pinasakay ko na muna sila sa kanilang sasakyan at nagpaalam sa kanila pag-alis nila. Sakto namang pag-alis nila ay nakita ko mula sa malayo si Tasha na parating pa lang. Nagtataka naman ako kung bakit ngayon lang siya dumating gayong alam ko na wala siyang trabaho ngayon. “Ate! Iyon iyong van nila Ms. Laura ‘di ba? May nangyari nanaman ba sa iyo? Binalikan ka nanaman ba ng demonyo na iyon?” Umiling naman ako. “Hindi naman. May pinag-usapan lang kami tungkol sa pagkamatay ni Ms. Laura. Ikaw? Bakit ngayon lang ang dating mo?” tanong ko sa kanya. “May meeting kasi kami sa school kanina at katatapos lang kaya kararating ko lang. Pero sigurado ka ba na walang problema? Alalahanin mo na nandito lang ako para hingan mo ng tulong ha? Sabihin mo lang sa akin kung ginagambala ka nanaman ng demonyong iyon.” Tumango naman ako. “Ay, hello Kuya Night.” Napalingon ako at nakita kong nasa likuran na pala namin si Night. Nagpaalam naman si Tasha sa kanya at nauna na siyang pumasok na iniwan kaming dalawa. Nakita ko ang nagtatanong na titig sa akin ni Night pero napatungo na lang ako at napansin ko na nakatingin siya sa papel na hawak ko. Itinago ko ito sa aking likuran sabay nagtataka siyang napatingin sa akin. “Pwede ko bang makita iyong hawak mo? Kung ayaw mo ay ayos lang pero baka sakaling makatulong ako sa kung ano ang problema mo, Asha.” Nakagat ko ang aking ibabang labi at alanganing binigay sa kanya ang papel na binigay sa akin ni Ms. Clara. Binigay ko ito sa kanya at pagtingin niya rito ay napansin ko ang pagkakunot niya ng kanyang noo. “Saan mo ito nakuha, Asha?” tanong niya. “Alam mo ba kung ano iyan?” balik kong tanong sa kanya. “I read about it before. It’s called the Devil’s Mark. Kung tama pa ang pagkakaalala ko rito ay may tatlong ibig sabihin ang marka na ito,” sabi niya sabay napatingin sa akin. “Pero bakit may ganito ka Asha?” Kinuha ko naman sa kanya ang hawak niyang papel sabay tinago ito sa aking bulsa sabay napatingin sa kanya ng diretso. Gustong-gusto ko nang sabihin sa kanya ang lahat pero hindi pa ito ang tamang panahon at mas lalong hindi ko pa siya pinagkakatiwalaan. “Uhm, p-pasensya ka na kung masyado akong pakialamero sa mga nangyayari sa buhay mo. Hindi ko lang maiwasan dahil gusto kitang makilala ng mabuti,” sabi niya. “Mauna na ako at bukas na lang tayo ulit magkita. Sa dating tagpuhan pa rin naman ‘di ba? Sa library?” Tumango naman ako at ngumiti siya sa akin. Medyo nagkatitigan pa kaming dalawa pagkatapos ay napatungo siya at kinakabahan siyang kinikiskis ang kanyang mga palad sa kanyang pantalon. Napansin ko rin ang pamumula ng kanyang pisngi pagkatapos ay lumapit siya sa akin at sa aking gulat ay hinalikan niya ako sa aking pisngi. Nag-good night lang siya pagkatapos ay dire-diretso siyang pumunta sa kanyang kotse at agad na minaneho ito paalis. Naka-tanga lang akong nakatingin sa papalayo niyang sasakyan habang hawak ko ang pisngi ko kung saan niya ako hinalikan. Hindi masupil ang ngiti sa aking mga labi habang papasok ako sa bahay hanggang sa isara ko ang pinto. Dumiretso ako sa aking kwarto papunta sa may banyo at agad kong tinignan ang aking repleksyon sa salamin. Namumula ang aking mga pisngi at halatang kinikilig din ako dahil sa ginawa ni Night kanina. Noong hinalikan niya ako ay parang may kuryente akong naramdaman at kakaiba ang aking nararamdaman kanina. Kagat-labi akong lumabas sa banyo at mabilis na humiga sa aking kama sabay yinakap ang aking unan at kinikilig ng sobra. Para akong teenager na hindi maalis ang ngiti sa aking mga labi habang tumitili ako sa aking unan. Pinakiramdaman ko ang aking dibdib at ang bilis ng t***k nito na para bang drums sa sobrang lakas at bilis ng t***k nito. Kaya naman noong gabi rin lang na iyon ay halos late na akong matulog kaiisip sa halik ni Night sa akin. Kahit sa pisngi lang iyon ay pakiramdam ko para na akong lumulutang sa ulap. Nang makaramdam ako ng antok ay doon na ako natulog habang nakatatak sa aking isipan ang aking nararamdaman. Excited na tuloy akong makita si Night bukas at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Hinihiling ko sa Diyos na sana bigyan niya ako ng sign kung si Night na ba talaga ang para sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD