PAGKAALIS ni Enrico ay nanghihinang napaupo na lang si Arrielle sa harap ng motorsiklo nito. Gustuhin man niyang sumakay na ay natatakot naman siyang sumampa. Baka matumba sa kanya ang motorsiklo. Ibinaba niya ang hawak na payong. Inilagay niya ang dalawang kamay sa ibabaw ng kanyang mga tuhod. Nakayukong ipinatong niya ang ulo sa kanyang mga kamay.
“Arrielle…” Ang tinig na iyon at ang marahang yugyog ang nagpagising sa kanya. Hindi niya namalayan na nakaidlip na pala siya sa ganoong posisyon. Nang magmulat siya ng mata ay nakita niyang nakayuko sa harap niya si Enrico.
“Halika na. Uwi na tayo.” Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at itinayo. Pinulot nito ang payong niya at isinabit sa manibela ng motorsiklo. “Sige na. Sumakay ka na,” wika nito habang isinusuot ang helmet.
“Puwede bang sa harapan na lang ako. Baka mahulog ako kung sa likuran mo ako sasakay.” Pakiramdam niya ay wala na siyang lakas. Hindi na niya kakayaning kumapit pa sa likuran ni Enrico. Nag-aalala din siya na kapag nakatulog siya ay baka mahulog siya nang hindi mararamdaman ng binata.
“Sige,” sabi nito at tinulungan siyang makasampa sa motorsiklo. Nang pareho na silang nakasakay ay pinaandar ni Enrico ang makina. Ilang sandali muna ang lumipas bago nito pinatakbo ang motorsiklo.
Isinandal niya ang katawan sa dibdib ng binata. Pagkatapos ay ipinulupot niya ang dalawang kamay sa likuran nito.
“Kumporatable ka na ba sa ayos mo?” tanong ni Enrico nang makalabas na sila sa compound ng College of Engineering.
“Hmmm…” ang tanging nasabi niya dahil nararamdaman niyang inaantok siya. Kaya ipinikit niya ang mga mata.
“Saang dorm ka pala nakatira?”
Hindi siya kaagad nakasagot sa tanong nito.
“Kapag hindi mo sinagot ang tanong ko ay ididiretso kita sa infirmary.”
“Dorm 8,” halos pabulong na lang ang pagkakasabi niya. Inaantok na talaga siya. Hindi niya alam kung gaano sila katagal na nagbiyahe. Naramdaman na lang niya na huminto na ang sasakyan. Napilitan siyang magmulat ng mata.
“Nandito na tayo.” Titig na titig si Enrico sa kanya. Nakataas ang salamin ng helmet nito. Ang mukha nito ay ilang pulgada na lang ang layo sa mukha niya. Dinig na dinig niya ang bilis ng pagtibok ng puso nito. Pakiramdam niya ay namanhid ang buong katawan niya. “Tulungan mo akong makababa dito,” pabulong niyang sabi.
Ilang sandaling nakatitig lang sa kanya si Enrico. Maya-maya ay tinanggal nito ang suot na helmet at isinabit sa manibela. Walang salitang inilagay nito ang isang kamay sa likod niya at ang isa nama’y sa likuran ng kanyang tuhod. Maingat siya nitong ibinaba sa tabi ng gate.
Dahil nanghihina pa ay napakapit siya sa gate ng dorm. Bumaba si Enrico at lumapit sa kanya.
“Kaya mo pa bang maglakad?” tanong nito.
Tango lang ang isinagot niya.
Inalalayan siya nito at tinulungang makapasok. Pinaupo siya nito sa receiving area. “Kaya mo bang pumasok sa loob o tatawag ako ng tutulong sa iyo?” Nakatira din siguro ito sa dorm kaya alam nito na hanggang sa receiving area lang puwedeng pumasok ang mga bisita.
“Maraming salamat sa iyo. Puwede mo na akong iwan dito. Tatawagan ko na lang si Diana.” Binuksan niya ang shoulder bag at hinanap ang kanyang cellphone. Nang makita ito ay pinindot niya agad ang numero ng kaibigan. Habang hinihintay niyang may sumagot sa tawag niya ay napatingin siya kay Enrico. Nakatayo pa rin ito sa tabi niya. Parang walang balak umalis ang lalaki.
Ikatlong ring nang sagutin ni Diana ang cellphone nito.
“Hello, Arrielle! Nasaan ka na? Bakit hindi ka pa umuuwi?”
“Nandito ako sa receiving area. Puntahan mo ako dito ngayon na, please.” Hindi na niya hinintay na sumagot pa ang kaibigan. Alam niyang hahaba lang ang usapan dahil uusisain na naman siya nito kung anong nangyari. Kaya minabuti na lang niyang tapusin ang tawag. Ibinalik niya ang cellphone sa loob ng bag.
“Bakit hindi ka pa umaalis?” nagtatakang tanong niya kay Enrico. Umupo na ito sa tabi niya.
“Hihintayin ko munang dumating ang kasama mo bago kita iwan dito.”
Napangiti siya sa sinabi nito. “Maraming salamat ulit, ha? Kung wala ka, baka kung ano na ang nangyari sa akin.” Akmang itataas niya ang kamay at hahawakan ang mukha ng binata nang biglang magbago ang isip niya. Pinagkrus na lang niya ang mga kamay at iniyakap sa sarili. Baka mahawa pa ito sa sakit niya.
“Kanina ka pa nagpapasalamat. Pero kung pinili mong sumama kay James, baka kanina ka pa nakauwi.”
“Sinong James ang sinasabi mo?”
“Si James Arthur Zamora. Iyong kausap mong lalaki kanina. Iyong nagsabing may kotse siya kaya gusto ka niyang ihatid.”
“Hindi ako interesado sa kanya. Ang yabang niya.”
“Kaya mas gusto mong sumama na lang sa akin kahit hindi mo pa ako kilala?”
Ilang sandaling tinitigan niya ito. “Mas mukha ka namang mabait kaysa sa kanya, hindi ba? Isinakay mo na nga ako noon kahit hindi pa tayo magkakilala.”
Biglang natahimik ang binata. “Paano mo nalaman na ako iyong driver ng motorsiklo?” tanong nito pagkaraan ng ilang saglit na katahimikan.
“Naramdaman kong ikaw iyon. Pamilyar kasi sa akin ang hugis ng mukha mo. Saka natatandaan ko iyong motorsiklo mo.”
Sasagot pa sana ang binata pero napigil sa biglang pagsulpot ni Diana.
Lumapit agad si Diana pagkakita sa kanya. “Anong nangyari sa iyo? Bakit hindi ka pa dumiretso sa kuwarto?”
Bago pa siya nakasagot ay naunahan na siya ni Enrico. “Sobrang init niya. Kailangan na niyang makainom ng gamot at makapagpahinga.”
Sa narinig ay biglang ipinatong ni Diana ang kamay nito sa noo niya. Agad din itong inalis na para bang napaso ito. “Oo nga. Inaapoy ka na ng lagnat. Tara na sa loob.” Tumayo na ito at kinuha ang bag niya. Binalingan nito si Enrico na noo’y tumayo na rin. “Ikaw ba ang naghatid sa kanya dito?”
“Ako nga. Ang sabi ko ay ihahatid ko siya sa infirmary. Ngunit ayaw naman niya.”
“Takot siya sa ospital, eh,” katwiran ng kaibigan niya. “Ako si Diana. Maraming salamat sa paghahatid sa kaibigan ko.”
“Walang problema. Nakahanda akong tumulong. Sige, tutuloy na ako. Bahala ka na sa kanya.” Tumingin si Enrico sa kanya. “Magpagaling ka, ha?”
Tumango siya. “Maraming salamat, ulit.”
Ngumiti lang si Enrico. “Tutuloy na ako.” Pagkasabi nito ay lumabas na ang binata.
Nakangiting sinundan niya ito ng tingin.
“O, HETO na ang mga gamit mo. Huwag mong kalimutan na inumin ang mga gamot mo, ha?” paalala ng Lola ni Arrielle nang ihatid siya nito kasama ang Lolo niya sa dorm.
“Opo, Lola. Maraming pong salamat sa inyo ni Lolo.” Niyakap muna niya ang dalawang matanda bago siya pumasok sa loob. Nasa bungad pa lang siya ng kanilang kuwarto ay sinalubong na siya ni Diana.
“Arrielle!” Ang higpit ng yakap na ibinigay sa kanya ng kaibigan. “Kumusta ka na? Magaling ka na ba?” sunud-sunod na tanong nito nang maghiwalay sila.
Naalala niya noong inihatid siya ni Enrico sa dorm noong nakaraang linggo. Nang makarating siya ng kuwarto at makahiga na sa kanyang bed ay tinawagan ni Diana ang Lola niya. Ibinalita nito ang nangyari sa kanya. Makalipas ang dalawang oras ay dumating ang Lola’t Lolo niya upang sunduin siya. At nang gabi ring iyon ay idineretso siya sa ospital. Lumabas sa resulta ng laboratory tests niya na may UTI siya. Limang araw siyang nanatili sa ospital. At kahapon lang siya pinauwi. Kaya ngayon lang siya nakabalik ng eskuwelahan matapos ang tatlong araw na pag-absent.
“Okay na ako. Kailangan ko na lang ubusin iyong ineresetang gamot para tuluyan nang gumaling ang UTI ko.”
“Mabuti naman kung gano’n. May ibabalita pala ako sa iyo.”
“Ano iyon?” nagtatakang tanong niya.
“Pag-usapan natin,” sabi ni Diana sabay bitbit sa dala niya. “Halika na.” Hinila nito ang kamay niya at dumiretso sila ng kanilang higaan.
“Tungkol saan ang pag-uusapan natin?” naku-curios niyang tanong nang makaupo na silang parehong sa kama niya.
“Ano bang mayroon kayo ni Enrico?”
Kumunot ang noo niya sa tanong nito. “Anong ibig mong sabihin? Hindi kita maintindihan.”
“Dalawang araw na kasi siyang pabalik-balik dito. Lagi ka niyang hinahanap. Hindi ko naman masabi kung nasaan ka kasi wala naman akong balita sa iyo. Bakit gano’n na lang ang concern niya sa iyo? Mayroon ba kayong relasyon ni Enrico?”
“Relasyon? Anong relasyon ang tinutukoy mo? Sinabi ba niyang may relasyon kami?” Wala namang sinasabi sa kanya si Enrico. May ipinagtapat ba ito sa kaibigan niya? May gusto ba sa kanya ang lalaki?
“Wala nga siyang sinasabi kaya ikaw ang tinatanong ko. Nagtataka lang ako kasi pabalik-balik siya dito. Pumupunta siya dito ng umagang-umaga tapos pagdating ng hapon babalik siya ulit. Iyong huling punta nga niya dito ay kanina lang bago ka dumating. Curious lang ako. Ano bang mayroon sa inyong dalawa?”
Hindi nakaimik si Arrielle. Siya man ay nalilito sa narinig na balita. Dalawang beses pa lang sila na nagkita ni Enrico. Pero sa mga ikinikilos nito ay parang ang lalim na ng pinagsamahan nila. Gusto niyang matuwa dahil ngayon lang may nagpakita sa kanya ng ganoong pag-aalala maliban sa Lolo’t Lola niya at kay Diana. Sana lang ay totoo ang ipinapakitang interes ni Enrico sa kanya. Hangga’t maaari ay ayaw na niyang umasa at masaktan pa. Katulad na lang ng ginawa ng sariling pamilya at ng kaklase niyang muntik nang makadisgrasya sa kanya.