KATATAPOS lang ng last period ni Arrielle at palabas na siya ng lobby nang matanaw niya ang mga babaeng nag-iingay sa students’ park ng College of Home Arts. Nang makalapit siya dito ay nagulat siya nang makita kung sino ang pinagkakaguluhan ng mga ito. Si Enrico at ang kasama nito ay pinagpipiyestahan ng mga estudyante.
“Excuse me,” sabi niya nang makalapit dito. Hindi siya pinansin ng mga estudyante. Ngunit nakuha niya ang atensiyon ni Enrico. Tumayo ito mula sa pagkakasandal sa motorsiklo nito. Saka ito lumapit sa kanya.
“Hi! Kumusta ka na?” nakangiting bati nito.
Nginitian din niya ito. “Okay na ako.” Nang mapansin niyang pinagtitinginan sila ng mga estudyante ay hinila niya si Enrico pabalik ng motorsiklo nito. “Puwede bang ihatid mo na lang ako sa dorm at doon na lang tayo mag-usap?” Medyo nilakasan niya ang boses para marinig nilang lahat.
“Okay. Sige.”
“Paano naman ako ngayon?” sabad ng kasama ni Enrico nang lumapit sa kanila.
Napakamot ng ulo si Enrico. “Maglakad ka na lang kaya papunta sa gym.”
“Ano? Ang sabi mo kanina ay samahan kita dito tapos ihahatid mo rin ako sa gym.”
Napatingin sa kanya si Enrico.
“Walang problema. Ipahiram mo na lang iyang motorsiklo mo. Sumakay na lang tayo ng tricycle pauwi ng dorm.”
“Sigurado ka?” nag-aalalang tanong ni Enrico.
“Oo naman. Mas gusto ko pa ngang maglakad kaysa sa sumakay sa motorsiklo, eh.” Ayaw lang niyang sabihin kay Enrico na nininerbiyos siya sa tuwing sasakay ng motorsiklo.
“Maraming salamat, Miss Arrielle. Ako nga pala si Richard.” Iniabot ng lalaki ang kamay nito sa kanya.
Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. “Walang anuman, Richard.”
“O, hetong susi,” sabad ni Enrico. Agad namang binitiwan ni Richard ang kamay niya para abutin ang susi kay Enrico. Ilang sandali pa ay pinasibad na ni Richard ang motor.
“Parang ang hirap sumakay ng tricycle, ah,” puna ni Arrielle Mahigit limang minuto na silang nag-aabang ng sasakyan ngunit wala pa ring dumadaang tricycle. “Maglakad lang muna kaya tayo. Baka may masalubong tayong tricycle,” suhestiyon niya.
“Sigurado ka bang gusto mong maglakad? Kagagaling mo lang sa sakit, ah. Baka hindi mo pa kaya,” sabi nito sa nag-aalalang tinig.
“Kaya ko ang sarili ko. Saka hindi naman tayo maglalakad ng mabilis, hindi ba?” paniniguro niyang tanong.
“Hindi natin kailangang magmadali kung hindi ka naman nag-aapurang umuwi. Pero kung gusto mo, tumuloy na lang tayo sa gym. Sunduin natin iyong motor ko para mas mabilis kitang maihatid sa dorm ninyo.”
Ilang sandaling natahimik si Arrielle. Ayaw na sana niyang sumakay sa motor dahil ninenerbiyos siya. Ngunit hindi naman niya kayang maglakad hanggang sa dorm. Kung may tricycle lang sana na dumaan. Ang problema ay wala siyang makita kahit ni isang tricycle. “Sige pumunta na lang tayo ng gym. Pero kung may masalubong tayong tricycle ay doon na lang tayo sumakay.” Nauna na siyang naglakad. Sumunod naman agad sa kanya si Enrico.
“Bakit ayaw mo na bang sumakay sa motorsiklo?” tanong nito habang sinasabayan siya sa paglakad.
Hindi siya agad nakasagot. “Kuwan kasi…” Hindi niya alam kung paano itutuloy ang sasabihin. Ayaw niyang mapahiya si Enrico. Ngunit ayaw din naman niyang magsinungaling dito. “Kinakabahan kasi ako kapag sumasakay sa motorsiklo.” Nasabi na rin niya ang totoo.
“O, sige. Kapag may tricycle na dadaan, doon na tayo sumakay. Pero kung wala, gamitin na lang natin iyong motor ko.”
Napilitan siyang tumango.
“Akin na muna iyang dala mo para hindi ka mahirapan,” sabi nito habang naglalakad sila.
“Hindi na. Kaya ko naman ito.” Hindi naman mabigat ang bag niya kasi iniwan niya ang kanyang drawing pad. Ito ang nagpapabigat sa kanyang bag dahil halos araw-araw ay dala niya ito.
“Sigurado ka?” Nagdududa pa yata si Enrico sa sinabi niya.
“Oo. Sigurado ako. Magaan lang naman ang bag ko, eh,” katuwiran niya. Dahil sa sinabi niya hindi na nagpilit si Enrico na kunin ang bag niya.
Habang naglalakad sila ay kinakausap siya ni Enrico. “Ang tagal mo ring nawala, ah. Mabuti naman at nakabalik ka na. Kailan ka pa dumating?”
“Kaninang umaga lang ako dumating. Na-confine kasi ako sa ospital ng limang araw. Kahapon lang ako na-discharge.”
“Gano’n ba? Bakit ka nga ba nagkasakit? Anong sabi ng doktor?”
“UTI ang findings ng doktor. Kaya may iinumin pa akong mga gamot para tuluyang gumaling.”
“Mabuti naman at hindi malala ang naging sakit mo. Ingatan mo na lang ang sarili mo. Uminom ka ng maraming tubig at huwag kang masyadong uminom ng softdrinks,” may pag-aalalang sabi nito.
“Opo, dok. Susundin ko po ang sinabi ninyo,” nangingiting sabi niya. Inulit lang kasi nito ang sinabi ng doktor na tumingin sa kanya sa ospital.
“Hindi ka yata naniniwala sa sinabi ko, ah. Gusto mo pa akong pagtawanan,” nagtatampong sabi ni Enrico.
“Hindi naman kita pinagtatawanan, eh. Naalala ko lang kasi na ganyan din ang sinabi ng doktor ko,” depensa niya.
Biglang natahimik si Enrico sa sinabi niya. Walang imik silang naglakad hanggang makarating sila ng gym.
“Dito ka lang muna. Kukunin ko lang iyong susi kay Richard.” Iniwan siya ni Enrico sa isang bench sa labas lang ng gym. Hindi naman nagtagal ay lumabas din ito. Sumenyas ito sa kanya na didiretso ito ng parking area. Tinanguan niya ito. Pagbalik ni Enrico ay dala na nito ang motor. “Sakay na,” sabi nito nang huminto ito sa tapat niya. Maingat na umangkas siya sa likuran nito. Tulad ng dati ay pinagsalikop niya ang kamay sa beywang ng binata at isinandal ang ulo sa likod nito.
“Dahan-dahan ka lang sa pagmamaneho. Baka makabitiw ako at mahulog sa daan,” sabi niya sa may kalakasang boses.
“Huwag kang mag-alala. Hindi ko hahayaang mahulog ka,” sagot naman ni Enrico.
Alam niyang totoo ang sinabi ni Enrico ngunit hindi niya talaga maiwasang kabahan. Dahil sa buong buhay niya ay hindi siya nakaranas sumakay sa motor maliban na lang sa mga pagkakataomg ito.
Nang huminto ang motor sa gate ng Dorm 8 ay para siyang nabutan ng tinik. Pakiramdam niya kanina ay mahuhulog na talaga siya. Ilang beses pa kaya siyang sasakay sa motor bago siya masanay at mawala ang nerbiyos niya?
“Salamat uli, ha?” sabi niya rito nang makababa na siya.
“Walang problema sa akin. Natutuwa pa nga ako na maihatid kita,” nakangiting sabi nito. Lumabas tuloy ang pantay-pantay nitong ngipin. Bagay nitong maging commercial model ng toothpaste. Sigurado siyang maraming bibili ng toothpaste lalo na ang mga kababaihan.
“Uuwi ka na ba? O susunduin mo pa iyong kaibigan mo?” Ewan kung bakit bigla na lang niyang naitanong ang bagay na iyon.
“Parehong hindi ang sagot ko sa mga tanong mo.”
Tumaas ang kilay niya sa sagot nito.
Saan ito pupunta? Makikipag-date? Huwag naman sana.
Ngek! Bakit naman niya naisip ang bagay na iyon? Nagseselos siya? No, hindi niya dapat maramdaman iyon. Wala siyang karapatan. Hindi niya boyfriend si Enrico para magselos siya kung sakali mang makipag-date ito. Pilit niyang binura sa isip ang bagay na iyon.
“Saan ka pupunta ngayon?” Huli na nang maisip niya na hindi dapat itanong ang bagay na iyon. Napakagat-labi siya habang hinihintay ang sagot nito.
“Babalik ng school kasi may praktis kami ng Rondalla ngayon.”
Oh! Musikero pala si Enrico.
“Talaga? Miyembro ka ng SMU Rondalla? Anong instrument ang hawak mo?” Fascinated siya sa mga taong magagaling sa stringed instruments. Ang kaya lang niya kasing patugtugin ay piano.
“Gitara,” maikling sagot nito. “Sige, aalis na ako.” Liliko na sana ito pero hinawakan niya ang kamay nitong nasa manibela. Awtomatikong napatingin ito sa kanya.
“May itatanong lang sana ako.” Kanina pa naglalaro sa isip niya kung paano bubuksan ang usapang iyon.
Hindi umimik si Enrico. Napasulyap lang ito sa kamay niya na nakapatong sa kamay nito. Napilitan siyang alisin ang kamay doon. “Enrico, tumingin ka nga sa akin,” mahinahong sabi niya. Pero sa loob-loob niya ay dumadagundong ang dibdib niya sa nerbiyos.
Tahimik na napatingin sa kanya ang binata. Sinalubong niya ang mga titig nito. “Ang sabi ni Diana, noong wala ako ay ilang beses ka raw pumunta dito at hinahanap mo ako. Totoo ba iyon? Bakit mo ako hinahanap?”
Umiwas ng tingin si Enrico. Ilang sandaling natahimik ito na para bang pinag-iisipan nito kung ano isasagot sa kanya. Maya-maya ay ibinuka na nito ang bibig. “Gusto ko lang namang malaman kung nasa maayos kang kalagayan kaya ginawa ko iyon. Wala nang ibang dahilan.”
Nakaramdam siya ng pagkadismaya sa sagot ni Enrico. Pero alam niyang nagsasabi lang ng totoo ang binata. Dapat niyang tanggapin ang sinabi nito. Ano ba naman kasi ang pumasok sa kukote niya para umasang may magandang dahilan si Enrico para hanapin siya? Huwag na lang siyang umasa baka masaktan lang siya.
“Sige, ingat ka na lang,” pagtataboy niya sa binata bago tinalikuran ito. Nasa receiving area na siya nang marinig niya ang ugong ng papaalis na motor.