Habang nagda-drive ay hindi maalis sa mga labi ni Laurenti ang ngiti. Kung may makakakita lang sa kanya ngayon na pinsan o kapatid niya'y katakot-takot na pang-aasar ang aabutin niya.
He wasn't expecting the kiss. Ang babaeng patay na patay siya noon pang mas bata ito ay may gusto na sa kanya ngayon. Mabuti na lang dahil dumating ang ama nito dahilan para bumalik ang matino niyang pag-iisip kanina. Kung hindi ay baka nadala na siya ng damdamin dahil sa paninikis sa sarili sa matagal na panahon.
Kathleen Manzano. He would definitely make their relationship official. Kahit pa tumutol ang Papa nito ay ipaglalaban niya ang pagmamahalan nila.
Pagdating niya sa condo ay hindi niya inaasahan ang bisitang dadatnan roon.
"What are you doing here?" tanong niya kay Cynthia.
"Hindi mo na 'ko kinausap. Ilang beses kitang tinatawagan pero ni isa hindi mo sinagot."
"Malinaw ang sinabi ko na tapos na tayo," mahinahon niyang wika. Wala na siyang galit na nararamdaman ngayon hindi katulad noon na kapag nag-aaway sila ay kumukulo talaga ang dugo niya sa inis. Isa lang naman kasi ang pinag-aawayan nila nang paulit-ulit - ang pagpatol ni Cynthia sa kung kani-kanino para lang matupad ang pinapangarap nitong kasikatan.
"Alam mo naman kung bakit ko ginagawa 'yun. Lahat ng modelong gustong pasukin ang industriya ng pag-aartista dumadaan sa ganoon," katwiran pa rin nito. Mabilis siyang umiling at hinarap ito.
"No, Cynthia. Si Elize na pinsan ko ay hindi kailangang pababain nang ganyan ang sarili pero sikat pa rin naman." Ang tinutukoy niya ay ang kapatid ni Ethan Albano. "You did it because you like it."
"Huwag mo 'kong ikumpara kay Elize dahil alam mo ang layo ng katayuan namin sa buhay, Laurenti. At hindi mo puwedeng tapusin ang relasyon natin nang ganoon lang."
"Why not? You have your director or your so called leading men and I am also eyeing on someone," pagtatapat niya. Sigurado siyang hindi na siya babalik kay Cynthia dahil seryoso na ang panliligaw niya kay Kathleen.
"M-may iba ka na?!" Nakita niya kaagad ang galit sa mga mata nito. "Ipinagpalit mo 'ko nang ganoon lang?!"
Iniharang niya ang pag-atake ni Cynthia sa kanya habang umiiyak ito. This was the first time she did this. At hindi rin niya inaasahan na may pag-iyak pa itong gagawin. Sa dami ng away at hiwalayang nangyari sa kanila ay sanay na siyang nagwa-walkout ito hanggang parehong lumamig ang ulo nila at magkakabalikan.
"Bakit ka ba nagagalit sa akin? I am doing you a favor, Cynthia. Ngayon puwede mo nang gawin ang lahat ng gusto mo."
"Hindi mo puwedeng gawin 'to sa akin, Laurenti!" Muli nitong pinagsusuntok ang dibdib niya. Hanggang lumuhod na lang ito at umiyak nang umiyak. Naantig naman ang puso niya kaya't niyakap niya ito hanggang sa tumahan.
"Calm down..." mahina niyang wika habang haplos ang likod nito. Pinahid naman ni Cynthia ang mga mata saka inayos ang sarili.
"We are still friends anyway," muli niyang wika nang wala na itong salitang binibitiwan. "Dati naman tayong magkaibigan."
"Who is that woman? Siguro naman ay may karapatan akong malaman?"
"Kathleen. I don't know if you know her---"
"Oh, I know her," mabilis nitong sagot. "Estudyante mo siya, hindi ba? Akala mo ba hindi ko naririnig ang pagkukwentuhan niyo ng mga kaibigan mo? All along, you were also cheating on me."
"But it's not what you think."
"Kahit anong sabihin mo, niloko mo rin ako. Gusto mong paniwalaan ko na ako ang nagloko para matapos ang relasyon natin para linisin ang konsensya mo! Para masabi na ako ang may pagkakamali!"
"I didn't cheat on you!"
"Huwag mo akong paikutin!" Agad nitong dinampot ang bag na nasa sofa at lumakad palapit sa pinto. Hindi niya ito sinundan. Para sa kanya ay tapos na rin ang pag-uusap nila. "Pagsisisihan mo 'tong ginawa mo, Laurenti!"
Hindi siya natakot sa banta nito. Mas takot siyang hiwalayan siya ni Kathleen hindi pa man nagsisimula ang relasyon nila. Hindi nito dapat malaman ang pagpunta ni Cynthia ngayon sa condo niya gayung si Kathleen ang kahalikan niya kanina.
Sa kabila ng pagsugod ni Cynthia sa kanya ay nakangiti pa rin niyang hinubad ang polo at tumuloy sa banyo. Kailangan niyang i-release ang pag-iinit ng katawan kanina pa na naantala dahil sa nadatnang dating kasintahan sa condo niya.
Hindi pa man siya nakakarating sa banyo ay narinig niya na ang pag-ring ng telepono. Bumalik siya sa silid para kuhanin ang walang patid na tumutunog na cellphone. Napailing siya nang makitang isa sa mga kaibigan ni Cynthia ang tumatawag. Ganito naman palagi kapag nag-aaway sila. Lagi itong humihingi ng saklolo sa mga kaibigan para ipaintindi sa kanya kung bakit hindi sila dapat maghiwalay.
Pero hindi na ngayon.
"Hello, Demi," tamad niyang sagot.
"Nanggaling na riyan si Cynthia?"
"Yes. And she left a while ago."
"Tapos hindi kayo nagkaayos?"
"Malinaw na ang usapan namin noon na wala na akong pakialam kung anuman ang gawin niya. Hiwalay na kami, Dem. Sa pagkakataong ito ay hindi na kami magkakabalikan."
"Hindi mo hinintay ang paliwanag niya kung bakit siya nakikipagbalikan sa 'yo?"
"Tulad ng sinabi ko kanina, wala na akong balak makipagbalikan. I had enough."
"She's pregnant, Laurenti."
Nawalan siya ng sasabihin sa balitang iyon. Tila iyon bomba sa pandinig niya. Ang agad rumehistro sa isip niya ay ang magandang mukha ni Kathleen.
Oh, God... Not this time please...
"Tell me this is a joke," wika pa rin niya sa kausap.
"Unfortunately, hindi, Laurenti. Gusto niyang ipalaglag ang bata dahil may kontrata siyang pipirmahan na makakasagabal ang ipinagbubuntis niya. Pero sinabi kong mali ang gagawin niya. Tinulungan mo lang siyang magdesisyon na tama ang gagawin niyang pagpapalaglag."
"How the hell would I know?!" pagalit niyang wika nang makabawi sa pagkabigla. Nagpaalam siya kaagad sa kausap at nanginginig ang kamay niyang tinawagan ang telepono ni Cynthia. Kalahating oras na mahigit itong nakaalis sa condo niya. Pero pupuntahan niya ito kahit saan para maliwanagan kung totoo ang sinasabi ng kaibigan nito.
Pero isang oras na siyang tumatawag hindi pa rin niya makontak ang telepono nito. Kulang na lang ay ihagis niya ang anumang mahawakan sa dingding. Hindi man niya tiyak kung sa kanya ang bata, kargo de konsensya pa rin niya ang pagpapalaglag nito dahil hindi sila nag-usap nang maayos ni Cynthia.
At mas malaki pa rin ang posibilidad na sa kanya ang batang iyon. Hindi siya pupuntahan ni Cynthia para makipag-ayos kung iba ang nakabuntis dito.
-------
Pag-akyat ni Kathleen sa silid niya ay kaagad niyang tinawagan si Lani. Bukod sa kailangan niyang ibalita na nagawa niya ang misyon niya, gusto niyang ilabas ang kilig na nararamdaman niya.
"Seryoso ka? Hinalikan mo talaga si Sir Laurenti?!" hindi makapaniwalang bulalas ng kaibigan.
"Oo nga... 'Di ba 'yun ang sabi mo?"
"Congratulations! Ibig sabihin pumasa ka sa Calculus? Na makaka-graduate tayo nang sabay?"
"Oo nga no... Mas naisip ko pa 'yung natupad ko 'yung usapan natin kaysa sa pagkakapasa ko sa Calculus."
"Uyyy... Ang sabihin mo, na-excite ka lang talaga dahil ibig sabihin kayo na ni Sir Laurenti. Ayiii!! Kinikilig ako sa inyo."
"Dapat na rin ba akong kiligin?" Ibinagsak niya ang katawan sa malambot na kama. Sa kisame siya nakatingin pero gwapong mukha ni Laurenti ang nakikita niya.
"Paano ba nag-react si Sir Laurenti? Gumanti ba? Ilang beses?"
Pumikit siya habang inaalala kung paano gumanti si Laurenti sa halik niya. Kung tutuusin ay ito ang nagtuloy. Ayaw pa nga sana nitong itigil ang halik.
"Bumusina kasi kaagad si Papa," pagdadahilan niya. Hindi niya gustong ikwento ang detalye kung ano ang nangyari. Sagrado para sa kanya ang moment na 'yun.
"Ano? Nakita kayo ng Papa mo?"
"Hindi naman. Tapos naman na nung dumating siya."
"Ah... Akala ko naabutan kayo eh. Di ba ayaw ng Papa mo na nagpupunta si Sir Laurenti doon nang wala siya?"
"Oo. Ang weird nga eh... Kasi ngayon okay na ulit sa kanya."
"E di mas mabuti. Kapag naging boyfriend mo na si Sir Laurenti, hindi niyo na kailangang magtago. Hay naku, friend, bakit ba napakaswerte mo?"
"Anong sinasabi mo? Hindi ko nga alam kung paano ko siya haharapin pagkatapos kong halikan."
"Sa una lang 'yan. Mawawala rin ang hiya mo kapag madalas na kayong mag-date."
Nang matapos kausapin si Lani ay nakatitig pa rin siya sa kisame. Wala na siyang pasok sa university dahil maghihintay na lang sila ng clearance galing sa school at graduation ceremony na rin sa susunod na linggo. Nakahinga naman na siya nang maluwag dahil makaka-graduate na siya.
Kinabukasan ay maaga siyang gumising dahil hindi rin siya gaanong nakatulog kagabi. Wala siyang natanggap na tawag o text mula kay Laurenti kagabi kaya mas lalo siyang hindi dinalaw ng antok. Hindi naman niya gustong siya pa ang unang mag-text matapos na siya pa ang unang humalik kahapon.
Hanggang sa lumipas ang isang linggo, walang Laurenti ang nagpakita o kumontak sa kanya. Gusto man niyang umiyak dahil nasaktan siya sa bigla nitong pag-iwas ay pilit niyang itinago ang sakit sa sulok ng puso niya. Hindi niya kailangan ang magmukmok ngayon. At mas lalong hindi niya gustong iyakan ang lalaking pinaasa lang siya sa wala.
Hanggang pagpapanggap lang pala talaga ang pakay nito. Ang tanga niya para maniwala na totoong may gusto si Laurenti sa kanya.
"Oh, bakit lungkot lungkutan ka riyan e graduation natin?" wika ni Lani nang habang nagkakasayahan ang lahat ay nagmumukmok siya sa kinauupuan niya ngayon.
"Wala naman... Ninanamnam ko lang ang oras na 'to kasi bukas official na talaga na hindi na tayo estudyante. Kailangan ko nang harapin ang totoo naming sitwasyon. Alam mo naman na gusto nang isara ni Papa ang kompanya," pagsisinungaling niya.
"Yan ba talaga ang dahilan? O si Laurenti pa rin na matapos kang pinaasa na kayo na hindi na nagpakita ulit?"
"Hindi ko na gustong isipin 'yun. Pinatunayan lang niya ang sinasabi ng iba na playboy talaga siya. Na kapag nakita niyang nagkagusto na ang babae sa kanya basta na lang niyang iniiwan sa ere."
"Oo nga no? Hindi rin ako makapaniwala. Sorry ha, kasalanan ko ang lahat. Kung hindi sa dare ko hindi ka aasa nang ganyan."
Isang tamad na ngiti ang pinakawalan niya. Wala namang ibang dapat sisihin kung hindi siya.
"Miss, ikaw ba si Kathleen Manzano?"
"Oho... Bakit ho?" tanong niya sa isang photographer sa university.
"Puwede ho ba kayong makuhanan ng larawan?"
Nagtataka man ay um-oo na rin siya. Official photographer naman iyon sa eskwelahan dahil na rin sa ID na nakasabit sa leeg nito. Bagama't malungkot ay pinilit niyang ngumiti.
"Salamat ho, ma'am." Pagkatapos ay may dinukot ito sa bulsa. "May nagpapabigay sa inyo."
"Ho?"
Matapos abutin ay naglahong mabilis ang lalaki na sumiksik sa karamihan ng mga estudyante. Ni hindi nito kinuhanan ng larawan ang ibang naka-toga rin doon. Binuksan niya ang maliit na box at bumungad sa kanya ang isang kwintas na naglalaman ng birthstone niya.
To my forever crush,
As the quote saying goes, 'To be alive is to have scars.' But I want you to see me when I am strong.
I wish I could be with you tonight, but fate might had other plans so I leave it through the hands of time. Spread your wings and fly high. I will always pray for your success.
Happy graduation, my love... I will always cherish that one single kiss we've shared. No matter how brief that was, your lips was the sweetest I've ever tasted.
Till we see each other again...
Laurenti
Itinupi niya ulit ang sulat na nasa loob ng kahon nang may luha sa magkabilang pisngi. Hindi niya naiintindihan kung ano ang nilalaman ng sulat na iyon. Isa lang ang alam niya - walang Laurenti ang dadating ngayong graduation day.
Niyakap siya ni Lani nang makitang hindi niya mapigilan ang pag-iyak. Nang magsalita ang emcee na nasa stage ay saka niya inayos ang sarili.