"Kung talagang wala na tayong pera, payag na ho akong isara ang kompanya, Papa. Ang bahay ang isalba niyo dahil pundar niyong dalawa ni Mama 'yun," pakiusap ni Kathleen sa ama. Kanina ay narinig niyang may kausap ang Papa niya na buyer ng bahay nila. Kahit ang bahay ay hindi niya gustong ibenta. Pero nagulat siya sa nalaman ngayon lang - matagal na palang nakasangla sa banko ang bahay na ngayon ay malapit nang mailit. Mas lalo silang walang mapapakinabangan kapag nagkataon.
"Walang bibili sa kompanya, anak, pero dito sa bahay, maibebenta pa natin sa magandang presyo."
"Saan nga ho pala tayo titira kapag naibenta niyo na itong bahay?"
"Babalik tayo sa bahay ng Lolo at Lola mo."
"Talaga bang makikitira tayo kina Uncle Dickson?!" gustong tumutol ng dibdib niya.
"Wala nang ibang paraan. Tutal naman ay dalawa lang sila ni Donna doon, malaki pa rin ang bahay para sa ating apat. Nasabi ko na 'yun sa 'yo noon, hindi ba?"
"Mas gusto ko hong sa isang maliit na apartment na lang tayo tumira, Papa," pagtutol niya.
"Bakit pa tayo gagastos buwan-buwan kung may bahay naman tayong pag-aari?"
"Pero hindi ho maganda ang relasyon niyo ni Uncle noon pa. Alam niyo ring pati kami ni Donna ay nadadamay na sa away ninyo."
"Maliliit pa kayo noon, anak, buhay pa ang asawa ng Uncle mo noon na siyang nagsusulsol na kamkamin ang pag-aari ng Lolo at Lola mo."
Natitiyak niyang hanggang ngayon ay mainit pa rin ang ulo ni Donna sa kanya. Paano ba naman kasi, dalawang naging kasintahan nito noong high school ang matindi ang pagkagusto sa kanya. Hindi niya alam kung bakit kahit magkahiwalay sila ng bahay ni Donna ay maliit ang mundo para sa kanila. Nakikita niya ito sa campus minsan kahit hindi naman ito sa unibersidad niya nag-aaral. Minsang nagkayayaan silang magbabarkada na pumunta sa Zenclub ay naroon din ito. Kilala niya ang mga kaibigan nito dahil naging kaklase niya ang dalawa doon noong high school at naging kaklase sa ilang subject nitong nag-college siya.
Pero tuwing magku-krus ang landas nila ay palagi itong nakairap. Sinisikap niya na lang huwag patulan dahil mas gusto niya ng tahimik na buhay. Pero kapag nagkasama sila sa iisang bahay ay babalik na naman ang iringan nilang dalawa.
"Ibig bang sabihin ay magkasundo na kayo ulit ni Uncle?"
"Oo. Pumayag siyang manirahan tayo roon para sa ikaaayos ng relasyon nating lahat. Nabanggit ko kasi sa kanya na may balak akong bumalik sa Saudi para makapagtrabaho ulit. Mas mapapanatag ako kung sa kamag-anak kita maiiwan."
"Babalik ho kayo sa ibang bansa?!"
"Oo, anak. Wala akong trabahong mahahanap dito dahil matanda na 'ko. Hindi naman katulad ng ibang bansa ang Pilipinas na kahit matanda na ay tinatanggap pa rin sa trabaho."
Maliit pa siya ng huling tumapak sa ibang bansa ang Papa niya para magtrabaho. Doon nito naipon ang pinuhunan sa itinayong advertising agency.
"Hindi ko na sana gustong mawalay sa inyo, Pa... Magtatrabaho naman ho ako, kaya ko na hong i-provide ang pangangailangan natin."
"Iyan ang kahuli-hulihan kong gustong mangyari, anak. Hindi ko gustong iasa sa 'yo ang pangangailangan natin dahil dapat ay ako iyon. Huwag kang mag-aalala dahil dalawang taong kontrata lang naman ang pipirmahan ko. Gusto mong isalba ang kompanya, hindi ba? Ang perang ipapadala ko ay gamitin mong puhunan para palaguin ulit ang agency. Siguro naman makakahingi ka ng tulong kay Laurenti na maibalik sa atin ang mga proyektong ibinigay nila sa Solace."
Hindi niya mabanggit sa ama na bigla ring naglahong parang bula ang lalaking akala niya ay totoo ang intensyon sa kanya. Wala siyang nagawa kung hindi ang tumango. Hindi rin naman papipigil ang Papa niya kung gusto nitong mag-abroad ulit.
"Babalik ka sa bahay ng Lola mo?" Nasa isang fast food restaurant sila ni Lani nang ikwento niya ang plano nilang mag-ama.
"Oo. Hindi na ipasasara ni Papa ang kompanya kasi ibebenta na lang namin ang bahay. Tapos babalik siya sa Saudi para makapag-ipon ulit."
"Di ba hindi kayo nagkakasundo ng pinsan mo?"
"Babait naman siguro 'yun. Hindi ko naman kasi masalungat ngayon ang gusto ni Papa na umupa na lang kami ng apartment kasi nanghihinayang siya sa pera. Isa pa, gustong-gusto talaga niya na mabawi ang bahay ni Lola kay Uncle Dickson. Kaya siguro doon niya naisip na tumira kami ulit, para mabawi ang bahay na 'yun."
"Goodluck sa pakikisama mo riyan sa pinsan mong pumuti lang ng kaunti eh gandang ganda na sa sarili. Nakikipag-kompetinsya pa sa 'yo eh ang layo ng agwat mo."
"Uy, sobra ka ha," natatawa niyang wika.
"Totoo naman no? Aba'y hindi naman sa university natin nag-aaral pero panay ang tambay doon. Nagpapa-charming lang sa mga gwapo at mayaman na wala sa eskwelahan niya."
"E kasi 'yung ibang kaibigan niya schoolmate natin kaya ganoon," katwiran naman niya.
"Ah basta, ang tingin ko sa kanya gold-digger. Tiyak na nagmana rin sa Mama't Papa niya ng pag-uugali kaya ganyan kayabang."
Natatawa na lang siya sa inis ni Lani sa pinsan niya. Kitang-kita din naman kasi nito kung paano siya snob-in ni Donna tuwing magku-krus ang landas nila. Idagdag pa ang ilang paninirang ginagawa nito na nakakaabot sa kanya. Palagi nitong sinasabi na sakim sila ng Papa niya dahil maykaya na nga pero hindi pa ipaubaya ang bahay sa kanila gayung napakalaki ng hirap ng Papa nito sa pag-aalaga sa Lolo at Lola niya.
Ngayon ay alam nitong hikahos din sila sa buhay. Hindi na siya magtataka kung pagbalik nila sa lumang bahay ay tatawa ito nang malakas para kutyain sila.
Dalawang buwan matapos nilang mag-usap ng Papa niya tungkol sa paglipat nila sa bahay ng Lola niya ay pinag-empake na siya ng gamit. Mabigat man sa loob niya ay wala siyang magawa. Saka na siya maghahanap ng apartment kapag nakaalis na ang Papa niya. Sa ngayon ay kailangan niyang sundin ang gusto nito na bumalik sa lumang bahay para mabawi ang karapatan ng ama doon.
Tulad ng inaasahan niya ay isang malakas na nakakainsultong tawa ang isinalubong ni Donna sa kanya. Nagtitimpi lang siya pero kanina pa nagngignitngit ang kalooban niya.
"Bumaligtad na ang mundo, ano? Yan na ba ang lahat ng gamit mo?" mataray nitong wika nang makita ang tatlong maleta niyang dala. Hindi niya na dinala ang mga gamit na hindi mapakikinabangan. "Baka puro basura pa 'yan ha?"
"Wala ka nang pakialam kung basura man 'yang dala ko," mataray din niyang sagot bagama't mahina lang ang boses niya dahil hindi niya gustong marinig ng Papa niyang pinapatulan niya si Donna.
"Kathleen!" malakas na boses ng Uncle Dickson niya na kaagad siyang niyakap nang mahigpit. Totoo nga na iba na ito kung humarap sa kanila ngayon. Pero kaagad siyang bumitiw habang naka-plaster ang ngiti niya.
"Hello po, Uncle."
"Mabuti naman at dito niyo naisipang tumira ulit. Aalog-alog lang naman kami ni Donna dito. Iakyat mo na ang mga gamit mo. Hindi pa nalilinis ang kwartong tutulugan niyo kasi wala naman kaming katulong dito. Pero kaunting alikabok lang naman 'yun kasi nagwawalis ako tuwing umaga."
Ang alam niya'y hindi na rin nagtatrabaho ang Uncle Dickson niya dahil may maliit na bakery ito sa labas ng kanto na siyang pinagkukunan ng pangangailangan ng mag-ama. Mas matanda ito sa Papa niya ng dalawang taon. Mas puti na ang buhok nito bagama't malakas pa naman ang pangangatawan. Mas mahina pa ngang tingnan ang Papa niya na bumagsak ang katawan simula noong namatay ang Mama niya. Sunod sunod naman kasing problema ang dumaan sa kanila na hindi niya alam kung hanggang saan matatapos.
"A-aakyat ho muna ako sa kwarto ko," paalam naman niya nang makaramdam ng pagkailang kung paano siya titigan ng Uncle Dickson niya. Pakiramdam pa niya'y sa dibdib niya ito laging nakatingin.
"Sige, anak, maghahain na ako ng merienda nang makakain kayo ng Papa mo," malakas nitong wika nang tumalikod siya dala ang isang maleta. Naiwan pa sa ibaba ang dalawa.
"Malaki na ang ipanagbago ng anak mo, Fred," narinig niyang wika ni Dickson sa Papa niya. "Aba'y dalagang-dalaga na nga at napakaganda. Dapat ay hindi mo hinahayaang manligaw ang sino sino riyan. Si Donna nga hindi ko pinapaakyat dito ang manliligaw."
Gusto niyang tumawa sa narinig. Hindi nga nagpapaligaw si Donna dito sa bahay pero kung kani-kanino naman nakikipaglandian sa kalye. Siguradong hindi nito alam ang kalokohang pinaggagawa ng anak.
Malaki naman ang silid na inilaan sa kanya kahit paano. Luma na ang bahay pero nagawa pa ring gawing bago dahil sa pintura at bagong kagamitan. Iyon nga lang, hindi kasama ang silid niya sa may bagong kagamitan. Lumang aparador at tokador ang naroon. Pati ang kama ay wala pang bedsheet. Pero okay lang 'yun dahil wala naman siyang balak magtagal dito. Kapag nakaalis ang Papa niya ay maghahanap siya ng maliit na apartment.
Kinuha niya ulit sa ibaba ang dalawa pang maleta. Prenteng nakaupo si Donna na nagbabasa ng fashion magazine sa malambot na sofa na tila isang prinsesa. Pagbalik niya ay isinlansan niya lang ang damit na gagamitin niya sa araw-araw. Ang ibang gamit ay nanatili lang sa maleta niya para hindi na siya umubos ng oras niya kung sakaling makahanap na siya ng apartment.
Mabuti na lang dahil naisipan niyang isama sa maleta ang paborito niyang bedsheet. Halos kabibili niya pa lang kasi 'yun. Hangga't maaari ay ayaw niyang lumapit kay Donna para humingi ng kung ano-ano. At mas lalong hindi niya gustong lumapit sa Uncle Dickson niya na bagama't maganda na kung makitungo sa kanila ay hindi pa rin siya mapanatag.
Pakiramdam niya'y nanunuri ang mga mata nito sa kabuuan niya.
Matapos maiayos ang ilang gamit at madamitan ang kama at mga unan ay inihiga niya ang katawan para ipahinga pati ang isip niya. Dalawang buwan na silang naka-graduate ni Lani. Dalawang buwan na siyang nagtatrabaho sa kompanya pero wala pa ring solusyon kung paano niya isasalba iyon.