Simula
"Sigurado kayo dito?" Nag-aalangang tanong ni Alina.
Nasa harapan silang magkakaibigan ngayon ng isang malaking bahay na nakatayo malayo sa iba pang mga bahay dito sa bayan ng Valencia.
"Huwag na kaya tayong tumuloy? Sa iba na lang tayo tumambay." Muling imik ni Alina. Kanina pa din pinagpapawisan at kinakabahan ang dalaga.
"Andito na tayo, hindi pa ba tayo tutuloy?" Mahinang tanong ni Louie habang may ngisi sa mga labi.
"Let's go." Ani Jojo na kanina pa nakangiti sa isang gilid.
Hinawakan na din ni Jojo si Alina at sinabing huwag mag-alala.
"Sigurado ba kayong wala dito ang may-ari?" Tanong muli ni Alina na kinakabahan pa rin hanggang ngayon.
"Matagal ng walang nakatira dito at saka hindi naman siguro uuwi na lang ang may-ari, 'di ba?" Sagot ni Louie na dire-diretsong naglakad palapit sa gate ng bahay.
Nagawa nilang makapasok dahil hindi naman nakalock ang gate. Nauuna sa paglalakad si Louie habang nakasunod naman sa kaniya si Jojo at Alina, at nakasunod sa dalawa ang walang imik na si Gun.
"Ow, hindi rin nakalock?" Tanong ni Louie sa sarili nang pihitin niya ang doorknob ng pinto papasok sa mismong bahay.
"Talaga?" Namamanghang tanong din ni Jojo na mabilis na lumapit sa kaniya.
"Baka umuwi na iyung may-ari kaya nakabukas. Umuwi na lang din talaga tayo." Kinakabahang hayag ni Alina.
Pero hindi nakinig si Louie at tuluyan na niyang binuksan ang pinto ng bahay. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa sala ng bahay na animo'y pagmamay-ari niya iyun.
Napapangisi pa si Louie habang tinitingnan ang paligid. May mga takip na puting tela ang mga furnitures pero hindi madumi ang loob ng bahay. Mukhang mayroong nag-aalaga at naglilinis ng bahay kaya halos wala siyang mga alabok na makita sa paligid.
"Infairness, maganda pa rin ang bahay na ito." Bulong niya sa sarili habang inililibot ang tingin sa buong paligid.
"Hoy, Louie! Uwi na tayo. I really have a bad feeling about this." Paki-usap ni Alina na para ng maiihi sa salwal dahil sa kaba.
Pero hindi nakinig ang dalaga sa sinabi ng kaibigan at naupo na lamang sa isa sa mga couches na naroon na mayroon ding takip na telang puti.
"Ganda pala dito, 'no? Sayang lang at hindi tinitirhan ng may-ari." Ani Jo na isa din sa mga kaibigan niya.
"Nasan si Gun?" Tanong niya na hindi pa rin inaalis ang tingin sa isang painting na nalaglag na ang takip na tela kaya kitang kita niya kung gaano iyun kaganda.
"Nasa labas pa." Sagot ni Jojo atsaka sumikbay sa kaniya.
Ilang saglit lang ay bigla na lamang sumulpot si Gun mula sa kung saan na hindi na bago pa sa kanila. Simula pagkapanganak ay may kakaibang taglay na lakas at bilis na ang mga uri nila. Nagkakaiba-iba na nga lang sa antas ang mga kakayahan nila base sa dugong dumadaloy sa bawat isang uri nila.
Dire-diretso itong naupo sa pang-isahang upuan bago nagsimulang purihin ang paligid.
"Maganda dito ha. Mukhang hindi napapabayaan itong bahay na ito. Kung ako lang ang may-ari nito ay baka hindi na ako umalis pa dito." Sabi ng lalaki na tulad niya ay inililibot din ang tingin sa paligid.
"Oh, yehey," walang buhay na sabi ni Alina bago umimik muli, "nakita na natin ang bahay. Uwi na tayo."
Tumayo si Louie mula sa pagkakaupo at nang makita iyun ni Alina ay natutuwang tumayo na din ito.
"Saan ka pupunta?" Kinakabahang tanong ni Alina.
"Dito lang." Maikling sagot niya ng hindi ito nililingon.
"Bruha ka! Mapapahamak talaga tayo nito eh." Nahihintakutang sabi ni Alina.
Natawa lang naman si Jojo at Gun na kaswal na nag-uusap kaya napunta ang atensiyon ni Alina sa dalawa.
"Hindi pa ba tayo aalis?" Baling naman ng dalaga sa dalawa.
"Mamaya na. Saka relax ka nga lang Alina, masyado kang kabado eh." Simpleng sagot ni Jojo kay Alina.
Narinig niya pang nagreklamo ang dalaga pero hindi na niya iyun pinansin at itinuon ang tingin sa kaniyang harapan. Nasa kusina na siya. Mayroong lamesa dito at anim na upuan. May stools din sa island counter. Kumpleto ang kusinang ito, may oven, refrigerator, may coffee maker at kung ano ano pang mahahanap mo sa isang kusina. Mukhang mamahalin din ang bawat gamit dito. Talaga sigurong may kaya o talagang mayaman ang may-ari nitong bahay.
Nang mapansin ang kung anong mayroon paglingon sa kaliwa ng bahay ay naupo siya sa counter. Mayroong sliding doors doon at kita ang likod ng bahay. May bakal na mga upuan na nakapalibot sa isang bakal din na table. Parang iyong madalas na makikita sa mga garden sa isang pelikula, ganoon iyun. May mga bulaklak din at talagang maaliwalas at malaki ang likod ng bahay.
Matapos magsawa sa pagtitig doon ay bumaba na siya sa pagkakaupo sa counter at bumalik sa direksyong pinanggalingan niya. Alam niyang napalingon sa kaniya ang mga kaibigan niya at tinanong pa nga siya ni Alina kung saan ang punta niya pero hindi niya iyun pinansin at inakyat na lamang ang hagdan patungo sa ikalawang palapag.
Dalawang kwarto lang ang nakita niya at ang floor-to-ceiling sliding doors na patungo sa balcony ng bahay. Una siyang nagtungo ay sa balcony ng bahay. Ang ibaba nito ay parte ng garahe ng bahay. Hindi na din siya nagtagal doon at bumalik na din sa loob. Kasunod niyang tinungo ay ang kwarto na pinakamalapit sa hagdan. May isang malaking kama sa gitna, mayroon ding closet at isa pang pinto na sa tingin niya ay CR ng kwarto. Pumasok na din siya sa kwarto at nilapitan naman ang bintana ng kwarto. Mula dito ay kita ang gilid ng bahay. Inilibot niya lang muli ang tingin sa kwarto at lumabas na din. Kasunod niyang nilapitan ay ang ikalawang kwarto. Binuksan niya ang pinto at sumalubong sa kaniya ang mas malaking kama. Mayroong isang pinto sa gilid at sliding doors na patungo naman sa walk-in closet.
Nagsimula siyang magtaka nang makitang bukas ang pinto ng closet at mayroon ding bag na nakapatong sa sahig ng closet. May naririnig din siyang mahinang ingay mula sa kung saan. Nang tuluyan siyang makapasok ng kwarto ay saka niya lamang napagtanto ang lahat.
Mula sa kinatatayuan niya ay natigil siya. Naramdaman na lamang niya ang isang pares ng mga kamay ang humablot sa kaniya at itinulak siya sa dingding.
Napadaing siya dahil sa naging impact noon.
'Patay.' Bulong pa niya sa isip niya ng makaamoy ng hindi pamilyar na scent.
"Hindi ko man lang siya naramdaman." Bulong niya habang nakatingin sa estrangherong nasa harapan niya. In attempt na bahagyang mawala ang focus nito sa kaniya pero mas lalo lang lumalim ang pagkakakunot ng noo niya at mas dumilim din ang pagkakatingin niya kay Louie.
Ramdam rin ng dalaga na mas malakas ang binata sa kaniya, mas malakas sa karamihan ng kilala niya. Para kasing gusto na nitong baliin ang mga buto niya sa braso base sa higpit ng pagkakapit niya sa magkabila niyang braso.
"You entered the wrong territory, lady. You and your friends."
Nakatitig lang si Louie sa mga mata niyang kakulay ng gabi habang sinsabi niya iyun at ganundin ang lalaki sa kaniya.
Nanliit ang mga mata nito ng walang marinig mula sa kaniya. Marahas siyang inikot nito patalikod at hinila palabas ng kwarto nito. Nang makalabas ng pinto ay para siyang kung ano lang na bagay na itinulak nito palabas ng kwarto nito. Ni hindi man lang siya nakapag-protesta.
"LEAVE!"