Lumabas muna sila Xel at Ecka. Iniwan muna nila kami para raw makapag-usap kami. Ano na naman kaya iniisip nung dalawang `yun? Hindi ba nila naisip na hindi pa ako okay? Ito nga’t may dextrose pa ako.
Nilaro laro ko `yung dextrose sa kanang kamay ko. Hindi ako makatingin kay Art.
“Ayos ka lang ba?” nakayukong tanong sa akin ni Art.
“Okay na naman yata ako,” halos pabulong na sagot ko.
Huminga siya nang malalim. “Kasalanan ko ba?” tumingin siya sa akin. “Kasalanan ko ba kung bakit ka na ospital?”
“Bakit ba lahat kayo tinatanong kung kayo may kasalanan?” nagtatakang tanong ko. “Kasalanan ko `to kasi nakalimutan ko `yung mga bagay na bawal sa akin, wala kayong kasalanan, okay?” tinignan ko siya. Nakatitig lang siya sa `kin. “Nakalimutan ko na bawal ako mapagod, ma-stress, malungkot at—“
“I’m sorry,” mahinang sabi niya.
“Para saan? Wala ka namang ginagawa, pati, `di ba sabi ko nga wala naman kayong kasala—“
“Sorry dahil dinala kita sa clinic. Sorry kasi pinilit kita sa isang bagay na ayaw mo naman,” tumingin siya sa akin, “Kung ano man ang narinig mo do’n sana paniwalaan mo.”
“Wala akong narinig,” tanggi ko. Umiwas ako sa kanya nang tingin.
“Then I’ll say it,” seryosong sabi niya. “Isay, I lo—“
“No,” pigil ko sa kanya. “Inaantok na ako.” Binaba ko `yung katawan ko at huminga na ng tuluyan. “Nakakaantok talaga.” Tumingin ako saglit sa kanya at bigla akong nagtalukbong.
Hindi pa ako handang marinig!
Sobrang lakas na naman ng t***k ng puso ko.
“Okay,” halos bulong na sabi niya.
Naramdaman ko ang paglapit niya sa akin. Na-stiff ako sa pagkakahiga ko nang maramdaman ko ang labi niya sa noo ko. Kahit na may kumot alam kong labi niya `yung sigurado ako! Hinalikan niya ako sa noo!
Kinikilig ako! Bwisit!
“Magpahinga ka nang mabuti.” Naramdaman ko pa ang pag-pat niya sa ulo ko bago tuluyang lumabas ng kuwarto ko.
Nang marinig ko na ang pagsara ng pinto ay dahan dahan kong ibinababa `yung kumot na tinalukbong ko sa akin. Hinawakan ko `yung noo ko.
“He did really kiss you,” kinikilig na sabi ni Xel. “Gusto mo ng proof?”
“Huh?” naguguluhang sagot ko.
Inabot sa akin ni Ecka `yung cellphone niya at may nag-play na video. Feeling ko umangat lahat ng dugo ko sa mukha ko.
“Naman, e!” inis na sabi ko sa kanila.
“Papakipot pa kasi!” sabay na sabi nila.
“Hindi kasi puwede!” giit ko.
“Bakit?!” gulat na tanong nila.
“Mahihirapan lang siya sa akin,” mahina kong sabi. Tumawa ako ng payak. “Bakit kasi nawala sa loob ko `tong sakit ko, e. Nakalimutan ko na may kapalit nga pala ang bawat masasayang panggayayari.”
“Isay,” seryosong tawag sa akin ni Xel. “Ano ba `yang sinasabi mo?”
“Mahihirapan lang siya sa akin, pahihirapan ko lang siya. Mag-aalala lang siya. Maraming bawal sa akin. Hindi siya magiging masaya sa akin. Bawal akong ma-excite ng sobra, bawal akong malungkot, bawal ako mapagod, halos lahat bawal,” tinignan ko sila, “Tingin mo may taong magiging masaya sa piling ko, ganitong may sakit ako?”
“Hindi ba ang importante ay `yung gusto at mahal niyo ang isa’t isa?” tanong ni Ecka.
“Iiwan ko lang din siya, ni hindi ko nga alam kung tatagal ako ng sobra sa mundong `to,” umiwas ako nang tingin sa kanila, “Iiwanan ko din kayo.”
“Bakit gan’yan ka mag-isip? Iniisip mo kagad `yung mga bagay na `yan na posible namang hindi mangyari,” lumipat si Ecka sa tapat ko, “Iiwan mo kami? Paano kung kami ang unang mang-iwan? Hindi mo alam ang mangyayari sa future, Isay.”
“Ecka is right, hindi mo dapat pinangungunahan ang mga mangyayari,” dagdag pa ni Xel.
“Hindi niyo kasi ako maiintindihan kasi hindi niyo naman alam kung ano nararamdaman ko, wala kayo sa kinatatayuan ko. Wala kayong sakit, paano niyo ako maiintindihan?”
“Kailangan ba naming magkaroon ng sakit mo para malaman namin kung ano ang pakiramdam mo, Isay? Kaibigan mo kami, alam naming nahihirapan ka,” payak na tumawa siya, “We’re here to support you pero you’re pushing us away. Talent mo na yata `yan, e,” huminga siya nang malalim, “Hindi kami si Art, Isay. Kami `to, `yung best friends mo. Oo alam namin pinipilit ka namin kay Art kasi alam naming magiging masaya ka sa kanya at gano’n din siya sa iyo. Kung sa tingin mo ay mali `yun, sorry! Akala kasi namin ikatutuwa mong malaman na may nararamdaman na din sa iyo si Art. Hayaan mo magtatanong ako kung paano magkaroon ng sakit mo para maintindihan ko `yang nararamdaman mo.”
“Ecka!” tawag ni Xel, pero hindi na siya pinansin nito at nagtuloy tuloy na sa paglabas.
Hindi ko na rin napigilan ang pagtulo ng mga luha ko.
Lumapit sa akin si Xel at niyakap ako. “Magpahinga ka na, hindi ka puwedeng mapagod, `di ba? Kakausapin ko na lang si Ecka.” Humigpit ng konti `yung yakap niya bago niya ako binitawan. “Hindi ko sasabihing may mali si Ecka at tama ka, pareho kayong may mali. Mali `yung mga ginamit niyong salita. Kahit ako na saktan sa sinabi mo kaya naiintindihan ko si Ecka kung bakit niya na sabi `yun.” Pinahiga na niya ako. “Take a rest na, `wag mo na lang masyadong isipin `yun. Baka stress ka lang talaga. Balik na lang ako bukas kung hindi ka pa madi-discharge ngayon.”
***
Nagising ako dahil sa amoy ng bulaklak sa kuwarto ko.
“Gising ka na pala.” Napakurap kurap pa ako para siguraduhin na tama `yung nakikita ko.
“Nananaginip pa yata ako.” Kinusot ko ng kamay ko ang mga mata ko. “Bakit naman dito si Art sa kuwarto ko?” wala sa loob na tanong ko.
Ngumiti si Art. “Nandito nga ako, okay na ba pakiramdam mo?” tanong niya sabay sawak sa mukha ko. Napatitig ako sa kanya. “Bakit?” nakangiting tanong niya.
“Totoo ka nga?” kinurot ko siya sa mukha. “Ano’ng ginagawa mo dito?!” gulat na tanong ko.
“Binabantayan ka,” ngumiti siya at inabutan ako ng mansanas, “Subuan kita gusto mo?”
“Nasaan si Mama?” kunot noong tanong ko.
“Uuwi muna daw siya para kuhanin `yung mga requirements para sa PhilHealth,” nilapit niya sa bibig ko `yung mansanas, “Walang lason `to, tinikman ko na kanina.”
“Gayuma?” taas na kilay na tanong ko.
“Kailangan ko pa ba no’n?” natatawang tanong niya. “Hindi ba pareho naman tayo ng nararamdaman?”
Inagaw ko sa kanya `yung mansanas at padabog na kinain. “Bakit ano ba’ng nararamdaman mo?” tanong ko habang nginunguya ang mansanas.
“Hindi ko muna sasabihin, baka magkunwari ka na namang
inaantok at paalisin mo na naman ako,” ngumiti siya sa akin, “`Di ba?”
“Hindi ba halatang ayaw kitang nandito?” tanong ko.
“Bakit? Nakakahawa ba `yung sakit mo?” taas kilay na balik tanong niya sa akin.
“Pag sinabi ko bang nakakahawa aalis ka?” taas kilay din na balik tanong ko sa kanya.
“Hindi,” seryosong sabi niya. Ilang segundo kaming nagtitigan. Ako ang unang umiwas nang tingin. “Kahit ano’ng gawin mo hindi mo ako mapapalayo sa iyo.”
“Alam mo, kaysa nag-aaksaya ka ng panahon dito sa pagbabantay sa akin. Lumabas ka maghanap ka ng ibang babae. `Yung babaeng walang sakit,” pabulong na sabi ko.
“Tinuturuan mo ba ako kung paano ka pagseselosin?” Napatingin ako sa kanya.
Napalunok ako ng ilang sunod. Paanong naging ganito kami kalapit sa isa’t isa? Ilang inches na lang ang pagitan ng mga mukha namin.
“Huwag mong sasabihin sa akin na layuan ka. Siguro kung noon, puwede. Pero, ngayon hindi ako papayag,” nilapit niya pa `yung mukha niya, “Kahit ano pa `yang sakit mo, hindi kita hahayaan na mawala sa akin.”
“Kahit nakakamatay `tong sakit ko?” tanong ko at inilayo ko ang mukha ko.
Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat ko para hindi ako tuluyang magkalayo. Lalo niya pa akong tinitigan. Pinakita ko sa kanyang seryoso ako sa sinasabi ko.
“Then, let’s be together until your dying days,” hinalikan niya ako sa noo, “Kung darating man `yung panahon na iyon, sisiguraduhin kong sabay tayong pupunta sa pupuntahan mo.” Pumikit siya at dinikit ang noo sa noo ko. “Hindi na ako basta uupo lang sa isang tabi at maghihintay sa wala. Hindi ko alam kung sinasadya ba talaga Niya na lahat ng babaeng magustuhan ko ay may sakit na mayroon ka, pero hindi ko na hahayaan na umalis ka sa buhay ko na wala man lang ako nagagawa para sa iyo.”
“A-Art.”
“Natatakot ako na baka bigla mo rin akong iwanan katulad nang ginawa ni Zarah. Iniisip ko kung tama ba ang ginagawa ko. Kung tama ba’ng samahan kita. Kung mali man, wala na akong pakialam. Wala na akong pakialam sa tama o mali. Ang alam ko lang ay mahal kita at gagawin ko ang lahat para hindi ka Niya kuhanin kaagad sa akin,” dahan dahan niyang dinilat ang mga mata niya, “Narinig mo ba ako?” Pinunasan ko ang mga luha ko at saka marahang tumango. “Aabutin pa tayo ng 100 years na magkasama, kaya `wag mong sasabihing hindi ako dapat
manatili sa tabi mo dahil sa sakit mo.”
Siya na ang nagpatuloy sa pagpunas ng mga luha ko. After no’n na puno kami ng katahimikan. Walang nagsasalita. Nagkakasalubong lang ang mga tingin namin at ngumingiti lang siya.
“Paglabas mo ipag-bake mo ulit ako nung cake ha? Medyo nabitin ako, e.” Napatitig ako sa kanya.
“P-paanong…?”
Ngumiti siya. “Konti na lang `yung napakinabangan, mostly `yung nasa top na lang kaya nabitin ako,” sabi niya.
“Pinulot mo pa `yun?” hindi makapaniwalang tanong ko. Tumango siya. “Baliw ka ba?”
“Hindi,” natatawang sagot niya. “Pati, ang galing mong magpiano. Kabisote ka nga lang,” sabi niya sabay kindat. “Sa susunod tuturuan kita magbasa ng score para pag may nagrequest sa iyo mapagbibigyan mo.”
“W-wait. Nando’n ka?” hindi makapaniwalang tanong ko.
“Hindi ko alam kung maniniwala ka, pero simula nung mapansin kita sa Chemistry class nung na late tayo, lagi na akong makikita kung nasaan ka,” ngumiti siya sa akin, “Nag-cast ka yata ng spell sa akin nung araw na `yun, e! `Di ba bumubulong bulong ka no’n?”
“Seryoso ba `yan…? Simula pa no’ng araw na `yun…?”