CHAPTER 15

1809 Words
"Hoy! Bakla! Ano 'yang dala mo?" tanong ng Nanang Clara ni Ze kay Dwien na hindi pa halos nakakalapit sa kanila. "Pagkain po ni Stephanie para makabawi ako sa kaniya dahil sa ginawa ko kanina," wika ni Dwien. Mabilis na tumayo si Stephanie at inilang hakbang lang ang pagitan nila ni Dwien. Malapad ang ngiti nito sa labi habang kinukuha ang pagkain. Mabilis naman na tumalikod ang binata diretso pauwi nang mahawakan na ni Stephanie ang pagkain na dapat sana ay para kay Ze. Si Ze naman ay pinagmadali ng kan'yang mga tiyahin. Binantayan siya ng mga ito habang naglalaba siya. Halos madurog na sa pukpok ang damit ng mga nanang niya dahil sa sobrang inis na nararamdaman n'ya. "Ano ba, Zeikera!" singhal ng Nanang Clara n'ya. "Gusto mo bang sa iyo ko ipalo iyang palo-palo?" Hindi kumibo si Ze at nagpatuloy lang sa kan'yang ginagawa. Masama ang loob niya sa kan'yang mga tiyahin at ganoon din kay Dwien. Hindi niya kasi akalain na dadalhan nito ng pagkain si Stephanie. Ang malanding babae naman ay hindi pa dumiretso ng uwi pagkatapos nitong maglaba. Dumaan pa ito sa bahay nina Dwien at kahit ipinagtatabuyan na siya ng binata ay pilit pa rin itong nagsisimula ng usapan. Nang madaanan sila ni Ze at ng mga nanang nito ay lalong nasira ang mood ng dalaga. "Tingnan mo 'yang bakla na 'yan," wika ni Nanang Joan. "Napakalandi. Imposibleng walang mangyari sa kanila ni Stephanie lalo at sila lang ang nasa loob ng bahay." Dahil sa narinig ay mas lalong tumindi ang galit na nararamdaman ni Ze. Nagseselos siya dahil alam niya kung gaano kagaling sa kama si Dwien. Hindi niya kayang tanggapin na may ibang magpaparamdam sa binata ng sarap na kaya niyang ibigay. Nanlilisik ang mga mata niya habang nakatingin sa kan'yang kasintahan. Bigla naman natuliro si Dwien at hindi alam kung paano aayusin ang sitwasyon. Sa bahay, unang tiningnan ni Ze ang kan'yang cellphone. Hindi pa siya nakakapagbihis ay binabasa na niya ang napakaraming mga chat at text ni Dwien. "Sorry. Para sa iyo talaga ang pagkain na iyon." Ito ang unang laman ng text ni Dwien. "Kumusta? Pinagalitan ka ba nila?" pangalawang text ni Dwien. "Hindi ko alam kung paano ko pauuwiin si Stephanie. Nakakainis na ang pagiging parang tuko nito. Kung hindi lang ako pwedeng kasuhan sa barangay, sinapak ko na ito," text ulit ni Dwien. Hindi alam ni Ze kung ano ang mararamdaman sa lahat ng mga nabasa niya. Hindi pa man nag-iinit ang puwit niya sa loob ng silid ay bigla na siyang tinawag ng kan'yang Nanang Joan. "Nagbibihis lang po. Bakit po?" nagtataka na tanong ni Ze. "Akin na ang cellphone mo. Patingin ako na mga mensahe riyan," sabi ng matandang dalaga. Nakaramdam si Ze ng matinding takot. Nanginginig ang mga kamay niya habang binubura ang lahat ng mga ebidensiyang pwedeng makita ng kan'yang mga tiyahin. Pati ang app kung saan siya nagbabasa ay bigla niyang inalis sa kan'yang cellphone. Biglang nag-deactivate ng online account niya ang dalaga at nilagay sa block list ang number ni Dwien. "Zeikera!" Humihiyaw na sa galit ang kan'yang Nanang Joan. "Sandali lang po. Nakahubad po kasi ako," pagsisinungaling ni Ze. "Wala akong pakialam kahit labas pa ang sus* mo. Ibigay mo ang cellphone mo, ngayon na!" Mabilis na hinubad ni Ze ang kan'yang damit upang hindi siya mahalata ng mga nanang niya na nagsisinungaling. Ang towel na nakapatong sa kan'yang higaan ay mabilis niyang ibinalot sa kan'yang katawan. Dahan-dahan siyang lumapit sa may pintuan at binuksan iyon. "Napakatagal mo," sabi ni Nanang Joan sabay kurot nito sa may singit ng dalaga. Napaigik naman si Ze dahil sa pag-iwas niya ay tumama ang siko niya sa cabinet na nasa may pintuan. "Nanang, kailangan ko po ang cellphone na iyan dahil may mga trabaho po akong diyan ko dapat tignan," mahinang bigkas ng dalaga. Walang imik na tumalikod ang tiya niya. Nagdasal si Ze na sana ay hindi mapansin ng dalawang matandang dalaga ang mga nasa block list niya. Hindi pa man nagtatagal ay muli na namang humiyaw ang Nanang Joan niya. Nagmamadali na bumaba ang dalaga sa sala kung nasaan ang tumatawag sa kan'ya. Hindi pa siya nakakalapit kay Nanang Joan ay sinalubong naman siya ng kan'yang Nanang Clara. Isang malakas na sampal ang dumapo sa kan'yang pisngi. Natulig ang dalaga dahil sa lakas ng sampal na iyon na hindi niya inaasahan. Nagtatanong ang kan'yang mga mata habang nakatingin sa dalawang matandang dalaga na nasa harapan niya. "Bakit ka may picture dito ng lalaki?" tanong ng Nanang Clara ni Ze. Natulala si Ze nang makita niya ang picture na ipinadala sa kan'ya ni Bhil noong isang araw lang. Picture iyon ng kasintahan ng bago niyang kaibigan. Gustong magalit ni Ze dahil sa sakit na nararamdaman niya. Subalit kahit kailan ay hindi niya magawang lumaban sa kan'yang mga tiyahin dahil alam niyang hindi iyon tama. Hinila ng kan'yang Nanang Joan ang buhok niya. Halos isubsob siya nito sa kan'yang cellphone. Dama ni Ze na halos humiwalay na ang kan'yang buhok sa kan'yang anit. Nagawa niyang sumunod nalang sa agos upang hindi siya masyadong masaktan. Kung makikipag hilahan kasi siya sa dalawang matandang lalaki ay tiyak na makakalbo siya. "Sino ang lalaking ito? Sino?" Halos mabingi si Ze sa malakas na sigaw ng kan'yang Nanang Clara. Malapit kasi iyon sa kan'yang tainga. Umiiyak na si Ze dahil sa pananampal sa kan'ya ni Nanang Clara ng paulit-ulit sabayan pa ng pananabunot ng kanyang Nanang Joan. Hindi niya alam kung bakit nagkakaganoon ng kan'yang mga tiyahin. Lalong hindi niya matagalan ang sakit na ipinaramdam nito sa kanya. "Tama nga si Stephanie, lumalandi ka nang babae ka." Sinabayan ni Nanang Clara ng isang malakas na sapak ang mga katagang iyon. Halos panawan ng ulirat ang dalaga subalit wala syang magawa. Hawak siya ng kan'yang mga tiyahin kaya hindi niya magawa ang tumakbo. Lupaypay si Ze nang bitawan siya ng dalawang babae. Pakiramdam niya ay ang kapal ng kan'yang mukha dahil namamaga ito. Wala na siyang luhang mailabas pa. "Stephanie, ang sarap mong patayin," bulong ni Ze. Dahil sa takot na maulit ang mga nangyari, nang gabing iyon ay isinarado ng dalaga ang bintana kung saan madalas dumadaan si Dwien tuwing gabi. Rinig niya ang mahinang katok ni Dwien ngunit hindi niya ito pinagbuksan. Ang binata na walang kaalam-alam sa nangyari sa kan'yang nobya ay inakalang galit sa kan'ya ang kasintahan. Hindi niya na kasi ito matawagan, chat o text man lang. Kinabukasan ay nakailang ulit na dumaan si Dwien sa bahay nina Ze kahit Linggo naman at walang pasok. Subalit hindi niya nakita o nasulyapan man lang ang babaeng gusto niyang makita. "Bakla, nakakailang balik ka na yata. Ano'ng hinahanap mo?" sita ni Nanang Joan sa binata. "Ano'ng pakialam mo kung nagpapabalik-balik ang anak ko?" Mataray naman na sagot ni Mamang Jessa. Galing ito sa bayan dahil namili ito ng mga kailangan niya sa salon. "Meron bang nakalagay na no trespassing sign sa kalsadang ito? Kailan mo pa nasakop ang kalsada?" Uminit lalo ang ulo ng matandang dalaga dahil sa ginawang pagtataray ni Mamang Jessa. Pumasok ito ng bahay at kumuha ng itak. Maya-maya pa ay naghahabulan na sila sa kalsada. "Ikaw na bakla ka, nakikiraan ka na nga lang, matapang ka pa!" sigaw ni Nanang Joan. "Bawas-bawasan mo ang pagiging madasalin mo." Matapang na hinarap ni mamang Jessa ang galit na galit na babae. "Lumalabas kasi ang tunay mong ugali kahit kulang na lang ay sa simbahan ka tumira!" Agad naman silang nakita ng mga kagawad na noon ay rumuronda sa kanilang barangay. Kapwa sila dinala sa barangay hall ng mga ito. Sumunod naman si Nanang Clara sa kapatid niya. Dahil sa insidente na iyon ay nagkaroon si Dwien ng pagkakataon upang kausapin sana ang kan'yang kasintahan. Subalit hindi man lang siya pinagbuksan ng pintuan ni Ze. Ayaw kasing ipakita ng dalaga sa kan'yang kababata ang bugbog sarado niyang mukha. Dahil doon ay nagdesisyon si Dwien na puntahan na lang si Luz. Kinausap niya ang kanilang kasamahan sa organisasyon na puntahan si Ze para kumustahin ito. Kaagad naman na ginawa ni Luz ang pakiusap ni Dwien. Laking gulat ng dalaga ng makita ang itsura ni Ze. "Napakawalang hiya naman ng mga nanang mo. Dahil lang sa sumbong ni Stephanie na mayroon kang mga lalaki kaya ginawa nila iyan sa 'yo. Aba! Sobra naman sila," inis na sabi ni Luz. "Kaya pala sila sumunod doon sa ilog kasi siniraan na ako ni Stephanie sa mga nanang ko. Iyong picture na nakita nila sa cellphone ko, picture iyon ng kasintahan ni Bhil," kuwento ni Ze kay Luz. "Sinong Bhil? Siya ba iyong teacher sa Central?" Tumango si Ze at hindi na nagsalita pa. "Eh, sira-ulo pala sila, eh. Ibig bang sabihin, kaya ka nila binugbog ay dahil lang sa picture ng pinsan ko?" Nanlalaki ang mga matang tanong ni Luz. Hindi makapaniwala si Ze na ang boyfriend ni Bhil ay pinsan pala ng babaeng kaharap niya. Sa nalaman niya, kahit paano ay nabawasan ang kirot na nararamdaman niya. Lalo pang gumaan ang pakiramdam niya nang sabihin ni Luz na kaya ito naroon ay dahil sa utos ni Dwien. "Igaganti kita," matapang na sabi ni Luz kay Ze. "Ano'ng gagawin mo? Baka mapahamak pa tayo niyan. Ayaw kong mas lalo pa akong masaktan nina nanang," natatakot na sabi ni Ze. "Labas ka rito, Ze. Kami na ng tropa ang bahala sa magaling na Stephanie na iyon." Bago pa maka balik mula sa barangay ang mga tiyahin ni Ze, nakaalis na si Luz. Dumiretso siya kaagad sa bahay ni Mamang Jessa. Agad niyang sinabi kay Dwien kung ano ang tunay na naganap kay Ze. Nanghihina na napaupo si Dwien sa bangkong kawayan. Sinisisi niya ang sarili sa naganap kay Ze. "Bakla ka ba talaga, Dwien?" Nagdududang tanong ni Luz sa binata. "Naaawa lang ako kay Ze. Kahit paano ay marami na rin tayong pinagsamahan bilang miyembro ng iisang organisasyon," pagsisinungaling ni Dwien. Ngunit hindi kumbinsido sa kan'ya si Luz. Tinapik nito sa balikat ang binatang lulugo-lugo at saka sinabing, "Kaibigan niyo kami. Hindi namin kayo ipapahamak." Nang araw din na iyon ay naisip ni Luz at ng mga kasamahan nila sa organisasyon na yayain si Stephanie na mag-inuman sila. Buo ang plano ng magkakaibigan, gagantihan nila ang babae sa ginawa nitong paninira kay Ze. Ginanap ang inuman sa bahay mismo nina Luz. Todo ang ginawa ng grupo upang malasing si Stephanie. Inabot sila ng gabi sa inuman. Nang malasing ang babae na wala nang ginawa kun'di ang humabol kay Dwien at sirain si Ze ay dinala nila ito sa kural ng baboy. Nasa likuran lang iyon ng bahay nina Luz. Dahil sa sobrang kalasingan ay parang batang isiniksik ni Stephanie ang katawan niya sa mga baboy na natutulog. Kinabukasan, alas-singko pa lang ng umaga ay ginising na ni Stephanie ang pamilya ni Luz dahil sa malakas na sigaw nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD