CHAPTER 2
LLIANNE JANE POV
Tahimik akong nakaupo sa swivel chair ko, habang tinititigan ang mga papel at schedule na iniwan ni Fred sa mesa. Ang dami kong kailangang basahin, pero hindi ko pa rin maalis sa isip ko ‘yung nangyari sa lobby kanina ang pang-aasar ni Lucas, at kung paano ako muntik nang sumabog sa harap ng lahat.
Huminga ako nang malalim at umayos ng upo. Focus, Llianne. Trabaho muna. Hindi ka nandito para makipag-asaran o magpakainit ng ulo.
Habang binubuklat ko ang folder, napansin kong medyo magulo ang pagkakaayos. Walang proper labeling, walang signature marks. Seriously, Fred? Ganito ka ba magtrabaho sa mommy ko noon?
Bago ko pa mapagalitan ang hindi ko naman kaharap, may narinig akong tatlong katok sa pinto.
Sunod-sunod, mahinahon, pero may halong kaba.
“Come in,” malamig kong sabi.
Bahagyang sumilip ang isang babae maamo ang mukha, pero halatang kinakabahan. Nang magtama ang mga mata namin, agad siyang pumasok nang tuwid ang tindig, bitbit ang isang folder.
“Ito po ‘yung report na pinagawa sa isang employee, Ma’am,” sabi niya, sabay abot ng dokumento.
Itinaas ko ang ulo ko at tiningnan siya mula ulo hanggang paa.
“Who are you?” seryoso kong tanong.
Hindi ko siya kilala, at sa unang araw ko bilang CEO, ayokong may biglang papasok nang walang proper introduction. Isa pa, si Fred lang dapat ang may access dito sa opisina ko.
“I’m Carmelle, Ma’am,” maingat niyang sagot. “Assistant Secretary po ng Mommy ninyo. And dahil po kayo na ang bagong CEO, ako na rin po ang magiging assistant secretary ninyo.”
Napataas ang kilay ko. “Assistant Secretary? Bakit may gano’n?”
Bahagyang ngumiti si Carmelle, halatang pinipilit maging magalang sa gitna ng tensyon.
“Umm, kasi po… si Sir Fred po ang main secretary ninyo. Siya po ang madalas ipadala sa ibang bansa to meet our investors and shareholders. Kaya kailangan po ng isa pang maiiwan dito para tuloy-tuloy po ang operations sa office habang wala siya.”
Tumango-tango ako habang nag-iisip. May punto siya. At kung tutuusin, hindi ko rin kayang i-handle lahat nang mag-isa lalo na’t may iba pa akong trabaho sa labas ng kompanyang ito ang pagiging doktor.
Oo, CEO ako ngayon, pero hindi ko kailanman tatalikuran ang propesyon kong labis kong pinaghirapan. At higit pa roon… may isa pa akong lihim na ginagawa tuwing gabi isang bagay na kahit si Mommy Hazel ay hindi alam.
“Sabagay,” mahinahon kong tugon, “kailangan ko nga ng maiiwan dito kapag wala si Fred.”
Binuksan ko ang report na inabot niya at nagsimulang magbasa, pero agad ding napakunot ang noo ko.
“Nasaan nga pala si Fred, Carmelle?” tanong ko habang hindi inaalis ang tingin sa papel.
“May inutos po ang HR sa kanya sa labas, Ma’am,” maingat niyang sagot.
Bigla kong ibinaba ang hawak kong folder at tiningnan siya nang diretso.
“Teka lang,” malamig kong sabi. “HR ang nag-utos sa secretary ko?”
Nagkibit-balikat siya, halatang nahihirapan magsalita.
“Bakit niya sinunod? Hindi ba’t ako ang CEO? Dapat ako ang may alam kung saan pumupunta ang secretary ko.”
Hindi agad siya sumagot. Napansin kong nailang siya, napatingin sa sahig, at halos mabaluktot ang mga daliri niya sa kaba.
“M-ma’am, kasi po… ahm, ‘yung HR manager po kasi dito, umaastang CEO. Takot po sa kanya karamihan ng empleyado dahil noon po, madalang pumasok si Ma’am Hazel, kaya parang siya na po ang nasanay na nagdedesisyon para sa lahat.”
Napangiti ako isang mapait at delikadong ngiti.
So, may umaastang hari-harian sa opisina ko?
“Interesting,” mahina kong sabi, pero puno ng pahiwatig. “Pwes, mukhang hindi magtatagal ‘yang ugali niyang ‘yan.”
Tumayo ako mula sa upuan ko, kinuha ang coat kong nakasabit sa likod ng swivel chair, at marahan kong sinuot. Nakita kong bahagyang nanlaki ang mata ni Carmelle, tila nagulat sa biglaan kong kilos.
“M-Ma’am, saan po kayo pupunta?”
Tumingin ako sa kanya, diretso, malamig, pero may halong ngiti sa labi.
“Samahan mo ako,” sabi ko. “Pupunta tayo sa HR.”
Halos mapalunok si Carmelle. “Po?”
“Gusto kong makilala ‘yang HR manager na ‘umaastang CEO,’” mariin kong sabi. “At gusto kong malaman kung bakit siya nakikialam sa mga tao ko nang walang pahintulot ko.”
Tahimik lang siya, pero halata ang kaba.
Paglabas namin ng opisina, lahat ng empleyadong nadaraanan namin ay agad na napatingin. May ilan pang sumilip mula sa cubicle, halatang nagtataka kung saan kami pupunta. Ang iba, nagkikibit-balikat pero may mga matang puno ng pag-asa marahil ay matagal na ring sawang-sawa sa HR manager na tinutukoy ni Carmelle.
Bawat hakbang ng takong ko sa sahig ay parang tunog ng babalang hindi pa nila alam.
Gusto n’yong maglaro ng power game sa kumpanya ko?
Well then, handa akong ipakita kung sino talaga ang CEO dito.
Pagdating namin sa department ng HR, halos lahat ng tao roon ay biglang napahinto sa ginagawa. Ang mga mata nila ay nagsiliparan papunta sa akin ang ilan, nagulat ang iba naman, halatang kinakabahan.
“Pwede ko bang makausap ang HR Manager ninyo?” malamig kong tanong, habang pinapahid ang bahagyang pawis sa gilid ng aking noo. Hindi dahil kinakabahan ako pero dahil pilit kong pinipigil ang sarili kong hindi sumabog agad.
Tumikhim si Carmelle, halatang naiilang pa rin, at naglakad papunta sa bandang dulo ng hallway. Sa pinto, nakasulat nang malalaki ang mga letra
HR MANAGER’S OFFICE
Tumaas ang kilay ko.
“Tsk,” mahina kong sabi. “May sarili pang opisina. Akala mo kung sinong may-ari ng kumpanya.”
Habang si Carmelle ay kumatok sa pinto, pinili kong hindi muna pumasok. Gusto kong marinig kung paano umasta ang babaeng ‘to. Gusto kong makita kung anong klaseng “power” ang meron siya kung bakit halos lahat ng empleyado ay takot sa kaniya.
Maya-maya, narinig ko ang pagbukas ng pinto, at pagkatapos ay boses ni Carmelle, magalang at mahinahon:
“Ma’am Regina, andito po ang bagong CEO. Gusto po sana kayong makausap”
Isang malakas na sigaw ang agad na pumunit sa katahimikan ng buong floor.
“Hindi ba’t sinabi ko nang wag akong istorbohin habang natutulog ako?!” sigaw ng isang babae mula sa loob, matinis at mayabang. “Kung ano man ‘yang sinasabi ng bagong CEO, wag niyong sundin! Isa lang siyang doctor! At gaya ng nanay niya, siguradong madalang din ‘yan dito sa opisina!”
Parang may malamig na dumaloy sa batok ko. Hindi dahil natakot ako pero dahil napakapit ako sa hawak kong folder, at halos mawarak ito sa gigil.
Wow.
So, ganito pala ang takbo ng kumpanyang iniwan ni Mommy. Isang HR Manager na natutulog habang office hours, tapos siya pa ang sinusunod ng mga tao.
At ngayon, siya pa ang may ganang sabihing huwag akong sundin?
Napangisi ako, ‘yung mapait at mapanganib na ngiti na lumalabas lang kapag may nagtatangkang hamunin ang pasensya ko.
“Sabihin mo sa kanya,” patuloy ni Ms. Regina, “na busy ako at wala akong oras para umakyat sa office niya at makinig sa mga gusto niyang sabihin!”
Narinig ko pa ang kaluskos ng papel at ang tunog ng tasa sa ibabaw ng mesa.
“Nasaan na ba si Fred?” sigaw pa niya. “’Yung kape ko! Kamo sa kanya, pag malamig na naman ‘yan, ibubuhos ko na talaga sa kanya”
Sakto, sa mismong sandaling ‘yon, dumating si Fred. Bitbit ang isang paper cup ng kape, nakatingin sa cellphone, mukhang pagod at walang kamalay-malay sa delikadong eksenang dadatnan niya.
Pag-angat niya ng tingin at makita ako, nanlaki agad ang mga mata niya.
Parang bigla siyang natuyo sa kinatatayuan niya. Halatang hindi niya inasahan na makikita ako lalo na sa labas ng opisina ng HR manager na halatang pinagsisilbihan niya.
Tinaasan ko siya ng kilay.
Hindi ko na kailangang magsalita.
Alam niyang mali.
Tumingin ako kay Carmelle, saka bahagyang itinuro si Fred gamit ang baba ko. “Sen’yasan mo,” mahinang utos ko.
Nanginginig pa siya habang tinatapik si Fred. “S-sir Fred… k-kumatok ka na po,” bulong ni Carmelle.
Napalunok si Fred, at mabagal na itinapat ang kamay sa pinto. Tatlong mahihinang katok.
Tahimik.
Lahat ng empleyado sa paligid ay tumigil sa ginagawa. Ang iba, pasimpleng sumisilip mula sa kanilang cubicles; ang iba naman, halatang kinakabahan sa eksenang magaganap.
May mga bulungan akong naririnig
“Si Ma’am Llianne ‘yon…”
“Grabe, pumunta talaga siya rito…”
“Lagot si Ma’am Regina…”
Pagkatapos ng ilang segundo, bumukas ang pinto. Bumungad sa akin ang babaeng nasa loob matangkad, naka-blazer, at may ayos ng buhok na parang pang–board meeting, pero halatang bagong gising. May mug pa siyang hawak, at sa gilid ng mesa niya, nakakalat ang mga dokumentong parang nilaro lang ng hangin.
“Anong kailangan ninyo?” iritado niyang sabi, hindi pa rin nakatingin sa akin.
Si Fred, nakatayo lang sa gilid, bitbit pa rin ang kape. Hindi man lang makapagsalita.
Tahimik akong pumasok.
Bawat hakbang ko ay sinasabayan ng tunog ng takong ko tok, tok, tok at ramdam kong bawat tunog niyon ay pumipigil sa lahat ng hinga sa paligid.
Nang makalapit ako, doon pa lang niya ako tiningnan. Nanlaki ang mga mata niya, at halata ang biglang pag-igting ng katawan niya.
“Oh… M-Ma’am Llianne,” utal niyang sabi, “hindi ko po alam na”
Itinaas ko ang kamay ko para pigilan siya. “Huwag mo na akong paasahin sa palusot,” kalmado kong sabi. “Narinig ko lahat ng sinabi mo.”
Tahimik. Wala ni isang huminga. Si Fred, nanigas. Si Carmelle, halos hindi makagalaw.
Lumapit ako sa desk ni Ms. Regina, at marahan kong inilapag ang folder na dala ko.
“Una sa lahat,” simulang sabi ko, “office hours ngayon. Hindi ito bahay mo para matulog. Pangalawa, ikaw ang HR Manager ibig sabihin, dapat ikaw ang nagtatakda ng disiplina, hindi ikaw ang lumalabag dito.”
Napayuko siya, pero nagsalita pa rin, mahina pero may pilit na yabang.
“Ma’am, kasi po… matagal na po akong nagtratrabaho dito. Sanay na po”
“Sanay ka na pala,” putol ko. “Sanay ka nang putanginang kang bastusin ang posisyon ng CEO? Sanay ka nang mag-utos sa mga tao ko? Sanay ka ring gumawa ng sarili mong batas dito?”
Halos magtago ang babae sa kinatatayuan niya.
Huminga ako nang malalim, tapos ngumiti isang ngiting hindi mo malalaman kung mabait o delikado.
“Congratulations, Ms. Solis,” sabi ko, mahinahon pero matalim. “Because as of this very moment…”
Nagpahinga ako sandali, sabay tingin kay Fred na parang gusto ko ring isama sa sunod kong linya.
“…terminated ka na.”
Halos sabay-sabay ang buntong-hininga at bulungan sa paligid.
“What?” halos pabulong niyang sabi, hindi makapaniwala. “You can’t just”
“Ah, pero kaya ko.”
Lumapit ako sa kanya, tumingin diretso sa mata. “Ako ang CEO dito, hindi ikaw. Ang kumpanya ng Belfort ay hindi bahay-tulugan, at lalong hindi ito para sa mga taong walang respeto sa liderato.”
Tahimik. Walang umimik.
Tumingin ako kay Carmelle. “Inform HR Admin na maghanda ng termination papers niya. Effective immediately.”
Tumango agad si Carmelle, mabilis, halatang gusto nang umalis sa tensyonadong lugar.
Bago ako tuluyang lumabas ng opisina, lumingon pa ako kay Ms. Solis.
“Next time,” sabi ko, malamig pero may diin, “kapag may bagong CEO, tandaan mong hindi mo siya pwedeng tulugan. Dahil baka pagising mo, wala ka nang trabaho.”
Paglabas ko ng pinto, tahimik pa rin ang buong floor. Lahat ay nakatingin sa akin may takot, pero may halong respeto.
Ngumiti ako nang bahagya, saka tumingin kay Fred.
“Fred,” sabi ko, “kapeng dala mo. Mainit pa ba ‘yan?”
Napalunok siya, halatang hindi alam kung ano ang isasagot. “A-ah, opo, Ma’am…”
“Good,” sagot ko. “Kasi kung malamig ‘yan, ikaw naman ang susunod.”
At sa wakas, umalis ako sa HR department nang taas-noo, habang ang buong opisina ay nakamasid alam nilang may bago nang namumuno.
At ang bagong CEO, si Llianne Jane Belfort, ay hindi kailanman magpapagamit sa kahit kanino.