Kabanata 1
Kirsten
SA MUNDO ng pulitika, hindi talaga maiiwasan ang panghuhusga ng mga tao, mga taong nasasakupan man o hindi. Marami ang nagbabanta.
Sa mga ganitong pangyayari, tila ang isang paa namin ay nasa hukay.
Marami ang banta sa buhay namin ni Tito. Mainit kami sa mata ng mga tao dahil sa paraan ng pamamalakad nito—na kahit ako ay isinusuka ko.
Kung minsan pa ay pati mga kalapit namin na tao ay nadadamay. Kung ako man ay nasisiraan din ng imahe dahil sa galit ng iba kay Tito. Kaya wala akong nagiging kaibigan. Palagi rin akong nagtatago sa loob ng bahay upang malayo sa kapahamakan.
Iyan ang masaklap na buhay ko bilang pamangkin ng Mayor ng siyudad na tinitirhan ko.
Ang lungkot lang dahil alam ko ang dahilan ng galit ng mga tao sa amin, ngunit hindi ko magawang magsalita dahil takot din ako kay Uncle Raymond. Ramdam na ramdam ko ang galit sa amin ng mga tao sa kadahilanang kurakot ang amain ko.
Hindi ko naman itatanggi iyon dahil iyon ang katotohanan. Wala na akong magagawa pa sa bagay na iyon. Kaya hindi ko talaga masisisi ang mga tao kung gaanon na lamang nila kami kamuhian.
Kung naririto lamang ang mga magulang ko, hindi na sana ako maiiwan pa sa pangangalaga ni Uncle.
“Raymond, hindi nga pu-puwede ang nais ninyo! Lalo tayong pag-iinitan ng mga tao niyan!”
Mula sa malalim na pag-iisip ay napukaw ng sigaw na iyon ang isipan ko. Umayos ako ng upo sa couch at saka marahang pumihit paharap kay Uncle Raymond, na kararating lang kasama ang isang babae na hindi pamilyar sa akin.
Kagagaling lang ng mga ito sa munisipyo dahil doon naman palaging namamalagi ang amain ko. Sandali pa nila akong sinulyapan bago ipagpatuloy ang pag-uusap.
“Ano ba ang pakialam namin sa mga iyon? Gagawin namin ang mga gusto namin, Marisa. Trust me, hindi tayo makukulong niyan.”
Malungkot akong napayuko dahil hindi talaga matigil-tigil ang kasamaan niya.
Ako na ang nahihiya sa pamilya ko dahil pamilya kami ng mga kurakot. Wala naman akong magawa dahil wala akong boses dito para mangialam.
“Bahala ka nga! Kapag ikaw ay napag-initan ng mga tao rito ay hindi kita tutulungan.” Rinig na rinig ko ang inis sa tono ng babae na tinawag ni Uncle na Marisa. Nameywang ito at hinarap ang Uncle na nagmamatigas pa rin. “Hindi mo ba alam na nasa iyo na nakatutok ngayon ang kapulisan dito? Sige! Kung hindi ka nababahala riyan ay wala na akong pakialam sa inyo—lalo na sa iyo kung isang araw ay madakip ka!”
A-Ano? Madakip?
Bumilis ang pagtibok ng puso ko dahil sa narinig. Oo nga at masama si Uncle, magnanakaw ng pera ng bayan, abusado at kung ano-ano pa, ngunit natatakot pa rin ako para sa kaligtasan nito. Pamilya ko pa rin ito kaya nag-aalala ako.
Nagdadabog na umalis ang babae kaya naiwan kami ni Uncle rito sa sala.
Napahilot pa ito ng sentido dahil sa narinig.
Umiwas na ako ng tingin at binuhay na lamang ang telebisiyon upang doon kunwari ituon ang pansin.
Minsan naisip ko na umalis na lamang dito upang makatakas na sa problemang dinudulot niya. Dahil kung ako ang papipiliin ay mas gugustuhin kong mamuhay nang tahimik at simple lamang. Ayoko ng ganitong buhay, masiyadong magulo at puno ng karahasan.
Lalo akong nakokonsensiya dahil nananatili akong bulag sa mga nangyayari hanggang ngayon.
Gabi-gabi akong dinadalaw ng konsensiya dahil sa mga nalalaman at nakikita ko, ngunit hindi ko magawang isiwalat lahat ng iyon dahil sa takot na baka pagbuntongan ako ni Uncle ng galit.
Napalunok ako.
Kung bakit kasi ang malas ko at sa ganitong pamilya pa ako nanggaling. Ayoko sa kasamaan.
“Kirsten!”
Napabalikwas ako ng upo at tarantang tumingin kay Uncle Raymond na galit na nakatingin sa akin. “P-Po?”
Mahigpit na napahawak ako sa laylayan ng damit ko at napayuko, natatakot na salubungin ang tingin niya na naninindak. Para ngang wala pa ito sa sarili ngayon.
“Magbihis ka at may pupuntahan tayo ngayon din!” sigaw nito na umalingawngaw sa buong sala.
Sunod-sunod akong napatango at napalunok pa ng laway. Mabilis akong nagtungo pabalik sa kuwarto ko at naghanap ng pormal na damit na maisusuot.
Binilisan ko rin ang kilos dahil ayaw na ayaw ni Uncle na pinaghihintay siya nang matagal.
Nakaligo na rin naman ako kaninang alas seis ng umaga kaya hindi na ako nag-abalang maghugas pa ng katawan. Alas siete pa lang naman ng umaga.
Isang puting bestida ang napili kong isuot at pinaresan ko ng doll shoes. Inayos ko rin ang buhok ko at pinusod iyon upang walang maging sagabal sa akin.
Nang okay na ay kinuha ko ang cellphone ko at patakbong bumalik sa sala.
Nahihiwagaan ako kung saan kami pupunta ni Tito. Pero hindi na ako nag-usisa pa dahil baka masigawan na naman ako nito. Mukha pa namang mainit ang ulo nito ngayon dahil sa naging sagutan nila ng babae.
Naabutan ko ito na naka-upo sa couch at nang makita ako ay agad ako nitong sinenyasan na sumunod. Napayuko ako at saka naglakad pasunod sa kaniya sa sasakyan.
“Okay na ba ang mga relief goods na ipamimigay?”
Mula sa pagkakayuko ay napa-angat ako ng tingin sa dalawang taong magka-usap.
Relief goods?
Napapitik ako ng daliri. Oo nga pala!
Nasalanta ng bagyo ang lugar namin kahapon. Malakas ang dumaan na bagyo rito kaya ang ibang kabahayan dito ay nasiraan ng tirahan. Lalo na iyong mga bahay na hindi pa gawa sa bato.
Hindi ko naman inaasahan na magbibigay pala ng relief goods ang amain ko. Ngunit tila may balak na naman itong iba.
Kung alam ko lang ay paraan niya lang iyon upang pagandahin ang imahe niya sa mga tao.
“Opo, Mayor. Okay na okay na po ang lahat.”
“Mabuti. Dahil ayoko ng kapalpakan.”
Humigpit ang hawak ko sa cellphone dahil sa narinig ko.
'Ikaw naman ang kapalpakan dito, Uncle.'
Napailing na lamang ako. Sumakay na kami sa kotse nito kaya sa bintana ko itinuon ang paningin ko.
Basa pa ang kalsada at ang ilang mga halaman dito ay nasira pa dahil sa lakas ng ulan at hangin kahapon.
Malungkot din tingnan ang kalangitan dahil medyo makulimlim at umaambon pa.
Kita ko ang mga bata na nasa lansangan at naglalaro ng kung ano.
Tawa ang mga ito nang tawa na tila walang alam sa karahasan na nangyayari sa paligid nila. Nakakainggit din ang mga kasiyahan nila ngunit hindi ko nais mawala ang mga iyon sa labi nila.
Sana lang ay maging ganoon din ako kasaya. Na para bang walang iniintindi na iba kundi ang maglaro lamang kasama ang mga kaibigan.
Ibang klaseng pamumuhay ang kinalakihan ko at kahit kailan ay hindi ko naranasan ang maging ganoon kasaya sa buhay.
Napakalungkot ng buhay ko. Hindi ako masaya sa buhay na mayroon ako dahil naiisip ko ang mga inosenteng tao na natatapakan ng aking amain. Sa isiping iyon ay lalo lang akong nakokonsensiya.
Sana lamang ay mabigyan ng tamang parusa si Tito pagdating ng panahon dahil sa kasamaan nito...
Sa isang barangay court dito napiling pagdausan ng pamimigay ng kaunting tulong sa mga tao.
Kanina pa ako nakatanaw mula sa isang sulok dito habang tumutulong si Tito sa pag-abot ng mga plastik na naglalaman ng relief goods.
Kitang-kita ko ang ka-plastikan nito kung ngumiti kaya ako na ang nahiya para rito.
May mga pulis din na tumutulong dito sa pagbibigay sa mga tao.
Halos atakihin pa nga ako sa kaba kanina nang makita ko ang mga ito pagkarating namin dito.
Kinakabahan kasi ako at baka bigla na lang may dumakip kay Tito. Ayokong magkagulo rito kaya naman ay panay ang dasal ko na sana ay maging payapa ang araw na ito sa amin.
Kung sakali mang makulong ang Tito, maiiwan na ako rito nang mag-isa. Ang mga kamag-anak namin ay wala namang pakialam sa akin dahil mas mahalaga sa kanila ang pera at kapangyarihan na tinatamasa nila ngayon dahil sa panloloko at pagnanakaw sa mga tao.
Napabuntong hininga ako.
Bakit kaya ako naisipang dalhin dito ni Tito? Wala namang akong maiaambag dito dahil marami na ang mga taong tumutulong.
Ayoko namang lumapit sa puwesto nila dahil baka may lihim na palang nagagalit sa akin na kung sino man at baka bigla akong saksakin.
Ayoko namang mangyari iyon.
“Hi!”
Napatingin ako sa harapan ko nang may lumapit sa akin na isang lalaki.
Napaigtad pa ako nang mapagtanto ko kung anong klaseng lalaki iyon. Isang pulis.
Kinabahan agad ako at baka may iba itong pakay sa akin. Baka may galit din ito sa akin. Ayokong magtiwala na lang basta kahit pa pulis pa ito.
Na-upo ito bigla sa katabi kong upuan kaya nahigit ko lalo ang hininga ko.
“Ikaw ba ang pamangkin ni Mayor?”
Hindi agad ako nakapagsalita sa tanong nito. Napapatanga pa ako dahil nabigla ako sa biglaang paglapit nito sa akin.
Sino ba ito? Tila ba pamilyar din sa akin ang mukha, ngunit hindi ko matukoy kung saan ko ba ito nakita.
“P-Po?” parang tanga kong sambit. Ngunit nang mapagtanto ko ang nangyayari ay nahihiyang napatango ako. “Uhm, o-opo.”
Natawa ito sa akin kaya nag-init ang mukha ko sa hiya.
“So, you are Miss Kirsten Alonzo, right?” nakangiting tanong pa nito na tinanguan ko lamang.
Para akong natutuyan ng laway ngayon dahil sa kaba. Hindi naman ako sanay na kinakausap ng ibang tao.
“Ako si Dark. Ilang taon ka na, Miss Kirsten?” pagsasalita pa nito na lalo kong ikinailang.
Sinulyapan ko si Tito sa ‘di kalayuan upang humingi sana ng tulong, ngunit napakunot ang noo ko nang mapansin kong lihim itong nakangisi sa akin.
Tila tuwang-tuwa ito na kinakausap ako ng lalaking nagpakilalang Dark, na tila may mataas na posisyon sa kapulisan, iyon ang nakikita ko sa kaniya dahil sa presensiya niya na magpapakaba sa sino man. Halatang kagalang-galang.
Binalingan ko ng tingin ang pulis na kumakausap sa akin.
“A-Ah, ano po, twenty-one,” tugon ko na ikinangiti nito.
Bakit kaya nito inalam pa ang edad ko? E, hindi naman kami magkakilala.
At saka kung makikipagkaibigan ito sa akin ay okay lang. Pero hindi pa rin ako magtitiwala sa kahit na sino man, kahit na pulis pa ito. Iba-iba ang takbo ng utak ng tao.
Baka nga ay may lihim din itong galit kay Tito, e.
Hangga’t maaari ay nais kong lumayo sa mga maaaring makapahamak sa akin o kay Tito. Hahayaan ko na lang na ang tadhana ang gumawa ng paraan upang makamtan ni Tito ang kaparusahan niya. Ayokong masisi nito kung sakali mang may mangyaring hindi maganda rito.
“Nais mo bang tumulong para hindi ka mabagot?” Muli akong napatingin sa kaniya. Napahawak pa ito sa kaniyang batok na tila ba nahihiya.
Ano ba ang sasabihin ko? Naiilang kasi ako. Nahihiya at natatakot ako na pumunta roon.
Napahinga ako nang malalim at saka marahang tumango sa kaniya. Sige na nga. Wala rin naman akong ginagawa rito kundi ang umupo lang.
Tumayo kami at sabay na lumapit sa dalawa niyang kasamahan na pulis din. Kinausap niya ang mga ito sandali bago ito nagsi-alisan.
“Tara,” aya nito.
Nakagat ko ang labi sabay lapit sa kaniya.
Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan nang ganito sa kaniya. Sa takot ba o kung ano na? Hindi ko alam.
Pinapuwesto ako nito sa tabi niya at inabutan ng isang plastik.
Napaangat ako ng tingin dito dahil amoy na amoy ko ang pabango nito na panlalaki. Nanunuot iyon sa ilong ko kaya tinuktukan ko ang sarili sa isipan upang iwaglit ang lalaking iyon sa isipan ko.
Tumingin ako sa bata na naghihintay pala sa harapan ko kaya nanlaki ang mga mata ko. Agad akong humingi ng tawad dito at inabot sa kaniya ang plastik na hindi ko na inusisa kung ano ang laman. Nagpasalamat pa ito bago umalis.
Ganoon din ang ginawa ko sa iba pa. Hindi naman nakakapagod dahil masaya ang tumulong. Nakakagaan sa pakiramdam.
Sa kabilang bahagi naman nitong covered court ay may namimigay ng pagkain. Hindi ko alam kung kanino galing iyon pero hindi ko na rin inusisa pa.
Panay ang ngiti ko sa mga taong ngumingiti sa akin kahit na hindi ko kilala.
Mayamaya ay napansin ko na umalis sa puwesto si Tito Raymond. Napatigil ako at sinundan ito ng tingin.
At nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang kakausapin lang pala nito ang isang lalaki na hindi ko kilala. Akala ko ay papasok na ito sa kotse.
Nang maubos lahat ng pinamimigay namin ay napangiti ako. Nagliligpit na ang iba ng mga lamesa kaya hinanap ng mga mata ko ang Tito ko.
Nasaan na kaya iyon?
Malapit na kasing magtanghali. Nagugutom na rin ako at napapagod.
“Halika, Miss Kirsten. Tingin ko ay wala pa si Mayor. Nagugutom ka na ba?” Muling tumama ang tingin ko kay Kuya Dark na pulis. Nahihiyang tumango ako rito dahil gutom na nga ako.
Nang may dumaan malapit sa amin na katiwala ni Tito ay agad ko itong nilapitan. “Uhm, nakita n’yo po ba si Mayor?” magalang kong tanong sa babae na ngumiti sa akin bago sumagot.
“Naroon at kausap ang mga opisyal na taga-rito.”
Nagpasalamat ako rito bago bumalik sa tabi ni Kuya Dark.
Anong oras kaya sila matatapos doon?
“Tara na. Bili tayo ng pagkain diyan sa kanto,” sambit nito at inakay ako papunta sa sinasabi nito.
Mukhang napansin din kami ng mga kapuwa pulis niya dahil kinantiyawan nila kami. Napayuko tuloy ako dahil sa hiya at medyo lumayo rito.
Ang dudumi naman nila mag-isip tungkol sa amin. Tinutulungan lang naman ako niyong tao dahil nagugutom na ako.
“Huwag mong pansinin ang mga iyon, Kirsten. Maloloko talaga ang mga iyon lalo na kapag wala kami sa headquarters,” paliwanag nito nang makalayo kami sa mga tao.
Tinanguan ko lamang ito at tipid na ngumiti. Hanggang ngayon ay naiilang pa rin ako rito.
Sa kanto na sinasabi nito ay mayroon ngang tindahan. Isang sari-sari store.
Lumapit kami roon habang ito ay kinakausap ang tindera na tingin ko ay kakilala niya.
Nakagat ko tuloy ang ibabang labi ko dahil nakalimutan kong magdala ng pera. Nakakahiya naman kung magpapalibre ako sa kasama ko dahil hindi naman kami ganoon kalapit sa isa’t isa.
Napalingon ito sa akin na ikina-igtad ko. “Ano ang gusto mong kainin? Sayang lang at wala silang tindang kain at ulam dito ngayon,” sambit nito na nanghihinayang.
Napakamot tuloy ako sa ulo. “Ahm, ano kasi. Wala akong dalang pera, Kuya Dark.” Muli na naman akong napayuko dahil sa kahihiyan.
Narinig ko ang tawa nito sabay hawak sa ulo ko. “Okay lang. Libre ko. At huwag mo akong kinu-Kuya. Limang taon lang naman ang tanda ko sa iyo.”
Limang taon lang? Dapat nga ay Kuya talaga ang tawag ko sa kaniya. Pero kung siya ang may nais na hindi, edi sige.
“S-Salamat, Dark. Pangako ay babayaran kita kapag nagkita ulit tayo,” nakangiting wika ko sa kaniya na inilingan lang niya habang natatawa.
“Ang kulit mo, Kirsten. Sabi ko ay libre ko na. Huwag mo nang isipin ang bayaran ako. Tara, hanap tayo ng kanin at ulam.”
Napatango na lamang ako at sumama rito.
Unti-unting gumagaan ang loob ko sa kaniya dahil sa kabaitan niya sa akin. Sa totoo lang ay mukha naman siyang mabait. Ngunit ayaw ko pa ring ibigay ang buong tiwala ko.
Hindi rin naman nagtagal ay nakahanap kami ng nagtitinda ng pagkain. Nakatingin lamang ako sa kaniya at sa tindera habang bumibili siya ng tatlong balot ng kanin. Ang ulam naman na binili niya ay limang balot ng plastik kaya nagtaka ako.
Ang dami naman ata.
Nilingon ako nito at nginitian sabay hawak sa ulo ko.
“Iu-uwi ko ang tatlo para sa pamilya ko mamaya,” anito kaya napatango-tango ako at ngumiti.
Ang bait naman niya. Halatang mahal na mahal nito ang pamilya niya base sa pagkakangiti nito. Paniguradong mababait din mga magulang at ka-pamilya nito.
Nang mabayaran na niya ang mga binili ay inaya na niya akong bumalik sa covered court.
Pagkarating namin doon ay wala pa rin si Tito Raymond kaya napahinga ako.
“Tara, doon tayo sa mga kasamahan ko. Huwag kang mag-alala at mababait sila,” sabi ni Dark kaya natigilan ako.
Sinulyapan ko ang mga kapuwa nito pulis na kumakain habang pinagmamasdan kami. Oo nga, mukha nga silang mababait ngunit ang mga naglalarong ngisi sa kanilang mga labi ay hindi ko gusto.
Tumango na lamang ako sa kaniya na ikinangiti nito. Lumapit kami sa mga kasamahan niya na tinutukso na siya.
Pinaupo niya ako sa isang upuan habang siya naman ay naglagay ng upuan sa harapan ko. Inabot nito ang isang balot ng kanin at ulam sa akin kaya ngumiti at nagpasalamat ako rito.
“Ano ‘yan, Chief, a,” panunukso ng lalaki na nasa gilid ko lamang.
Ngumiti si Dark dito at tinawanan lang ang pang-aasar ng kasamahan. Napailing na lamang ako nang lihim at itinuon sa pagkain ang atensiyon.
Binuksan ko ang plastik ng kanin at ulam ngunit napatigil ako nang may mapagtanto.
Wala kaming kutsara at patungan man lang.
Nakagat ko ang labi ko at inilapag na lang sa kandungan ang kanin na nakaplastik. Doon ay binuhos ko ang ulam dahil gutom na talaga ako ngayon.
Ngayon ay paano ko ito kakainin? Magkakamay na lang siguro ako.
Nag-angat ako ng tingin sa mga kasama namin na kumakain. Napanguso ako. May mga kutsara sila. Kami lang ni Dark ang wala.
Napatingin ako rito nang bigla itong tumayo at saka nagpunta sa kung saan.
At tila naman nilagnat ako nang balingan ako ng tingin ng mga kalalakihan. May iba ring babae ngunit kakaunti lang sila.
“Hi, Miss. Ako nga pala si Kevin. Ang pinakamalapit na kaibigan ni Chief.” May nagsalita na lalaki kaya napatingin ako roon. Iyon ‘yong nasa gilid ko lang. “Ikaw iyong pamangkin ni Mayor, ‘di ba?” dagdag pa nito na ikinatango ko.
Ngumiti ako rito nang tipid. “A-Ako si Kirsten,” pakilala ko.
Sa tuwing tinatanong ako kung ako raw ba ang pamangkin ng Mayor ay tanging tango lamang ang isinasagot ko. Ikinakahiya ko na naging kadugo ko si Tito Raymond. Pati na ang mga kamag-anak namin na mukhang pera.
“Ngayon ka lang namin nakita na kasama si Mayor, a? Oo nga pala, kaano-ano mo si Chief, Miss Kirsten?” tanong nito na tila nahihiwagaan.
Huminga muna ako nang malalim at saka ngumiti. “Oo nga po, e. Nagtataka nga rin po ako kung bakit ako isinama rito ni Mayor. At si Dark po—ay! Chief po pala. Nakikipagkaibigan lang po siya sa akin.”
Nanlaki ang mga mata nito na tila gulat.
“Ano? Nakikipagkaibigan lang?” Nagtawanan sila kaya kumunot ang noo ko.
Ano naman ang nakakatawa sa nakikipagkaibigan?
Napatigil lamang sila sa pagtawa nang dumating na si Dark. Kumunot ang noo nito sa mga kasamahan, bago ako balingan nang nagtatanong na tingin.
“Ano’ng nangyari sa inyo?” tanong nito pagkaupo sa harapan ko. Inabot nito sa akin ang isang kutsara na dala niya kaya napangiti ako at nagpasalamat dito.
Kaya pala siya umalis kanina ay para kumuha ng kutsara na gawa sa plastik.
“Wala po, Chief. Nagkakatuwaan lang po,” sagot niyong nagpakilalang Kevin na pinakamalapit daw na kaibigan ni Dark.
Itinuon ko na ang atensiyon ko sa pagkain at kinain iyon. Adobong baboy iyon at masarap sa panlasa ko kaya ganado akong kumain.
Nang matapos ay napadighay ako at napahawak sa tiyan ko na nabusog. Muli akong napatingin kay Dark nang magkantiyawan na naman ang mga kasama namin.
Kaya naman pala sila nag-iingay na naman ay dahil inaabutan ako ni Chief ng bottled water. Napatawa na lamang ako at napailing. Nagpasalamat ako rito at tinungga iyon na ikinatitig ni Dark sa akin.
Hindi ko agad iyon napansin, kung hindi ko lang napagtanto na baka nauuhaw rin siya at nais niya ring uminom ay hindi ko pa makukuha ang nais nitong ipahiwatig sa pagtitig sa akin.
Tumigil ako sa pag-inom at nahihiyang pinunasan ang tuktok ng bottled water. “Ah, s-sorry. Muntik ko nang maubos.”
Inabot ko iyon sa kaniya habang kagat-kagat ang labi dahil sa hiya.
“Thanks,” nakangiting pahayag nito sabay kuha mula sa akin ng bote ng tubig. Tinungga niya iyon at inubos habang nakatitig sa akin na hindi ko na binigyan ng iba pang kahulugan...