Chapter 10: Warrior Princess

1801 Words
"Bisita ko 'yan! Mga bastos kayo, a! Hindi ko ito palalampasin!" pagbabanta na ni Delilah sa mga securiry guards na patuloy pa rin sa marahas na paghatak palabas kay Spartan. Nang hindi pansinin ay pinagtulakan na niya ang mga ito at pinaghahampas ng bag. "Sumusobra na kayo! Sabi ng pakawalan niyo siya e!" "B-Besh, tahan na," pag-awat na nito sa kaibigan na nagiging bayolente na rin sa mga tauhan ng eskwelahan. "Lalabas na ako para wala ng problema. Hinihintayin na lang kita hanggang sa matapos ang klase mo." "Hindi tama ito!" nakakuyom ang mga kamao na nireklamo ni Delilah. "Kayong apat, abuso ang ginawa niyo sa kanya!" "Pasensya na, Ma'am, napag-utusan lang kami," pagpapaliwanag na ng pinaka-senior sa mga guwardiya. "No ID, no entry rin po kasi tayo." "E 'di sana, kinonfirm niyo na lang sa akin kung kakilala ko siya! Hindi 'yun basta niyo kakaladkarin!" pangangatwiran naman niya. "I can have you fired because of this! Tatawagan ko si Daddy kasi stockholder din siya sa university! Ipapasesante ko kayo dahil sa hindi makatarungang pagtataboy niyo sa boyfriend ko!" "B-Boyfriend?" hindi makapaniwalang napabulalas ng mga guwardiya. "Oo, boyfriend ko siya!" may pagmamalaking pagkumpirma pa niya. Napakamot na lang sila ng ulo nang marinig ang rebelasyon nito na nobyo nga ang sapilitan sanang ilalabas. Tinignan pa nila mula ulo hanggang paa si Spartan na nakasimpleng kasuotan lamang at naka-slippers pa. Sa kalagayan nito, mapaghahalatang hindi nga ito pinalad sa kayamanan. "Sorry po talaga, Miss Catacutan. Si Sir Samson kasi ang nag-utos, 'yun anak ng may-ari ng school na ito, na huwag daw papapasukin 'yan." Mula sa hallway ay natanaw niya ang dating manliligaw na nakangisi. Lumapit pa ito at mapaghamon na tinignan ang inaakalang karibal sa pag-ibig na hawak-hawak pa rin ng dalawang bantay. "Ikaw pala ang pasimuno nito," may pagkayamot na pahayag na ni Spartan. Hinatak na niya ang mga braso palayo upang makawala sa mga nais sana siyang palabasin sa unibersidad. "Kawawa ka naman, tsk!" pang-aasar ni Samson lalo. "Masyado ka kasing mataas mangarap. Hindi ko talaga ma-gets kung paano ka naging boyfriend ni Delilah. Siguro, ginayuma mo! Even if that's the case, one thing's for sure. Kung may masama kang balak sa kanya, ako na mismo ang magpapatigil niyon!" "Ikaw ang kawawa kasi ang sama ng ugali mo. Payong kaibigan lang, P're. Ayusin mo muna ang attitude mo para may matinong babaeng magkagusto sa iyo," matapang na tugon naman ni Spartan na mas nagpatindi sa insecurity ng kaalitan. Batid rin kasi nito na sa mga naging exes, wala talagang nagtagal at kayamanan lamang ang habol sa kanya. Aminadong lumaki kasi siya sa layaw kaya wala rin pasensya na ipaglaban ang mga naging relasyon dati. Subalit ngayon, kung kailan totoong gusto na niya ang nililigawan, para pang ipinagkakait pa ng tadhana sa kanya ang nais at hindi niya matanggap. Tila ba nanuot ang kirot sa puso niya sa pahiwatig ng karibal na kasalanan niya kung bakit inaayawan ng dalaga kaya nagdilim ang kanyang paningin nang dahil sa galit. Bigla-bigla ay hinatak niya sa kwelyo ang hinahamon at mas nilait ang estado sa buhay. Sa sobrang lakas ng pagkakahila ay napunit pa ang t-shirt na suot ni Spartan at nagalusan pa ang leeg. "Bitiwan mo ako!" halos masagad na rin ang pagtitimping pinagsabihan na niya si Samson. Natutukso man na gumanti, pinigil niya ang sarili dahil ayaw na sana niyang magkaroon ng komosyon at baka madamay pa si Delilah. "May babae, huwag tayong mag-away sa harapan niya! Tama na!" "Pare-pareho lang naman kayong mahihirap!" pagsasawalang-bahala nito sa pakiusap niya. "Ang gusto niyo, pagkaperahan kami! Halata naman, gusto mo lang si Delilah para maiahon ka from your lowly and sh*tty life!" "Shut up!" pagtatanggol na ni Delilah sa kaibigan na kanina pa nito niyuyurak ang pagkatao. "Enough!" "Nabubulag ka lang, kaya I am just protecting you from him!" pangangatwiran naman ni Samson. "Can't you see? Obvious naman na he's an opportunist. Hindi mo namalalayan, nama-manipulate ka na!" "Tigilan mo na ito! Wala ka ng pakialam kung sino ang gugustuhin ko!" pagmamatigas pa rin niya. "Masaya kaming dalawa, 'yun ang importante!" Imbis na pakinggan, nagbingi-bingihan lang si Samson sa mga paliwanag nito. Itinulak niya patungo sa mga guwardiya si Spartan upang ipagtabuyan na. "Hindi para sa mga basura ang eskwelahan na ito kaya ilabas niyo 'yan!" narinig niyang inutos nito sa mga tauhan ng eskwelahan. "Basura?" pag-uulit ni Delilah. Nasaktan at nainsulto siya para kay Spartan dahil sa pang-aalipustang narinig. Kung kanina ay pinagtitimpihan niya ang sama ng ugali ng dating manliligaw, ngayon ay gusto na niya itong batukan nang paulit-ulit upang matauhan. "Anong sinabi mo? Bawiin mo 'yun or else..." "Basura 'yan pinakamamahal mong si Spartan! Klaro naman, 'di ba?" nagawa pa nitong tumugon. "Huwag kang magpapaloko sa isang basur-" Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil sinipa na siya sa gitna ng mga binti ni Delilah. Napahiyaw siya sa sakit at napaupo sa semento nang maramdamang halos sumabog na ang kaloob-looban ng p*********i niya. "That's what you get for assaulting and insulting my boyfriend!" nanlilisik ang mga matang sinabi niya rito. Maging si Spartan ay napangiwi at naawa pa sa ginawang parusa ng kaibigan kay Samson. "B-Besh, tama na," nahintakutang pagpigil na niya sa naghuhurimintadong dalaga. Niyakap na niya ito upang hindi na makagalaw at makasugod pa. "Huwag mo nang gagawin 'yan kapag nagagalit, ha. M-Machakit. Egg explosion na parang nasabugan ng sinturon ni hudas at binudburan ng asin ang feeling naming mga lalaki kapag ganyan." "Wala akong pakialam! Hindi pa ako tapos sa lalaking 'yan! Dudurugin ko ang kinabukasan niya!" "Tahan na," pag-awat na niya. Nang tumanggi at akmang susugurin pa sana ang namimilipit sa sakit na si Samson, napilitan na siyang buhatin na mala-bridal style si Delilah. Napasinghap tuloy at nagbulung-bulungan ang mga nakikiusyoso sa naging akto niya na tila ba tunay na magnobyo o mag-asawa nga ang dalawa. "Ibaba mo ako! Siya ang naunang mang-away! Tinatapos ko lang ang sinimulan niya!" "Kalma. Umalis na lang tayo rito," panukala niya kahit na nagpupumiglas pa rin ang binibitbit. Pinagtinginan na sila ng mga estudyante at nagtaka kung bakit tinatangay niya ang dalaga palayo. Maging ang mga guro ay napalabas na dahil sa ingay na narinig. "Sino kaya 'yan?" pag-uusisa ng tsismosang si Maritess. "Jowa niya?" "Akala ko ba, si Samson ang suitor niyan?" pagtatanong naman ng usyuserang si Karen. "Haba naman ng hair!" "Pinag-aawayan ng dalawang mga hotties, ginayuma yata!" "Feelingerang maganda!" paulit-ulit na narinig ni Delilah kaya uminit lalo ang ulo niya. "Hoy, maganda talaga ako!" panunuplada pa niya sa mga tsismosang estudyante na may lihim na inggit sa kanya. Tunay naman na may itsura siyang maipagmamalaki pero sadyang 'di lang palaayos. Ganoon pa man, kahit itabi pa sa mga maaarteng babae, umuusbong pa rin ang ganda niyang natural kaya naiinis sila sa kanya. "Kayo kasi puro makeup lang pero 'di pa rin gumaganda! Hahaha!" pang-aasar pa niya kaya na-insecure sila lalo sa kanya. Nang makarating sa park kung saan kakaunti lamang ang dumadaang mga tao, ibinaba na siya ni Spartan sa study area na napapalibutan ng mga bulaklaking halaman. "Ayan, malayo na tayo sa trouble," sinambit niya habang palingon-lingon sa paligid. "Kalurkey naman! Ang bad ng mga students pala rito komo ba mayayaman!" "Ikaw kasi e!" paninisi pa ni Delilah sa kanya. "Kung ba naman sana nagpakalalaki ka kanina, hindi ka nana nainsulto ni Samson!" "Hindi ko kasi ugali ang makipag-away," kalmadong pagpapaliwanag niya. "Madadaan naman kasi ang 'di pagkakaunawaan sa maayos na usapan." "Kahit na inaapakan na niya ang pagkatao mo?" nakapamaywang na pagtatanong nito. "Hindi naman sa ganoon. Ayaw ko lang sanang lumaki ang gulo at madamay ka pa. Nahihiya na ako sa iyo kasi ang daming pabor na ang binigay mo sa akin kaya inilalayo na sana kita sa posibleng away naming dalawa." "Hmph! Ang sabihin mo, duwag ka lang kasi!" "Grabe siya, nakaka-hurt ka naman ng feelings. Hindi naman kaduwagan ang pag-iwas sa gulo," pagdepensa niya, dahilan upang matauhan na ang kausap. "Sorry," paghingi rin kaagad ng dispensa ni Delilah nang mapagtantong masakit nga ang mga nasabi. Na-realize din niya na nadawit lang naman si Spartan sa problema niya sa makulit na manliligaw kaya maling-mali na sisihin pa. Naisip niya na kung hindi sana niya ito pinagpanggap na boyfriend, hindi sana pag-iinitan ni Samson. "Ang ibig sabihin ko talaga, dapat lumaban ka! Huwag kang magpapaapi lalong-lalo na at narito ako para tulungan ka. Be assertive!" pagpapayo niya sa binata na aminadong nasaktan sa pagtawag nito sa kanya na "duwag". "Kapag inatake ka, tusukin mo sa mata! Kahit saan tayo makarating basta nasa tama ka, ilalaban natin 'yan!' "Salamat sa concern, Besh. Pasensya na rin at nag-alala ka pa," malamlam ang mga matang pahayag niya. "Tama ka naman, dapat mas naging assertive ako. Ewan ko rin kasi kung bakit ganito ako. Hindi talaga ako palaaway at agresibo. Ayaw ko rin kasing nagagalit..." Napabuntong-hininga na lang si Delilah nang mapagtantong tunay nga na pusong-mamon ang kaibigan. Kahit na naintindihan ang punto nito na umiiwas lang ito sa away at gulo, naisip niya na mas mainam kung palalakasin ang personality nito para hindi nabu-bully ng mga taong mapagsamantala sa kahinaan nito. "'Di bale, akong bahala sa iyo!" pangako niya sa binata. "Alam ko na, need mo lang ng self-confidence!" Walang anu-ano ay hinawakan niya ang kamay ng kasama at hinatak patungo sa parking lot. Nang makarating ay pinagbuksan niya ito ng pinto. "Sumakay ka," instruksyon niya rito. "B-Besh, saan tayo pupunta?" "Uuwi na tayo," nakangising sinagot niya. "Pero, may klase ka pa, 'di ba?' "Basta! Sumakay ka na sabi e! Paano pa ako magpapatuloy sa klase e sinira na ni Samson ang araw ko!" "L-Luh, tinatakot mo naman ako," nauutal na inamin niya sa babaeng mala-warrior princess pala kung magalit. "Ano ba kasing plano mo?" "Simula ngayon, tuturuan kitang maging astig na lalaki! Kahit anong mangyari, dapat kaya mong ipagtanggol ang sarili mo! Ite-train kita para kahit mismong si Samson, magdadalawang-isip na awayin ka!" "Mygash! Anong klaseng training ang ibibigay mo sa akin?" namumutlang napabulalas na ni Spartan. Alam kasi niya na dating kampeon sa taekwondo si Delilah at paniguradong malupit na pagsasanay ang pagdadaanan sa mga kamay nito. "Basta!" "A-Anong basta?" halos masamid na pagrereklamo na niya. "Tinatakot mo na talaga ako! Mauutot na yata ako sa kaba!" "Sumakay ka na lang sabi e!" pag-uulit nito kasabay nang pagtulak sa kanya papasok ng sasakyan. "At huwag na huwag kang uutot! Bagong car wash 'yan!" pagbabanta pa ng dalaga bago isinara ang pintuan ng kotse. Walang nagawa si Spartan kungdi sumunod sa nais nito. Nang dahil sa sindak ay napakapit na lang siya sa seatbelt at nagsumiksik sa gilid ng upuan. Sa kaloob-looban niya ay humihingi na siya ng tulong sa lahat ng santo at anghel sa langit upang iligtas siya sa delubyong hatid ni Delilah. "Lord, iligtas Niyo po ako," namamawis nang nalapot na pagdadasal niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD