Chapter 11: Heartbreaker

2006 Words
"M-Masakit na. T-Tama na," tumatagaktak ang pawis at hinihingal nang pagsusumamo ni Spartan. Isang matalim na titig ang natanggap niya mula kay Delilah na pursigidong ilabas ang naitatagong tatag at lakas niya bilang isang tunay na lalaki. "Kaunting tiis pa!" nakapamaywang na tugon nito sa pagsusumamo niya. "No pain, no gain!" "Next time na lang, please. Hindi pa talaga ako ready! Ang sakit na ng mga binti ko!" "Hindi! Nandito na tayo e!" pangungumbinsi nito sa kaawa-awang lalaki na nais sana niyang tulungan na maging matatag upang hindi basta-basta nabu-bully ng mga salbahe at mapagsamantalang tao. Mabuti ang intensyon niya pero medyo napapaisip na rin kung tama ba ang ginagawa dahil mag-iisang oras pa lang niya itong pinapa-bike at treadmill ay tila ba hihimatayin na. "Lupaypay na talaga ako, Besh! Nakaka-istress itong araw na ito at baka himatayin na ako! Pahinga muna tayo, sige na," pakikiusap nito sa kanya. Nais man niyang magmatigas pa at ipagpatuloy ang pagsasanay sa binata, hindi naman niya matiis ang pagpa-puppy eyes nito na para bang kinukunsensya pa siya nang dahil sa nagawa. Pakiramdam tuloy niya ay napakasalbahe niyang tao kaya pinagbigyan na niya ang kahilingan nito. "Sige na nga, tama na ang exercise! Ten minutes break," pagpayag na niya dahil hindi naman nga matiis na nahihirapan ang pinagsasanay. "Pagkatapos, doon na tayo sa personality development. Ite-train kita kung paano ang proper social etiquette at grooming ng mga lalaki." "Hindi ba pwedeng bukas na lang?" "Hindi pwede," pagtanggi niya. "Magiging busy na ako sa mga susunod na araw kaya dapat kahit paano maturuan na kita." Tumalikod na si Delilah upang magpunta muna sa comfort room at umihi. Bago pa man maisara ang pintuan, sumilip siya at pinagsabihan si Spartan. "Huwag kang aalis diyan," mariin na panuto niya. "Excited na ako sa mga plano ko para sa iyo, hehehe!" pahabol na sinabi niya. Rinig ng binata ang paghagikgik nito kahit na nasa loob na ng palikuran. "Ano kayang gagawin niya sa akin?" kinakabahang naisip niya habang nakikiramdam sa paligid. Dahan-dahan pa siyang lumapit sa banyo at dinikit ang tainga sa pintuan. Napangiti siya nang marinig ang wala sa tonong pag-awit ng dalaga. Maya't maya ay umalingawngaw ang malakas na utot sa pinaglalagian ni Delilah kaya nagulantang pa si Spartan at napakaripas ng takbo. "Pati utot niya, napakatapang! Dinaig pa ang putok ng baril!" napagtanto niya. "Kaya kailangan ko nang makatakas!" pagdedesisyon na niya. Palingon-lingon pa siya habang nagmamadaling makarating sa may labasan. Nang itulak ang pintuan, dismayado siya nang malaman na kinandado pala nito ang gate. Sinigurado pala ng kasama na wala siyang matatakasan. "'Luh, para akong kinidnap!" ninenerbiyos na hiyaw ng isipan. Dali-dali siyang nagtungo naman sa kabilang kubeta upang maghanap ng posibleng malulusutan. Laking pasasalamat niya na may nakabukas na bintana roon. Sumampa siya sa inodoro upang makakapit at makalabas na. "Ayos, makakaalis na ako-" Naglaho ang pag-asa niyang makatakas nang pagtingin sa ibaba, nakatingala na pala ang kahindik-hindik na babaeng mas nakakatakot pa kaysa sa mga aswang. Nangilabot pa siya dahil parang may sixth sense ito o psychic powers pa kaya madali nitong nahulaan ang pinaplano niya. "Saan ka pupunta?" naniningkit ang mga matang tinanong nito. "A...e...hehehe...kanina ka ba pa riyan? Akala ko ba, umiihi ka?" "Halika rito!" Pigil sa inis na hinatak siya pababa ni Delilah. "Sabi na nga ba, tatakasan mo ako e!" "Be gentle naman, Besh!" nagpa-panic na pinagsabihan niya ang humihila sa kanya. "Aray ko naman! Napakalakas mo namang babae! Kalurkey ka talaga! Mas brusko ka pa sa mga kuya ko!" "Bumitaw ka na kasi riyan sa bintana! Hindi naman kita inaano e! Kung makasigaw ka, parang kinakatay kita! Para sa iyo rin naman din itong ginagawa ko!" pagpapaliwanag ni Delilah. "Bumaba ka na!" "Ayaw ko na talaga, huhuhu," pagmamakaawa pa rin niya. Pinilit niya pang maglambitin paitaas upang makabalik sa tuktok ng bintana at makawala sa mala-amazonang babae. Subalit, sadyang malakas din at desidido ito na sanayin si Spartan kaya nahatak naman nito ang suot na salawal. "Ay!" napatili pa siya nang maramdaman na bumaba na ang garter ng shorts sa ibaba ng baywang. Ramdam niya na kaunting hatak pa ni Delilah ay isang bangungot na ang sasapitin. Halos mahubuan na siya nang dahil sa ginawang paghila nito sa suot na pang-ibaba. "Ano, hindi ka pa bababa?" pagbabanta na nito sa kanya. "Kita ko na ang hati mo sa puw*t! Ang tambok yata a! Bwahahaha!" Tila na nabuhusan ng iced water si Spartan nag dahil sa rebelasyon. Hindi niya alam kung isang biro ba iyon o sadyang iniipit lang siya upang pumayag na mag-training ulit. "You're joking, right?" pagtatanong pa niya sa nakangising si Delilah na nagtu-twinkle na ang eyes nang dahil sa magandang pangitain. Magpupumiglas pa sana siya pero may umihip na malamig na hangin. Nang dumampi iyon sa balat, napatunayan niya na tunay nga ang sinasabi nito na exposed na sa mga elemento ang puw*t niya. Walang anu-ano ay bumitaw na siya upang hindi na magkaroon ng pagkakataon na masilipan pa. "Suko na ako! Ikaw na ang panalo!" maluha-luhang pagtanggap na niya ng pagkatalo. Nang dahil sa lakas ng pagkakahatak, napadausdos siya nang mabilis paibaba. Hindi nakapaghanda si Delilah sa bigat ng katawan niya lalo na at maga pa ang natapilok na paa. Aksidenteng napasandal ang katawan ni Spartan sa kanya kaya nadisbalanse siya. Inakala niya na tuluyang matutumba na pero napasinghap siya nang yakapin nito nang mahigpit bago pa man mapahiga. Ramdam niya ang bilis ng kilos nito upang maalalayan siya at hindi bumagsak sa lupa. Ganoon pa man, dahil pareho silang nagulat sa pangyayari, nanghina ang mga tuhod nila at napaupo na lang sa bermuda grass. "Ayos ka lang?" nag-aalalang pagtatanong ng binata sa kanya habang nakaalalay pa rin sa kanya. "S-Siguro?" nag-iinit ang mga pisngi at nauutal na tugon ni Delilah. Halos isang pulgada na lamang ang layo ng kanilang mga mukha kaya bumilis ang t***k ng kanyang puso. Sinamantala niya ang pagkakataong makita nang malapitan ang berde nitong mga mata na aminadong namamangha siya sa mga pagkakataon na nasisilayan. Nanalamin kasi ang mga iyon sa isang lalaki na napakabuti at walang intensyong masama kaya sa bawat araw na natatanaw niya, mas lumalalim ang nararamdaman niyang pag-ibig. "Ikaw talaga," may tono ng panunuyo na pinagsabihan na siya ni Spartan nang mapansing mataimtim na nakatitig pa rin. Pabirong kinurot pa siya nito sa ilong upang makuha ang atensyon. "Kung makahatak ka kasi, parang hihiwalay na ang kaluluwa ko!" "Ikaw kasi," paninisi naman ni Delilah sa kanya. "Tinatakasan mo ako! Nakakainis ka! Hindi mo man lang na-a-appreciate ang effort ko para mas umayos ka!" "Hindi naman sa hindi ko ina-appreciate," pagpapaliwanag nito sa kanya. "Pero, maitanong ko lang, ha. Huwag mo sanang mamasamain. Bakit mo ba ginagawa ito para sa akin?" Natigilan si Delilah nang dahil sa pag-uusisa nito. Parang bigla rin siyang natauhan at napatanong sa sarili kung bakit nga ba ipinagpipilitan niyang gawing tigasin at palaban si Spartan samantalang halatadong may pagkamalamya ito at sadyang pusong-mamon. Sa likod ng hangarin niyang protektahan at tulungan sana ito para hindi basta-bastang nabu-bully ng mga salbaheng tao katulad ni Samson, naroon din ang isa pang malalim na dahilan kaya desidido siyang gawing lalaking-lalaki ang kaibigan. "Bakit nga ba?" tahimik na pag-aanalisa niya habang nakatingin sa maamong mga mata ng kaharap. Nang ngumiti ito sa kanya, ramdam niya na tila ba may tumagos na palaso sa kanyang puso. "Kasi...kasi...ang totoo e..." pigil sa pag-iyak na sinambit niya. "Gusto kong maging isang "ganap" ka na lalaki! 'Yun malakas! Astig! 'Yun tipong kaya akong ipagtanggol!" pag-amin na niya na ikinagulat ni Spartan. "Basta, 'yun unang tingin, lalaking-lalaki ang dating!" 'H-Ha?" napabulalas niya. Ilang sandali rin siyang nangapa ng mga salita dahil hindi rin niya maintindihan ang pinahihiwatig ng kausap. Napakamot pa siya ng ulo at pilit na inanalisa kung anong klaseng lalaki ang "ganap". "Mukha ba akong...girl?" pakurap-kurap na pag-uusisa niya. "Ang laki at tangkad ko naman yata para maging girlash, Besh! Binibiro mo naman ako, e! Masyado ba akong maganda? Hahaha!" "Hindi!" naiinis na sinagot niya. Gusto tuloy biyang bawiin ang mga sinabi kanina lamang dahil mukhang hindi na-gets ng kasama ang pinagtapat niya patungkol sa "ganap na lalaki". Ilang sandali lang ay isa-isang pumatak ang luha sa kanyang mga mata dahil ramdam niya na wala ng katiting na pag-asang baguhin pa si Spartan. Naging malinaw na sa kanya na ilusyon lamang ang pinapangarap na mangyari sa binata. Bumagsak ang mga balikat niya nang mapagtantong one of the girls talaga ito kaya kahit kailan, hindi ito magkakagusto sa kanya. "'Luh? Bakit ka umiiyak?" pagtataka na ng kaibigan. Mas lalo siyang napahagulgol nang yakapin siya muli nito at tinapik-tapik ang balikat. "Anong problema? Masakit pa ba ang pagkatapilok mo?" "Kahit sabihin ko, hindi mo talaga ako maiintindihan!" sinagot ni Delilah. Marahan niyang itinulak ang kayakap at tumayo na. "Besh!" pagpigil sa kanya ni Spartan pero hindi na niya pinansin pa at patuloy lang naglakad palayo. Dali-dali siyang pumasok sa bahay at umakyat sa silid. Humahagulgol na isinara at ini-lock niya ang pintuan upang hindi marinig ng ibang mga kasambahay ang kanyang pagtangis. Pasinok-sinok na dinial niya ang numero ng ate niyang si Barbarella upang humingi ng payo at pakikiramay. "H-Hello? A-Ate," umiiyak na paninimula na niya. Kumuha siya ng tissue at malakas na siningha ang naipon na sipon sa ilong. "Ate, help!" "Anong nangyayari sa iyo?" pag-aalala na nito. "Nasaan ka?" "Nasa bahay. Ang sama ng pakiramdam ko. Heartbreak yata ito!" "Heartbreak? Anong heartbreak ang pinagsasabi mo e wala ka naman boyfriend!" "'Yun nga e!" may pagkayamot na sinagot niya sa ate na naguguluhan na sa nangyayari sa kapatid. Sanay man na may pagkaiyakin ang bunso, ramdam nito sa tono ng pananalita niya na malalim ang dahilan ng paghihinagpis. "Wala nga akong boyfriend. Wala rin kaming label. At imposibleng magkagusto siya sa akin! Kasi bakla ang bruha!" "Teka, wait lang. Huminga ka nang malalim," pagpapakalma sa kanya ni Barbarella. "The who? Hulaan ko, ha? Si Spartan ba 'yan?" "Oo, si Spartan," pasinok-sinok na inamin niya sa nakatatanda. "Iba ang tama ko sa kanya. Mahal ko na siya pero mukhang wala man lang siyang pakialam sa akin!" "Jusme! Sabi na nga ba, e! Sigurado ka ba? E isang buwan mo pa lang kasama 'yan, mahal mo na?" "Oo," pagkumpirma ni Delilah. "Wala naman sa tagal, hindi ba? Atsaka naging classmate ko siya for three years kaya magaan talaga ang loob ko sa kanya. Baka nga Grade One pa lang, minahal ko na siya!" "Hindi ba, beki 'yan si Spartan?" pagpapaalala nito sa kanya. "Kaya nga ang sakit-sakit!" masamang-masama sa loob at halos pasigaw na sinabi na niya. "Bakit ba sa bakla pa ako mapapamahal samantalang ang daming nanliligaw sa akin na mas astig! Parang pinaglalaruan naman ako ng tadhana e! Ma-i-in love ako sa lalaking mas mahinhin pa sa akin!" "Hayz, malaki nga ang problema mo, Bunso," pailing-iling na pagdamay ni Barbarella sa kaisa-isang kapatid. "Uuwi na ako kaagad, tapusin ko lang itong isang meeting sa office. Pag-usapan natin 'yan. Tahan na." Nanlulumo na napahiga na lang siya sa kama at yumakap sa unan nang matapos ang kanilang usapan. Tulalang tumitig lamang siya sa dingding ng silid habang iniisip pa rin si Spartan. "Umaasa lang kasi ako na magiging tunay na lalaki ka at mapapansin mo ako," mabigat sa loob na pamamag-asa niya kahit batid niya na malayong mangyari iyon. "Masama bang umasa na gigising ako isang araw, at mamahalin mo rin ako kahit bakla ka pa?" "O sadyang naghahangad ako ng imposible?" Napapikit na lamang siya ng mga mata nang dahil sa sama ng loob at pagod. Hindi na niya namalayan na napahimbing na siya ng tulog kahit mag-a-alas singko pa lamang ng hapon. Lingid sa kaalaman niya, sinundan pala siya ng lalaking minamahal upang masigurong maayos nga ang kalagayan. Nakaupo ito sa tapat ng pintuan ng silid at hinihintay sana siya na lumabas upang damayan sa kung ano mang bagay ang bumabagabag sa kanya. Hindi sinasadyang nakumpirma ni Spartan ang tunay na nararamdaman ni Delilah para sa kanya. Rinig niya ang lahat ng hinanakit nito... Maging ang deklarasyon nito ng pag-ibig para sa kanya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD