Chapter 12: Desperado

2136 Words
Maaga pa ay gumising na si Delilah upang makapaghanda sa pagpasok sa unibersidad. Sinadya niyang hindi na dumaan sa kusina dahil iniiwasan niyang makita si Spartan na nagluluto na ng maaalmusal nila. Hanggang ngayon ay hiyang-hiya pa rin siya sa mga nasabi patungkol sa pagnanais niyang maging "ganap" itong lalaki Maingat pa niyang binuksan ang pinto upang walang makapansin sa kanyang umalis subalit pagkapihit pa lamang ng doorknob, isang pares na ng mga luntiang mga mata ang bumati sa kanya. "Besh!" maligayang pagtawag nito. Nagulat pa siya at halos mabitawan ang bag nang bumungad ito mula sa likuran niya. Sinikap niyang huwag pansinin ang kaibigan pero masigasig naman itong kunin ang atensyon niya. "Halika! Kain tayo!" masuyong pag-aya pa nito kaya muntikan nang bumigay si Delilah sa imbitasyon. Langhap pa niya ang masarap na pagkain kahit na nasa may sala na kaya ilang sandali rin siyang natuksong mag-almusal na nga. "May hinanda akong bagong putahe, i-try natin!" "Next time na lang," pagtanggi na niya kahit kumukulo na ang sikmura sa gutom. "Maaga pa kasi ang klase ko." "Ha? Mag-a-alas siete pa lang. Hindi ba, nine o'clock ang pasok mo kapag Friday? Sumabay ka nang kumain. Pati si Sir at Ma'am, maging si Ate Barbarella mo, mamaya pa papasok sa opisina. Sayang naman kasi ang family time sana niyo ngayon lalo na at naging busy kayong lahat nitong nakaraang mga araw." Natigilan si Delilah sa pagpapaalala nito. Nagtaka rin siya kung paano nalalaman ni Spartan ang lahat ng paglabas at pagbabalik niya. Napansin nga niya na parang kabisado nito ang mga schedule niya, maging ang sa buong pamilyang Catacutan. Marahil, naisip niya, sadyang mapagmasid ang binata sa mga nangyayari sa loob ng tahanan. "Basta, papasok na ako!" mariin na pagtanggi na niya. Patakbo na siyang nagtungo sa may garahe upang matapos na ang kanilang usapan. "'Luh, may nasabi ba akong mali?" pagtataka ni Spartan habang pinagmamasdan si Delilah na pinaaandar ang sasakyan hanggang sa makalabas na sa daan. Medyo nalungkot siya sa biglaang pag-iwas nito sapagkat nais pa naman sana niya itong pabaunin ng meryenda at tanghalian. Alam niya na maraming pambili naman ng mamahaling pagkain ang dalaga pero gusto lang talaga niyang ipagluto ito ng masasarap at masusustansya. Habang abalang nagta-type ng report si Delilah sa laptop, napahinto siya nang may aninong humarang sa kanyang harapan. Pag-angat ng tingin ay napasimangot siya nang malamang ang makulit na manliligaw na si Samson pala ang umaabala sa kanya. "Hi, darling ko!" may malawak na ngiting pagbati nito kasabay ng pag-upo sa mesa kaya mas lalong nainis ang pinopormahan. Kung hindi lang anak ng may-ari ng eskwelahan ang nangungulit, malamang ay naitulak na niya ito upang mahulog sa lupa. Sa ganoong paraan, naisip niya, matatauhan na ito at mababawasan pa ang pagiging mayabang. "Ano na naman ang gusto mo?" pigil sa pagkayamot na tugon na lang niya habang umuusog palayo. Ganoon pa man ay bumaba mula sa mesa si Samson at mas dumikit sa kanya. Umupo ito sa tabi niya at inakbayan pa. "Free ka ba mamaya?" pag-uusisa nito habang mataimtim na nakatingin sa nililigawan. "Busy ako. May tinatapos nga ako na report," malamig na tugon niya sa panunubok nito na makuha ang kanyang atensyon. Nang manatili siyang walang imik ay inagaw na nito ang pinagkakaabalahang laptop at itinabi sa may likuran. "Huwag mo nang alalahanin ang report-report na 'yan. Akong bahala, hindi mo naman kailangang tapusin. Kapag nga naging girlfriend kita, mas marami kang privileges sa school. Ikaw lang naman ang playing hard-to-get e!" Umikot ang mga mata ni Delilah dahil sa pagiging presko nito at agresibo. Napabuntong-hininga na lang siya upang pigilin ang sarili na mang-away ulit. Tumayo na lang siya upang lumayo sa gulo at dinampot mula sa damuhan ang laptop. "Hey, why are you leaving so soon?" pagtataka ni Samson sa mabilisang paglisan nito. "Halika na, sabay tayong kumain ng lunch! My treat!" "May baon ako," tipid na tugon niya upang makaiwas na. "Hmmm, mukhang wala naman," magkasalubong ang kilay na tinignan pa siya nito mula ulo hanggang paa. "Laptop at shoulder bag lang ang dala mo." Natigilan siya nang biglang maalala na hindi nga siya nakapagbaon. Bahagya pa siyang nasayangan dahil kahapon lang ay nag-request siya kay Spartan ng pinakbet at porkchop bilang ulam. Sa kakamadali tuloy kanina, naiwan pa niya ang pagkain. "Oo na, wala mga akong baon,"pag-amin na niya. "Hopefully, ma-gets mo na gusto ko munang mag-isa." "Bakit ka ba kasi umiiwas? Inaaya lang naman kitang kumain sa labas." Akmang aalis na sana siya pero hinabol din naman siya nito bago pa makalayo. Marahan nitong hinawakan ang braso niya pero para sa kanya, sumusobra na ang pagiging mapanghimasok ni Samson kaya pwersahan niyang sinagi ang kamay nito. "Ano ba?" pasinghal na pinagsabihan na niya ito nang masagad ang pasensya. "Sana naman, klaro na sa iyo na wala nga tayong pag-asa! Alam mo naman na may boyfriend na ako kaya hindi na pwedeng maging 'tayo'! Ikaw rin, maka-move-on ka na at baka mahanap mo pa ang true love mo!" "Pero ikaw ang true love ko..." malamlam ang mga matang pinagtapat din ni Samson. Pinagdaop niya ang dalawang mga kamay na tila na nagsusumamo sa babaeng nais talagang maging kasintahan. "Ano ba kasing ayaw mo sa akin? Sabihin mo naman at baka magawan ko ng paraan para magustuhan mo ako. Please, give me a chance to prove that I'm worthy of your time and attention. Alam mo na from the first time na nakita kita, gusto na talaga kitang maging girlfriend." Ramdam ni Delilah ang sinseridad sa deklarasyon ng kausap. Naawa pa siya nang dahil sa nagawang pagtataboy samantalang sinusuyo lang naman siya nito. Ganoon pa man ay desidido na siyang tapusin ang katiting na pamamag-asa ni Samson na magiging magkasintahan pa sila. "Akala mo lang 'yun," kalmadong pagpapayo na niya sa kaharap. "Mas maganda na ibaling mo na ang tingin mo sa ibang babae. Hanggang pagiging magkaibigan lang kasi ang maari kong ibigay sa iyo kaya kung ipipilit man, pareho lang tayong hindi magiging masaya. Kaya ngayon pa lang, gusto ko nang maging klaro na hindi kita mapagbibigyan na maging girlfriend mo." "Hindi ako makakapayag!" pigil sa pagtaas na boses na pagtanggi ni Samson sa panukala niya. Sinunggaban pa siya nito sa mga balikat upang hindi makaalis. Ramdam niya ang kakaibang lakas ng lalaki na sa tantya niya ay maaari pa siyang mabalian kung magkakamali ng pagkilos "Sa akin ka lang! Walang ibang lalaki ang makakakuha sa iyo! Naiintindihan mo ba? Sa akin ka! You're body, and even your soul, they're mine!" "S-Samson, huminahon ka!" nagulantang na napabulalas ni Delilah na may halong pangamba na. Sa tono ng pananalita nito at pagiging possessive, nakaramdam na rin siya ng takot na baka saktan pa siya. Akmang sisigaw na sana siya upang humingi ng saklolo sa mga security guards subalit laking-pasasalamat niya na dumating na ang lalaking pinakaaasam niya. Mula sa malayo ay kitang-kita ang tikas at kisig nito na malayo sa nakilalang binata na lalamya-lamya. Nabangga pa ang isang freshman college sa pader nang dahil sa kakalingon sa napakapoging estranghero na naligaw sa campus nila. Saktong palabas din ang mga estudyante upang mag-lunch kaya dumami rin ang mga tsismosa na nakikiusyoso kung sino ang fafable na dayo. Diretso at matalas na tumitig ang bisita kay Samson na tila ba nanghahamon at nagpapahiwatig na huwag na huwag sasaktan si Delilah kaya natauhan na rin ito at napabitiw sa marahas na pagkakahawak sa dalaga. "Babe," pagbati ni Spartan na halos ikalaglag ng underwears ng mga tsismosang kolehiyala at mga guro. Maging si Delilah ay muntik nang madala sa aura nito na mapagkakamalang lalaking-lalaki. Kaagad na nawala ang pangamba niya nang dahil sa presensya nito at alam niyang handa siyang ipagtanggol mula kay Samson. "B-Bebe Dinosaur," tugon naman niya sa malambing na pagtawag sa kanya ng lalaking kakuntyaba sa pagpapanggap na nobyo. Ayaw man niyang maging affected, napasinghap siya at mas kinilig pa nang hawakan na nito ang kamay niya at hinagkan. "Halika, Loves, mag-lunch ka muna," pag-aya nito gamit ang mas mababang boses na tila ba musika sa mga babaeng nakakarinig. Nainggit pa sila dahil akala nila ay nakabingwit na ng ideal man si Delilah. "Na-i-stress ka na yata sa lalaking 'di alam ang limits," pagturan niya kay Samson na matalas na rin ang tingin sa kanya. Kahit na naiinis man, napakuyom na lang din ito ng kamao nang ma-realize na tama nga si Spartan at naging mali ang asal. "Mabuti na lang at malakas ang radar ko. I know kung kailan kailangan mo na ng knight in shining armor." "Aww, ang sweet mo talaga!" paglalambing din naman ni Delilah. Pabebe siyang yumakap at idinikit pa ang pisngi sa dibdib ng kaibigan. "Subuan mo ako ng rice at ulam, ha. Busugin mo ako, mwehehe!" "Siyempre naman. Your wish is my command!" pakikipaglaro din naman ng landian ni Spartan sa kayakap. "Alam mo naman na kapag happy ka, happy din ako!" "I can't believe this!" halos masukang deklarasyon ni Samson habang pinagmamasdan ang harutan ng dalawa. Nang dahil sa panibugho, hindi na siya nakapagtimpi at nag-walkout na lang kaysa naman masaksihan pa ang hindi kaaya-ayang lambingan ng inaakalang magnobyo. "Convincing na ba? Boyfriend material na ba ako?" pabulong na tinanong ni Spartan malapit sa tainga ni Delilah nang masigurong nakalayo na si Samson. Medyo kinilig pa siya dahil sa sweet gesture nito subalit pag-angat ng tingin, naglaho ang pamamag-asa niyang tunay na lalaki nga ito nang makitang nagbe-beautiful eyes na at medyo pumipilantik na ang mga daliri. "Kalurkey! Ang hirap kayang magmukhang tigasin! Akala ko nga, titigas na rin ang aking...ti...tiyan! Ang sakit sa abs at balakang kaya ang magtigas-tigasan! Bwahaha!" humahagikgik na pahayag pa nito kaya dismayadong umikot na lang ang mga mata ni Delilah. "May mga nakakakita pa sa atin! Umayos ka nga!" pinaalalahanan pa niya ito bago pa man mahalatang beki ng mga kamag-aral. "Dali! Kunwari, sweet tayo!" "Ay, oo nga! Halika, Besh! Come to meh!" Inakbayan siya ulit ni Spartan at hinagod-hagod pa ang mahaba niyang buhok. Sweet na sweet with matching kulitan pa silang nagtungo sa may school garden na sikretong pinagtatambayan ni Delilah kapag wala pang klase. Nang makaupo na sa kahoy na silya ay nanatiling nakayapos pa rin si Spartan kay Delilah na abalang hinahalungkat na ang dala niyang pananghalian. Natuwa pa siya nang sabik na kumurot ito sa malutong na balat ng porkchop. Iyon kasi ang ni-request nitong ulam kahapon kaya upang mapasaya ito, ginawa niyang mas espesyal ang pagkakaprito niyon upang maging mala-chicharon. Mas napangiti siya nang malanghap ang floral scent na nagmumula sa buhok ng dalaga kaya pasimple pa niyang inilapit ang ilong sa ulo nito. "Ang bango naman niya," namumula ang mga pisnging naisip pa niya. "Kaamoy ng mga rosas sa garden na inaalagaan ko. Nakaka-relax..." "A...Spartan?" pagtawag na ng kasama sa atensyon niya nang makahalatang hindi pa rin siya bumibitiw sa pagkakayapos. "Hmmm?" "Napapatagal na yata ang pagyakap mo. Don't worry, wala ng makakakita," pahayag nito na biglang nagpamulat sa katotohanang nagpapanggap nga lang sila na magsing-irog. "Ay! Sorry naman, nadala lang ako!" Napabitiw na siya bigla at hiyang-hiya na lumayo kay Delilah. Nabahala pa siya na baka isipin nito na sinasamantala ang pagkakataon na nagkukunwari silang magnobyo. "A-Ano, masarap 'yan!" aligagang pag-iiba na niya ng usapan upang hindi na siya pag-isipan pa ng masama. "Hindi ba, gusto mo subuan pa kita? Halika, Besh, i-baby kita! Ako muna ang yaya mo!" "Kaya ko naman sumubong mag-isa," pakipot na pagtanggi nito sa alok niya. Ganoon pa man ay hindi nito matiis na tanggihan ang pagboboluntaryo ni Spartan na pagsilbihan siya. "Pero sige na nga, ikaw muna ang yaya ko. Subuan mo nga ako!" Dinig ang malakas na tawanan ng magkaibigan kahit na naikukubli pa sila ng hardin. Lingid sa kaalamanan nila, palihim pala sila na minamanmanan ng isa sa mga tauhan ni Samson. Nang makarating ang balita, ramdam niya ang matinding kirot sa puso nang makumpirmang totoo nga na may namamagitan sa dalawa. Kung noon ay nagdududa siyang magkasintahan nga sina Spartan at Delilah, ngayon ay napatunayan na niyang hindi iyon pagkukunwari lamang at nararapat na paghiwalayin sa abot ng kanyang makakaya. "Puputulin ko ang ugnayan nila!" halos mawala sa sarili na pahayag niya habang hinahalungkat sa lumang baul ang isang notebook. Sa unang tingin ay mapagkakamalang ordinaryo at bakanteng kwaderno lamang iyon pero sa mga kauri niya, nalalantad doon ang impormasyon ng lahat ng mga tagasunod. Doon ay inisa-isa niya ang pangalan ng mga kalahi na maaaring makatulong sa problemang kinasasangkutan niya ngayon. Ganoon pa man, isang nilalang pa rin ang naisip niyang mainam na solusyon sa mga suliranin niya... Ang dating yaya na si Boudica... Isang mala-demonyong ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. "Kailangan kong magawan ng paraan na mapasaakin si Delilah!" deklarasyon niya habang unti-unting nagiging pula na ang mga matang kanina-kanina ay kulay amber. "Kahit gamitan ko pa ng itim na kapangyarihan..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD