"Mahal mo na ako?" paniniguro pa ni Spartan habang kumukurap-kurap at nakatingin sa maaliwas na langit kung saan may lumilipad na dalawang kalapati. Maya't maya ay umipot ang isa at saktong tumama sa mahaba at kulot na buhok ni Delilah.
"Ay! Ano ba 'yan?" napatili siya nang makita ang puting dumi na kumapit sa buhok nito. Kinuha niya ang tissue paper atsaka sinimulang punasan ang ipot sa ulo nito. "Ang bad naman ng mga birds, ikaw pa ang ginawang toilet bowl!"
Nang makita ni Samson ang caring gestures ng walang kamuwang-muwang na si Spartan sa babaeng nililigawan niya, kaagad siyang nakaramdam ng selos. Nagmamadali siyang sumugod at hinila si Delilah mula kay Spartan.
"Sino ka? Bakit niyayakap mo ang darling ko?" naniningkit ang mga matang pag-uusisa niya.
"Excuse me!" pagkontra ni Delilah sa pagiging possessive nito. Mabilis niyang sinagi ang kamay ng manliligaw at sinupladahan pa lalo. "Hindi mo ako darling kaya tigil-tigilan mo nga ako!"
Muli ay bumalik siya kay Spartan at yumakap nang mahigpit. Pag-angat ng tingin ay kumindat siya muli bilang senyales na maki-ayon lang ito sa kanya. Imbis na maintindihan ang tunay na pakay niya na magkunwari silang dalawa na magkasintahan, mas maguluhan pa ang binata sa mga pangyayari.
"For your information, may boyfriend na ako! Meet my bebe dinosaur, Spartan Dimatinag."
"Huwat?" napabulalas na ng kayakap sa pahayag nito na hindi na talaga niya ma-gets. Magtatanong pa sana siya pero kinurot na siya nang pino sa likod kaya isang impit na pag-aray ang nagmula sa kanya.
"Aray! Cariño-brutal ka naman e! Chakit!" nakangiwing pagrereklamo niya nang maramdaman ang pagkaipit ng balat.
"G-Girlfriend kita?" nauutal na sinambit naman niya habang lumalakas ang kabog sa puso at namamawis na rin ang kili-kili nang dahil sa stress. "Paano? Kailan? Bakit?"
"Oo! Boyfriend kita! Hindi ba, may breakfast date nga tayo, Babe?" may tono na ng pagbabanta imbis na paglalambing na pinagsabihan niya ang kausap.
"P-Pero..."
"Hindi ba, Babe? May date tayo?" makapanindig-balahibong pag-uulit ni Delilah kaya nangilabot na siya mula ulo hangang paa. Nang dahil sa sindak, wala siyang nagawa kungdi sumunod sa nais nito.
"Oo," medyo labag sa kalooban na sinagot na niya kaya napangisi si Delilah at mas lalong kumapit sa kanya. Hindi man naiintindihan ang tunay na nangyayari, pinili na lang niyang maki-ride on sa anumang binabalak ng kaibigan. "Akala ko kasi, secret! You know, strict parents mo! Ganern! Hahaha!"
"Is this some kind of a joke? Paano mo ako naipagpalit sa isang katulad niya?" hindi makapaniwalang panlalait ni Samson sa inaakalang nobyo nga ng babaeng inaasam. "Magsyota ba talaga kayong dalawa?"
"O-Oo. Ehem, Oo!" pagsusumikap ni Spartan na mas babaan at patigasin ang boses. "Girfriend ko nga siya. Bakit, may problema ba?"
"I am not talking to you!" pasinghal na binara siya ni Samson imbis na kilalaning nobyo nga ng nililigawan. "Si Delilah ang kausap ko kaya shut up, OK?"
Napataas ang isang kilay niya nang dahil sa masamang pakikitungo nito sa kanya. Ngayon ay napagtanto na niya kung bakit inaayawan nga ni Delilah ito. Sa asta pa lang nito na bratty at narcissistic, marahil ay hindi naman din nito itatrato nang maayos ang dalaga. Bihira siyang makaramdam ng inis pero ngayon, kahit ilang minuto pa lang niya itong nakikita ay hindi na niya maiwasang uminit ang ulo.
"Maldito ang bruho!" naisip niya habang nakatingin nang matalas sa nagmamaliit sa kanya. "Dahil diyan, hindi ako makakapayag na guluhin mo pa si beshie ko!"
"Let's go! Ako dapat ang piliin mo! Not someone like him na mukha lang tambay sa kanto!" pagpupumilit pa rin ni Samson.
"Watch your mouth! Kahit na tambay pa, basta nagsusumikap na umasenso at mabuti, mas gugustuhin ko kaysa sa mayaman nga pero mapangmata ng tao!" pagdepensa naman ni Delilah sa naging pagtrato nito sa kaibigan. "'Yan ang isa sa mga ayaw ko sa ugali mo e. Masyadong mataas ang tingin mo sa sarili!"
"Come on, this is just a misunderstanding," panunubok pa rin nitong kumbinsihin ang babaeng inaasam na sumama sa kanya. Gusto naman talaga kasi nito ang dalaga lalo na at magkaestado pa sila sa buhay. Botong-boto rin ang tatay nito dahil mas lalawak ang negosyo nila kapag nagkatuluyan. "Let's talk. Baka naguguluhan ka lang!"
Akmang hihilain pa sana muli ni Samson si Delilah sa braso pero si Spartan na mismo ang sumagi sa kamay nito. Siya rin ay yumakap na sa binibining pinoprotektahan upang ipahiwatig na siya na nga ang tunay na nagmamay-ari sa puso nito.
"Umalis ka na, P're, ginugulo mo ang date namin," malumanay pero may diin ang bawat salita na pinagsabihan na niya ito. "Hindi na nga siya kumportable sa presensya mo. Kung matino kang lalaki, alam mo na ang dapat gawin. Umalis ka na."
Sa sobrang selos ay naihampas ni Samson ang bouquet ng rosas sa mesa, dahilan upang mahulog sa semento at mabasag ang mamahaling mga baso. Hindi pa ito nakuntento sa pagta-tantrums kaya pinagbantaan naman niya si Spartan na nadawit lamang sa problema nila ni Delilah.
"Hindi pa tayo tapos na dalawa," pananakot pa nito. "Babalikan kita at pagsisisihan mo ang araw na inagaw mo si Delilah sa akin!"
"Wala akong inaagaw sa iyo," matapang na tugon naman ng hinahamon.
"At huwag mo akong takutin. Aswang nga, hindi ako masindak-sindak, ikaw pa kaya?" seryosong pahayag nito na naging dahilan upang matauhan na si Samson.
Pailing-iling na tumalikod na siya at naglakad palayo. Ramdam man niya ang pagkabigo sa pag-ibig, mas nanaig ang pagkabahala niya sa mga binitiwang salita ni Spartan. Tila ba nanuot sa espiritu niya ang bawat katagang sinambit ng inaakalang karibal sa puso ni Delilah.
"Spartan Dimatinag," binulong niya habang nakasakay na sa kotse. "Pamilyar ang apelyido niya..."
"Dimatinag...Dimatinag..." paulit-ulit na umalingagngaw sa isipan niya.
Dahil sa pagbabantang ginawa ni Samson kay Spartan, na-guilty tuloy si Delilah sa nagawang pagdawit pa rito sa problema niya. Sising-sisi pa siya dahil wala naman talagang kinalaman ito sa kanya pero ngayon, nadamay pa.
"Sorry," paghingi niya ng dispensa sa kaibigan na mataimtim pa rin na nakatingin kung saan dumaan si Samson. "Hindi ko alam na aabot sa ganito. I'm really, really sorry."
"Wala 'yun, Besh," paniniguro nito kasabay ng paglilinis sa buhok niya na may patak-patak pa rin na ipot ng kalapati. Marahan niyang inisa-isa ang bawat hibla upang masigurong wala ng duming matitira. "Sa ugali ng lalaking iyon, dedepensahan naman talaga kita, ano!"
"P-Pero-"
"Ssshhh, basta akong bahala," pagpapalubag na niya sa loob nito. Ramdam din niya ang pagiging aligaga nito kaya siya na mismo ang nanigurong wala itong dapat ikabahala. "Don't worry! Sabunutan at sampalin ko pa 'yan si Samson kapag ginulo pa tayo!"
Napangiti na si Delilah nang dahil sa mga pahayag nito na puno ng sinseridad at walang bahid ng kahit kaunting inis. Para sa kanya, hulog ng langit ang binata dahil ilang beses na siyang isinasalba nito sa mga hindi kaaya-ayang mga pangyayari.
"Kaya lang, Besh, seryoso ba na magjowa na tayo?" pagtatanong naman nito sa kanya na nakapagpapula sa mga pisngi nang dahil sa sobrang kahihiyan. Ngayon niya napagtanto na naging padalus-dalos nga ang desisyon na magpanggap na girlfriend ni Spartan samantalang malayo na magkaroon sila ng "label". "Hindi pa ako ready, mygash! 'Di ko ma-imagine si self na may jowabels! Kalurkey!"
"Kunwari lang, ano ka ba?" pagbawi na niya sa deklarasyon kanina lamang.
"Kailangan ko lang kasi talagang maitaboy 'yan manliligaw ko na makulit! Binabasted ko nga, e ayaw naman tumigil!"
"Aww, kaya pala. 'Di bale, simula sa araw na ito, supalpal na sa akin ang mayabang na si Samson na 'yan," pagkampi naman sa kanya nito. "Kapag ginulo ka pa niya, bubunutin ko isa-isa ang mga kilay niya para magtanda!"
"Talaga? Ipagtatanggol mo ako?" namimilog ang mga matang pagtatanong niya.
"Oo naman! Pramis!"
Sobra siyang na-touch dahil sa pangakong binitiwan ng kausap. Kusang kumilos ang mga paa niya patungo sa lalaking kinagigiliwan. Muli ay yumakap siya rito at isinandal ang ulo, kung saan naririnig niya ang t***k ng puso ni Spartan. Sa ilang sandali man lang, umasa siya na tunay na lalaki sana ang binata.
Nang maalala kung paano siya nito ipinagtanggol mula sa pamimilit ng manliligaw, hindi niya maiwasang mangarap na sana, kahit kalahating porsyento lamang, hindi naman ito binabae.
Kahit pusong-mamon man ito, naisip niya na sana, may pag-asang umibig pa rin ito sa babae.
"Alam mo, convincing ka kanina," hindi na niya natiis na sabihin ang laman ng kanyang isipan. "Ibang-iba ang aura mo. Akala ko talaga, lalaki ka."
"Grabe ka naman, Besh. Hindi naman ako fake! Lalaki ako, may betlogs nga ako!" patawa-tawang deklarasyon ng kausap habang tinatapik-tapik ang balikat niya.
"Talaga?" pagbibiro naman ni Delilah. "Patingin nga!'
"Che! Ang bruhang ito, balak pa akong silipan!" pakunwaring panunuplado naman nito. "Huwag ganun, uy! Wholesome tayo, hindi SPG!"
Napatawa na si Delilah sa tugon ng kayakap sa kakatwang banat niya. Isa sa mga katangian ni Spartan na nagustuhan niya talaga kahit na noong mga bata pa ay ang pagiging kwela nito at hindi pikon. Parang kahit anong paksa ng usapin o iba't ibang ugali man, kaya nitong sakyan at dalhin. Napatunayan niya na lumipas man ang mga taon, hindi pa rin iyon nagbago kaya sigurado siya na magkakasundo at masayang magkakasama.
"Sana, boyfriend material ka na lang talaga," mataimtim na hiniling niya habang pinagmamasdan ang lalaking inaasam.