Kinabukasan, nagising si Delilah nang maamoy ang masarap na fried rice at pinritong bacon. Dahil sa pagod at stressful na happenings kahapon, kaagad na naramdaman niya ang pagkalam ng sikmura. Pagtingin sa relo ay mag-a-alas-otso na pala. Mabuti na lang at Sabado na dahil kung hindi, paniguradong late na naman siya sa klase.
Mabigat man ang katawan ay nagtungo na siya sa banyo upang ayusin ang sarili. Habang nagsusuklay, napahinto siya bigla nang maalala si Spartan. Magulo pa man ang buhok, dali-dali siyang lumabas ng silid upang kumustahin na ito.
"Naku, nakalimutan ko na siya!" pag-aalala niya. "Hindi pa pala nag-aalmusal!"
"Spartan!" pagtawag niya.
Naabutan niyang bukas ang silid at walang bakas ng kaibigan. Malinis ang paligid at nakatupi pa ang kumot at nakatabi nang maayos ang mga unan. Pumasok siya at sinuri ang kubeta upang siguruhing wala nga roon ang hinahanap. Pumanaog siya at hinalughog ang bawat parte ng bahay pero wala talaga roon ang binata.
"H-Hindi pwede," may pagkabahalang sinambit niya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nalungkot na siya sa pag-aakalang nilisan na siya ni Spartan. Feeling close na kasi siya kaya batid niya na talagang mami-miss ito kapag hindi na nakasama pa. Hindi pa naman niya alam kung saan ang address nito sa Cuh-Piz o Tuk-O kaya mahihirapan siyang mahanap pa ito.
Nang makasalubong ang ate, kaagad niya itong tinanong kung napansin ba ang dating classmate.
"Ate," habol ang hiningang pagtatanong niya kay Barbarella. "Nakita mo ba si Spartan?"
"Ngayong umaga, hindi pa," pagtataka nito lalo na at nakita ang pagkabahala sa ekspresyon ng nakababata. "Bakit?"
"Nawawala kasi e! Wala na siya rito," pigil sa pag-iyak na pagpa-panic niya. "Ate, hanapin natin!"
"Nawawala? E kausap palang namin siya kagabi ni Mommy. Ang saya-saya pa nga ng kuwentuhan namin kaya bakit naman siya aalis ng walang paalam?"
"Kausap niyo kagabi?" may pagkabahalang napabulalas niya. Sa lalim ng tulog niya, hindi niya namalayang nakilatis na ng pihikang nanay si Spartan. Katulad niya, may pagkasuplada rin ang ina kung hindi nito gusto ang ugali ng kausap kaya mas kinabahan siya. "Hala! Baka may nasabi kayong hindi maganda sa kanya! Prangka pa naman si Mommy baka na-hurt ang feelings!"
"Ngi, chika-chika lang kami, bakit naman siya magdadamdam? I-check na nga lang natin sa guard kung lumabas nga."
Halos hindi na niya maramdaman ang mga paa sa tulin ng paglalakad patungo sa guardhouse. Umasa siya na hindi pa sana ito nakakaalis o kaya naman nakakalayo. Subalit, nang tanungin ang bantay sa may gate, sinabi nito na wala naman din daw napansing ibang tao sa bahay na lumabas maliban sa tatay niya.
"Baka tumakas, umakyat ng pader!" aligagang pag-aanalisa pa rin niya. "Patingin nga po ng CCTV, baka ma-trace ko pa kung saan siyang kanto lumusot!"
Dismayado niyang pinanood ang naka-record pero gaya nang sinabi ng guard, tatay nga lang niya ang lumabas sa bahay. Nagkataon na nasira naman ng bagyo ang isang camera kaya hindi nakuhanan ang sa may bandang kanan ng garahe. Malamang, naisip niya, doon dumaan si Spartan.
Nanlulumong bumalik na lang si Delilah sa bahay at tulalang napaupo sa beranda.
"Umalis na siya. Hindi man lang nagpaalam nang maayos," malungkot na binulong niya. Maging si Barbarella ay ramdam ang lungkot ng kapatid kaya dinamayan pa siya.
"'Di bale, pahanap na lang natin siya sa Tuk-O," suhestiyon niya habang tinatapik ang likod ng kapatid upang kumalma na. "Kilala ko naman 'yun anak ng mayor kaya madali natin siyang matutunton."
"Huwag na, hayaan na natin siya," pagtanggi niya dahil para sa kanya, wala naman talagang dahilan upang hanapin pa si Spartan dahil classmate lang naman niya ito dati at nakasama lang ulit kahapon. Nakakahiya rin naman sa parte niya kung hahabulin pa ito samantalang hindi naman niya kaanu-ano talaga.
"Baka ayaw lang talaga niya sa akin..." nangingilid ang luha sa mga matang sinambit niya.
Upang maaliw ang sarili, nagdesisyon na muna siyang magtungo sa hardin upang magpahangin. Habang matamlay na naglalakad-lakad sa bermuda grass, kaagad niyang nalanghap ang fried rice at bacon na nakapagpagising sa kanya kanina. Sinundan niya ang samyo niyon patungo sa likod ng bahay kung nasaan ang swimming pool. Mula roon ay malakas ang tawanan at kuwentuhan ng mga babae na alam niyang nagmumula sa mga kaibigan ng inang si Medusa Catacutan.
"Ang sarap naman nitong fried rice," Dinig niya na pagpuri ng ina. "Bigyan mo pa nga kami, Hijo."
"Heto po," tugon ng isang pamilyar na boses. "Ito rin pong tortang talong with bacon bits, specialty ko 'yan! Kain lang, magluluto pa ako kung kulang."
"Wow naman, ngayon pa lang, pasado ka ng maid!" pagpuri ni Mrs. Catacutan kay Spartan. "Gusto mo bang mag-apply sa amin?"
"Akala ko ba, all-around boy ang hanap mo?" pagkontra ng isa sa mga amiga nito habang sinisimot ang sinangag sa plato.
"Oo nga, hindi ba naghahanap ka ng boy para assistant ng mister mo rito?" pagtatanong naman ng isa pa.
"E maghanap siya ng sariling assistant niya. OK na ako kay Spartan, maid na, boy pa!"
"Maid na, boy pa?" napaisip bigla ang binata kung ano ang ibig sabihin ng ginang sa sinabi nito. Imbis na magtanong ay sumang-ayon na lang siya sa sinabi nito upang maging good impression naman siya sa nanay ni Delilah.
"Ayos po 'yan, Madame! Maid na ako, boy pa, hahaha! Two in one! Man-maid ang peg, pwedeng-pwede! Huwag lang Mer-maid, mapagkamalan akong si Dyesebel, juicekopo!"
Maging ang mga socialite na kaibigan ni Medusa ay natuwa na rin sa pagiging masayahin niya. Sadyang palangiti kasi siya at marunong pang makisama kaya madaling makahawa ng good vibes.
"Kung papayag ka sa alok ko, ikaw na ang magiging kusinero at hardinero rito. Eight thousand a month, restday mo ang Sunday. May SSS, Philhealth benefits. Kapag nagustuhan ko ang trabaho mo sa loob ng anim na buwan, itataas ko ng ten thousand."
"Talaga po?" hindi makapaniwalang napabulalas ni Spartan sa alok ng ginang. Para sa kanya, triple pa ang halagang iyon sa kinikita niya sa pagtitinda sa palengke. Sapat din ang halaga upang makapag-ipon at makapagpatuloy siya ng pag-aaral kaya walang pagdadalawang-isip na pumayag siya.
"Yes na yes, Ma'am! Spartan at your service!" mabilis na pagtanggap na niya sa alok. "Tunog-gigolo na po tuloy ako, bwahaha! Giling pa more! Biro lang Ma'am, good boy po ako! Pramis!"
"Gusto ko talaga ang ugali ng batang ito! Nakakatuwa ka, hahaha!" tuwang-tuwa na pagpuri ni Medusa sa kanya.
Habang pinagmamasdan ni Delilah si Spartan na masayang nakikipagkuwentuhan sa mga ginang, hindi na niya napigil ang sarili na mapangiti. Laking-pasasalamat niya na hindi naman pala ito umalis at mabilis pang nakasundo ang nanay. Mas natuwa siya dahil magiging kasambahay pa nila ang binata at mas matagal pa niyang makakasama.
"Ikaw na ang bahala rito, ha," pagbibilin na ni Medusa kay Spartan. Tumayo na siya at ang mga kaibigan upang magtungo sa charity event na dadaluhan nila. "Pakilinis na lang ang pinagkaininan namin. Pagkatapos, pakiwalisan ang mga nagkalat na dahon sa garden."
"Sureness, Ma'am," tugon nito habang sinisimulan nang ligpitin ang pinagkanan ng amo at mga bisita. "Enjoy the day po!"
Nang makalayo na ang ina, patalon-talon na lumapit siya sa lalaking kinatutuwaan at tinakpan ang mga mata nito.
"Bulaga!"
Nang dahil sa pagkasabik na mapansin ng hinahanap, aksidente niyang nasagi ang baso sa mesa. Mabuti na lamang at mabilis na nasalo ni Spartan ang mamahaling ceramic bago pa man dumapo sa semento. Napasinghap si Delilah dahil sa bilis ng kilos nito na hindi karaniwan sa tao lalo na at wala pang nakikita. Kalmadong ibinalik lang nito ang babasagin na tila ba natural lang ito para sa kanya.
"Wow...amazing..." paghanga pa niya.
"Besh, ikaw pala!" maligayang pagbati nito. "Good morning to the prettiest girl in the wholewide universe!"
"Kanina pa kaya kita hinahanap. Akala ko nga umalis ka na e," pabebeng tugon ni Delilah sa greeting nito habang namimilog ang kulay tsokolate na mga mata. Feel na feel pa niya na tinawag siyang maganda kaya mas lalo siyang nagpa-cute.
"Ganoon ba? Naku, pasensya na at hindi na kita nasabihan kanina na nasa may pool muna ako para i-serve ng makakain sina Ma'am Medusa. Mukha kasing mahimbing ang tulog mo kaya hindi na kita inabala."
"OK lang! Hindi ka na ba nilalagnat?"
"Hindi na. Thank you sa magical sopas mo, ha. Lumakas na ako ulit," masuyong pagpapasalamat nito. "Hindi naman na ako aalis kasi binigyan ako ng trabaho ng Mommy mo. Kaya matagal-tagal pa tayong magkakasama, Besh! I'm so happy! Marami pa tayong bonding moments together!"
Pigil sa kilig na napangiti si Delilah nang marinig na masaya pala si Spartan na magkakasama sila. Nais man niyang magtatalon sa tuwa ay inawat na niya ang sarili at sinikap na huwag magpahalatang masyadong affected.
"Kumain ka na ba?" pagtatanong naman nito na mas nagpakilig sa kanya. "Halika, ipaghahanda rin kita ng maaalmusal."
"Ang sweet-sweet mo naman. Hindi ako tatanggi sa alok mo kasi masarap nga yata ang tortang talong mo," kilig to the bones na nasabi na lang niya habang tinutulungan na rin na magtabi ng maruruming plato at mga baso ang kinagigiliwan.
"Masarap talaga ang tortang talong ko," pagmamalaki naman nito. "Savory and juicilicious! Hahaha!"
"Ang ganda talaga ng morning kapag itong lalaking ito ang bubungad sa akin!" naisip pa ni Delilah habang pinagmamasdan ang ultimate crush. "Ang saya-saya ko kapag kasama ko siya!"
Subalit, ang magandang umaga niya ay biglang masisira nang dahil sa hindi kaaya-ayang tawag.
Nang makita kung sino ang tumatawag sa cellphone, napasimangot na siya at nasira na ang good mood.
Ang nasabing lalaki ay si Samson De Luvio na mag-iisang taon na rin siyang ginugulo. Katulad niya ay nagmula rin ito sa mayamang pamilya kaya maraming babae ang nagkakandarapang magpapansin sa binata.
Mestisuhin man at makisig, hindi niya talaga magustuhan ito at pinakaiiwas-iwasan pa niyang makatagpo dahil saksakan na nga ng yabang, sikat pa bilang playboy.
Ayaw niya itong nakakausap dahil kadalasan ay nababastusan na siya sa pagiging presko nito at feelingerong gwapo. Pogi naman talaga pero may pagka-spoiled brat kaya turn-off talaga sa kanya.
Pinagtitiyagaan lang niya itong pakisamahan alang-alang sa business partnership ng kanilang mga ama. Kung noon ay pinagbibigyan lang niya ang mga pangungulit nito, ngayon ay hindi na niya mapigil ang sariling maalibadbaran. Noong nakaraang mga araw, mas naging desidido itong ligawan siya kaya mas dumoble ang stress niya sa pambabasted dito.
"Hello," pigil sa yamot na pagsagot na niya.
"Hi, darling ko," pagbati nito na mas ikinainis niya.
"Darling? Hoy, i-reserve mo 'yan taguring 'yan sa mga girlfriends mo, huwag sa akin!" panunuplada na ni Delilah. "Umagang-umaga, ako na naman ang naisip mong pagtripan!"
"Kaaga naman, nagsusungit na naman ang honeybunch ko," pakikipagharutan pa rin nito kahit wala ngang kainte-interes sa kanya ang kausap. "Huwag ka nang magalit. I-invite lang naman sana kitang mag-breakfast date. Saan mo ba gusto?"
"Out of town ako," mabilisan na niyang pambabara sa imbitasyon nito na lumabas. "Kaya hindi ako available."
"Hmmm, ang sabi ng guard, nasa loob ka raw."
"E ano naman ngayon?" naaalibadaran ng tugon na niya nang marinig na binabantayan pa pala siya nito. "Kahit out of the planet pa ako, wala ka ng pakialam! At hindi ba, sinabi ko sa iyo dati pa na hindi tayo pwedeng mag-date?"
"Bakit naman hindi tayo pwedeng mag-date? Single ka, single rin ako kaya walang problema. Hangga't wala kang boyfriend o asawa, liligawan pa rin kita."
Napatahimik na si Delilah dahil nauubusan na siya ng dahilan kung paano aayawan ang pag-aya nitong lumabas. Hindi na niya alam kung idadahilan ba na masakit ang puson o nagtatae. Dahil sa desperasyon, gagawin niya ang lahat para tigilan lang siya nito.
"Papunta na nga ako riyan e. Nasa may pool ka, hindi ba?" pagtatanong nito na mas ikinaligalig niya.
Paglingon sa likod, nanlaki ang mga mata niya nang malamang nasa loob na pala ng bakuran si Samson. Nang makitang papalapit na nga ito at may dalang isang bouquet ng red roses, natukso pa siyang tumalon sa pool upang mapagtaguan lang ito.
"OK ka lang ba?" mahinang pagtatanong ni Spartan nang mapansin na namamawis na ng malapot si Delilah at hindi mapakali sa kinaroroonan.
Bigla-bigla ay nagkaroon ng brilliant idea ang dalaga kung paano maitataboy na si Samson. Habang papalapit nang papalapit ang manliligaw, mas umabante pa siya sa kinaroroonan ni Spartan. Bahagya pang nasindak ito nang dahil sa talas ng tingin niya na para bang dadambahin at lalamunin ng buhay ang kaawa-awang biktima.
"B-Besh?" pagtataka na nito sa kakatwang kilos niya. "Alam ko na gutom ka na, pero huwag mo akong kakainin, ha?"
"Relax. Hindi kita kakainin, kakagatin lang kita! Rawr!" nagawa pa niyang magbiro sa makisig na lalaking takot sa ipis at mahilig sa kulay pink.
"Ay, huwag po!" impit na pagtili niya. "Hindi ako yummy!"
Napapikit na lang si Spartan nang akalaing susugurin nga siya ni Delilah at kakagatin. Laking-gulat niya nang imbis na mga ngiping babaon sa balat ang mararamdaman, mainit na yakap at halik sa pisngi pala ang matatanggap.
"Babe!" maligayang pagtawag nito sa kanya kasabay ng pagkindat.
"H-ha? B-Babe?" nauutal na pag-uulit niya. Takang-taka na inobserba niya ang kayakap na nagba-blush pa ang cheeks habang nakakapit sa kanya nang mahigpit. "Babe as in baby?"
"I love you, Babe!" malakas na deklarasyon pa nito kaya mas nagimbal siya sa mga hindi inaasahang salita na nagpapahiwatig ng pag-ibig sa kanya.
"'Luh?" nasambit na lang niya habang nakatitig sa nagniningning na mga mata ng dalaga.