“HI, KATRINA.”
Nginitian ni Katrina si Julia na tumabi sa kanya. Kararating lamang niya sa kanilang classroom. Kaunti pa lang ang mga estudyanteng naroon.
“How are you na?” kaswal na tanong nito habang hinahawakan ang mahabang buhok niya.
“Okay lang,” nakangiting tugon niya. Masaya siya nang araw na iyon dahil nakasagap siya ng balita na papasok na nang tuluyan sa entertainment business ang kanyang Lollipop Boys. Hindi na siya makapaghintay na makita ang mga ito nang madalas sa telebisyon.
“Sigurado ka?” tanong nito.
Nagtatakang napatingin siya rito. “Bakit naman ako hindi magiging okay?”
Umingos ito. “Dahil sa breakup n’yo ni Harvy. Alam mo bang ipinagkalat ni Laureen na sila na ni Harvy habang wala ka? Pero mukhang hindi naman sila dahil hindi lumalapit si Harvy kay Laureen. Totoo bang wala na kayo?”
Nawala ang kanyang ngiti. “Obvious naman na wala na kami, `di ba? Okay lang `yon. Hindi naman talaga kami ang para sa isa’t isa. Nakapag-move on na ako.”
Magaan na ang loob niya sa pagsasabi niyon. Ayaw na niyang pakaisipin masyado ang kabiguang naranasan niya. Maghihilom din nang tuluyan ang mga sugat. She had already started accepting things. Magiging madali na lamang ang lahat.
“Inagaw ni Laureen si Harvy, `no? Halatang sira na ang friendship n’yo. `You want me to help you get even?” Julia flashed her famous “maldita” smile.
Julia was a known mean girl. Ito rin ang itinuturing na “queen” doon dahil sa pagiging sikat at fashionista nito sa buong eskuwelahan.
She had always liked Julia. Mukhang ito rin ay kasundo siya. Hindi siya nakaranas ng pang-aapi mula rito. Hindi sila maituturing na matalik na magkaibigan ngunit naaasahan niya ito tuwing kailangan niya ng tulong. Nang tanungin niya ito kung bakit siya nito kasundo, ang sagot nito ay dahil magaling daw siyang makitungo sa lahat ng uri ng tao. Hindi raw siya mahirap na magustuhan. Higit sa lahat, hindi raw siya baduy at plastic.
“Huwag na. Wala ka namang mapapala,” sabi niya rito. “Tapos na, `no?” Wala na rin namang mangyayari kahit i-bully pa nito si Laureen. May mababago ba sa katotohanang hindi talaga siya ginusto ng lalaking gusto niya? Mas mapapadali ang pagmu-move on niya kung wala nang gantihan.
Hindi na rin niya inalam kung bakit tila nag-iiwasan sina Harvy at Laureen. Siguro ay may natitirang respeto pa ang mga ito sa kanya at hindi ipinapakita sa lahat ang relasyon para sa kapakanan siya. Nagpapasalamat na rin siya sa kaunting respetong iyon.
“Nasaktan ka ba nang husto?” tanong uli ni Julia. She could see that Julia was genuinely concerned. Kahit walang alam ang mga kaklase nila, alam niyang may mga kumakalat na kuwento tungkol sa kanilang tatlo. Bigla na lang kasing hiwalay na sila ni Harvy. Ipinagkalat pa pala ni Laureen na ito na ang bagong girlfriend ng binata.
Hay, bahala na nga sila sa buhay nila. Hindi na ako makikisawsaw sa kanila.
“Okay na `yon. Okay lang na nawala si Harvy. May lima namang pumalit.”
“Ha?” tila nagtatakang sambit ni Julia.
Ipinakita niya rito ang notebook niya na ang nasa cover ay ang Lollipop Boys. “Sila. Sila ang mga bago kong boyfriends.”
Tinitigan nito ang larawan ng limang lalaki sa notebook niya. “Sila `yong nasa commercial, hindi ba?”
“Tumpak! Ang guwapo nila,`di ba? Sila ang mga pinakaguwapong nilalang sa buong mundo. Ang kumontra, papangit nang three lifetimes.”
Tila nandidiring ibinalik nito sa kanya ang notebook niya. “Eeww, Katrina. And I thought you weren’t baduy. Kailan ka pa naging fan girl? Hindi bagay, ha! Mabuti sana kung international commercial model ang mga `yan. May I remind you, you are Miss Prim and Proper.”
“Huwag kang ganyan. Mahalin natin ang sariling atin.” Hinagkan niya ang larawan.
“Katrina! Stop, por favor!” Tila diring-diri ito sa kanya. “Ganyan ba talaga kapag brokenhearted, nagiging baduy? I don’t wanna fall in love,” maarteng sabi nito.
Bahagya siyang nainis. Ang arte-arte nito. Ayaw na ayaw niyang nilalait ang mga lalaking nagpapangiti sa kanya. Walang baduy sa mga ito. Dapat lang hangaan ang mga katulad ng mga ito.
“Itaga mo sa bato, Julia, they will be the shiniest stars in the universe and I’m gonna be their number one fan! In fact, I am already their number one fan!”
“Eeww!” Iniwan na siya nito.
Hindi na niya ito pinansin. Hinaplos niya ang mga mukha ng limang lalaki sa larawan. She smiled. Thank God for Lollipop Boys. Kung wala siguro ang mga ito, nasa bahay pa rin siya at nagmumukmok. Baka matagalan bago niya mabuo ang nawasak na puso niya. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil nagpadala ito ng mga nilalang na magpapangiti sa kanya.
“HARAPIN mo na `yon para matapos na.”
Padabog na tumayo si Katrina mula sa carpet. Napilitan siyang itigil muna ang kanyang pinapanood. Nasa loob siya ng kanyang silid at pinapanood nang paulit-ulit ang kanyang paboritong commercial. Hindi niya alam kung bakit hindi pa rin siya nagsasawang gawin iyon. Tila habang tumatagal ay lalong gumuguwapo sa kanyang paningin ang limang lalaki.
Pinasok siya ng kanyang ama sa kanyang silid upang sabihing nasa ibaba si Harvy at nais siyang makausap. Wala na ang dating amor dito ng kanyang ama. Hindi naman siya nagsumbong dito. Hindi pa rin nito alam kung ano ang nangyari ngunit nakikita nito ang pamumugto ng kanyang mga mata tuwing umaga noon. Hindi mahirap para ditong hulaan na si Harvy ang dahilan ng pag-iyak niya sa gabi.
“Ayoko po siyang kausapin, eh,” nagdadabog na sabi niya. Sasama lamang ang loob niya kapag nakausap niya ito. Mas mabuting magkulong na lang siya roon at makipagtitigan sa limang Prince Charming niya kaysa manariwa ang sugat na nilikha ni Harvy.
“Babain mo na `yon at mag-usap kayo. Lagyan mo na ng tuldok ang lahat para tapos na. Kung ganyan ka nang ganyan, lalong matatagalan ang pagre-recover mo. Hindi ka totally makakapag-move on. Sige na. Babain mo na `yon at baka masapak ko na `yon.”
Napagtanto niyang tama ang kanyang ama. Kailangan na niyang harapin si Harvy. Walang mangyayari kung patuloy niya itong iiwasan.
Hindi niya napigilang mag-ayos nang kaunti bago siya bumaba. Nasa sala ang kanyang bisita. Kaagad na tumayo ito nang makita siyang pababa.
Hindi niya napigilan ang pagtikwas ng isang kilay niya nang mapunang may dala-dala itong isang pumpon ng rosas.
Para saan iyon? Wala katumbas na rosas ang sakit na idinulot nito sa kanya. Kung kailan naman sila nagkasira ay saka siya nito bibigyan ng bulaklak.
Kaagad na inialay nito sa kanya ang mga bulaklak nang makalapit siya rito. Isang dosenang rosas din siguro iyon. Tinanggap niya iyon ngunit basta na lang niya iniitsa iyon sa sofa.
Nakita niya ang pagguhit ng sakit sa mga mata nito pero hindi siya naantig. Hindi siya na-guilty sa ginawa niya. Pasalamat ito at hindi niya sa basurahan iniitsa iyon.
“May kailangan ka?” tanong niya rito sa malamig na tinig.
Saglit na tila nag-atubili ito. Huminga ito nang malalim bago nito nagawang magsalita. “I want to explain, Katrina. Gusto kong ipaliwanag sa `yo ang nangyari sa locker room. Siguro naman ay sapat na ang space at time na ibinigay ko sa `yo. Please, listen to me.” Tila nagmamakaawa pati ang mga mata nito. Nais na niyang maantig ngunit pinigil niya. Sinungaling ito.
She waved her hand dismissively. “What is there to explain, Harvy? Nakita ng dalawang mga mata ko ang lahat. You were kissing my best friend. Worse, siya naman talaga ang gusto mo at hindi ako. Ginamit mo lang ako.”
Sinikap niyang maging malamig ang kanyang tinig. Ayaw niyang lagyan ng emosyon iyon. Nais niyang ipakita rito na wala siyang pakialam dito. Kung ipapakita niya ang galit niya, iisipin nitong masyado siyang apektado sa nangyari. Na masyado siyang nasaktan dahil mahal na mahal niya ito. Baka lalo itong yumabang kapag nalaman nito iyon, and she would never give him the satisfaction.
“Totoong si Laureen ang gusto ko sa simula pero—”
“I don’t wanna hear your explanations,” she cut him off. Masakit pa ring marinig na hindi siya nito gusto. Masakit na dito mismo nanggagaling iyon. Wala itong ideya kung gaano kasakit sa kanya ang nangyari dahil hindi nito alam kung gaano niya ito kamahal.
“Okay na. Tapos na `yon. Wala naman na akong magagawa kung si Laureen talaga ang gusto mo. Hindi ba, ibinigay na kita sa kanya? Wala na akong pakialam sa inyo. Magpakasaya kayo sa piling ng isa’t isa. Huwag n’yo na rin akong pakikialaman.
“Sa isang banda, ano ba tayo, Harvy? Wala naman tayong naging usapan, hindi ba? Hindi mo naman ako girlfriend. Kung tutuusin, wala akong karapatang magalit dahil wala talaga akong pinanghahawakan sa iyo, hindi ba? Hindi mo ako pormal na niligawan. You just kissed me and I presumed that you already loved me. S-stupid me.” Bahagyang nabasag ang kanyang tinig. Nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata ngunit hindi niya hinayaang malaglag ang mga iyon. Hinding-hindi siya iiyak sa harap nito.
“Katrina...” Sinubukan nitong hawakan siya ngunit lumayo siya rito. Sigurado siyang kapag hinawakan siya nito ay tuluyan nang malaglag ang mga luha niya.
“Let’s not make a big deal out of this. The damage has been done. Sinira n’yo ni Laureen ang pagtitiwala ko at hindi na iyon maibabalik pa. You betrayed me. Hindi na natin maibabalik ang dati. Aaminin kong sinaktan n’yo ako. You have no idea how much I am hurting inside. Let me heal, Harvy.”
Yumuko ito. “I’m sorry, Katrina.”
“Leave,” aniya bago niya ito tinalikuran.
Pagpasok niya sa kanyang kuwarto ay dumapa siya sa kama. Kahit anong pigil niya ay napahagulhol pa rin siya. Nanikip na naman ang dibdib niya. Ang sakit-sakit.
Totoo ang mga sinabi niya kay Harvy. Wala siyang karapatan dito dahil hindi naman sila naging pormal na magkasintahan. Nakapanlulumong malaman na wala siyang pinanghahawakan dito. Wala yata siyang karapatang magalit at masaktan. Hindi rin nito kailanman sinabi sa kanya na mahal siya nito. Ang tanging sinabi nito ay “special girl” siya.
She cried and cried. And cried some more.