“GUSTO mo ng lollipop, Ate?”
Matamlay na nginitian ni Katrina si Leon. May nakasubong lollipop sa bibig nito at inaabutan siya nito ng isa. May hawak pa itong isang supot niyon. Siya ang bumili niyon para dito. Reward nito iyon dahil hindi na lumalagpas sa guhit ang pagkukulay nito sa mga drawing books na binili rin niya para dito.
“Sa `yo na lang, Leon. Pero huwag sobra, ha? Huwag mo ring kakalimutang mag-brush ng teeth.”
Tumingin ito sa mukha niya sa halip na sa telebisyon. Nasa sala sila at sinasamahan itong manood ng cartoons.
“Are you okay, Ate?” tanong nito sa seryosong tinig. Tila ito matanda kung magtanong.
Saglit na natigilan siya bago ito niyakap nang mahigpit. Nais na naman niyang umiyak ngunit pinigil niya ang sarili. Ayaw niyang umiyak sa harap nito.
Noong araw na umuwi siyang umiiyak ay matagal na umiyak din ito habang pilit na tinutuyo ang mga luha niya. Paulit-ulit na sinabi nito sa kanya na tumigil na siya sa pag-iyak.
“Ate is okay, Leon,” aniya at hinagkan ang buhok nito. “Ikaw na lang ang best friend ko, ha? Ikaw na lang din ang boyfriend ko. Hindi mo sasaktan si Ate, `di ba?”
Nahiling niyang sana ay naroon ang kanyang ina upang may makaramay siya. Sana ay nasa tabi niya ito upang sabihin sa kanya na magiging maayos ang lahat, na maganda siya at marami pang darating na lalaki sa buhay niya at malalampasan niya ang pinagdaraanan niya ngayon. Nais niyang may yayakap sa kanya tuwing umiiyak siya. Nais niyang marinig mula rito na naroon ito upang maging best friend niya. Ang kaso, palagi itong wala sa bahay. Kung hindi ito abala sa pagsa-shopping o pagpapaganda, nasa casino ito at nagsasayang ng pera.
“I love you, Ate.”
“I love you, too, Leon.”
Kahit paano ay gumaan ang loob niya. She was not alone. She still had her father and brother, who were always there for her. Hindi bale nang nawalan siya ng boyfriend at best friend, may kapatid naman siya na lovable.
Nagpatuloy ito sa panonood. Napatingin siya sa binabasa niyang textbook. Apat na araw na siyang absent sa klase at kailangan niyang magbasa upang hindi siya gaanong mahuli sa mga leksiyon. She couldn’t bring herself to go to school. Hindi pa siya handang kausapin sina Laureen at Harvy. Hindi rin niya inaalam kung masaya na ang dalawa ngayon.
Panay ang tawag ni Harvy sa kanya. Hindi niya ito hinaharap kapag nagkakalakas-loob itong magtungo roon. Nagbilin siya sa mga kasama niya sa bahay na kung tatawag ito ay sabihing wala siya. Kung minamalas at siya ang nakakasagot sa tawag nito, hindi na niya pinapatapos ang pakiusap nitong hayaan niya itong magpaliwanag at pinag-babagsakan ito ng telepono.
Why couldn’t he give her some space? Bakit hindi nito hayaang mawala ang galit niya? Bakit kailangan pa nitong pahirapan siya?
Nananatili pa rin ang galit sa puso niya. Hindi niya alam kung paano niya haharapin ang dalawa pagbalik niya sa eskuwelahan. Matagal-tagal pa bago matapos ang huling taon nila sa high school.
Hindi rin masukat na lungkot ang nadarama niya. She was depressed. Gabi-gabi siyang umiiyak dahil sa nangyari. Her fairy tale turned into a nightmare. Her Prince Charming became a mean ogre and her fairy godmother became a witch.
She was so devastated. Kahit naiinis siya sa kanyang sarili dahil madalas siyang nagpapatalo sa lungkot ay wala siyang magawa. Her first heartbreak was so painful.
Kailan kaya siya makaka-recover? Kailan niya makakalimutan ang lahat at makakabangon sa depresyon? Kailan siya babalik sa eskuwelahan?
Would she ever be okay again?
Napapabuntong-hiningang napatingin siya sa TV screen. Kasalukuyang ipinapalabas ang commercial ng isang lollipop brand. Napatulala siya. May limang lalaki roon na sumasayaw at kumakanta ng jingle ng lollipop commercial. The five boys were all gorgeous.
Hindi niya maipaliwanag kung ano ang eksaktong nangyari sa kanya. Pakiramdam niya ay biglang nag-iba ang ikot ng mundo niya. Unti-unting napangiti siya habang nakatingin sa TV screen. Ang sarap-sarap sa mga mata ng mga lalaki. Ang sarap panoorin ng mga ito.
Dahil commercial lang iyon ay saglit lang ang mga ito sa paningin niya. Matiyagang hinintay niya ang pag-ere uli ng commercial. At nang umere nga uli iyon ay napatulala uli siya. The five boys were really handsome. Sino kaya ang mga ito?
Nang mga sumunod na araw ay halos hindi na siya humiwalay sa TV set nila. Siya lamang yata ang tao sa mundo na inaabangan ang mga commercial sa TV sa halip na ang mismong palabas. Natatagpuan niya ang sariling binibilang ang paglabas ng lollipop commercial. Hindi siya nagsasawa sa pagtingin sa mukha ng limang lalaki. Kahit nai-tape na niya ang commercial ay patuloy pa rin siya sa pag-aabang.
She knew she was being silly but she couldn’t stop herself. Ang limang lalaki ang nagbibigay ng rason sa kanya upang ngumiti. Dahil sa mga ito ay na-divert ang atensiyon niya. Hindi na siya umiiyak sa gabi bago matulog. Nalulungkot pa rin siya tuwing naaalala niya sina Laureen at Harvy ngunit hindi na niya gaanong naiisip ang mga ito.
Nang magbalik siya sa eskuwelahan ay maayos na siya. Hindi niya alintana ang mga kakaibang tingin sa kanya ng mga kaklase niya. Kinausap na ng kanyang ama ang mga guro niya. Pinalabas nitong nagkasakit siya kaya matagal siyang lumiban sa klase. Binigyan na lamang siya ng mga projects upang ma-compensate ang mga absences niya.
Hindi siya nilalapitan nina Laureen at Harvy. Sumama siya sa ibang mga kaibigan niya upang hindi siya gaanong malungkot. May kirot pa rin siyang nadarama tuwing nakakasalubong niya si Harvy ngunit sinisikap niyang bale-walain ito. Makaka-move on din siya pagdating ng araw.
Bata pa siya at marami pang mangyayari sa buhay niya. Sigurado siyang marami pa siyang makikilala. Darating din ang tamang lalaki para sa kanya. Hindi siya dapat magmadali sa pag-ibig, hindi niya dapat sineseryoso ang lahat. Gaya ng sinasabi ng matatanda, baka pagtawanan lang niya ang sarili niya kapag naalala niya ang mga pangyayari pagtanda niya. Inisip na lang niyang parte iyon ng paglago niya. May mga natutuhan siyang leksiyon sa nangyari. Naging mas matatag siya.
Sa ngayon ay kontento muna siya sa pagtitig sa mga bagong lalaking nagpapangiti sa kanya. Fan na fan na talaga siya ng Lollipop Boys. Iyon ang itinatawag niya sa mga ito habang wala pang opisyal na tawag sa mga ito. Hit na hit ang commercial ng mga ito. Marami ang nabighani ng limang lalaki. Hindi kasi nakakasawa ang mukha ng mga ito. Masarap titigan ang mga ito kahit paulit-ulit na pinapanood.