KATRINA thought her life was perfect. Everything was in just as it should be. Palagi siyang masaya at maganda ang mood. Lahat ng nakakakita sa kanya ay nagsasabing lalo siyang gumaganda. Palagi raw may magandang ngiti ang kanyang mga labi.
Napapansin din ng lahat na lalo siyang sinipag sa pag-aaral. Kung ang iba raw na umiibig ay napapa-bayaan ang pag-aaral, siya ay lalong sumipag.
Araw-araw siyang masaya sa piling ni Harvy. Napakalambing nito. Kahit wala silang pormal na usapan, itinuturing na niya itong boyfriend. Lahat yata ng mga taong nakapaligid sa kanila ay magnobyo na ang tingin sa kanila. Paano ay hindi itinatago ni Harvy ang paglalambing nito sa kanya.
Mukhang masaya rin ito sa kanilang relasyon. Hindi niya ito nakikitang tumitingin sa ibang babae.
Habang lumilipas ang mga araw ay lalo siyang napapamahal dito. She was inspired to be the best woman, the best girlfriend for him.
Araw-araw niyang ipinagdarasal na sana ay walang mangyaring masama sa magandang relasyon nila. Nahiling niyang kung may dumating mang pagsubok, sana ay malagpasan nila iyon. Sana ay sila pa rin hanggang sa huli.
Isang araw ay naisip niyang ipag-bake ng cake si Harvy. Pinilit niya ang kanyang ama na turuan siyang mag-bake ng masarap na cake. Kahit may restaurant sila at maituturing na magaling sa kusina ang kanyang ama, wala siyang alam sa kusina. Tamad na tamad siyang matuto noon at hinayaan lang siya ng mga magulang niya.
Matiyagang tinuruan siya ng kanyang ama. Kung tutuusin ay maaari naman siyang magpa-bake na lang dito. Ngunit nais niyang sariling effort niya ang ibibigay niya kay Harvy. Mas mapapahalagahan nito kung paghihirapan niya iyon.
Maaga siyang gumising. Sinikap niyang mag-bake ng edible na cake. Nagtagumpay naman siya nang hindi sumasabog ang kanilang kusina. Kapag talagang determinado ay magagawa ang lahat.
Kahit Sabado ay nagtungo siya sa eskuwelahan. May basketball practice si Harvy at nais niyang sorpresahin ito. Ang sabi niya rito ay aalagaan niya si Leon, ngunit plano talaga niyang sorpresahin ito. Maaari niyang panoorin ito habang nagpa-practice. Half-day lang ang practice kaya maaari pa silang lumabas pagsapit ng hapon.
“Ate, sama,” ungot ni Leon sa kanya nang paalis na siya.
Hinagkan niya ito sa mga labi. “Hindi puwede. May date si Ate with Kuya Harvy. Hindi bale, bibilhan na lang kita ng pasalubong.”
Lumabi ito. “Promise?”
“Promise.”
Umalis na siya. Tila naglalakad siya sa ulap habang patungo siya sa gym ng kanilang eskuwelahan. She was very excited to see Harvy. Kahit magkasama lang sila nang nagdaang araw ay na-miss pa rin niya ito nang husto.
Bahagya siyang nadismaya nang hindi niya makita si Harvy sa gym. Wala ito sa mga naglalaro sa court at wala rin ito sa mga nakaupo sa bleacher na nanonood ng practice game.
Tumingin siya sa paligid. Siya lamang yata ang hindi member ng basketball team na naroon.
Nasaan kaya si Harvy?
Nilapitan niya si Caleb na nakita niyang nakaupo sa bleacher. Pawis na pawis ito at tila katatapos lamang maglaro. Tinapik niya ito sa balikat.
“O, Katrina! Bakit ka nandito?” masayang bati nito.
“Si Harvy?” tanong niya.
Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito. “Hindi mo pa ba kasama? Maagang nagpaalam kay Coach, eh. Ilalabas ka raw sana niya. Ayaw sanang payagan ni Coach pero ang kulit. Naisip naman ni Coach na hindi rin siya makakapag-concentrate sa practice kaya pinayagan na lang. Baka nasa shower pa `yon. Nagpapapogi. Puntahan mo na lang sa locker room namin. `Wag kang mag-alala, wala namang ibang tao ro’n kaya okay lang na pumasok ka.”
“Salamat, Caleb.” Ngiting-ngiting iniwan na niya ito at nagtungo sa locker room.
Pasipul-sipol pa siya bago pumasok doon. Ngunit nahiling niya na sana ay hindi siya pumasok doon nang basta-basta. Pakiramdam niya ay tinamaan siya ng kidlat sa naabutan niyang eksena. Nahulog ang dala niyang kahon na naglalaman ng cake na pinaghirapan niyang i-bake habang nanlalaki ang mga matang nakatingin kina Harvy at Laureen.
Naghahalikan ang mga ito! Nakasandal si Harvy sa locker, walang damit pang-itaas, at namamasa pa ang buhok at katawan.
Marahil ay naramdaman ng mga ito na may tao kaya tumigil ang mga ito at napabaling sa kanya. Namutla ang dalawa. Halos lumuwa ang mga mata ni Harvy, samantalang si Laureen ay napalunok nang sunud-sunod at hindi makatingin nang diretso sa kanya.
Mariing kinagat niya ang ibabang labi niya upang pigilin ang mga luhang nais umalpas mula sa kanyang mga mata. Naikuyom niya ang kanyang mga kamay. Nais niyang kalmutin ang mga mukha ng mga traidor na ito. Maraming masasamang salita na nais niyang ibato sa mga ito ngunit hindi niya alam kung ano ang kanyang uunahin.
Noon lamang siya nakaramdam ng matinding galit sa buong buhay niya. Nais niyang magwala ngunit pakiramdam niya ay nawalan na siya ng lakas. Para siyang bulkan na sasabog anumang sandali.
Nilapitan siya ni Harvy at hinawakan sa braso. “I can explain, Katrina.”
Iwinaksi niya ang kamay nito at sinampal ito nang malakas. Wala siyang nadamang satisfaction sa ginawa niya. Harvy deserved something more. Marahas na pinahid niya ang mga luhang umalpas mula sa kanyang mga mata. Hindi niya bibigyan ang mga ito ng satisfaction na makita siyang umiiyak. Tumalikod na siya bago pa siya tuluyang mapahagulhol sa harap ng mga walanghiyang ito.
Ang dalawa ang kahuli-hulihang taong maiisip niyang gagawa niyon sa kanya. She trusted Laureen. She loved Harvy. It was a double betrayal on her part. Dobleng sakit. Dobleng dagok. Her heart was broken into a million tiny pieces.
Muli siyang hinawakan ni Harvy sa braso. “It’s not what you think it is, Katrina. Let me explain, baby, please,” pagsusumamo nito.
Muli niya itong sinampal. Gigil na gigil siya sa sobrang galit. Bakit hindi na lang siya nito hayaang umalis? Bakit siya nito kailangang lalo pang saktan? He was cruel and heartless. Hindi siya makapaniwalang minahal niya ang isang tulad nito.
“I hate you!” she hissed. Hinihingal na siya sa galit. Pilit na iwinawaksi niya ang kamay nitong nakahawak sa kanya, ngunit hindi siya nito hinayaan. Sa inis niya ay pinagsusuntok niya ito sa dibdib. Hirap na hirap na siyang pigilin ang mga luha niya.
“Hayaan mo na siya, Harvy,” sabi ng pamilyar na malamig na tinig na iyon.
Napatingin siya kay Laureen. Kung hindi siya napigil ni Harvy ay nahablot na niya ang buhok nito. Ang kapal ng mukha ng mang-aagaw na ito! Dahil sa pagpigil sa kanya ni Harvy ay lalong nagsiklab ang galit niya sa mga ito. Hindi niya mapapatawad ang mga ito kahit kailan.
“Huwag kang mag-eskandalo, Katrina,” sabi ni Laureen sa mahinahong tinig. Sa hitsura nito, tila wala itong pinagsisisihan sa nangyari at walang pakialam kung nasasaktan man siya. Tila hindi nito alintanang nasira na ang matagal na pagkakaibigan nila. Pakiramdam niya ay hindi niya kilala ang kanyang kaibigan.
“b***h!” she hissed.
“Hindi ka naman talaga gusto ni Harvy, Katrina. Ako ang talagang gusto niya.”
“Shut up, Laureen!” saway rito ni Harvy. Inakay siya nito palabas ng locker room ngunit nagpatuloy sa pagsasalita ang dating best friend niya.
“Bakit kailangan mong itago sa kanya ang totoo? Nakokonsiyensiya ka? Hindi mo maaming niloko mo siya? Nakipaglapit ka lang naman sa kanya dahil gusto mong makalapit sa `kin, eh. Si Caleb mismo ang nagsabi sa akin ng bagay na `yon. Aminin mo ngayon sa kanya na ang totoong rason ng pakikipaglapit mo sa kanya ay ako. Ako ang talagang gusto mo. Tama na ang lokohan. Maigi na ring nakita na tayo ni Katrina ngayon para matigil na ang lahat.”
Hinarap niya si Harvy. Guilt was written all over his face. “T-totoo b-ba?” tanong niya sa gumagaralgal na tinig. Nais niyang pumalahaw ng iyak. Peke lang pala ang lahat? Hindi niya maaaring panghawakan ang mga iyon dahil nagkukunwari lamang pala ito. Si Laureen talaga ang gusto nito.
Habang hinahagkan pala siya nito ay hindi siya ang nasa isip at puso nito?
“Sagot!” sigaw niya nang hindi ito makasagot.
“Yes, but—”
Sinampal uli niya ito.
“Mahal ko rin siya,” sabi ni Laureen na tila hindi pa kontento sa p*******t na ginawa ng mga ito sa kanya. Ano ba ang gusto nito? “Ipaubaya mo na siya sa `kin. Lagi namang ganoon ang ginagawa mo, hindi ba? Lagi kang nagpapaubaya. Mas kailangan ko siya kaysa sa `yo.”
Hindi siya makapaniwala sa mga naririnig niya mula rito. Si Laureen ba talaga ang nagsasalita? Ito ba talaga ang kaibigang pinagkatiwalaan niya ng ilang taon?
Napangiti siya nang mapait. “Siya lang pala ang magiging dahilan para masira ang pagkakaibigan natin, Laureen,” aniya. Nalulungkot siya. Nasasaktan siya nang husto sa nangyayari sa kanila. Itinulak niya si Harvy patungo rito. “Di sige, sa `yo na siya. `Pakasaya kayo. Isaksak mo siya sa baga mo.”
Mabilis na nilisan niya ang locker room. Sa malalaki at mararahas na hakbang ay umalis siya ng eskuwelahan.
Sinikap niyang huwag humagulhol habang nasa daan siya. Pag-uwi niya ay masayang sinalubong siya ng kapatid niya. Hindi nito hiningi ang ipinangako niyang pasalubong dito. Tila masaya lang ito na umuwi agad siya.
Niyakap niya ito nang napakahigpit. Hindi na niya napigilan ang masaganang pagdaloy ng kanyang mga luha.
Ganoon pala ang pakiramdam ng brokenhearted. Hirap na hirap siya sa paghinga ngunit hindi naman niya mapigilang mapahagulhol. Hindi niya maipaliwanag kung gaano kasakit ang kanyang nararamdaman.
Harvy didn’t love her. Bawat halik, yakap, at lambing nito sa kanya ay hindi totoo. Hindi talaga siya ang gusto nito.
Bakit ganoon ang ginawa nito sa kanya? Kung talagang si Laureen ang gusto nito, maaari naman nitong sabihin sa kanya iyon. Kahit mahirap, magpapaubaya siya. Kung doon magiging masaya sina Harvy at Laureen, hindi siya magiging hadlang sa mga ito. Bakit kailangan pa siyang lokohin? Bakit kailangan pa nitong magsinungaling sa kanya? Bakit kailangan siyang masaktan nang husto? Bakit kailangang paibigin siya nito kung hindi siya nito mahal?
Ano iyon? Trip lang nitong saktan siya? Did he feel a deep satisfaction while he was fooling her? Tama, pinagmukha siyang tanga nito. Malamang ay pinagtatawanan siya nito habang nakatalikod siya dahil sa kabaliwan niya rito sa pag-ibig.
“Ate, tahan na,” sabi ni Leon sa kanya habang pinapahid ng maliit na kamay nito ang mga luha niya. Pati ang kapatid niya ay umiiyak na rin.
Mas hinigpitan niya ang yakap dito. Kahit nais na niyang tumahan ay hindi niya magawa.