“HEY!”
Ang ganda ng ngiti ni Katrina nang tumabi sa kanya si Harvy. Nasa library sila ni Laureen at gumagawa ng project sa Literature.
“Hey,” ganting-bati niya. “Ba’t ka nandito? Akala ko ba, may practice kayo sa basketball?”
“Hindi na ako pumunta. Gusto kong gumawa ng project.”
“Huu! Gusto mo lang akong makasama, eh,” tudyo niya. Siguro ay naging sobrang komportable na siya rito kaya nagagawa na niya itong tuksuhin ng ganoon.
Nitong mga nakaraang araw ay naging mas malapit sila sa isa’t isa. Halos lahat ng vacant periods nila ay magkasama sila. Tila hindi sila nauubusan ng pagkukuwentuhan at pagtatawanan. Minsan ay kasama rin nila si Laureen, ngunit madalas ay lumalayo ang kaibigan niya sa kanya kapag lumalapit na si Harvy. Lihim na nagpapasalamat siya sa kaibigan niya tuwing ginagawa nito iyon. Hindi naman sa ayaw niyang makasama ito o mas matimbang na sa puso niya si Harvy. Nais lang niyang makasama palagi ang binata. Nais niya itong masarili. Mukhang naiintindihan naman siya ng kaibigan niya. Ito ang madalas na tagapakinig ng mga kuwento niya tungkol kay Harvy.
“Yes, I wanna be with you,” ani Harvy sa kaswal na tinig.
Sagad hanggang buto yata ang kilig niya.
Tumikhim si Laureen. “Excuse muna, ha? May kukunin lang akong libro,” paalam nito sa malamig na tinig.
Bago pa man sila makatugon ni Harvy ay nakatayo na ito.
“Your best friend doesn’t like me,” he stated.
“Hindi naman,” tanggi niya. Ang totoo ay napapansin niyang wala ngang masyadong amor si Laureen kay Harvy. Hindi nito gaanong pinapansin ang binata. Tila hindi nito alintana na isang sikat na personalidad sa kanilang eskuwelahan ang binata. Kapag nagkukuwento siya rito ay napakatipid ng mga komento nito.
Naisip na lang niyang ganoon talaga ang kanyang matalik na kaibigan. Wala kasi itong hilig sa crush at kilig. Marami ang nanliligaw rito ngunit hindi nito tinatapunan man lang ng tingin ang mga iyon dahil wala raw itong panahon sa ganoon. Nasa pag-aaral daw ang focus nito.
“She doesn’t like talking to me,” sabi ni Harvy.
“Mahiyain lang siya.”
Pinindot nito ang ilong niya. “Bakit ba ganoon ang best friend mo? Bakit ilag yata siya sa lahat? Ang hirap tuloy niyang lapitan.”
“Ganyan lang `yan sa simula. Mahuhuli mo rin ang kiliti niya kapag nagtagal. Magiging close friends din kayo. Hayaan mo lang siya.”
Kapag naging magnobyo na sila ni Harvy ay walang ibang choice si Laureen kundi ang maging best friend din si Harvy. Magiging malapit din ang dalawa sa isa’t isa.
Araw-araw ay hinihintay niyang magtapat ito sa kanya. Matiyagang hinihintay niya ang panliligaw nito. Wala naman siyang balak pahirapan ito. Sasagutin agad niya ito. Ganoon siya ka-in love dito.
“Tulungan mo ako sa project sa Lit,” hiling nito habang sumisilip sa ginagawa niya.
“Sige, bah,” masayang tugon niya. Natutuwa siya dahil mas makakasama niya ito nang matagal. Sana ay magpatuloy ang magandang samahan nila. Sana talaga ay masabi na niyang kanya ito.
Kailan kaya ito magtatapat sa kanya? Siguro ay hindi ito marunong manligaw dahil laking-Amerika ito. Hindi siguro nito alam kung paano siya liligawan.
Ako na lang kaya ang manligaw?
Ipinilig niya ang kanyang ulo. Hindi puwedeng siya ang gumawa ng unang hakbang. Dalagang Pilipina siya at naniniwala siya sa courtship. Nasa Pilipinas pa rin sila at wala sa Amerika kaya ito ang dapat na manligaw.
Hindi bale, marami pa naman siyang tiyaga. Good things come to those who wait.
NAGULAT si Katrina nang may humawak sa braso niya. Palabas na siya ng eskuwelahan at pauwi na. Ang nakangiting mukha ni Harvy ang nalingunan niya.
Gumanti siya ng ngiti rito. “Hi,” bati niya.
“Nandito ka pa pala sa school. Are you purposely waiting for me?” tanong nito na may bahid ng panunukso sa tinig.
Nag-init ang kanyang mga pisngi. Nag-iwas siya ng tingin. Aaminin niyang sadyang hindi siya umuuwi nang maaga tuwing hapon sa pagbabaka-sakaling magkaroon siya ng pagkakataong makasama ito. Kung anu-ano ang ginagawa niya upang may dahilan siya upang hindi umuwi agad. Alam niya kasing puspusan ang practice ng basketball team ngayon dahil sasali ang mga ito sa isang basketball league.
Kanina ay hindi niya nakita sa paligid si Harvy kaya sumuko na lang siya. Uuwi na sana siya pero bigla itong sumulpot mula sa kung saan.
“Ang kapal nito,” nakaingos na pakli niya. “May ginawa lang ako sa library. Feeling mo naman, ang guwapu-guwapo mo para pag-aksayahan kita ng panahon.” Baka bigla siyang tamaan ng kidlat sa kasinungalingan niya. Alangan naman kasing aminin niya na may gusto siya rito.
“Guwapo naman talaga ako,” halatang nagbibiro na sabi nito. Inakbayan siya nito at naglakad sila patungo sa parking lot. Kahit hindi niya alam kung bakit doon sila patungo ay nagpatianod na lang siya.
She almost sighed dreamily. He smelled heavenly. Mukhang bagong-ligo ito. Hindi na naman mapakali ang puso niya.
“Kung makaakbay ka, parang may karapatan ka, ah,” aniya.
Natawa ito at lalo siyang hinapit patungo rito. “May sundo ka ba ngayon?” tanong nito, sa halip na magkomento sa sinabi niya.
Nanlumo siya. Ganoon na lang ba ito? Aakbay at aakto ito na animo sweet ito sa kanya nang hindi niya nalalaman kung ano ang ibig sabihin ng mga iyon? Palagi itong lumalapit pero wala naman itong sinasabi tungkol sa pagbabago ng kanilang relasyon.
Sabagay, ano nga ba ang nais niyang maging tugon nito? Nais ba niyang hilingin nito na bigyan niya ito ng karapatang umakbay rito?
Baka siya lamang ang nagbibigay-kulay ng lahat. Baka pagkakaibigan lamang ang gusto nito sa kanya. O kaya ay masaya lang ito sa company niya. Marahil ay ganoon lang talaga ang definition ng friendship sa Amerika.
Lalo siyang nanlumo.
“Wala akong sundo,” matamlay na sagot niya. “May lakad kasi si Mama.”
“Come with me.”
“Where?” nagtatakang tanong niya. Hindi pa rin nito inaalis ang braso nito sa balikat niya.
“Our house. Hindi siya house, actually. We live in a condo unit.”
Natigilan siya. Namimilog ang mga matang napatingin siya rito. “Bakit?” Bakit siya nito dadalhin sa bahay ng mga ito? Ano ang gagawin nila roon?
“Para fair. I’ve been to your house and met your family. Gusto ko ring makilala mo ang mom ko.”
Kinabahan siya nang husto. Ipapakilala siya nito sa mommy nito? Bakit?
Kumawala siya sa bisig nito. “Ayoko. Uuwi na ako. Hinihintay na ako ni Leon sa bahay.”
Hindi nito hinayaan na makawala siya. “Ang daya mo talaga. Ayaw mo bang makita kung saan ako nakatira? Natatakot ka ba sa mom ko? Hindi naman siya nangangagat. She’s the nicest mother in the whole world.”
“Eh, Harvy... Ano kasi... kuwan...”
“What?”
“Hindi ako prepared. Hindi ako ready sa ganito.”
Pinagmasdan siya nito sandali. “You look good. You’re still pretty. Hindi ka naman mahiyain, ah. She’s just my mother. `Lika na, masarap magluto si Mom. Pinatikim mo ako ng luto ng papa mo kaya patitikimin din kita ng luto ng mom ko.”
Hinila siya nito patungo sa garahe. Tumigil sila sa harap ng isang magarang motorsiklo. Alam niyang pag-aari nito iyon. Inabutan siya nito ng helmet na tinitigan lamang niya. Dadalhin ba talaga siya nito sa bahay ng mga ito? Nangyayari ba talaga iyon?
Ito na ang nagsuot ng helmet sa kanya. Sumakay na ito sa motorsiklo at binuhay ang makina niyon. Atubiling sumakay siya roon. Napapalunok siya habang inilalagay niya ang mga kamay niya sa mga balikat nito. Muntik na siyang mapasinghap nang hawakan nito ang mga kamay niya at ilagay ang mga iyon paikot sa baywang nito.
“Hold on tight, baby,” anito bago sila umandar.
Mariing ipinikit niya ang kanyang mga mata at napahigpit ang kapit niya sa baywang nito. Iyon ang unang pagkakataong nakasakay siya sa motorsiklo. Kabadung-kabado siya. Ngunit hindi rin nagtagal ang kaba sa dibdib niya. Hindi naman mabilis ang pagpapatakbo nito. Tila ingat na ingat ito upang hindi siya gaanong kabahan. O baka sinasadya nitong hindi magmadali upang mas matagal sila sa ganoong posisyon.
Napangisi siya sa naisip. Kinikilig siya nang husto.
Lalo niyang hinigpitan ang kapit niya rito. Inihilig niya ang kanyang mukha sa likod nito. Ah, heaven. Sana ay malayo pa ang bahay nito upang mas magtagal sila sa ganoong posisyon.
Siyempre ay hindi naman maaaring manatili sila sa ganoong posisyon habang-buhay. Nakarating sila sa isang condominium building.
Hinawakan ni Harvy ang kamay niya at iginiya siya patungo sa elevator. Kahit umaandar na paakyat ang elevator ay hindi pa rin nito pinapakawalan ang kamay niya. Napatingin siya sa magkadaop na mga kamay nila. Kinagat niya ang kanyang ibabang labi upang pigilin ang pagguhit ng isang ngiti sa kanyang mga labi. Pinisil pa nito ang kamay niya. Tila natural na natural dito na magkadaop ang kanilang mga kamay. Halos hindi niya mapigil ang kilig niya.
Nang nasa harap na sila ng unit nito ay bumalik ang kaba niya. Pinigilan niya ito nang akmang bubuksan na nito ang pinto.
Nagtatakang napatingin ito sa kanya. “Will your mother like me?” tanong niya sa nag-aalinlangang tinig.
Natatawang pinisil nito ang ilong niya. “Of course. Who wouldn’t like you? You’re simply lovable, Katrina.”
Sa sinabi nito ay nabawasan ang kabang nadarama niya. Hindi siya dapat nagpapadaig sa kaba at takot. Kaya niyang harapin ang lahat ng uri ng tao. Hindi niya kailangang magpa-impress. Magiging natural siya. Ipapakilala niya ang kanyang tunay na sarili.
“Mom, we’re home,” anunsiyo ni Harvy pagpasok nila sa loob.
Mula sa kung saan ay lumabas ang ina nito. May nakahandang ngiti sa mga labi nito. Mukhang napakabait ng ina nito. Magiliw ang mukha nito at mukhang masayahing tao.
“Hello, kids,” masayang bati ni Mrs. Coulter sa kanila. Nilapitan siya nito at hinagkan sa pisngi. “You must be Katrina.”
Nginitian niya ito nang matamis. She liked his mom already. Ramdam na ramdam niyang makakasundo niya ang kanyang “future mother-in-law.”
“Hello po,” aniya. “Ako nga po si Katrina. Kumusta po kayo?” Natutuwa siya dahil alam nito ang pangalan niya. Ibig sabihin niyon ay naikukuwento siya ni Harvy sa ina nito. Ang isang lalaki ay hindi magkukuwento tungkol sa isang babae kung wala itong special feelings para sa babaeng iyon.
“I’m okay, darling. You are so pretty. I hope my son is taking good care of you. Come here.” Ipinaikot nito ang braso nito sa braso niya.
Halos hindi niya namalayan na halos limot na niya ang presensiya ni Harvy. Nag-enjoy siya nang husto sa pakikipagkuwentuhan sa mama nito. Masayang kausap ang ginang. Natatawa siya sa mga kuwento nito tungkol kay Harvy noong bata pa ito. Natutuwa rin siya dahil tila giliw na giliw ito sa kanya.
Nagkuwento rin siya tungkol sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya. Hindi nga niya mapaniwalaan na nagkasundo agad sila. Komportableng-komportable na sila sa isa’t isa kahit kakikilala pa lang nila.
Tinulungan niya ito sa pag-aayos ng mesa. Nagkuwento siya tungkol sa kanilang restaurant habang ginagawa nila iyon. Mahilig daw talaga itong magluto ngunit isang department store ang ipinapatayo nitong negosyo, kasosyo ang isang kaibigan nito.
Habang kumakain ay hindi pa rin sila maubusan ng kuwento. Marami silang pinagkakasunduan ng ginang, mula sa brands ng damit at sapatos hanggang sa mga librong binabasa. Puno ng tawanan ang kanilang naging hapunan.
“I’ve always wanted a daughter,” Harvy’s mother said wishfully. Inabot nito ang kamay niya at pinisil iyon. Pakiramdam niya ay sinasabi nitong siya ang nais nitong maging anak na babae.
Nais na naman niyang mamilipit sa kilig. Everything was going her way.
Normal bang nakukuha niya ang lahat? Normal bang walang sakit, pait, o komplikasyong kaakibat ang pag-ibig na nadarama niya? Hindi ba lahat ng kuwento ay may conflict? Hindi ba at minsan ay hindi nakikiayon ang tadhana sa mga nais ng umiibig?
Siguro ay sadyang masuwerte siya. Bakit ba siya naghahanap ng sakit at komplikasyon? Nais ba niyang pahirapan pa ang kanyang sarili? Dapat ay maging masaya na lang siya sa magandang nangyayari sa kanya at magpasalamat sa Diyos dahil hindi siya gaanong nahihirapan.