"REJ, baby—" '"Baby' ka diyan," sabi ni Regine kay Rajed habang nakatingin dito nang masama. Kung hindi lang niya iniisip na makita sila ng mga natitirang bisita ay baka hinila na niya ang boyfriend papunta sa kuwarto para mailabas niya ang lahat ng gusto niyang sabihin. Umupo siya sa tabi nito. "Ano'ng ginawa ko?" Ngumiti ito at pinaamo pa ang hitsura. "Nagtiis na nga akong hindi ka lapitan at batiin kahit kanina ko pa gustong gawin 'yon, 'tapos heto ka, kinakausap mo nga ako, may pangil ka naman." "Huwag mo akong daanin sa ngiti, naiinis ako sa 'yo. 'Pag hindi ako nakapagtimpi, hihilahin ko'ng buhok mo," naniningkit ang mga matang banta niya. Tumawa nang malakas si Rajed na lalo niyang ikinainis. Nakuyom niya ang mga kamay. Mayamaya ay tumigil din ito sa pagtawa. Napansin yata niton

