MARIA’s POV
Nakatambay ako sa isang coffee shop sa harap ng kilalang agency. Nag-aantay ako ng artista na lalabas doon para sundan pero mahigit isang oras na ako rito pero wala pa ring lumalabas.
“Can I take your order now?” tanong nang waitress dito.
“Water na lang muna. Hindi pa kasi dumadating ‘yong kasama ko,” nahihiya kong sabi. Kanina pa kasi ito tanong nang tanong sa ’kin. Water lang kasi ang afford ko sa coffee shop na ito dahil ang mamahal ng paninda nila.
“Kanina ka pa rito pero nakaka-apat na tubig ka na pero wala pa rin ‘yong kasama mo. Oorder ka ba o ipapakaladkad kita sa guard?” masungit nitong sabi. Napalunok naman ako sa sarili kong laway dahil sa sinabi nito. Gano’n na pala karami ang naiinom ko.
“Ito na nga eh.” Kinuha ko ‘yong menu na hawak niya, “isang iced amerikano at isang mango cheesecake,” sabi ko rito at ibinalik sa kan’ya ‘yong menu. Umirap pa ito bago pumasok sa loob. Napakamot na lang tuloy ako sa ulo ko habang tinitingnan ‘yong pera sa wallet ko buti na lang talaga at hindi ko pa nagagastos ‘yong suweldo ko.
“Nabawasan pa ‘yong panghanda ni Vincent sa lunes,” mahina kong sabi. Si Vincent ay isang orphan sa bahay ampunan na kinalakihan ko. Special child ito at birthday na niya sa lunes.
Maya-maya pa ay dumating na rin 'yong order ko at binayaran ko na ‘to kaagad, baka kasi makalimutan kong bayaran kapag may lumabas na artista sa agency.
Napatigil ako sa pagnguya ng pagkain ko nang may tumawag sa cellphone ko. Videocall request ito galing kay Ella.
Pinindot ko ang answer. “Hi Ella, bakit ka napatawag?” tanong ko rito.
“Namimiss kana ng inaanak mo at tawagan na raw kita,” sabi nito. Maya-maya pa ay nawala si Ella sa screen at pumalit si Eya sa screen.
“Hello Ninang Ria!” masaya nitong sabi at kumaway pa. Kinawayan ko rin ito at nagkiss sa screen.
“Hello Eya! Namimiss mo na ang ninang? Miss na rin kita,” sabi ko rito. Bigla na lang nawala si Eya sa screen pero makikita mo ito na parang tumatakbo sa kung saan. Narinig ko pang sinasaway ito ni Ella.
Maya-maya pa ay nakita ko si Eya at ipinapakita nito ‘yong mga stuff toy na regalo ko sa kan’ya. “Look ninang, inayos ko po ‘yong mga gift po na bigay niyo sa ’kin. Sabi po kasi ni mommy ay alagaan ko daw po ito at ‘wag iwawala kasi bigay mo po ‘to,” sabi nito habang pinapakita niya ‘yong mga stuff toy.
“Bait naman ng bebe namin. Sa susunod bebe bibigyan kita ulit ‘yong malaking-malaki teddy bear.” Nanlaki ang mga mata nito dahil sa sinabi ko.
“Talaga po ninang? Yehey! Miss you ninang kausapin kana daw po ni mama.” Humalik ito sa screen bago siya nawala at pumalit ang kan’yang ina.
“Nako, spoiled na spoiled na iyong bata na ‘yon sa 'yo Ria. Tumawag talaga ‘yon para magpabili ng laruan dahil pinagbawalan na namin ni Clifford bumili ng bago,” saad nito.
“Bakit naman? May ginawa bang kasalanan?” uminom ako sa iced amerikano na tunaw na ang yelo. Kinalog-kalog ko pa ito para malasahan ‘yong kape.
“Paano ba naman kapag hindi mo nabili ‘yong gusto niya ay magdadabog tapos itatapon sa kung saan-saan ‘yong mga laruan niya kaya nagalit ang tatay.” Natawa ako sa sinabi nito. May pagkamaldita kasi si Eya dahil siya pa lang ang nag-iisang anak ni Ella at Clifford.
“Sundan mo na kasi para may kalaro d’yan sa condo niyo. Bakit kasi d’yan pa kayo tumira walang masyadong bata,” saad ko.
“Ayoko muna sundan si Eya be, isang bata pa lang na ii-stress na ako paano pa kaya kung dalawa na. Tsaka sinabihan ko na rin si Clifford na lumipat kami malapit d’yan sa inyo para naman nakakasama pa rin kita,” malungkot nitong sabi. Medyo matagal na rin pala noong huli kaming nagsama dahil medyo malayo ang tinitirahan nila.
“Ano kaba, papahirapan mo pa asawa mo sa pagpasok sa trabaho kung dito kayo titira.” Kumuha ako ng maliit na cheesecake at kinain ito.
“Ano iyang kinakain mo bakla? Teka nasa labas ka na naman ba at nagiistalk?” tanong nito.
“Oo be, kailangan kong makahanap ng magandang balita dahil kung hindi mawawalan ako ng trabaho,” sabi ko dito at ikinuwento sa kan’ya ang lahat.
“Grabe naman pala ‘yang boss mo. Hindi ka na lang tanggalin at pinahirapan ka pa!” sigaw nito sa kabilang linya. Natatawa akong uminom ng water amerikano ko dahil tunaw na ang yelo nito at mas nalalasahan ko ‘yong tubig kaisa sa kape.
“’Yaan mo na be, maghahanap na lang ako ng puwedeng maistalk ngayon kahit abutin man ako ng gabi dito,” saad ko.
“Ay oo nga pala. First week next month ay magkakaroon ng isang party sa La Silla Resort. Nakalimutan ko kung sino may-ari pero imbitado lahat ng artista at mga negosyante doon. Si Cliff kasi ang ipapadala ng companya nila roon baka roon ka makahanap ng balita na magbibigay sa 'yo ng maraming viewers.” Napaisip ako sa sinabi nito. La Silla familiar sa ’kin ang pangalan.
“La Silla? Ito ba ‘yong pagmamay-ari ni Samuel Silla? ‘Yong babaerong artista?” tanong ko rito.
“Oo siya nga! Samuel pala ang pangalan non akala ko Simeon. Try mo kayang pumunta roon,” saad nito. Napaisip naman ako sa sinabi niya.
“Sige titingnan ko kung invited ba kami roon,” sabi ko rito. Inubos ko na ‘yong pagkain ko.
“Sige na bye. Maghahanda pa ako ng hapunan namin dahil maya-maya ay nandito na si Cliff. Ingat ka Ria. I love you,” sabi ni Ella. Tumango lang ako at hindi na sumagot at mabilis na pinatay ang tawag.
Nag-antay pa ako ng ilang oras hanggang sa magsara na ‘yong coffee shop kaya napilitan ako na pumuwesto sa iba. Sakay ng aking scotter ay naglibot-libot ako sa mga agency at company ng mga artista pero sadyang minamalas ako ngayon dahil wala akong artista na nakita.
Umuwi ako sa apartment ko bitbit ang isang supot ng kanin at hotdog na nabili ko sa karinderya sa baba. Kailangan kong magtipid dahil nasa limang daan din ang nagastos ko ngayong araw. Hindi na ako dumaan sa office dahil alam ko naman na ayaw akong makita ni panot kaya dumiretsyo na lang ako sa bahay.
Pagdating ko sa loob ay binuksan ko kaagad ang ilaw at dumiretsyo sa kusina para ilagay doon ang mga binili ko. Maliit lang ang kwarto ko rito, tama lang para sa isang tao.
Humiga ako saglit sa kama at tumitig sa kisame. Iniisip ko kung anong mangyayari sa ’kin kapag nawalan ako ng trabaho.
“Marami pa namang trabaho d’yan na p’wedeng applyan,” sagot ko sa kawalan.
‘Paano naman kong hindi ka kaagad natanggap?’ segunda ng aking isipan.
“Self, isipin natin na nangyayari lahat ng ito dahil plano ito ni God. Hindi naman niya tayo bibigyan ng problema kung hindi nating ito maayos,” pagpapagaan ko sa aking kalooban. Bumangon na ako sa kama at naghanda ng kakainin ko. Maaga pa ako gigising bukas para maghanap ng maiistalk.
Third person Pov
Sa isang mamahaling restaurant na tanging mayayaman lang ang nakakapasok. Sa isang lamesa na nasa gitna ay isang lagapak na sampal ang sumalubong sa kasama nitong lalaki.
“How dare you to break it up with me!” sigaw ng magandang dalaga sa kan’yang kausap.
Nagsi-tinginan ang mga tao roon dahil sa sigaw nito. Nakatayo ang dalaga habang ang kaharap nito ay prenteng nakaupo habang pinupunasan ang kan’yang labi.
“Accept it Sara. You’re just a fling. ‘Di ba naipaliwanag ko na sa’yo noon kung ano ‘tong pinasok mo,” kalmado nitong sabi. Ang kan’yang kausap ay nang gagalaiti na sa galit. Hinawakan nito ang wine glass at akmang ibubuhos sa babae pero isang lalaki ang pumigil sa kamay nito.
“Enough Miss Sara, pinapahiya mo lang ang sarili mo,” saad ng binata. Ito ang secretary ng lalaking sinampal ng dalaga.
“Bitawan mo ko Israel! Ibubuhos ko ito sa amo mo para naman malaman niya ang sakit na nararamdaman ko!” sigaw ng dalaga. Tumigil ang tugtugin na kanina ay lang ay tumutugtog. Ang mga tao ay nanahimik pero isang tawa ang nangibabaw sa katahimikan na ito.
“Really Sara? Nararamdaman mo? Alam ko naman na ginagamit mo lang ako para makuha lahat ng gusto mo,” seryosong sabi ng binata. Binitawan ni Israel ang kamay ng dalaga at ibinigay dito ang isang malaking kahon. “Take it and leave. I don’t want to see you anymore,” saad nito.
Binuksan ng dalaga ang kahon at ang nasa loob nito ay iba’t-ibang mamahaling gamit galing sa kompanya ng binata. May isang black credit card din doon at alahas.
“Okay, bye Lucas.” Ang kaninang galit na boses ng dalaga ay napalitan ng isang malandi at nangaakit na boses. Bitbit ang box ay lumabas na ang dalaga sa lugar na iyon.
Napansin nang binata ang mga matang nakatutok sa kan’ya.
“The show is over everyone, you can now go back to your businesses,” saad ng binata. Bumalik ang tugtugin at ang mga tao sa kanilang mga ginagawa.
“Boss okay lang ba kayo?” tanong ni Israel sa kanyang amo.
“Ang sakit manampal nang babae na ‘yon. Pati ba kamay niya pinagawa niya?” hinimas-himas ng binata ang kan’yang pisngi.
“Ano ba naman kasi sinabi mo roon at nagalit bigla?” umupo sa may upuan si Israel. “Please give us a pack of ice,” saad ni Isarel sa waitress na dumaan.
“Okay sir,” sabi nito.
“Ang sabi ko lang naman sa kan’ya ang pangit niya umungol kaya break na kami.” Hindi makapaniwala si Israel dahil sa sinabi ng kan’yang amo. Nang dumating ang ice ay kaagad niya itong binalot sa table napkin at inabot kay Lucas.
“Ilagay mo ‘to sa pisngi mo at ubusin mo na ‘yang kinakain mo sayang ‘yan,” sabi ni Israel. Tahimik naman na sumunod ang kan’yang amo.
Matapos nitong kumain ay binayaran na nila ito at umalis na sa lugar na iyon. Sakay ng sasakyan ay tahimik lang sila. Nakatingin sa labas ang kan’yang amo na tila may iniisip. Ilang beses na ba ito nangyari. Hindi lang naman ito ang unang beses na nangyari ito. Simula nang umasenso ang negosyo ni Lucas ay nagsimula na rin itong makipag-fling sa mga kilala at mayaman na babae na ang habol din ay ang isang tulad ni Lucas na mayaman.
Laki sa hirap ang pamilya ni Lucas pero hindi ito naging hadlang para maabot niya ang lahat ng tinatamasa niya ngayon. Ilang part-time job ang pinasukan nito para lang may ipangtutos siya sa college niya at ganoon din sa dalawa niyang nakakabatang kapatid. Ilang tao,bahay at kompanya ang kinatok niya para makakuha ng investor sa kan’yang negosyo. Tiniis niya ang pagod, pawis at gutom sa araw-araw na buhay. Buti na lang at may isang tao ang tumulong sa kan’ya para maabot ito. Ang babaeng bumihag sa puso ng isang Lucas Lopez pero sa bandang huli iniwan niya lang ito para magpakasal sa ibang lalaki.
“Boss narecieve mo na raw ba ‘yong invitation na sinend sa’yo ni Mr. Silla?” tanong ng sekretarya ni Lucas.
Napaisip si Lucas sa sinabi nito, “Anong invitation?” tanong ni Lucas dito.
“Tungkol sa homecoming party ng parents niya next month.” Hindi sumagot si Lucas pero kinuha nito ang kan’yang cellphone at tiningnan kung may update ba sa social media nito.
“Sino ba ang mga invited?” tanong ni Lucas.
“Wala pang final list dahil inaantay pa raw nila ‘yong confirmation sa iba nilang guest,” sagot nito.
“Pero sa tingin mo, sino ang iinvite nang loko-loko na ‘yon?” Sa tono ng boses nito ay may inaantay itong tao.
“Mostly artista po yata dahil artista si Sir Silla, puwede rin and model dahil alam naman po natin na babaero rin ‘yon. Tsaka siguro mga businessman din ay iinvite niya.” Napatango-tango si Lucas sa sinabi nito.
‘Sana nandoon ka,’ umaasa ito sa kan'yang isip.