“GOOD afternoon, Tita,” bati ni Adrian sa tiyahin na naratnan niyang abala sa pagsu-supervise sa mga waiters at waitresses ng restaurant nito.
Nakangiting sinalubong siya nito. Hinagkan siya nito sa pisngi at napangiti ito nang mapansin ang mga bulaklak na hawak niya. “Para sa akin ba 'yan?
Umiling siya. “No, Tita. I’m sorry. Pero pangako, ibibili rin kita ng mga bulaklak mamaya.”
Nangunot ang noo nito. “Para kanino 'yan? May nililigawan ka na ba? Bakit wala ka yatang naikukuwento sa akin tungkol diyan?”
Sasagot sana siya pero namataan niya si Jenny na kababalik lang sa counter. “Sandali lang po, Tita,” paalam niya. Nilampasan niya ito at nilapitan si Jenny. “Nasaan si Jamelia?” tanong niya rito.
Nagtatakang tiningnan siya nito. “Nasa bahay po siguro siya. Ba—”
“Bakit mo hinahanap ang kapatid ni Jenny?” sabad ng kanyang Tita Vera.
“Pakibigay naman nito sa kapatid mo,” sabi niya kay Jenny. Iniabot niya rito ang mga bulaklaak. “Pakisabi kay Jamelia, pasensiya na siya sa nangyari noong anniversary ng plantasyon,” dagdag pa niya.
Tumango ito. “Oho. Pero sana ho, hindi na kayo nag-abala. Wala na ho iyon kay Jamelia.”
“Nahihiya kasi ako sa kanya. Basta pakibigay na lang iyan sa kanya, ha?” aniya rito bago binalingan ang kanyang tiyahin. “Tita, gusto kong mabasa mo iyong business proposal ni Mr. Cheng. Tulungan mo akong magdesisyon kung tatanggapin ko ang offer niya o hindi.” Nagpatiuna na siya sa pagtungo sa pribadong opisina ng tita niya. Sumunod ito sa kanya.
“Para saan ang mga bulaklak na iyon?” tanong nito pagpasok nila sa pinto.
“Wala ho iyon, gusto ko lang humingi ng apology sa kapatid ni Jenny dahil sa nangyari sa kanila ni Angelie sa party.”
Kumunot ang noo nito. “Bakit, ano ba’ng nangyari?”
“Just a small accident. Biglang binuksan ni Angelie ang pinto at tinamaan ang ulo ni Jamelia. Hindi humingi ng paumanhin si Angelie at tinawag pa niyang ‘tanga’ ang kapatid ni Jenny. Nakaka-offend ang ginawa niya.”
Umiling ito. “Hindi pala talaga maganda ang ugali ng babaeng iyon. Kung kumilos at magsalita siya ay parang wala siyang pinag-aralan.”
Hindi siya sumagot. Alam nito na noon pa man ay ganoon na ang tingin niya kay Angelie.
“Pero bakit ikaw ang humihingi ng apology kay Jamelia? Dapat ay si Angelie ang gumawa niyon.”
“Alam nating imposible niyang gawin iyon. At dahil bisita ko siya noon, ako na lang ang humingi ng dispensa para sa kanya. Wala naman sigurong masama sa naisip kong gawin.”
Tumango ito at umupo sa likod ng mesa.
“Anyway, forget about that, Tita. Heto ang business proposal ni Mr. Cheng.” Iniabot niya rito ang folder na dala niya at saka siya umupo sa harap nito.
Masusing binasa nito ang mga nakasaad sa proposal. Tahimik lang siyang nakatingin dito habang hinihintay ang magiging opinyon ng tiyahin. Pagkalipas ng ilang minuto ay isinara nito ang folder at hinubad ang suot na eyeglasses at tiningnan siya.
“So? What do you think?” he asked.
Nagkibit-balikat ito. “Well, not bad. Maganda ang proposal nila pero siyempre, nasa iyo pa rin ang desisyon. Malaking pera ang involved diyan kaya ayokong pangunahan ka sa pagdedesisyon. Baka kapag nalugi ka, ako pa ang sisihin mo.”
Napatango-tango siya. “Okay. Magre-research na lang muna siguro ako kung okay bang pasukin ang ganitong business.”
“Magandang pasukin ang steel business. Kaya lang, hindi mo masyadong kilala ang mga magiging partners mo. Alam mong mahirap magtiwala sa panahong ito. Maraming manloloko riyan. Maganda ang approach, iyon pala plano lang itakbo ang perang in-invest mo.”
May punto ito. Dapat nga muna niyang pag-aralang mabuti ang papasukin niyang negosyo. Mayamaya ay tumayo siya. “Thanks for your advice, Tita. Pag-iisipan ko itong mabuti. Pasensiya na sa abala. Hindi na kita nahintay na umuwi sa bahay kasi may lakad kami mamaya ng mga kaibigan ko.”
“No problem, hijo.”
“Aalis na rin ho ako.” Nilapitan niya ito at hinagkan ito sa pisngi. Kinuha niya ang folder at tinalikuran na niya ito. Nasa pintuan na siya nang tawagin uli siya nito.
“Talaga bang paghingi lang ng apology ang dahilan ng pagpapadala mo ng bulaklak sa kapatid ni Jenny?”
“Bakit, Tita? Ano ho ba’ng iniisip ninyo?”
Ngumiti ito. “Akala ko kasi, sa wakas ay bubuksan mo na uli ang puso mo.”
Napangiti siya sa narinig. “Bakit mo naman naisip ang bagay na iyon?”
Nagkibit-balikat ito. “Maganda kasi ang kapatid ni Jenny. Simple, maganda, mukhang matalino at mabait. Bagay kayong dalawa.”
“You’re right, Tita. Dalawang beses ko pa lang siyang nakita pero masasabi ko nang hindi siya mahirap magustuhan. She's really nice. Pero wala pa sa isip ko `yong gusto ninyong mangyari, may kailangan pa akong pagtuunan ng pansin," aniya na itinaas pa ang folder na hawak niya. "Sige ho, aalis na ako.”
NAPATINGIN si Jamelia sa suot niyang relo habang naghihintay ng masasakyang tricycle. Ilang sandali pa ay may dumaan nang tricycle. Pinara niya iyon. “Sa Elegant Dress Shop po, Manong,” aniya sa may-edad na driver nang hintuan siya nito.
Pupunta siya sa dress shop para kunin ang isusuot niyang gown sa kasal ni Aileen sa Lunes. Pinakiusapan rin siya ni Linda na siya na lang ang kumuha ng kanilang mga gown dahil may importante daw itong gagawin. Dadalhin niya iyon sa bahay nito dahil may usapan din silang aalis kinahapunan para maghanap ng regalo para sa ikakasal nilang kaibigan.
Ilang sandali pa ay huminto na ang tricycle na sinasakyan niya sa tapat ng Elegant Dress Shop. Pagkatapos magbayad sa driver ay bumaba na siya ng tricycle at pumasok sa loob ng shop. Natigilan siya sa pintuan nang makita ang lalaking nasa loob niyon.
“Jamelia,” nakangiting sabi sa kanya ni Adrian nang makita siya nito.
“Sir Adrian...” Biglang bumilis ang t***k ng kanyang puso.
Magsasalita sana ito pero lumapit dito ang may-ari ng shop. “Mr. Benitez, heto na po ang damit na ipinagawa ni Miss Vera,” sabi nito. Iniabot nito kay Adrian ang dala nitong paper bag saka siya binalingan nito. “Yes, Ma’am?”
“Kukunin ko na ho iyong gown namin n’ong kaibigan ko,” hindi mapakaling sagot niya. Dama niyang nakatutok ang mga mata ni Adrian sa kanya.
“Ano’ng pangalan ninyo?” tanong ng babae.
“Jamelia Salazar po at Linda Milan,” sagot uli niya.
“Ah, kayo iyong mga abay sa kasal nina Aileen at Brian” agad na sabi ng babae. “Sandali lang.”
“Mag-aabay ka sa kasal nina Brian?” tanong sa kanya ni Adrian nang wala na ang may-ari ng shop.
Tiningnan niya ito. “Ha? O-oo,” sagot niya. “Kaibigan ko kasi si Aileen. Pero hindi ko pa nami-meet ang groom niya.”
“Really? Second cousin ko kasi si Brian. Bukas pa siya darating. Busy kasi siya sa trabaho niya sa Maynila kaya nga ang mga magulang na lang nila ni Aileen ang nagmadaling isa-ayos ang kasal nila, eh.”
Ngumiti siya. “Talaga? Ang liit talaga ng mundo.”
“I don’t think so. Kasi, kung maliit lang ang mundo, sana noon pa tayo nagkakilala, 'di ba? Sa isang bayan na nga lang tayo nakatira, hindi pa tayo nagkikita.”
Uminit ang kanyang mukha. Naiilang siya sa mga tingin nito. “So, naroon ka sa kasal nila sa Monday?” tanong niya. Gusto niyang batukan ang kanyang sarili. Napakaestupida ng tanong niya. Wala kasi siyang ibang maisip na sabihin.
“Definitely,” he said.
Naputol ang pag-uusap nila nang bumalik ang may-ari ng dress shop at iniabot nito sa kanya ang paper bag na pinaglagyan nito ng mga gowns nila ni Linda. Kapagkuwan ay magkasabay silang lumabas ni Adrian ng shop.
“Can I invite you out?”
Tiningnan niya ito.
“Okay lang ba kung samahan mo akong mag-merienda?”
“Ha?” Tiningnan niya ang oras sa kanyang relo. “Sir, kasi ho, may usapan kami ng kaibigan ko ngayong alas-kuwatro ng hapon. Sorry ho. Gusto ko ho sana kayong samahan pero hinihintay na po ako ni Linda sa bahay nila.”
“Ganoon ba? Di ihahatid na lang kita sa bahay ng kaibigan mo.”
“Naku huwag na ho, nakakahiya naman sa inyo.”
“Okay lang. Wala naman akong lakad. Halika na.”
Tatanggi pa sana siya pero hinawakan na siya nito sa braso at iginiya patungo sa kinapaparadahan ng sasakyan nito. Ipinagbukas siya nito ng pinto sa passenger’s seat at inalalayan sa pagsakay. Pagkasara nito ng pinto ay umikot ito sa kabila at sumakay sa driver’s seat. Itinanong nito kung saan nakatira ang kaibigan niya bago nito pinaandar ang makina ng kotse.
“'Di ba galing ka noon sa bahay ng kaibigan mo noong unang beses magkita tayo?” pagbubukas nito ng usapan habang bumibiyahe sila.
"Oo," tipid niyang sagot.
“Bakit ka ba nagpagabi sa lugar na iyon? Alam mo naman sigurong bihira na ang sasakyan doon sa ganoong oras at delikado roon.”
“Hindi ko naman ho akalaing maho-holdap ako, eh. Madalas naman akong ginagabi kapag pumupunta ako roon pero noon lang nangyari iyon sa akin.” Hindi siya nairita sa pangangaral nito. Ang totoo ay na-touch pa nga siya dahil pakiramdam niya ay concerned ito sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit pero parang tumataba ang kanyang puso.
“Mag-iingat ka na sa susunod. Anyway, natanggap mo ba iyong mga bulaklak na ipinabigay ko sa iyo?”
Tumango siya. “Salamat ho, Sir. Pero sana ho, hindi na ninyo ginawa iyon. Wala naman ho kayong kasalanan sa nangyari.”
“Bisita ko noon si Angelie kaya anumang maling gawin niya ay damay ako. Pasensiya ka na talaga sa kanya. Minsan kasi medyo mahirap intindihin ang ugali niya.”
Gusto niyang mapaismid sa sinabi nito. Ano ba ang mahirap intindihin doon? Ganoon naman yata talaga ang ugali ng babaeng `yon, eh, naisaloob niya.
“Wala na ho sa akin 'yon, Sir,” mahinang sabi niya. Pero huwag na huwag magkakamali ang babaeng iyon na tarayan ako ulit at talagang makikita niya kung paano ako magalit, ngali-ngali pa sana niyang idagdag.
“Jamelia...”
“Sir?”
Humugot ito ng malalim na hininga. “Can I ask you a favor?”
“Ano ho 'yon?” Kumunot ang kanyang noo.
“Puwede bang huwag mo na akong tawaging ‘Sir’? Huwag ka na ring gumamit ng ‘ho’ at ‘po’ sa akin. Unang-una, hindi naman ako ganoon katanda. Pangalawa, hindi rin naman kita empleyado. Can you just call me 'Adrian'?"
Hindi kaagad siya nakapagsalita. “S-sige, kung iyon ang gusto mo.”
Ngumiti ito.
Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa kanilang destinasyon. Bumaba ito ng sasakyan at ipinagbukas siya ng pinto ng kotse.
“Salamat sa paghahatid mo sa akin dito,” wika niya.
“Okay lang. Basta sa susunod, sana ay pagbigyan mo ako kapag niyaya kitang lumabas.”
Kimi siyang napangiti at tumango.
Pasakay na ng kotse si Adrian nang biglang lumabas ng bahay si Linda. Napatigil si Adrian at ipinakilala niya ito sa kanyang kaibigan.
Iniabot ni Adrian ang kamay nito kay Linda. “'Nice meeting you, Linda.”
“Same here,” nakangiting sabi ni Linda.
“Hindi na ako magtatagal. Bye,” ani Adrian at sumakay na ito sa kotse nito.
Sinundan nila ng tingin ang palayong kotse nito. Nagbawi lang siya ng tingin nang sikuhin siya ni Linda.
“Iba ka rin! Akalain mong si Adrian Benitez ang nabingwit ng beauty mo.”
Natawa siya sa sinabi nito. “Ano bang bingwit ang sinasabi mo riyan?”
“Kunwari pa 'to! Kailan pa iyon nanliligaw sa iyo? Bakit hindi ka nagkukuwento sa akin?”
“Ano naman ang ikukuwento ko sa iyo, eh, hindi naman siya nanliligaw. Nagmagandang-loob lang siya na ihatid ako rito. At saka siya `yong lalaki na tumulong sa akin noong ma-holdap ako rito sa inyo.”
Tumaas ang isang kilay nito na para bang hindi ito naniniwala sa mga sinasabi niya.
Marahan niyang hinampas ang braso nito. “Itigil mo nga `yang pag-iisip mo nang kung anu-ano. Ang mabuti pa’y magbihis ka na para makaalis na tayo.”
Lumabi ito. “Umiiwas ka lang sa usapan, eh.”
“Bahala ka kung ano ang gusto mong isipin,” aniya at nilampasan na ito. Nagpatiuna siya sa paglalakad papasok sa bahay nito. Pero hindi siya tinigilan ng babae. Hanggang sa pag-alis nila patungo sa department store ay hindi ito tumigil sa kakatukso sa kanya.
ALAS-TRES pa lang ay nagsimula nang mag-ayos ng kanyang sarili si Jamelia para sa kasal ni Aileen. Nang nagdaang araw ay nakilala na nila ni Linda at ng iba pa nilang mga kaibigan ang mapapangasawa ni Aileen na si Brian. Katulad ni Adrian ay kilala rin ito sa kanilang lugar pero noon lang nila ito nakaharap dahil tulad nga ni Adrian ay mailap daw ito at puro trabaho ang inaasikaso.
Pagkatapos mag-ayos ng buhok at mag-makeup ay isinuot na niya ang off-shoulder gown niya. Maganda ang disenyo niyon at bumagay sa kanya. Tumayo siya sa harap ng malaking salamin at nagpaikut-ikot sa harap niyon. Napatigil siya sa ginagawa nang marinig niya ang boses ni Lester.
“Ate, bumaba ka na. Narito na ang sundo mo!”
Napakunot-noo siya. Sundo? Sino naman ang susundo sa akin? Wala namang sinabi si Aileen na ipasusundo niya ako, naisaloob niya. Naisip niya na malamang ay si Linda at ang nobyo nito iyon. Nagmamadaling isinuot niya ang kanyang sapatos. Sinipat uli niya ang sarili sa salamin bago lumabas ng silid.
Nasa kalagitnaan siya ng hagdan nang makita niya kung sino ang sundo niya na tinutukoy ni Lester. Tila na-hipnotismong napatitig siya kay Adrian.
“Hi,” nakangiting bati ni Adrian sa kanya.
Noon lang siya nakabawi. “A-Adrian? Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya na itinuloy na ang pagbaba ng hagdan.
“Naisip ko kasing sunduin ka, tutal, pareho naman tayo ng pupuntahan. Akala ko nga, hindi na kita aabutan.”
“P-paalis pa n-nga lang sana ako,” kandabulol na sabi niya. She couldn’t explain why she was acting this weird. Bakit parang natataranta siya sa presensiya nito?
“So, let’s go?”
Tumango siya. “Lester, aalis na kami. Pakisara na nitong pinto,” malakas na sabi niya sa kapatid.
“Sige, ako na ang bahala rito sa bahay,” sabi nito mula sa kusina.
Hinawakan siya ni Adrian sa siko at inalalayan siya hanggang sa makalabas sila ng bahay. Dama niya ang kakaibang kuryente nang magdaiti ang kanilang mga balat. Nalanghap din niya ang ginamit na pabango nito. Damn herself! Tila nahihilo siya sa pagkakalapit nilang iyon.
Habang nasa kotse ay wala siyang kakibuo-kibo. Pakiramdam niya ay mabubulol lang siya kapag nagsalita siya. Iba talaga ang epekto ng lalaking ito sa kanya. Tahimik lang din ito pero ilang beses niya itong nahuli na pasimpleng sumusulyap sa kanya. Pagkalipas ng halos beinte minutos ay nakarating na sila sa Saint Matthew Church kung saan gaganapin ang kasal. Inalalayan siya nito sa pagbaba ng kotse. Agad siyang sinalubong ni Linda at hinila siya nito palayo kay Adrian.
“Ngayon mo sabihin sa akin na hindi nanliligaw sa iyo ang lalaking iyan,” mahinang sabi nito sa kanya.
“Magtigil ka nga. Baka may makarinig sa iyo,” saway niya rito.
“Hindi ka pa kasi umamin na nagkakamabutihan na kayong dalawa, eh,” wika nito na iningusan pa siya.
“Sa hindi naman talaga! Magkaibigan lang kami, actually `di ko nga alam kong maika-categorize na kaming magkaibigan. Dahil hindi pa naman talaga namin masyadong kilala ang isa't-isa."
Hihirit pa sana si Linda pero tinawag na silang mga abay para sa pag-aayos ng entourage. Dumating na raw kasi ang bride. Nakahinga siya nang maluwag dahil nakaligtas siya sa pangungulit ng kanyang kaibigan.