Chapter Six

3291 Words
“JAM, sa akin na lang kayo sumabay ni Linda papunta sa reception,” anyaya sa kanya ni Adrian nang lapitan siya nito pagkatapos ng kasal. Nasa labas na siya ng simbahan kasama si Linda, at naghahanap na ng masasabayan nila patungo sa reception. “Ha?” Napatingin siya kay Ma’am Vera na nasa likuran ni Adrian. “Hindi na, nakakahiya na-” “Sige na, hija. Sumabay na kayo kay Adrian,” nakangiting sabi ng ginang. “Mayroon naman akong dalang sariling sasakyan.”  Kimi na nginitian lang niya ang may-edad na babae.  "Let's go," ani Adrian.  Nagulat siya nang hawakan siya nito sa siko. Lalo pa siyang nailang nang makita niya ang pagbaba ng tingin ni Vera sa kamay ni Adrian, pagkatapos ay lumipat sa mukha niya ang mga mata nito. Napaiwas siya ng tingin, babawiin sana niya ang braso mula sa pagkakahawak ng lalaki, pero bago pa niya nagawa iyon at marahan na siyang hinatak ni Adrian. Napasunod na lang siya rito, habang ngingiti-ngiti si Linda na nasa likuran nila. Pagdating sa kotse ay ipinagbukas pa siya ni Adrian ng pinto sa unahan, bago ito umikot sa may driver's seat. Habang nasa sasakyan sila ay wala silang imikan. Pinakikiramdaman niya si Adrian habang nagmamaneho ito. Lihim niyang idinadasal na sana ay huwag magsalita ng kung anu-ano si Linda, kung minsan kasi ay umiiral ang pagkamadaldal at pagiging taklesa nito. Mukha namang wala rin balak magsalita ang babae. Tahimik lang din ito habang nakaupo sa likuran nila at waring pinakikiramdaman silang dalawa ni Adrian. Pagkalipas ng ilang minuto ay narating na nila ang malaking bahay ng pamilya nina Brian. Doon gaganapin ang reception ng kasal. Bumaba sila ng sasakyan at sabay-sabay na pumasok sa malaking gate. Masaya ang programang inihanda para sa mga bagong-kasal. Nang ihagis ni Brian ang garter ay si Adrian ang nakasalo niyon. Mayamaya pa ay tinawag na ang mga kadalagahan para sa bouquet ceremony.  “Halika na, Jam,” yaya sa kanya nina Linda at Giselle. Sabay na tumayo ang mga ito mula sa kanilang mesa.  “Ayoko,” tanggi niya. “Kayo na lang.”  Hinawakan siya ni Linda sa braso at saka siya nito pinandilatan. “Huwag mong pairalin ang pagka-killjoy mo ngayon! Sasabunutan kita kapag nag-inarte ka!” Wala na siyang nagawa nang hilahin siya ng mga ito patungo sa grupo ng mga babae na naghihintay na ihagis ni Aileen ang bouquet na hawak nito. Sa bandang likuran na sila napuwesto. Inihagis ni Aileen ang bulaklak at sa isang iglap ay hawak na niya iyon. Naghiyawan ang mga tao. Namalayan na lamang niya na inaalalayan siya ni Linda sa pag-upo sa silyang nasa harap. Palapit sa kanya si Adrian. Napalunok siya. Nakakabingi ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Damang-dama niya iyon kahit nangingibabaw ang sigawan at kantiyawan ng mga bisita. Lumuhod sa harap niya si Adrian. Nang magtama ang kanilang mga mata ay agad din siyang nag-iwas ng tingin. Dama niya ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Napayuko siya habang inililis niya ang laylayan ng suot niyang gown. Isinuot ni Adrian sa kanang binti niya ang garter na hawak nito. Dama niya ang pagtatayuan ng kanyang mga balahibo lalo na kapag napapadikit ang kamay nito sa kanyang balat.  Nasa gitna na ng kanyang binti ang garter pero panay ang paghiyaw ng “Higher!” ng mga tao. Kahit hindi niya nakikita ang kanyang sarili ay batid niyang namumula siya sa labis na hiya. Tiningnan niya si Adrian at nginitian siya. Pakiramdam niya ay nag-triple pa ang bilis ng tahip ng dibdib niya. Itinigil lang nito ang pagtaas ng garter nang lumampas na iyon sa kanyang tuhod. Lalong lumakas ang paghihiyawan at pagpapalakpakan ng mga tao.  Tumayo si Adrian at inalalayan siya sa pagtayo at inakay siya nito patungo sa gitna. Maya-maya pa ay kasama na nilang sumasayaw sa mabagal na tugtugin ang mga bagong-kasal. “I’m sorry,” ani Adrian habang nagsasayaw sila. “Sorry saan?” kunot-noong tanong niya rito. “Pinagbigyan ko lang sila dahil hindi sila titigil sa kakasigaw ng ‘higher’ kung hindi ko itinaas ang garter, eh.” “Okay lang 'yon,” aniya na tipid itong nginitian. “Kung gusto mo akong sampalin, okay lang.” Napangiti siya at muling tumingin dito. “Bakit ko naman gagawin 'yon?” Nakangiti itong napakibit-balikat. Ilang sandali pa ay tumigil na rin sila sa pagsasayaw. Bumalik siya sa mesa nilang magkakaibigan. “Parang kamatis ang mukha mo kanina sa sobrang pamumula mo,” kantiyaw sa kanya ni Giselle nang nakaupo na siya sa tabi nito. Hindi niya ito pinansin. “Alam mo, Jam, bagay na bagay kayo ni Adrian,” sabi naman ni Linda. “Tigilan n’yo nga ako. Kapag napikon ako sa inyo, bubuhusan ko kayo nitong juice!” pagbabanta niya sa mga ito. Sinabi lang niya iyon pero ang totoo ay parang gusto na niyang mamilipit sa kilig. Natigilan siya. "Kinikilig ako?" tanong niya sa sarili. Napatingin siya sa lamesang kinaroroonan ni Adrian. Pakiramdam niya ay nawala sa puwesto ang puso niya nang makitang nakatingin din sa kanya ang lalaki. Mayamaya ay nagpaalam siya sa mga kaibigan na pupunta sa banyo. Nilapitan niya ang isang kasambahay at nagtanong kung saan ang comfort room. Sinamahan namansiyanng babae sa loob ng bahay. Pagkatapos niyang gumamit ng CR ay naglakad na siya pabalik sa garden. Natigilan siya nang makasalubong niya sa may pinto si Angelie. Napatikwas ang kilay nito. “O, bakit parang nakakita ka ng multo?” mataray na sabi nito. “Sorry. Nagulat lang ako, hindi ko kasi alam na nandito ka rin,” kaswal na sagot niya. "Hindi ba dapat ako `yong magulat na nandito ka?" sarkastikong sabi nito. Hinagod siya ng babae ng tingin mula ulo hanggang paa. "Sino ang mag-aakala na may abay palang katulong sina Brian?” Nagtagis ang kanyang mga bagang. Pangalawang beses pa lang niyang nakakaharap ang babae, pero talagang hindi niya gusto ang tabas ng dila nito. “Sabagay, mukha rin naman kasing katulong ang napangasawa niya,” dagdag pa nito. Ngali-ngaling sabunutan niya ito pero nagpigil pa rin siya. “Ano ba’ng problema mo at pati ang kaibigan ko ay pinakikialaman mo? Kahit mukha kaming mga katulong at hindi kami kasing yaman mo, mas tao naman kami kaysa sa iyo!” Pagkasabi niyon ay tinabig niya ito para makadaan siya. Pero bago pa siya makahakbang ay pinigilan siya nito sa braso. “'Bet you love that. Didn’t you? Hindi ko alam na may interes ka pala kay Adrian,” nang-uuyam ang tinig nito. Napailing-iling siya. “Wala akong panahon para patulan ka, Miss Ronquillo.” Binawi niya ang kanyang braso mula sa pagkakahawak nito at saka niya ito tinalikuran. “Huwag mo akong tinatalikuran kapag kinakausap kita, b***h!” Sa narinig ay huminto siya at muling humarap dito. “Huwag mo akong piliting patulan ka. Mabait akong tao at mahaba ang pasensiya ko pero kapag nasagad ang pasensiya ko, iba akong magalit.” Tinalikuran uli niya ito at mabilis na lumayo rito. Baka kasi tuluyang maubos ang pasensiya niya at kung ano pa ang magawa niya rito. Ayaw niyang gumawa ng g**o sa espesyal na okasyon na iyon para sa kanyang kaibigan. KASABAY na umuwi ni Adrian ang kanyang mga kaibigan. Plano sana niyang ihatid pauwi si Jamelia pero hindi na niya nakita ito nang nag-uuwian na ang mga bisita. Bigla itong nawala at ang dalawang kaibigan nito kaya sina Ruel at Duke na lamang ang nakasabay niya. “Pare, pasensiya ka na nga pala kung hindi kami nakapunta noong anniversary ng plantation ninyo. Nagkataon kasing may inasikaso ako sa Maynila, eh,” ani Duke. Hindi siya umimik. Para ngang hindi niya narinig ang sinabi nito. Parang wala siya sa sarili na nakatutok lang ang mga mata sa kalsada habang nagmamaneho. Tinapik siya ni Duke sa balikat. “Hoy! Narinig mo ba iyong sinabi ko?” Para siyang biglang natauhan. Noon lang niya ito sinulyapan. “Ano ba iyon?” Napakamot ito sa ulo. “Ang ibig mong sabihin, kanina pa tayo nag-uusap-usap dito pero hindi ka naman nakikinig?” “Sorry,” tanging nasabi niya. “Ano ba ang iniisip mo at parang napakalalim, ha? Trabaho na naman?” ani Ruel na nakaupo sa backseat. Hindi siya sumagot. “O baka naman iyong babaeng kasayaw mo kanina?” hirit ni Duke. “Ang ganda, pare. Simpleng-simple pero napakaganda. Taga-saan kaya 'yon? Parang ngayon ko lang kasi siya nakita. Nakuha mo ba ang pangalan niya?” “Taga-rito siya and her name is ‘Jamelia,’” tugon niya. “Mukhang tinamaan ka rin, ah. Inalam mo na kaagad ang basic info,” kantiyaw sa kanya ni Ruel. “Hindi naman kasi kanina ang first meeting namin. We've met three weeks ago. Naalala mo noong debut ni Rizza na sabi ko sa iyo, may tinulungan akong babaeng na-holdap? Siya 'yon," kuwento niya sa mga ito. “Ayos, ah. Matagal mo na palang kakilala ang babaeng iyon, hindi mo man lang ipinapakilala sa akin,” ani Duke. Hinampas pa nito ang braso niya.  Ginantihan niya ito ng mahinang suntok. “Para ano at ipapakilala ko siya sa iyo? Para maisama mo sa mahabang listahan ng mga babaeng pinaglaruan mo? Pare, matinong babae si Jamelia.” “At mukhang concerned ka talaga sa kanya,” pabiro pang sabi ni Ruel. “Sinasabi ko lang kay Duke na huwag na niyang pakialaman ang mga matitinong babae. Marami naman diyang babae na game sa larong gusto niya,” mabilis na sabi niya. “Yeah, right! Huwag kong pakialaman ang mga babaeng matitino na kursunada mo,” nangingiting sabi ni Duke. Napailing-iling siya. “Ano nga ba iyong sinasabi mo kanina?” aniya para mabago ang usapan. Ngumisi si Duke, halata sa mukha nito na napansin ng lalaki ang sadya niyang pagbabago ng usapan. "Ang sabi ko, pasensiya na dahil hindi ako naka-attend sa anniversary ng plantasyon ninyo kasi nasa Maynila ako,” sabi na lang nito. “Kumusta nga pala iyong negosyong balak mong buksan doon?” tanong niya. “Nagbago na ang isip ko, pare. Malaki kasing pera ang bibitiwan ko, 'tapos, hindi naman ako nakakasiguro kung kikita ako o hindi. Nakakatakot. Mahirap nang magkamali ako. Itatakwil ako ni Papa kapag pumalpak na naman ako sa desisyon ko.” Tuluyan na ngang nabaling sa negosyo at trabaho ang kanilang pag-uusap. Pero ang isip niya ay palipad-lipad pa rin kay Jamelia. Hindi niya maipaliwanag pero mula pa noong una niya itong nakita na umiiyak habang naglalakad sa kalsada dahil sa kamalasang inabot nito ay hindi na ito naalis sa kanyang isip. Palaging gumigiit sa kanyang isip ang maganda at maamong mukha nito. Pagkalipas ng ilang taon ay noon lang uli siya nakadama ng ganoon damdamin para sa isang babae. Hindi pa rin naman siya sigurado sa kanyang nararamdaman pero nakatitiyak siya na nagsisimula nang mahulog ang loob niya kay Jamelia. Hindi man kasi niya ito masyadong kilala ay magaan ang loob niya rito. Gusto niyang mas makilala pa at mapalapit rito. Siguro ay dahil simple lang ito, hindi ito katulad ng ibang mga babae na nakikilala niya. Inihatid muna niya ang dalawang kaibigan sa bahay ng mga ito bago siya umuwi. Napakunot-noo siya nang may makita siyang pulang kotse na nakaparada sa labas ng gate ng kanilang mansiyon. Nakilala agad niya ang sasakyan ni Angelie. Napabuga siya ng hangin bago niya inihinto ang kotse niya sa likuran ng kotse nito. Bumaba siya at lumapit siya sa kotse nito. Nakasubsob ang ulo ito sa manibela. Kinatok niya ang bintana ng kotse kaya napa-angat ang tingin ng babae. Nang makita siya ay mabilis itong bumaba ng kotse. Nagulat siya nang bigla siya nitong yakapin pero madali din siyang nakabawi sa pagkabigla. Inalis niya ang mga braso nitong nakayakap sa kanyang leeg. “Ano’ng ginagawa mo rito? Gabing-gabi na. Baka nag-aalala na sa iyo ang mga magulang mo.” “Kailangan nating mag-usap, Adrian.” Kumunot ang kanyang noo. “Tell me, hindi mo ba talaga ako gusto?” Nangingilid ang mga luha nito. Hindi agad siya nakasagot sa itinanong nito. “Ano ba ang nangyayari sa iyo?” tanong niya pagkalipas ng ilang segundo. “Dad told me he’ll send me to the US. Actually, iyon talaga ang gusto ko. Matagal ko nang gustong manirahan sa Amerika. But I’m willing to give up my dreams just to be with you.” Yumakap uli ito sa kanya. “Just tell me you love me, Adrian. Hindi ako aalis kung sasabihin mo 'yon.” Inilayo niya ito mula sa kanya. “I’m sorry, Angelie.” Tumulo ang mga luha nito pero titig na titig pa rin ito sa kanya. “Bakit? Ano pa ba ang kulang sa akin? Bakit hindi mo ako magawang mahalin?” Hinilot niya ang kanyang batok. Hindi niya alam kung paano niya ipapaliwanag dito kung bakit hindi niya ito magawang magustuhan. “Adrian, ano ba ang mali sa akin?”.“Walang mali sa iyo,” pagsisinungaling niya. Ayaw kasi niyang masyado itong masaktan. “Kung gano’n, ano’ng problema?” Patuloy ito sa pagluha. “Are you in love with someone else?” Hindi siya sumagot. Huminga ito ng malalim at pinahid sa pamamagitan ng palad ang mga luha nito. “Kanino? Doon sa babaeng tatanga-tanga na kasayaw mo kanina?” “Huwag kang magsalita ng ganyan laban kay Jamelia.” Tumalim ang mga mata ito. Hindi nito nagustuhan ang pagtatanggol niya kay Jamelia. “Totoo naman, 'di ba? She’s stupid and she’s a b***h! Nilalandi ka niya! Hindi na siya nahiya! Ang kapal ng mukha niya para akitin ka.” “Enough!” mariin na sabi niya. “Huwag kang maging mapanghusga, Angelie. Hindi mo siya kilala para pagsalitaan mo siya ng ganyan.” “At ano ba ang dapat itawag sa ginagawa niya sa iyo?” “Wala siyang ginagawa sa akin at labas siya sa usapang ito, Angelie. She has nothing to do with us. Wala siyang kinalaman kung hindi man kita magustuhan.” Wari namang napahiya ito kaya hindi ito nakaimik. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat. “I’m really sorry, Angelie, but I can’t force myself to love you. Hindi puwedeng turuan ang puso.” Yumugyog ang mga balikat nito habang panay ang pag-iyak. “Please be honest with me, Adrian. Bakit ayaw mo sa akin?” “I’m sorry I can’t answer that. Try to understand, Angelie.”  Humahagulhol na sumakay ito sa kotse nito at pinaharurot iyon paalis. Napahugot siya ng malalim na hininga. Ayaw niyang makasakit ng babae pero unfair naman kung hindi niya sasabihin kay Angelie ang totoo. Sumakay na rin siya sa kanyang kotse. Bumusina siya para buksan ng guwardiya ang gate. KATATAPOS lang maghapunan ni Jamelia nang may marinig siyang mga katok mula sa labas ng pinto ng kanilang apartment. Si Lester ang nagbukas niyon dahil nasa kusina sila ng Ate Jenny niya at nagliligpit ng kanilang mga pinagkainan.  “Ate Jam, may bisita ka,” sabi sa kanya ni Lester. Sabay silang napatingin ni Ate Jenny rito. “Sino?” kunot-noong tanong niya. “Iyong lalaking sumundo sa iyo noong isang araw. Iyong kasabay mong pumunta sa kasal ni Ate Aileen.” tugon ng kapatid niya. “Si Adrian?” gulat na sabi niya. “Sinong Adrian?” tanong din ni Ate Jenny. “Iyong pamangkin ng boss mo, Ate. Si Adrian Benitez,” sagot ni Lester. Tiningnan siya ng kanyang ate. Bakas ang pagtataka sa mukha nito. “Ano’ng ginagawa ni Sir Adrian dito?” tanong nito. “Hindi ko alam.” Nagkibit-balikat siya at saka niya binalingan si Lester. “Ano raw ang kailangan niya sa akin?” “Ewan ko,” wika nitong nagkibit-balikat din. “Baka manliligaw.” Napalunok siya sa isinagot ng kapatid. Titig na titig naman sa kanya si Ate Jenny. “Hoy! Ano pa ang itinatanga-tanga mo riyan?” pukaw sa kanya ni Lester. “Labasin mo na iyong manliligaw mo. Baka magbago pa ang isip n’on at hindi na ituloy ang panliligaw sa iyo!” pang-aasar pa sa kanya ng bunso. “Tumahimik ka nga!” Hinampas niya ito sa braso. "Ano ka ba? Baka marinig ka n'ong tao nakakahiya!“ "Sige na, Jam,” pagtataboy naman ng kanyang ate. “Labasin mo na si Sir Adrian.”  Inayos niya ang kanyang sarili bago siya lumabas ng sala. Tumayo si Adrian mula sa pagkakaupo nito sa sofa nang makita siya.  “Good evening,” bati nito sa kanya. Nginitian niya ito. “Napadalaw ka?” kaswal na tanong niya. Umupo siya sa pang-isahang sofa. “Upo ka.” Umupo uli ito sa kaharap niya. “May pinuntahan kasi ako malapit lang dito sa inyo kaya naisip ko na ring dumaan.” Napatangu-tango siya. “Gusto mo ba ng maiinom? Juice, coffee, o soft drinks?” “Huwag na. Katatapos ko lang namang mag-dinner.” Magsasalita sana siya nang maudlot iyon dahil lumabas mula sa kusina ang mga kapatid niya. “Good evening, Sir Adrian,” bati rito ng kanyang ate. “Good evening din,” ganting-bati ng binata. “Pasensiya na kayo sa biglang pagdalaw ko.”  “Okay lang ho iyon. Sige, Sir, aakyat na kami sa itaas.” Iniwan na sila ng mga kapatid niya. “Kumusta ka na?” tanong sa kanya ni Adrian nang wala na ang mga ito. “As usual, I’m still jobless kaya heto, maghapon lang ako rito.” “Jobless?” wika nitong kumunot pa ang noo.. Tumango siya. Ikinuwento niya rito ang sitwasyon niya. Patangu-tango ito habang nakikinig. Nagkuwentuhan pa sila ng tungkol sa maraming bagay bago ito nagpaalam dakong alas-diyes ng gabi. Inihatid niya ito sa labas hanggang sa kinaroroonan ng kotse nito. Pagkabalik niya sa loob ng apartment ay sinugurado muna niyang naka-lock na ang mga pinto bago umakyat sa silid nila ni Jenny. Napakunot-noo siya nang makitang gising na gising pa ang Ate niya at naroon din sa silid nila si Lester. “Umuwi na ba si Adrian?” tanong ng ate niya. Tumango siya at saka siya humiga sa kama. Nakasunod ang tingin ng mga ito sa kanya pero binale-wala niya iyon. Pipikit na sana siya nang hampasin siya ni Lester sa binti.  “Ano’ng nangyari?” tanong nito. Tiningnan niya ito. “Nangyari saan?” “Sa pag-uusap ninyo ni Adrian. Nagtapat na ba siya sa iyo? Sinabi na ba niyang manliligaw na siya?” pangungulit nito. “Ewan ko sa iyo! Lumipat ka na nga sa kuwarto mo at matulog ka na!” pagtataboy niya rito. “Jam, nanliligaw ba sa iyo si Sir Adrian?” tanong ng ate niya sa seryosong tinig. Napatingin siya rito. “Kung nanliligaw siya sa iyo, parang medyo nakakaalangan. Alam mo namang boss ko ang tiyahin niya. Ayoko lang na may masabi siya na—” “Huwag kang mag-alala, Ate. Hindi siya nanliligaw,” maagap na sabi niya. “Ni hindi nga siya nagbanggit ng tungkol sa panliligaw.” “Huwag mong isiping tumututol ako kung saka-sakali. Alam kong mabuting tao si Sir Adrian. Pero, ayoko lang kasi na may masabi si Ma'am Vera.” "Huwag kang mag-alala, Ate. Naiintindihan ko naman ang ibig mong sabihin," aniya. Tumango ito. Binalingan nito si Lester at pinagsabihang matulog na rin. Iniwan na sila ni Lester. Nang wala na ito ay pumikit siya at nagkunwari nang natutulog. Ayaw na kasi niyang makipag-usap sa kanyang ate. Medyo sumama ang kanyang loob dahil sa sinabi nito. Hindi pa naman kasi nanliligaw sa kanya si Adrian ay nagpapahiwatig na agad ito ng pagtutol.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD