Chapter Seven

1997 Words
PAGDATING ni Adrian sa mansiyon ay nakita niya sa lanai ang Tita Vera niya. Tahimik na umiinom ito ng alak. Nilapitan niya ito. “Can I join you, Tita?” tanong niya rito.  “Hijo, narito ka na pala. Sige, samahan mo ako.”  “I’ll just get another glass.” Iniwan niya ito sandali. Kumuha siya ng baso sa kalapit na bar. Pagbalik niya sa lanai ay umupo siya sa silyang kaharap nito. Kumuha siya ng yelo sa ice bucket at inilagay iyon sa baso niya bago niya sinalinan ng alak. “Mukhang malalim ang iniisip mo, Tita, ah,” puna niya rito.  “May naalala lang ako.” Humugot ito ng malalim na hininga. “Ikaw, saan ka ba galing at ginabi ka na ng uwi?” Uminom siya ng alak bago sumagot. “Pumunta po ako kina Ruel. May inihanda kasing dinner ang mama niya para sa birthday ng lolo niya kaya tinawagan niya ako at pinapunta roon. Then on the way home, napadaan ako sa lugar nina Jamelia kaya binisita ko na rin sila.”  Kumunot ang noo nito. “Jamelia? Iyong kapatid ba ni Jenny ang tinutukoy mo?”  Tumango siya. “Maaga pa naman kasi kaya dumaan ako sa kanila. Nagkakuwentuhan lang kami nang kaunti. Nalaman ko na wala pala siyang trabaho ngayon.”  Hindi ito nagsalita. Inubos nito ang laman ng baso nito at muling nagsalin ng inumin.  “Tita, may bakante ba sa restaurant mo?” Tiningnan siya nito. “Wala sa ngayon.”  “Baka may alam kang trabahong puwedeng mapasukan ni Jamelia.”  “Wala akong alam pero susubukan kong magtanung-tanong sa mga kakilala at kaibigan ko.”  Ngumiti siya ng tipid. “Salamat, Tita.”  “Adrian, bakit gusto mong tulungan si Jamelia?” biglang tanong nito.  “Wala naman ho,” sagot niya. “Nasabi ko lang kasi sa kanya kanina na susubukan ko siyang tulungang makahanap ng trabaho.”  “Why?” Vera pressed on. Nagkibit-balikat siya. “Nagmamalasakit lang ako sa kanilang magkakapatid. Mabait rin kasi si Jamelia and she's my friend. Wala namang masama sa pagtulong sa kaibigan, hindi ba?”  “Sigurado ka bang kaibigan lang ang tingin mo sa kanya o baka naman iba na iyan?”  “We’re just friends, Tita,” agad na sabi niya.  “Are you sure you?” tanong nito pagkalipas ng ilang sandali. Base sa ekspresyong nakarehistro sa mukha nito ay hindi ito kumbinsido sa isinagot niya. Titig na titig ito sa kanya na wari ay binabasa ang nasa isip niya.  “Tita...”  “Wala na ba talagang pag-asang buksan mo iyang puso mo?” hirit nito. Napailing siya. Sinasabi na nga ba niya at ang linya na namang iyon ang maririnig niya. Hindi yata talaga ito susuko sa kakapilit sa kanya na maghanap na siya ng nobya. Ang akala yata nito ay hindi niya napapansin na kung sinu-sinong babae ang pasimple nitong inilalapit sa kanya para magustuhan niya. Sinubukan niyang pakisamahan ang mga babaeng iyon pero ni isa sa mga iyon ay hindi talaga niya nagustuhan.  “Tita, hayaan na lang ninyo ako sa bagay na 'yan.”  “Adrian, hindi naman sa pinakikialaman kita. Ikaw lang ang inaalala ko. Ayokong tumanda ka ng walang makakasama sa buhay.”  Napahinga siya nang malalim. Sinalinan uli niya ng alak ang kanyang baso. Uminom siya at saka niya ito tiningnan nang seryoso. “Ikaw, Tita, bakit hindi ka nag-asawa?” kapagkuwan ay tanong niya.  Hindi ito sumagot.  “Tita?” pukaw niya rito nang lumipas na ang ilang sandali ay hindi pa rin ito nagsasalita.  “Huwag na nating pag-usapan ang buhay ko, hijo. Kontento ako sa anumang buhay mayroon ako ngayon,” malamig na sabi nito.  Gusto niyang umiling. Minsan ay nagtataka talaga siya kung bakit kapag sinusubukan niyang buksan ang usapin tungkol sa personal na buhay nito ay tila lagi itong umiiwas. Ayaw nitong pinag-uusapan ang dahilan ng hindi nito pag-aasawa pero halos ipagtulakan naman siya nito sa kung sinu-sinong babae. Inubos nito ang laman ng baso nito bago ito tumayo. “Magpapahinga na ako,” paalam nito sa kanya. “Matulog ka na rin.” MULING tiningnan ni Jamelia ang oras sa wall clock. Pasado alas-diyes na ng gabi pero hindi pa dumarating ang Ate Jenny niya. Pinatay niya ang telebisyon at saka siya tumayo mula sa sofa. “Lester!” malakas na tawag niya sa kapatid. “Bumaba ka nga muna rito! Lester!”  Ilang sandali lang ay narinig niya ang mga yabag nito habang bumababa ng hagdan.  “Bakit, Ate?” tanong nito nang makalapit sa kanya.  “Magbihis ka. Pupuntahan natin si Ate sa restaurant. Mag-aalas-onse na kasi pero hindi pa siya dumarating.”  “Baka naman nag-overtime lang uli siya. 'Di ba, lagi naman niya iyong ginagawa kapag wala iyong isang kahera nila?”  “Oo nga pero hanggang alas-nuwebe lang naman bukas ang restaurant, eh. At saka... Basta, kinakabahan ako kanina pa.”  “Masyado ka namang nag-aalala, eh. Malay mo, lumabas lang siya kasama ang mga kasamahan niya sa trabaho.”  Pinandilatan niya ito. “Puwede ba? Sumunod ka na lang. Hindi kita pipiliting pumunta roon kung hindi ko nararamdaman na parang may hindi magandang nangyayari.”  Sa narinig ay natigilan ito. Waring bigla rin itong nag-alala. Tinitigan siya nito at pagkatapos ay tumango ito. “Sige, sandali lang at magbibihis ako.”  Habang hinihintay ito ay siniguro niyang nakasara ang pinto sa kusina at ang mga bintana. Ilang sandali pa at umalis na silang magkapatid. Hindi pa sila nakakalayo mula sa kanilang apartment nang makasalubong nila si Mang Elmer. Binusinahan sila nito. Napahinto sila sa paglalakad na magkapatid. “Mabuti naman at nakita ko kayo. Papunta na sana ako sa bahay ninyo, eh,” tila natatarantang sabi ng matandang tricycle driver na kapitbahay nila.  “Bakit ho, Mang Elmer?” tanong niya. “Ang ate ninyo, isinugod sa ospital. Naaksidente iyong sinasakyan niyang tricycle.”  Pakiramdam niya ay nablangko ang isip niya sa narinig. Mabilis ang mga sumunod na nangyari. Halos liparin nila ang papunta sa ospital. Tahimik silang magkapatid habang nasa labas sila ng operating room ng ospital at hinihintay na lumabas ang doktor ng kanilang ate. Napatayo siya nang lumabas doon ang isang may-edad na doktor. Hinubad nito ang suot na mask.  “Kayo ba ang mga kapamilya n’ong tricycle driver?” tanong nito.  Umiling siya. “Kapatid ho namin iyong pasahero,” sagot niya.  “Ganoon ba? Ligtas na siya. Ililipat na lang siya sa ibang silid,” anang doktor.  Para silang nabunutan ng tinik ni Lester sa narinig.  “Pero puwede ba kitang kausapin, Miss?” biglang sabi sa kanya ng doktor sa mas seryosong tinig. Kumunot ang kanyang noo pero tumango siya.  Pakiramdam niya ay unti-unti siyang nanghihina habang pinakikinggan ang sinasabi ng doktor tungkol sa kalagayan ng kapatid. Dama rin niya ang paghigpit ng pagkakahawak ni Lester sa kanyang kamay.  “Masuwerte pa rin ang kapatid ninyo at nabuhay siya. Namatay ang driver at ang kasabay niyang pasahero dahil sa lakas ng pagkakabangga nila sa bus...”  Hindi na rumerehistro sa kanyang isip ang mga sinasabi nito dahil napapaluha na siya sa pagkahabag na nadarama para sa kanyang kapatid.  KALALABAS lang ni Jamelia mula sa banyo ng ward na kinaroroonan ng Ate Jenny niya nang bumukas ang pinto at pumasok doon si Ma’am Vera. May dala itong isang basket ng mga prutas para sa kanyang kapatid.  “Magandang umaga po, Ma’am Vera,” bati niya rito.  Nginitian siya nito at pagkatapos ay nilapitan nito ang nakaratay na kapatid niya. “Kanina ko lang nalaman ang nangyari sa kapatid mo. Pagdating ko sa restaurant ay hinanap ko siya at sinabi nga ng mga tauhan ko na naaksidente siya kagabi. Kumusta na siya?”  “Hindi pa rin ho siya nagkakamalay,” matipid na sagot niya. Namumugto pa rin ang kanyang mga mata dahil sa kakaiyak niya. Halos wala pa rin siyang tulog.  “Akala ko ba’y ligtas na siya? Iyon ang sabi ng mga kasamahan niya.”  "Ang sabi ho ng doktor, baka mamaya ay magkakamalay na rin siya.”  Tumangu-tango ito. “Mukhang hindi ka pa nagpapahinga,” puna nito sa kanya. “Baka ikaw naman ang magkasakit niyan.” “Mamaya naman ho ay darating na ang bunso naming kapatid para palitan ako rito.”  Ibinaling nito ang tingin sa walang malay na kapatid niya. “Kung kailangan ninyo ng tulong ay huwag kang mahihiyang lumapit sa akin.”  Tumango lang siya.  Tiningnan siya nito. Hinawakan nito ang kanyang balikat at bahagya iyong pinisil. “Ako na ang sasagot sa hospital bills niya kaya huwag mo na iyong alalahanin. Mas mabuti siguro kung ipapalipat natin sa pribadong silid ang kapatid mo. Mas mapapadali ang pag-recover niya roon.”  "Maraming-maraming salamat ho, Ma’am Vera. Napakalaking tulong ho iyon para sa amin.”  Ngumiti ito ng tipid. “Wala kang trabaho ngayon, 'di ba? Kung gusto mo, ikaw muna ang pumalit kay Jenny habang hindi pa niya kayang bumalik sa trabaho.”  “S-sige po,” agad na tanggap niya sa alok nito.  Ngumiti ito. “Hindi na ako magtatagal, hija. Kailangan ko nang bumalik sa restaurant.”  Tumango siya. “Mag-iingat ho kayo.”  “Sabihin mo lang kung kailan ka maaaring mag-umpisa.”  “Baka ho sa makalawa na lang. Maraming salamat ho uli, Ma’am Vera.”  Tumango ito. “Kakausapin ko ang doktor para mailipat na ang kapatid mo.”  PAGSAPIT ng alas-sais ay nasa ospital na uli si Jamelia. Pagkalipas ng apat na oras na pamamahinga sa bahay ay kinailangan niyang bumalik doon upang palitan niya si Lester sa pagbabantay sa kanilang ate. May pasok pa kasi ito kinabukasan sa eskuwelahan.  Bago tuluyang umalis ng ospital si Ma’am Vera ay inilipat na sa isang pribadong silid ang kanyang Ate Jenny. Inaayos niya ang pagkakakumot niya rito nang bumukas ang pinto at pumasok doon si Adrian. Ibinaba nito sa side table ang isang basket ng mga bulaklak at isang basket ng mga prutas na dala nito. “Kumusta na ang ate mo?” tanong ng binata. “Nagkamalay na siya kaninang tanghali.”  “Mabuti naman kung ganoon. Kanina ko pa gustong pumunta rito pagkatapos kong malaman mula kay Tita ang nangyari sa kapatid mo pero marami kasi akong inaasikaso sa plantasyon. Here...” anito at iniabot sa kanya ang isang paper bag.  “Ano 'yan?” aniyang hindi agad tinanggap iyon.  “Naisip ko kasi na baka hindi ka pa nakakapag-hapunan kaya dumaan ako sa isang fast food at ibinili ka ng makakain.” Tinanggap niya ang paper bag at ibinaba iyon sa mesa. “Salamat. Pero naghapunan na rin naman ako kanina bago ako bumalik dito sa ospital.” Umupo ito sa sofa bed na nakalaan para sa mga nagbabantay sa pasyente. “Okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong nito. Tumango siya at naupo sa tabi nito.  “Ano’ng sabi ng doktor sa kalagayan ni Jenny?”  Humugot siya ng malalim na hininga bago sumagot. “Oobserbahan pa raw ang mga paa niya. Masyado raw kasing naapektuhan ang mga iyon sa nangyaring aksidente.”  Tinitigan siya nito.  Nag-iwas siya ng tingin para hindi nito makita ang namumuong luha sa kanyang mga mata. “Ang sabi ng doktor, kailangan daw maoperahan ni Ate. Kung hindi ay baka hindi na siya makalakad at putulin na lang ang kanyang mga paa." Namayani ang katahimikan sa kanilang pagitan.  Ikinulong niya ang kanyang mukha sa mga palad niya at impit na umiyak. Naramdaman niya ang pagkabig nito sa kanya. Isinandal siya nito sa malapad na dibdib nito at hinagod nito nang marahan ang kanyang likod.  Pakiramdam niya ay gumaan ang kanyang loob habang nakakulong siya sa mga bisig nito. Bakit nga ba bigla siyang nakadama ng kapayapaan sa piling nito? Kinastigo agad niya ang kanyang sarili. Kung anu-ano ang iniisip niya gayong nasa seryosong kalagayan ang kanyang kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD