WALANG imik si Jenny habang nakaupo ito sa wheelchair at pinapanood sina Jamelia at Lester sa pag-aayos ng mga gamit nito. Pagkatapos ng mahigit dalawang linggong pananatili nito sa ospital ay maiuuwi na nila ito. Nang nagdaang araw ay sinabi ng doktor nito na puwede na itong ilabas ng ospital. Nang umaga ngang iyon ay nagpadala si Ma’am Vera ng tseke para ipambayad nila sa hospital bill nila.
“Ate, may masakit ba sa iyo?” tanong ni Lester.
Napatigil din siya sa pagsisilid ng gamit sa bag at tiningnan ang kanilang ate. Nangingilid ang mga luha ng babae kaya nilapitan niya ito. “Ate, bakit?” tanong niya.
“Wala ito,” sagot nito. Pinahid nito ang mga luha nito. “Bilisan na ninyo riyan at nang makauwi na tayo. Sawa na ako sa lugar na ito. Nami-miss ko na ang bahay,” wika nito na halatang pinipilit lamang pasiglahin ang tinig.
Nagkatinginan sila ni Lester. Mula nang magkamalay ang kanilang ate at sabihin nila rito ang mga sinabi sa kanila ng doktor ay naging malungkutin na ito. Madalas nila itong nahuhuli na natutulala pero kapag kinakausap nila ito ay pilit nitong ginagawang kaswal ang tinig. Alam nilang ayaw lang nitong ipakita sa kanila ang totoong damdamin. Ayaw nito na malungkot sila at kaawaan nila ang kalagayan nito.
“Lester, mag-abang ka na ng tricycle na masasakyan natin,” utos niya rito. “Ibaba mo na rin itong ibang mga gamit natin.”
“Sige, Ate," tugon ng bunso.
Papunta na ito sa pinto nang bumukas iyon at pumasok si Adrian.“Hi!” bati nito sa kanila.
Gulat na napatingin sila rito.
“Nakahanda na ba kayo?” tanong nito.
“Ha? B-bakit?” tanong niya nang makabawi.
“Ihahatid ko na kayo sa inyo. Akala ko nga, hindi ko na kayo aabutan, eh. May tinapos pa kasi ako sa opisina. Let’s go,” anyaya nito. Nilapitan nito si Ate Jenny at ito na ang nagtulak ng wheelchair ng kanyang kapatid.
Hindi na sila nakatanggi. Dinala nila ni Lester ang mga bag at sumunod rito. Nang nasa tabi na sila ng sasakyan nito ay magkatulong na binuhat nito at ni Lester ang kanilang ate para maisakay sa van na dala nito. Pagkatapos isakay ang mga gamit at ang biniling wheelchair ni Ma’am Vera para sa ate niya ay umalis na sila.
“Kumusta ka na, Jenny?” tanong ni Adrian sa kapatid niya.
“Mabuti na ho ang pakiramdam ko, Sir Adrian,” tugon ng kapatid niya bagaman may lungkot sa tinig nito.
“Huwag mo na akong tawaging ‘Sir,’ Jenny. Magkakaibigan naman tayo, 'di ba? At isa pa, hindi naman ako ang boss mo kundi si Tita Vera.”
Mahinang tango at tipid na ngiyi lang ang isinagot ng kapatid niya.
Pagkalipas ng ilang sandali ay nakarating na sila sa kanilang apartment. Nagtulungan uli sina Adrian at Lester sa pag-akyat kay Ate Jenny sa kanilang silid. Siya ang nagbaba ng mga gamit mula sa sasakyan ni Adrian.
“Ate Jam, ako muna ang bahala kay Ate. Maiwan ko muna kayo rito sa ibaba ni Kuya Adrian,” ani Lester bago ito bumalik sa silid na kinaroroonan ng kanilang kapatid.
“Maupo ka muna,” aniya kay Adrian nang wala na si Lester sa kanilang harap. “Ano’ng gusto mong maiinom? Soft drinks or juice?”
“Juice na lang,” sagot nito.
Iniwan muna niya ito sa sala at nagtungo siya sa kusina upang ipagtimpla ito ng juice. Pagkalipas ng ilang minuto ay bumalik siya rito bitbit ang isang tray na may lamang dalawang baso ng juice at sandwich para sa kanila ni Adrian. Iniabot niya rito ang isang basong juice.
“Salamat,” matipid na sabi nito bago uminom.
Umupo siya sa tabi nito.
“Kumusta si Jenny? Nasabi mo na ba sa kanya ang kalagayan niya?” tanong nito.
Tumango siya. “Oo. Naaawa ako sa kanya. Pinipilit niyang ipakita sa amin ni Lester na okay lang siya at tanggap niya ang nangyari pero alam kong masakit iyon para sa kanya.”
“Intindihin na lang ninyo siya. Mahirap ang pinagdaraanan niya ngayon,” payo nito sa kanya. “Anyway, kumusta ang pagtatrabaho mo kay Tita Vera? Hindi ka ba nahihirapan?”
“Okay lang. Kaya ko naman ang trabaho. Adrian, maraming salamat sa lahat ng tulong mo,” mahinang sabi niya.
Tinitigan siya nito.
“Malaking bagay para sa amin ang tulong na ibinibigay ninyo sa amin ng Tita Vera mo.”
Ngumiti ito. Ginagap nito ang isang kamay niya at saka nito pinisil iyon. “Tuwing dumadalaw ako sa ospital ay nagpapasalamat ka sa akin kaya tama na.”
Nangilid ang kanyang mga luha. “Kung hindi dahil sa inyo ng tita mo ay hindi ko alam kung saan ako kukuha ng perang ipambabayad sa ospital.”
“Huwag mo ng intindihin iyon.” Binitiwan nito ang kanyang kamay. “Kung kailangan pa ninyo ng tulong ay huwag kayong mahihiyang magsabi sa akin.”
Napatango lang siya.
“Hindi na rin ako magtatagal. May lakad pa kasi ako,” paalam nito at tumayo na.
Tumayo na rin siya at inihatid niya ito hanggang sa pinto ng apartment.
“Kapag may kailangan kayo o may problema, tawagan mo lang ako, okay?” bilin pa nito.
Tumango siya.
“Huwag ka nang umiyak. Everything will be okay."
Tahimik lang na sinundan niya ng tingin ang papalayong sasakyan nito.
TAHIMIK na nakaupo sa likod ng counter si Jamelia habang inaayos ang mga pera at resibo. Pasado alas-nuwebe na ng gabi kaya nagsasara na ang restaurant. Kasalukuyan nang nililinis ng mga crew ang paligid. Ilang sandali pa ay nilapitan siya ng isang kasamahan niya.
“Jam, hindi ka ba sasabay sa amin sa pag-uwi?”
“Hindi ko pa tapos ito, eh,” sagot niya. “Sige na, mauna na kayo.”
Umalis na nga ang mga ito kaya sila na lamang ng guwardiya ang naiwan doon. Halos kalahating oras pa ang lumipas bago siya tumayo mula sa kanyang kinauupuan. Bitbit ang kaha at ang mga resibo ay pumasok siya sa loob ng opisina ni Ma’am Vera. Ipinasok niya sa maliit na vault ang kanyang mga dala. Wala ito roon dahil maaga itong umalis. May pupuntahan daw itong kaibigan. Kahit bago lang siyang nagtatrabaho sa restaurant nito ay malaki ang tiwalang ibinibigay nito sa kanya. Pagkatapos i-lock ang vault ay lumabas siya ng opisina. Ikinandado niya ang pinto niyon at saka siya naghandang umuwi.
“Mang Pepito, aalis na ho ako,” kapagkuwan ay paalam niya sa guwardiya na nakikinig ng radyo.
Tumayo ito at binuksan nito ang naka-lock na pinto ng restaurant. “Mag-iingat ka, Jamelia. Gabi na. Nag-iisa ka pang umuwi. Ikumusta mo ako sa ate mo, ha?”
"Opo. Mag-iingat din ho kayo rito.” Pagkasabi niyon ay lumabas na siya ng restaurant.
Kaunti na lamang ang mga taong naglalakad sa kalsada. Sinimulan na niya ang paglalakad patungo sa hintayan ng jeep pero nakakailang hakbang pa lang siya nang biglang may nagsalita mula sa kanyang likuran.
"Habit mo ba talaga ang maglakad nang nag-iisa kapag gabi?”
Napalingon siya at nakita niya si Adrian. “Ikaw pala,” aniya at nginitian ito.
Lumapit ito sa kanya. “Hindi ka pa rin ba nagtanda sa nangyari sa iyo noon?”
“Marami-rami pa namang taong naglalakad dito sa atin nang ganitong oras, eh. Ikaw, ano’ng ginagawa mo rito?” pag-iiba niya sa usapan.
“Hinihintay ka,” matipid na tugon nito.
Natigilan siya. “Bakit?”
“Nagpunta kasi ako sa inyo. Ang sabi ni Lester, hindi ka pa raw dumarating. Nagka-phobia na yata ang kapatid mo dahil pagdating ko sa inyo, eh, pabalik-balik siya sa pinto. Nag-aalala raw siya sa iyo. Gusto ka na nga raw sana niyang sunduin kaya lang ay walang maiiwan kay Jenny. Kaya naisip kong magprisinta para sunduin ka.”
“Masyado na akong nahihiya sa iyo. Sobrang pang-aabala na ang ginagawa namin sa iyo ng mga kapatid ko,” nahihiyang sabi niya.
Ngumiti ito. “Ano ka ba? Wala 'yon. Halika na, ihahatid na kita sa inyo.” Hinawakan siya nito sa braso at iginiya siya patungo sa kinaroroonan ng kotse nito. Inalalayan siya nito sa pagsakay bago ito umikot sa kabila at sumakay sa driver’s seat. Pinaandar nito ang kotse. “Nag-dinner ka na ba?” tanong nito.
Tumango siya.
Ilang minuto ang lumipas bago uli ito nagsalita. “Hindi ka dapat nagpapagabi ng ganito lalo na kapag wala kang kasama pauwi.”
“Kasabay ko naman palagi iyong mga kasamahan ko. Ngayon lang ako hindi nakasabay sa kanila dahil hindi ko agad natapos iyong trabaho ko.”
“May cellphone ka, 'di ba?” tanong nito habang nakatutok sa pagmamaneho ang pansin nito.
“Oo.”
Dinukot nito sa bulsa ang cellphone nito at iniabot iyon sa kanya. Naguguluhan man ay tinanggap niya iyon.
“I-save mo riyan ang number mo, 'tapos, i-miss call mo ang cellphone mo para makuha mo ang number ko,” utos nito.
“Bakit?”
“Para ma-text mo ako kapag gagabihin ka at wala kang kasama pauwi.”
Matagal bago siya nakapagsalita. “Bakit mo ba ginagawa ito?” lakas-loob na tanong niya.
Sinulyapan siya nito pero hindi ito sumagot.
Titig na titig naman siya rito habang hinihintay niya itong magsalita.
“Kailangan ko pa bang ipaliwanag kung bakit?” maya-maya ay sabi nito.
Siya naman ang hindi nakasagot. Dama niya ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib. Oh my! Tama ba ang nasa isip ko? naisaloob niya. Hinihintay niyang magsalita uli ito ngunit nanatili lang itong tahimik. Binawi na niya ang tingin dito at sinunod na lang niya ang sinabi nito.
Ilang sandali pa ay nasa tapat na sila ng kanilang apartment. Sabay silang bumaba ng kotse. Nagpasalamat siya rito. Tatalikuran na sana niya ito nang bigla siya nitong pigilan sa kanyang braso.
“I care for you, kaya ginagawa ko ito,” wika nito at laking gulat niya nang bigla siya nitong halikan sa pisngi. “Goodnight,” agad na paalam nito pagkatapos ng ginawa nito.
Wala na ito sa harap niya ay nakatulala pa rin siya. Gusto niyang mapatalon sa tuwang nararamdaman. Hindi siya tanga para hindi malaman na may damdamin din sa kanya si Adrian. Pagkatamis-tamis na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi habang pumapasok siya sa loob ng kanilang bahay.
PAGKATAPOS maligo ay nagmamadaling pumanhik si Jamelia sa kuwarto para magbihis. Mag-aala-una na ng hapon at mahuhuli na siya sa kanyang trabaho. Pagpasok niya sa pinto ay naabutan niya ang kanyang Ate Jenny na nagpipilit na tumayo mula sa wheelchair. Napatakbo siya palapit dito.
“Ate, ano ba’ng ginagawa mo?” Inalalayan niya ito sa paghiga sa kama.
Hindi ito kumibo.
Tiningnan niya nito at nakita niya ang bakas ng mga luha sa magkabilang pisngi nito. “Hindi mo pa kayang tumayo kaya huwag mong pilitin,” mahinang sabi niya.
Nag-iwas ito ng tingin at namayani ang katahimikan habang inaayos niya ang pagkakahiga nito.
“Ayoko nang maging pabigat sa inyo ni Lester,” biglang sabi nito.
“Ano ka ba? Sino ba ang nagsabi sa iyo na pabigat ka sa amin?” Tinabihan niya ito sa kama.
“Bakit, hindi ba? Dahil sa akin ay mas lumaki ang gastos natin. Kailangan n’yo pang magbayad ng pansamantalang magbabantay sa akin kapag umaalis kayo ni Lester.”
“Ate, maliit lang naman ang ibinabayad natin kay Aling Trining, eh.”
Hindi ito sumagot. Sa halip ay humagulhol ito. “Bakit ba hindi na lang ako namatay ng tuluyan sa aksidenteng iyon?”
Niyakap niya ito ng mahigpit. Awang-awa siya rito. Hindi na rin niya napigilan ang mapaiyak. “Ate, huwag ka namang magsalita ng ganyan.”
“Mas gusto ko pang mamatay kaysa maging lumpo at maging habang-buhay na pabigat sa inyo ni Lester.”
“Ate, hindi mo alam kung ano ang sinasabi mo. Bale-wala sa amin ni Lester kung mahirapan man kami sa pag-aalaga sa iyo. Ang importante ay buhay ka at magkakasama tayong tatlo,” mabilis na sabi niya.
Hindi ito nagsalita.
Pinahid niya ang mga luha nito. “Huwag kang mag-alala, Ate. May awa ang Diyos. Makakalakad ka rin. Babalik din tayo sa dati,” pang-aalo niya rito. “Huwag mo kaming intindihin ni Lester. Okay lang kami at hindi kami nagrereklamo sa sitwasyon natin ngayon. Ito ang pagkakataon namin ni Lester na makabawi sa mga ginawa mong pagsasakripisyo para sa amin.”
Tahimik lang itong nakatitig sa kanya.
“Tama na, Ate, ha?” Hinagkan niya ito sa pisngi bago siya tumayo. “Magbibihis na ako at male-late na ako sa trabaho.”
Habang nagbibihis siya ay palihim niya itong sinusulyapan. Hindi na ito umiiyak pero bakas pa rin ang kalungkutan sa mukha nito.
Pagkatapos niyang magbihis at mag-ayos ay hinagkan niya ito sa pisngi. “Maiwan na kita, Ate. Magpahinga ka lang, okay? Mamayang mga alas-singko ay nandito na si Lester.”
Tumango ito. “Mag-iingat ka,” paalala nito sa kanya.
Tumango siya at pagkatapos ay lumabas na siya ng silid. Bumaba siya sa sala. Hinanap niya si Aling Trining at naabutan niya sa kusina ito.
“Aling Trining, kayo na ho ang bahala kay Ate. Painumin po ninyo siya ng gamot,” habilin niya rito.
“Huwag ka nang mag-alala. Ako ang bahala sa ate mo,” nakangiting sabi ng mabait nilang kapitbahay. Sobra-sobra ang pasasalamat niya rito namg pumayag itong alagaan ang kapatid kapag wala sila ni Lester sa bahay. “Hija, kailan mo ba mapapatingnan sa espesyalista ang kapatid mo?”
Huminga siya ng malalim. “Hindi ko pa po alam. Hindi pa ho kasi sapat ang pera namin, eh.”
Tinapik siya nito sa balikat. “Kung kailangan ninyo ng tulong ay magsabi lang kayo. Nakahanda kaming mga kapitbahay ninyo na mag-abot kahit kaunti. Sana ay maipagamot na natin sa lalong madaling-panahon ang kapatid mo. Habang tumatagal ay iginugupo siya ng depresyon at nawawalan na siya ng pag-asa.”
“Marami pong salamat sa pagmamalasakit ninyo. Gagawa ho ako ng paraan para maipagamot si Ate.”