MAGHAPONG nag-iisip si Jamelia tungkol sa kalagayan ng kanyang ate. Malaki ang gagastusin mula sa pagpapatingin nito sa espesyalista hanggang sa operasyon at therapy nito. Gusto niyang mangutang pero natatakot siya na baka hindi niya mabayaran ang hihiramin niyang pera. Ayaw niyang magkaroon pa ng panibagong problema.
Huminga siya ng malalim habang inaayos ang pera sa kaha. Pilit man niyang i-focus ang atensiyon niya sa kanyang trabaho ay hindi niya magawa. Patuloy na nagpa-flash back sa kanyang isip ang sinabi sa kanya ng doktor noong gabing maaksidente ang kapatid niya. Mayamaya lang ay hindi na niya napigilan ang sarili. Napaiyak na siya.
“Jam, okay ka lang?” tanong sa kanya ng isa sa mga kasamahan niyang babae na si Yolly. Tumigil ito sa pag-aayos ng mga upuan at lumapit sa kanya nang makita siyang umiiyak.
“Okay lang ako.” Pinahid niya ang kanyang mga luha.
“Sigurado ka ha. Bilisan mo na iyang ginagawa mo para makasabay ka na sa amin sa pag-uwi.”
“Mauna na kayo kasi mag-iimbentaryo pa kami sa kusina kung ano ang mga kulang sa mga ingredients,” aniya.
“Okay," napatango na sabi ni Yolly. Mag-iingat ka mamaya pag-uwi mo, ha? Kung puwede lang sana kitang hintayin para may kasabay ka. Kaya lang, hindi ako nakapagsabi kay Inay na mahuhuli ako ng pag-uwi. Baka mag-alala iyon sa akin.”
Ngumiti siya. “Kaya ko namang mag-isa, eh. Sige na, bilisan mo na iyang ginagawa mo para matapos na at nang makauwi ka na.”
Ipinagpatuloy na nga nito ang ginagawa.
Katatapos lang niyang bilangin ang pera sa kaha at iayos ang mga resibo nang isa-isa ng mag-alisan ang mga kasama niya. Iniayos muna niya ang pera at mga resibo sa ilalim ng counter bago siya nagtungo sa kusina. Sinisimulan na ng dalawang kusinera nila ang pag-iimbentaryo. Tinulungan niya ang mga ito. Pagkatapos nilang ilista ang mga kulang sa kusina ay umuwi na rin ang mga ito. Kinuha naman niya ang pera at mga resibo bago siya pumasok sa opisina ni Ma’am Vera. Naroon pa ito at abala ito sa pag-aaral sa mga papeles na hawak nito. Inilagay niya ang mga dala niya sa ibabaw ng mesa ng babae.
Palabas na siya ng pinto nang tawagin siya ni Ma’am Vera kaya napaharap uli siya rito. “Bakit ho, Ma’am?” tanong niya.
“Mag-isa ka lang bang uuwi?”
Tumango siya nang marahan. “Nakauwi na ho ang mga kasama ko.”
“Kung ganoon ay hintayin mo na lang ako. Ihahatid kita sa inyo.”
“Ho? Huwag na ho,” tanggi niya.
“Malalim na ang gabi at baka kung ano pa ang mangyari sa iyo sa daan. Malapit na rin naman akong matapos sa ginagawa ko,” giit nito.
“S-sige po,” nahihiyang pagpayag na rin niya. “Sa labas ko na lang po kayo hihintayin.”
Nang tumango ito ay iniwan niya ito. Lumabas siya ng restaurant at naupo sa bench na naroon. Nangilid ang kanyang mga luha nang muli niyang maalala ang kanyang ate. Gusto na niya itong ipagamot pero wala siyang mapagkukuhanan ng pera na gagastusin para dito. Naputol ang pag-iisip niya nang makita niyang palabas ng restaurant si Ma’am Vera. Pinahid niya ang kanyang mga luha. Nilapitan siya nito.
“Ano’ng problema? Umiiyak ka ba?” tanong ng may edad na babae.
“Wala ho ito, Ma’am,” pagsisinungaling niya. “Napahikab lang po ako kaya medyo naluha ako.”
Mukhang hindi ito naniwala sa sagot niya. “Huwag ka nang magkaila. Kitang-kita ko namang namumugto ang mga mata mo. Ano ba’ng nangyari? Tungkol ba iyan kay Jenny?”
Hindi siya sumagot. Napayuko lamang siya. Naramdaman niya ang paghawak nito sa kanyang balikat.
“Sabihin mo sa akin kung ano ang problema. Baka makatulong ako.”
Umiling siya. Alam niyang malaki ang maitutulong nito sa kanya pero nahihiya siyang magsabi rito. Ayaw niyang isipin nito na sinasamantala niya ang kabutihang ipinapakita nito sa kanila ng kanyang mga kapatid. “Huwag na ho. Nahihiya na ho kami sa inyo. Sobra na ho ang ginagawa ninyong pagtulong sa amin.”
“Wala iyon. Matagal din namang nanilbihan sa akin ang kapatid mo, eh,” anito at tipid na ngumiti. “Siyanga pala, nadala mo na ba siya sa isang espesyalista?” “Hindi pa ho. Pero plano ko hong dalhin siya sa Maynila sa susunod na buwan para mapatingnan ang mga paa niya.”
“Kung kailangan ninyo ng pera, huwag kang mahihiyang lumapit sa akin.” Bahagya nitong pinisil ang kanyang balikat. “Halika na, umuwi na tayo.”
Pagdating niya sa bahay ay tulog na ang kanyang mga kapatid. Nagpalit siya ng damit at pagkatapos ay kinuha niya sa cabinet ang isang envelope. Walang ingay na lumabas siya ng silid at bumaba sa kusina. Nagtimpla muna siya ng kape at saka siya umupo sa harap ng dining table. Inilabas niya ang mga papel na laman ng envelope at tinitigan niya ang mga iyon. Halos kalahating oras din siyang tahimik na nakatingin lang sa mga papel na hawak.
Mayamaya ay napahinga siya nang malalim bago tumayo. Inilagay niya sa lababo ang ginamit niyang tasa at saka siya bumalik sa silid dala ang envelope. Inilagay niya iyon sa ilalim ng kanyang mga damit. Pagkatapos ay nahiga siya sa tabi ni Ate Jenny. Sinulyapan niya ito habang nahihimbing ito sa pagtulog. Ilang sandali pa ay ipinikit na niya ang kanyang mga mata. Isang desisyon ang nabuo sa kanyang isip. Sana nga lang ay sang-ayunan iyon ng dalawa niyang kapatid.
MAAGANG nagising si Jamelia at naghanda ng almusal. Dinalhan niya ng pagkain sa kuwarto si Jenny. Pagkatapos nitong kumain ay bumaba siya sa kusina bitbit ang mga pinagkainan nito. Kauupo lang niya sa harap ng hapag para makapag-almusal na rin siya nang pumasok sa kusina si Lester. Dumulog na rin ito sa hapag. Wala siyang imik habang kumakain sila. Napansin niyang panay ang pagsulyap nito sa kanya na tila pinakikiramdaman siya nito. Pagkatapos kumain ay iniwan siya nito sa kusina. Iniligpit naman niya ang kanilang pinagkainan.
Pagkatapos ay lumabas siya sa sala at nagulat siya nang makitang nakaupo sa sofa si Lester.
“Bakit hindi ka pa naghahanda para sa pagpasok mo sa eskuwela? Wala ka bang klase ngayon?” usisa niya.
“Puwede ba tayong mag-usap, Ate?” wika nito na hindi sinagot ang kanyang tanong.
Napakunot-noo siya. Bigla siyang kinabahan dahil seryosung-seryoso ang tinig nito. Baka panibagong problema ang sasabihin nito sa kanya. Huwag naman po sana. Hindi ko na kayang mag-isip pa. Sasabog na nga ang utak ko sa pag-iisip kay Ate, heto at dadagdag pa yata si Lester, naisaloob niya.
“Tungkol saan? May problema ka ba sa eskuwelahan? Bakit, ano’ng nangyari?” sunud-sunod na tanong niya.
Huminga ito nang malalim bago sumagot. “Kahapon ay nag-drop ako sa lahat ng subjects ko, Ate. Hindi na ako papasok.”
“Ano? Bakit?” Namilog ang kanyang mga mata sa narinig. Hindi siya makapaniwala sa narinig.
“Gusto ko kasi na ako na lang ang mag-alaga kay Ate Jenny para hindi na tayo magastusan sa pagbabayad ng mag-aalaga sa kanya. Para makatipid-tipid na rin tayo.”
Napaupo siya sa sofa. “Bakit mo ginawa iyon nang hindi man lang nagsasabi sa akin? Ano ba ang tumatakbo diyan sa isip mo?”
Yumuko ito. “Ate, I’m sorry. Alam ko kasing hindi ka papayag sa gusto kong mangyari kung ipapaalam ko iyon sa iyo kaya naisip kong sabihin ito sa iyo ngayong nakapag-drop na ako.”
Napailing-iling siya at naihilamos ang palad sa kanyang mukha.
“Ate, babalik din naman ako sa pag-aaral kapag okay na si Ate Jenny.”
Gusto niyang magalit pero naiintindihan din naman niya ito. Kung siya man ang nasa katayuan nito ay baka gawin din niya iyon. Tiningnan niya ito. “Sa susunod na taon ay babalik ka uli sa pag-aaral. Nagka-kaintindihan ba tayo?” aniya pagkaraan ng ilang sandali.
Tumango ito.
“Siyanga pala, gusto kong tulungan mo akong kumbinsihin si Ate na pumayag siyang ibenta natin iyong maliit na lupang iniwan sa atin nina Inay at Itay.”
“Ano? Ibebenta natin 'yong lupa?” gulat na sabi nito.
Naiintindihan niya kung ganoon man ang naging reaksiyon nito. Ang lupang iyon na lang kasi ang naiwan sa kanilang magkakapatid ng mga magulang nila kaya hanggang maaari ay ayaw nilang tatlo na mawala iyon sa kanila. “Naisip ko kasi tutal hindi naman natin iyon naaasikaso, mas mabuti siguro kung ibenta na lang natin iyon. Gagamitin natin ang perang mapagbe-bentahan para mapatingnan si Ate sa isang espesyalista. Payag ka ba sa naiisip ko?”
Matagal bago ito sumagot. “Kung iyon ang sa tingin mong makakabuti, sige. Pero sa tingin mo ba, papayag si Ate?”
“Kaya nga kukumbinsihin natin siya, eh.”
“Siguro, kausapin natin siya kapag medyo okay na siya. Ngayon kasi ay madalas pa rin siyang umiiyak at natutulala.”
“Okay,” pagsang-ayon naman niya.
NAPABUNTONG-HININGA si Adrian pagkatapos niyang marinig ang usapan nina Jamelia at Lester. Dadalaw sana siya sa mga ito pero napatigil siya sa pinto ng apartment nang marinig na ang seryoso ang pinag-uusapan ng mga ito. Napapihit siya pabalik sa kanyang kotse at nagtungo na lang sa bahay nina Ruel.
“Kuya Adrian, napadalaw ka?” Ngiting-ngiting sinalubong siya ni Raiza pagpasok niya sa bahay ng mga ito.
Nakangiting hinagkan niya ito sa pisngi.
“Para sa akin ba 'yan?” tanong nito na nakatingin sa mga bulaklak na dala niya.
“What?” Nangunot ang noo niya.
“Ang sabi ko, para sa akin ba iyang mga dala mong bulaklak? Hindi naman siguro para kay Kuya ang mga iyan, 'di ba?”
Natawa siya sa sinabi nito. “Sige, sa iyo na lang ito,” aniyang iniabot dito ang mga bulaklak na ibibigay sana niya kay Jamelia.
“Sinasabi ko na nga ba’t may HD ka sa akin, eh.” Abot-tainga ang ngiti nito nang tanggapin nito ang mga iyon.
“‘HD?’”
“Hidden desire,” ngising-ngisi na sabi nito.
Napangiti siya. “Puro ka talaga kalokohan! 'Asan nga pala ang Kuya Ruel mo?”
“Nasa kuwarto niya, nakahilata pa rin. Puntahan mo na lang. Salamat dito sa mga flowers, ha?”
Tumango siya at pinuntahan na niya si Ruel sa silid nito. Pagpasok niya sa pinto ay eksakto namang kababangon lang nito. Kumunot ang noo nito nang makita siya.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Ang aga mo, ah.” Pumasok ito sa banyo na nasa loob ng silid nito para maghilamos.
“Kailangan ko ng makakausap, eh,” sabi niya. Umupo siya sa kama nito.
“Tungkol saan?” tanong nito nang lumabas ng banyo. “Pare, kung tungkol sa trabaho iyan, utang-na-loob, huwag mo muna akong kausapin. Malaki rin ang problema ko ngayon sa negosyo namin,” sabi nito habang pinupunasan ng tuwalya ang mukha.
Umiling siya. “Hindi tungkol doon.”
Isinabit nito sa likod ng pinto ang tuwalya at saka humarap sa kanya. “Then about what?”
Hindi siya agad nakasagot. Napahinga siya ng malalim at tinitigan niya ito.
“Ano ba talaga ang problema mo at masyadong seryoso iyang mukha mo?” tanong nito. “Don't tell me babae?”
Tumango siya. “Actually, dalawa ang problema ko.”
Ngumisi ito. “Ibang klase ka rin ha. Ang tagal-tagal mong umiiwas sa mga babae, 'tapos ngayon, dalawa pa ang pinoproblema mo. Huwag mong sabihing pareho mong nabuntis?”
Binato niya ito ng unan. “Gago! Hindi ako katulad mo na kung ilang mga babae ang pinoproblema. Isa lang ang problema ko.”
Ibinato rin nito sa kanya ang unan na ibinato niya rito. “Huhulaan ko kung sino. Iyong babaeng na-holdap noon na ngayon ay nagtatrabaho sa restaurant ng tita mo?”
“How did you know?” gulat na tanong niya.
“Ilang beses kitang nakita na kasama ang babaeng 'yon. What’s her name again?”
“Jamelia,” matipid na sagot niya.
Tumangu-tango ito. “So ano ang problema? Kontra ba sa kanya ang Tita Vera mo?”
“Of course not,” mabilis na sagot niya na sinabayan pa niya ng pag-iling. “Hindi naman matapobre si Tita, eh. At saka imposibleng tumutol iyon dahil siya na nga mismo ang nagtutulak sa akin na mag-asawa na. Kaya nga kung sinu-sinong babae na lang ang inirereto niya sa akin.”
“Sabagay,” wika nito na nagkibit-balikat. “Mabait naman ang Tita Vera mo. Kung ganoon, ano ang problema mo?”
“Hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay Jamelia ang tungkol sa nararamdaman ko sa kanya.”
Umiling-iling na lumapit ito sa cabinet at kumuha roon ng T-shirt. “Nakalimutan mo na ba kung paano manligaw?”
“Hindi sa ganoon, pare. Hindi ko lang alam kung paano ko bubuksan sa kanya ang tungkol sa bagay na iyon. 'Tapos, nadagdagan pa ngayon ng problema dahil sa kapatid niya.”
“Bakit, ano’ng nangyari?”
“Naaksidente kasi ang panganay niyang kapatid. Kailangang maipaopera ang mga paa ni Jenny para makalakad uli siya. Gusto ko sana siyang tulungan, eh.”
Hinila nito ang upuang nasa harap ng computer table nito at umupo roon paharap sa kanya. “Nakuha ko na ang problema mo. Mahirap nga iyan, pare.”
Hindi siya umimik.
“Kapag sinabi mo sa kanya ang feelings mo at nag-offer ka ng tulong, tiyak na tatanggi siya dahil mahihiya siya sa iyo. Siyempre, ayaw niyang isipin mo na sinasamantala niya ang nararamdaman mo para sa kanya.”
Tumango siya.
“At kapag tinulungan mo naman siya bago mo sabihin ang nararamdaman mo para sa kanya, iisipin naman niyang humihingi ka ng kapalit sa tulong na ibinigay mo para sa kapatid niya.”
“Eksakto,” mahinang sabi niya.
Namayani ang katahimikan sa kanilang pagitan.
Tahimik lang si Ruel. Alam niyang nag-iisip ito ng maipapayo sa kanya. “Siguro naman malawak ang pang-unawa niya at maiintindihan ka niya kapag kinausap mo siya ng maayos,” wika nito nang sa wakas ay nagsalita uli ito.
Hindi siya umimik.
Tinapik nito ang balikat niya. “Subukan mo na lang, pare. Sabihin mo sa kanya na mahal mo siya at kumuha ka ng tamang tiyempo para sabihin sa kanya na tutulungan mo ang kapatid niya.”
Hindi siya umimik. Hindi niya alam kung paano gagawin ang sinabi nito pero pipilitin niyang matulungan si Jamelia sa problema nito. Bigla niyang naalala ang narinig niyang usapan nito at ni Lester tungkol sa lupa na planong ibenta ng mga ito.
Isang ideya ang pumasok sa kanyang isip. Kapag napapayag ng mga ito si Jenny na ibenta ang lupa ng mga ito ay siya na lamang ang bibili niyon