Chapter Ten

2067 Words
MAAGANG nagtungo si Adrian sa bahay nina Jamelia. Linggo noon kaya alam niyang walang pasok ang dalaga sa restaurant. Kumatok siya ng marahan sa pinto ng apartment nito. “Kuya Adrian,” ani Lester nang buksan nito ang pinto at makita siya. Niluwangan nito ang pagkakabukas niyon at pinapasok siya.  Nakita niya sina Jamelia at Jenny na nasa sala. “Good morning!” masiglang bati niya sa mga ito.  “Ang aga mo namang dumalaw,” nakangiting sabi sa kanya ni Jamelia.  “Tanghali na nga, eh. Hindi na natin makikita ang pagsikat ng araw,” nakangiti niyang sabi.  Kumunot ang noo ng mga ito.  “Naisip ko kasing yayain kayong pumunta sa resort namin para makapag-relax naman kayo ng kaunti. Makakabuti iyon para kay Jenny.”  “Maiwan na lang ako.”  “Hindi puwede, Jenny,” mabilis na sabi niya. “Dahil nga sa iyo kaya ko naisip ang lakad na ito, eh.”  “Pero abala lang ako sa inyo. Hindi kayo makakapag-enjoy dahil sa akin.”  “Ang dami namang drama ni Ate, eh,” pabirong sabi ni Lester. “Ihahanda ko na ang mga gamit namin, Kuya Adrian.” Pagkasabi niyon ay umakyat ito sa itaas. “Salamat, ha?” ani Jamelia sa kanya. “Sandali lang. Magbibihis lang ako at saka kukuha ng pamalit ni Ate.” Binalingan nito ang kapatid. “Ate, ikaw muna ang bahala kay Adrian.” Pagkasabi niyon ay umakyat na rin ito sa hagdan.  Pagbalik ni Jamelia ay nakapagbihis na ito at may dala rin itong damit para sa ate nito. Dinala nito si Jenny sa banyo at doon tinulungang magbihis.  Ilang sandali pa ay nakasakay na silang apat sa kanyang kotse. Pagdating nila sa kanilang resort ay magkatulong na binuhat nila ni Lester si Jenny pababa ng kotse. Ito ang nagtulak sa wheelchair kaya sila ni Jamelia ang magkatulong na nagbaba ng kanilang mga dalahin patungo sa cottage na ipinahanda niya para sa kanila.  “Adrian, maraming salamat sa pagtulong mo sa amin sa paglibang kay Ate Jenny,” wika nito nang mapag-isa sila sa cottage dahil naglakad-lakad sa tabing-dagat sina Lester at Jenny.  Nginitian niya ito. “Tama na nga iyang kakapasalamat mo. Basta mag-enjoy lang kayong magkakapatid.” “HINDI ko na nga rin alam kung ano ang gagawin ko sa pamangkin kong iyan, mare,” ani Vera sa ina ni Angelie na si Mrs. Imelda Ronquillo. Matalik na kaibigan niya ito at isa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi niya pinipigilan si Angelie sa paglapit at pagpapakita nito ng motibo sa kanyang pamangkin. “Talagang mailap siya sa mga babae.”  “Baka naman nasa anak ko talaga ang problema kaya hindi siya magustuhan ng pamangkin mo. Masyado kasing modernang kumilos at mag-isip si Angelie,” ani Mrs. Ronquillo. “Kahit kami ng asawa ko ay nahihirapang intindihin ang batang iyon kung minsan.”  “Natural lang naman iyon sa henerasyon ngayon, eh,” agad niyang sabi. Ang totoo ay ibig niyang sumang-ayon dito. Ang masamang ugali naman kasi ni Angelie ang talagang iniaayaw rito ni Adrian.  “Pinagsabihan ko na noon si Angelie na bawasan ang ugali niyang iyon dahil iba ang iniisip ng ibang tao sa kanya. Alam mo naman ang mga taga-rito sa atin. Kapag nakitang iba ang ikinikilos mo, eh, tiyak na pag-uusapan ka.”  Hindi siya sumagot.  “Kaya nga nagdesisyon kaming mag-asawa na payagan na siyang pumunta sa Amerika. Malapit na kasi ang eleksiyon. Alam mo na, ayaw naming magkaproblema ng asawa ko,” anito. “Mabuti na rin iyon. Baka sakaling magbago ang ugali niya kapag nalayo siya rito. Baka kasi negatibo na rin ang iniisip ni Adrian sa kanya dahil sa malakas na personality niya.” “Hindi naman sa ganoon, mare,” wika niya. “Talaga lang wala pang panahon si Adrian sa pakikipagrelasyon, nakafocus kasi siyang masyado sa trabaho. Pero malay natin, kapag dumating ang panahon na handa na si Adrian ay si Angelie rin ang makatuluyan niya.”  Tumango ito. “Sana nga ay ganoon ang mangyari. Si Adrian kasi talaga ang gusto ko para sa anak ko. Pero ang balita ko, mare, ay madalas siyang makita na may kasamang babae.”  “Sino?” aniyang kumunot ang noo. “Ang sabi ni Mareng Gloria, nakita raw niya minsan iyong babaeng iyon sa restaurant mo. Cashier mo yata siya, eh.”  Natigilan siya sa narinig. Kinutuban siya. Tama kaya ang iniisip niya noon pa na nahuhulog na ang loob ng pamangkin niya kay Jamelia? Pilit siyang ngumiti. “Magkaibigan sina Adrian at Jamelia. Kung sakaling may relasyon sila bukod sa pagiging magkaibigan ay sinisiguro ko sa iyong sasabihin agad iyon sa akin ng pamangkin ko.”  Nagkibit-balikat si Mrs. Ronquillo. “Siguro nga ay mali ang bali-balita na nagkakamabutihan na sila. Katulad nga ng sinabi ko kanina, kaunting bagay lang ay pinapalaki ng mga usisero at tsismosa rito sa atin.”  Tumango siya.  “Bueno, Vera, hindi na rin ako magtatagal. Napadaan lang naman ako para ibigay sa iyo ang imbitasyong iyan,” anitong tumayo na mula sa kinauupuan nito.  Ngumiti siya. “Sige, asahan mong dadalo ako.”  Tumalikod ito at umalis. Paglabas nito ng study room ay tumaas ang isang kilay niya at agad nawala ang kanyang ngiti. Kahit na anak mo pa ang Angelie na iyon, hinding-hindi ako papayag na mapunta sa kanya ang pamangkin ko, naisaloob niya. Huminga siya ng malalim bago ibinalik ang pansin sa mga papeles na binabasa niya bago dumating si Mrs. Ronquillo. Nag-angat lang siya ng ulo nang may kumatok sa labas ng study room. “Tuloy,” wika niya.  Bumukas ang pinto at pumasok doon ang isa sa mga katulong.  “Señora, may naghahanap po kay Señorito Adrian sa ibaba,” pagbibigay-alam nito.  “Di sabihin mong wala si Adrian,” aniyang bahagyang nainis. Alam naman nito ang dapat isagot sa bisitang naghahanap sa kanyang pamangkin pero pinuntahan at inabala pa siya nito.  “Importante raw ho ang sadya niya. Sinabi ko na nga po na wala si Señorito pero ang sabi po ay hihintayin na lang daw nilang dumating. Naroon ho sila sa sala.”  Napakunot-noo siya. Sino kaya ang bisitang dumating at ganoon na lamang kaimportante ang sadya ng mga ito sa pamangkin niya. Tumayo siya. “Sige, haharapin ko sila.” Lumabas siya ng study room at bumaba sa living room. Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan nang bigla siyang matigilan nang makilala kung sino ang babaeng naghihintay sa sala. Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig sa pagkabigla.  “N-Norraine?” hindi makapaniwalang tawag niya sa pangalan ng babae.  Nag-angat ito ng tingin at tumayo nang makita siya. “Good afternoon, Tita Vera,” anito at saka tipid na ngumiti. Itinuloy niya ang pagbaba ng hagdan nang hindi inaalis ang tingin rito. “Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya.  “Gusto ko hong makausap si Adrian, Tita,” sagot nito.  Tumaas ang isang kilay niya. “After seven long years? Pagkatapos ng lahat ng ginawa mo sa kanya, may gana ka pang pumunta rito at magpakita sa kanya? Ang kapal din naman ng mukha mong babae ka!” Hindi ito nagsalita.  “Para ano pa at bigla kang bumalik dito? Ano’ng binabalak mo? Balak mo na naman bang saktan ang pamangkin ko? Gusto mo ba talagang tuluyang masira ang buhay niya?” malakas na sabi niya.  “Hindi ako pumunta rito para guluhin ang buhay ni Adrian, Tita. Nandito ako para ipakilala sa kanya si Adrianna,” mahinahong sagot nito na para bang hindi ito tinatablan ng galit na ipinapakita niya.  “Adrianna? Sinong—” Natigil siya sa pagsasalita nang mapansin niya ang batang babae na nakaupo sa sofa at titig na titig sa kanya. Hindi kaagad niya ito napansin dahil natuon ang buong atensiyon niya kay Norraine. “S-sino ang batang 'yan?” kinukutuban na tanong niya. “Anak ko ho siya,” tugon ni Norraine. “Anak naming dalawa ni Adrian.”  Nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi niya magawang magsalita sa pagkabigla. Hindi siya makapaniwala sa narinig pero habang tinititigan niya ang bata ay napansin niyang may pagkakahawig nga ito sa kanyang pamangkin. At hindi imposibleng mangyari iyon.  “Mommy, sino po siya?” biglang tanong ng bata na siyang gumising sa kanyang diwa.  “She is your Lola Vera, your father’s aunt,” sabi ni Norraine sa bata.  Tiningnan siya nito pagkatapos ay ibinalik nito ang tingin sa ina. “Nasaan naman po ang daddy ko? Akala ko po ba, nandito siya?”  “Hindi ko rin alam, baby,” ani Norraine. Tiningnan uli siya nito. “Nasaan po si Adrian?”  “L-lumabas siya. Hindi naman niya sinabi sa akin kung saan siya pupunta,” tugon niya na hindi inaalis ang tingin kay Adrianna.  “Ganoon po ba? Okay lang po ba kung hintayin namin siya rito, Tita?” Tumango lang siya. Halos hindi pa rin siya makapagsalita dahil sa pagka-shock sa nalaman. Titig na titig siya sa mag-inang nasa harap niya. Tinatanong niya ang sarili kung totoo ba ang mga sinabi ni Norraine o nananaginip lamang siya.  “Salamat ho,” nakangiting sabi nito. “Maiwan ko muna kayo rito. May ginagawa kasi ako sa itaas, eh. Kung may kailangan kayo ay sabihin na lang ninyo sa mga katulong.” Iniwan niya ang mag-ina at umakyat siya sa kanyang silid. Agad siyang kumuha ng dalawang tableta ng pampakalma sa medicine cabinet. Agad niyang ininom ang mga iyon. Pakiramdam niya ay biglang tumaas ang presyon niya sa biglang pagbabalik ni Norraine. PAGKATAPOS ng pananghalian ay inihatid ni Adrian sina Jamelia sa bahay ng mga ito. Masaya ang pagpi-picnic nila. Natitiyak niyang nag-enjoy ang magkakapatid lalo na si Jenny. Pagdating nila sa bahay ng mga ito ay niyaya pa siyang maglaro ni Lester ng chess. Nalibang siya kaya bandang alas-singko na ng hapon siya nagpaalam sa mga ito. Kapapasok lang niya sa gate ng kanilang mansiyon nang makita niya ang isang batang babae sa hardin na tila libang na libang sa pamimitas ng mga bulaklak. Napakunot-noo siya habang ipinapasok niya ang kotse sa garahe. Sino kaya ang bisita ng kanyang tita? Bumaba siya ng kotse at nilapitan ang bata. Nang nasa likuran na siya nito ay tumikhim siya. Humarap ito sa kanya.  “Hi,” nakangiting bati niya rito.  Tiningnan lang siya nito at hindi ito nagsalita.  “What’s your name?” Lumuhod siya para hindi ito mahirapan sa pagtingala sa kanya.  "A-Adria—”  “Adrianna! Nasaan ka?” anang tinig ng isang babae na kalalabas lang ng main door ng mansiyon.  Sandali siyang natigilan. Pamilyar sa kanya ang tinig na iyon.  “Narito po ako!” malakas na sagot ng batang kaharap niya pagkatapos ay tumakbo ito palayo sa kanya.  Tumayo siya at pigil ang hiningang humarap sa babaeng tumawag sa bata. Hindi siya nagkamali ng hinala. Bagaman ilang taon na ang lumipas ay halos walang nagbago sa hitsura ni Norraine. Nakita niyang lumapit dito ang batang babae at humawak sa kamay nito. Tahimik ding nakatitig sa kanya si Norraine. Humugot siya ng malalim na hininga dahil pakiramdam niya ay naninikip ang kanyang dibdib habang tinititigan ito. “Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya nang makaipon siya ng lakas na magsalita.  Hindi ito sumagot pero ilang ulit itong lumunok.  Palipat-lipat naman ang tingin sa kanila ng bata. Pagkatapos ay marahan nitong hinila ang kamay ni Norraine upang makuha ang atensiyon nito. “Mommy, sino po siya? Siya na ba ang daddy ko?” inosenteng tanong ng bata.  “D-Daddy?” Napamaang siya sa narinig.  "Anak, pumasok ka muna roon sa loob. May cake doon sa sala. Kumain ka muna. Mag-uusap muna kami. Hintayin mo na lang kami roon, ha?” ani Norraine sa bata.  Tumango ang bata. At bago ito patakbong pumasok sa mansiyon ay nilingon muna siya nito.  “Ano’ng ibig sabihin nito, Norraine? Sino ang batang 'yon? Bakit itinatanong niya kung ako ang daddy niya?” sunud-sunod na tanong niya nang wala na ang bata.  “Anak ko si Adrianna,” sabi nito sa mababang tinig.  “A-anak mo? Kung gano’n, bakit niya ako tinawag na ‘Daddy’? Anong kasinungalingan ang sinabi mo sa kanya?” Hindi maitago ang galit sa kanyang tinig.  “Ang katotohanan lang ang sinabi ko sa kanya, Adrian. Anak natin siya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD