MATAGAL na tinitigan ni Adrian si Norraine na para bang malalaman niya sa mukha nito kung nagsasabi ito ng totoo. Pagkatapos ay napailing siya. Imposible ang sinasabi nito. Hindi puwedeng maging anak niya ang batang babae na kausap niya kanina. Pero bigla siyang napaisip. Bakit pagkakita niya sa bata ay may iba siyang naramdaman? Hindi siya malapit sa mga bata pero magaan ang loob niya kay Adrianna. Iyon ba ang tinatawag na lukso ng dugo?
Lalo siyang naguluhan. Paano nangyaring siya ang ama ng batang iyon? Isang beses lang may nangyari sa kanila ni Norraine noon. “That’s impossible. Hindi 'yan totoo. I don’t believe you,” sabi niya pagkalipas ng ilang sandali.
"Adrianna is your daughter, Adrian,” giit ni Norraine. “Nagbunga ang minsang pagkalimot nating dalawa. Buntis ako nang magdesisyon akong umalis ng San Felipe kasama si Inay at ang kapatid ko.”
Nagtagis ang kanyang mga bagang sa galit niya rito. Ganoon na lang ang pagpipigil niyang murahin ito. Wala na ba talaga itong gagawin kundi guluhin ang buhay niya at bigyan siya ng sama ng loob? “Itigil mo na ang kalokohan mong ito, Norraine. Tama na ang pagsisinungaling mo!”
Huminga ito nang malalim at kumurap-kurap na para bang pinipigilan nitong tumulo ang mga luha. Bakas sa mukha ng babae na nasasaktan ito sa mga sinasabi niya. “Inaasahan ko nang iyan ang magiging reaksiyon mo. Hindi kita masisisi, Adrian. Alam kong nasaktan ka noon sa pag-alis ko nang walang paalam.” Basag na ang tinig nito. “Pero maniwala ka, totoo ang sinasabi ko. Anak mo si Adrianna. Anak natin siya.”
Tinitigan niya ito. Oo nga at sinaktan siya nito at bigla siya nitong iniwan noon, pero kilala niya si Norraine. Hindi nito kayang manloko ng tao. Hindi ito kailanman nagsinungaling sa kanya noon. Pero iniwan ka pa rin niya! sigaw ng isang bahagi ng kanyang isip. Humugot siya ng malalim na hininga bago nagsalita.
“Kung totoong anak ko si Adrianna, bakit ka umalis? Bakit mo ako iniwan? Kung totoong buntis ka noon, bakit ka umalis sa panahong kailangang-kailangan mo ako?”
Matagal siya nitong tinitigan pagkatapos ay yumuko ito at nagsalita. “N-natakot ako.”
“Natakot ka saan?”
Nag-angat ito ng tingin. “Natakot ako na baka hindi ako matanggap ng pamilya mo. Baka hindi nila matanggap ang kalagayan ko. Alam nating pareho kung gaano kalayo ang estado na—”
“That’s bullshit, Norraine!” malakas na putol niya sa pagsasalita nito. “Alam mong kahit kailan ay hindi naging issue sa atin ang pagkakaiba ng estado natin sa buhay. Kilala mo rin ang pamilya ko. Tanggap ka nila. Kahit kailan, wala kang narinig sa kanila na anumang pagtutol.”
“Hindi mo ako masisisi, Adrian. Alam mo ang nangyari sa namatay kong kapatid, 'di ba? Nagpakamatay siya nang iwan siya ng mayamang lalaking minahal niya noon. Natakot lang ako na baka gawin mo rin iyon sa akin.” Naglandas na sa magkabilang pisngi nito ang mga luha nito. "Natakot ako na kunin at ilayo mo sa akin ang anak ko.
“Alam mong hindi ko iyon magagawa sa iyo, 'di ba?”
Humagulhol ito. Umiiyak na isinubsob nito ang mukha nito sa kanyang dibdib. “I’m very sorry, Adrian. Hindi mo lang alam kung gaano ko pinagsisisihan ang ginawa kong pag-iwan sa iyo.”
Napapikit siya. Bakit may pakiramdam siya na totoo ang sinasabi nito? Niyakap niya ito at hindi niya inaasahan ang biglang lumabas mula sa kanyang bibig. “M-magsisimula uli tayo, Norraine. Iaayos natin ang lahat.”
Tiningnan siya nito. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Lumunok siya bago nagsalita. “Magpapakasal tayo.”
Parang nabigla ito at bigla itong kumawala sa mga braso niya na parang napaso ito. “Hindi puwede.”
Siya naman ang natigilan. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Bakit? May asawa ka na ba?” tanong niya. A part of him was hoping she would say “yes.”
Umiling ito. “Wala akong ibang minahal maliban sa iyo.”
“Kung gano’n, bakit hindi mo ako puwedeng pakasalan?”
“Ang ibig kong sabihin ay hindi mo ako kailangang pakasalan dahil lang nalaman mong may anak ka sa akin. Hindi iyon ang gusto kong mangyari kaya ako pumunta rito. Dinala ko rito si Adrianna hindi para gamitin siya para muli kang makuha. Ipinakilala ko siya sa iyo dahil karapatan ninyong makilala ang isa’t isa.”
Matagal niya itong tinitigan habang nag-iisip siya kung ano nga ba ang tama niyang gawin. Mayamaya ay hinawakan niya ang magkabilang balikat nito. “Magpapakasal tayo, Norraine,” giit niya.
Umiling ito.
“Sa tingin mo ba, papayag akong lumaking walang ama ang anak ko? Sa tingin mo ba, magagawa ko pa kayong pabayaang malayo sa akin ngayon?”
Nanatili itong nakatitig sa kanya.
“Magpapakasal tayo. I promise I’ll be a good husband to you. Mamahalin ko kayo ng anak natin nang higit pa sa buhay ko.”
MALALIM na ang gabi pero hindi pa rin dinadalaw ng antok si Adrian. Kahit nasabi na niya kay Norraine na pakakasalan niya ito ay hindi pa rin niya sigurado kung tama ba ang naging desisyon niya. Siguro nga ay nagpadalus-dalos siya. Pero ang kapakanan lang ni Adrianna ang unang pumasok sa isip niya kaya kay bilis niyang nakapagpasya. Huminga siya nang malalim at muling nagsalin ng alak sa baso. Nag-angat siya ng tingin nang bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang tiyahin.
“Tita, where have you been?” tanong niya.
“May binisita lang akong kaibigan.” Umupo ito sa bar stool na katabi niya. “Namumula ka na, ah. Mukhang napaparami na ang naiinom mo.”
Umiling siya. “Gusto mo ba akong samahan?” Tumayo siya at umikot sa loob ng bar para ikuha ito ng baso.
“Nagkita na ba kayo ni Norraine?” tanong nito. “Dumating siya kanina at hinahanap ka.”
“Yeah, nagkita at nagkausap na kami.” Sinalinan niya ng alak ang baso at saka niya iyon iniabot dito. Pagkatapos ay uminom siya sa kanyang baso.
“May problema ba, hijo?” tanong nito.
“Wala ho.” Nag-iwas siya ng tingin dito.
“Bakit ka naglalasing? Umiinom ka lang naman kapag may problema ka o may okasyon.”
“Wala ho akong problema. In fact, nagse-celebrate ako.”
“Bakit?”
“Nakita n’yo ba iyong batang babae na kasama ni Norraine? She’s my daughter, Tita.”
Bumuga ito ng hangin bago sumagot. “Iyon nga rin ang sinabi sa akin ni Norraine kanina. Pero paano mo naman nasigurong anak mo nga ang batang iyon? Wala tayong pinanghahawakang ebidensiya na anak mo si Adrianna.”
“Alam kong hindi magagawang magsinungaling sa akin ni Norraine,” tanging nasabi niya.
Umiling-iling ito. “Ganoon ba talaga kalaki ang pagkabaliw mo sa babaeng 'yon? Niloko ka na nga niya noon pero pinaniniwalaan mo pa rin siya ngayon.”
“Iniwan lang niya ako, Tita, at hindi niya ako niloko,” mabilis na pagtatama niya rito.
Huminga ito nang malalim habang patuloy sa pag-iling.
“Anak ko ang batang iyon. Nararamdaman kong ako nga ang ama niya,” pangungumbinsi niya rito. “Kung titingnan mo siyang mabuti, hindi ka magdududa na mag-ama kami. Halos lahat ng features niya ay nakuha niya sa Benitez.”
Inubos nito ang natitirang alak sa baso nito bago ito nagsalita. “So, ano ang balak mong gawin ngayon sa bata?”
“Ibibigay ko sa kanya ang lahat ng nararapat para sa kanya. Mamahalin ko siya, aalagaan at higit sa lahat, ibibigay ko sa kanya ang pangalang Benitez.”
“What do you mean?"
"Magpapakasal kaming dalawa ni Norraine.”
“What?” Muntik na itong masamid habang umiinom ng alak dahil sa sinabi niya. Napatingin ito sa kanya.
“Hindi lang ang pangalan ko ang gusto kong ibigay sa anak ko, Tita. Gusto ko siyang bigyan ng masayang pamilya.”
Hindi ito nakapagsalita. Titig na titig ito sa kanya. Waring hindi talaga ito makapaniwala sa naging desisyon niya.
“Bakit parang hindi kayo masaya sa ibinalita ko?” tanong niya. “This is what you want, right? Matagal na ninyo akong ipinagtutulakan na lumagay sa tahimik.”
“Oo, hijo. Iyon nga ang gusto ko. Pero...” Tinitigan siya nito. “Sigurado ka ba riyan sa gagawin mo?”
Lumipas ang ilang sandali bago siya tumango.
“Hijo, kung gagawin mo lang iyan para sa bata ay ako na ang nagsasabi sa iyong mali ang desisyon mo. Hindi lang ang pagpapakasal ang paraan para maging mabuti kang ama sa kanya.”
Matagal bago uli siya sumagot. “Tita, hindi ko ito ginagawa para lang sa bata.”
“Ano’ng ibig mong sabihin? Huwag mong sabihing mahal mo pa rin si Norraine sa kabila ng ginawa niya sa iyo?”
Hindi siya nakasagot.
“Hijo?”
“Yes, Tita. I think I still love her,” aniya saka uminom ng alak. Ngunit isang bahagi ng kanyang pagkatao ang tumututol sa sinabi niya.
Matagal siya nitong tinitigan. “Ikaw ang bahala kung iyon ang gusto mong mangyari. Pero sana, hindi ka nagkakamali sa desisyon mong iyan. Ayokong makitang miserable ka, hijo.”
Tumango siya.
“Nasaan sila?” malamig na tanong nito.
“Nasa bahay sila ng tiyahin ni Norraine,” tugon niya. “Tita, are you okay? You look pale.”
“I’m okay, hijo. Napagod lang ako at medyo nabigla rin ako sa ibinalita mo sa akin. Sige, maiwan na kita. Gusto ko nang magpahinga.” Hinagkan siya nito sa noo bago siya iniwan.
MAAGANG umalis ng bahay si Adrian para magtungo sa opisina ni Ruel. May usapan sila na sabay silang pupunta sa bahay ng isa pang kaibigan nila na si Armand para iselebra ang kaarawan ng huli. Ilang sandali lang ang ipinaghintay niya kay Ruel. Paglabas nito ng gusali ay sumakay na ito sa kanyang kotse.
“Salamat, pare, ha? Masyado na akong abala sa iyo. Ilang beses na akong nagpapasundo sa iyo tuwing may lakad tayo,” wika nito habang nagsusuot ito ng seat belt.
“Sa susunod kasi, ingatan mong mabuti ang sasakyan mo para hindi ka naaaksidente. Mabuti sana kung ikaw lang ang nasasaktan. Ang sasakyan mo ang kawawa,” pagbibiro pa niya at pinaandar na niya ang sasakyan.
Ngumiti ito. “Kumusta nga pala ang lakad ninyo kahapon nina Jamelia?”
“Okay lang. Sa tingin ko naman ay nag-enjoy sila, lalo na si Jenny.”
“Mukhang nagsisimula ka nang tumiyempo para ligawan si Jamelia, ah.”
Hindi siya sumagot.
“Oo nga pala, pare. Nasabi ko na ba sa iyo noong tumawag ka sa bahay kahapon na noong isang araw ay parang nakita ko si Norraine? Well, hindi ako sigurado kung siya nga iyon, pero kamukhang-kamukha talaga niya ang babaeng nakita ko. May kasama pa ngang batang babae.”
Nanatili siyang tahimik.
“Pero siguro, hindi iyon si Norraine,” sabi pa rin nito. “Matagal na siyang wala rito. At saka, 'di ba kaya—”
“Si Norraine nga ang nakita mo,” putol niya sa sinasabi nito.
“Nakita mo rin siya?”
Tumango siya. “Actually, nagpunta siya sa bahay.”
“Ano’ng ginawa niya roon?”
Hindi agad siya sumagot. Humugot siya ng malalim na hininga. “Ipinakilala niya sa akin ang anak namin.”
“Anak? Ano’ng— Sinasabi mo bang anak mo ang batang babae na nakita kong kasama niya?”
Tumango siya. “Oo. And the child’s name is ‘Adrianna.’”
“Paano nangyari 'yon? Matagal na kayong wala ni Norraine at matagal na rin siyang wala rito, 'di ba?”
“Bago siya umalis dito sa San Felipe ay buntis na siya.”
“Kung anak mo 'yon, bakit ngayon lang niya ipinakita sa iyo ang bata?”
“Hindi ko na iyon itinanong sa kanya. Hindi na rin naman mahalaga iyon. Naniniwala ako sa sinasabi niyang anak ko si Adrianna. Ang mahalaga sa akin ngayon ay makabawi ako sa mga panahong hindi ko nakasama ang anak ko.”
“Kung ganoon, ano ang plano mo sa bata? Kukunin mo siya kay Norraine?”
Umiling siya. “Magpapakasal kaming dalawa ni Norraine.”
Matagal itong nawalan ng kibo. “Pinag-isipan mo bang mabuti iyang desisyon mo?” kapagkuwan ay tanong nito.
Hindi siya sumagot.
“Pare, mag-isip ka muna. Nabibigla ka lang da—”
“Tama na,” mabilis na putol niya rito. “Iyan din ang sinabi ni Tita Vera sa akin kagabi. Kung dahil lang daw sa bata kaya ko pakakasalan si Norraine ay mali raw ang gagawin ko. Pero buo na ang pasya ko. Ibibigay ko sa anak ko ang isang pamilya na kailangan niya.”
“Paano si Jamelia?”
Parang may sumipa sa kanyang dibdib sa tanong na iyon nito. “Wala kaming relasyon ni Jamelia.”
“But you love her.”
Napahigpit ang pagkakahawak niya sa manibela. Tama ang sinabi nito pero kahit mahirap ay kailangan na niyang patayin ang damdaming umuusbong sa kanyang puso para kay Jamelia dahil magpapakasal siya sa ina ng kanyang anak. Nang mga sumunod na sandali ay pilit niyang iniligaw ang usapan. Batid niyang nahahalata iyon ni Ruel pero hindi na ito nagsalita pa.