Chapter Twelve

2129 Words
MAGHAPONG abala si Adrian sa plantasyon nang araw na iyon. Pagkatapos ng kanyang mga trabaho ay sumakay siya sa kanyang kotse at tahimik na nagmaneho patungo sa bahay ng Tita Myrna ni Norraine. Apat na araw na ang nakararaan mula nang malaman niya ang tungkol sa kanyang anak. Nagpasya si Lorraine na doon sa bahay ng tiyahin nito pansamantalang tumira.  Ilang sandali pa ay nakarating na siya sa kanyang destinasyon. Ang pinsang babae ni Norraine ang nagbukas sa kanya ng gate. Sinamahan siya nito papasok sa bahay.  “Good evening ho, Tita Myrna,” bati niya sa ginang na nadatnan niya sa sala at nanonood ng telebisyon. Ngumiti ito nang makita siya. “Hijo, kumusta ka na? Halika, maupo ka.”  Naupo siya sa sofa. “Nariyan ho ba sina Norraine at Adrianna?” tanong niya.  “Oo, nasa kuwarto sila,” sagot nito. Tinawag nito ang anak nito na nagbukas ng gate para sa kanya at inutusang tawagin ang kanyang mag-ina.  Ilang sandali pa ay nakita na niyang pababa ng hagdan sina Norraine at Adrianna.  “Daddy!” malakas na sabi ng bata at patakbo itong lumapit sa kanya.  Kinarga niya ito at malambing naman itong humalik sa kanyang pisngi.  “Maiwan ko muna kayo,” paalam ni Tita Myrna. “Aakyat na ako sa itaas.” Umupo uli siya sa sofa at kinalong si Adrianna.  Umupo si Norraine sa tabi niya. “Hindi ka nagpasabing pupunta ka rito ngayon,” sabi nito sa kanya.  “Biglaan kasi. May naisip ako na dapat kong sabihin sa iyo,” sagot niya.  Kumunot ang noo nito.  “Ano kaya kung doon na kayo sa mansiyon tumira ni Adrianna? Naisip ko kasi na mabuting naroon kayo ni Adrianna, tutal ay magiging abala tayo sa pag-aasikaso sa kasal natin.”  “Ha?” “Bakit, ayaw mo ba?” tanong niya. Nabakas niya sa mukha nito na parang gusto nitong tumanggi sa suhestiyon niya.  “Hindi naman sa ganoon, kaya lang, nakakahiya kasi—”  “Kung ang iniisip mo ay ang sasabihin ng mga tao, huwag mo iyong intindihin.”  “Kunsabagay, maganda nga ang naisip mo para mapalapit lalo ang loob sa iyo ni Adrianna. Pero gaya nga ng sabi mo, magiging abala na tayo sa pag-aayos ng kasal natin. Walang mag-aalaga sa bata.” “Magpapahanap tayo ng yaya at tutor para sa kanya. Payag ka na ba?”  Tumango ito.  “Ayusin mo na ang mga gamit n’yo at isasama ko na kayo ngayon.”  Tumalima ito. Umakyat uli ito sa ikalawang palapag ng bahay. Sinabi marahil nito sa tiyahin nito ang kanilang napag-usapan kaya bumalik sa sala si Tita Myrna at muling nakipag-usap sa kanya. Pagkalipas nang ilang sandali ay nagpaalam na sila at umalis patungo sa mansiyon. Pagdating nila roon ay siya ring pagdating ni Tita Vera mula sa restaurant.  “Good evening, Tita,” aniya rito. Hinagkan niya ito sa pisngi.  Ganoon din ang ginawa ni Norraine. Si Adrianna naman ay nagmano rito. Blangko ang mukha ni Tita Vera. Ni hindi ito ngumiti. Hindi na lamang niya iyon pinansin.  “Tita, naipahanda na ho ba ninyo iyong kuwartong tutuluyan nina Norraine?” tanong niya. Nang nagdaang araw pa niya nasabi rito ang plano niyang pagsundo sa kanyang mag-ina.  Tumango ito. “Oo, kaninang umaga pa iyon nakahanda.”  Sa narinig ay pinasamahan niya sa dalawang katulong ang kanyang mag-ina sa kuwartong inilaan nila para sa mga ito. Ang mga katulong ang nagbitbit ng mga gamit ng mga ito.  “Tita, may favor sana akong hihingin sa iyo,” aniya nang wala na sa harap nila ang kanyang mag-ina. Tiningnan lang siya nito, waring hinihintay ang sasabihin niya.  “Puwede bang tulungan mo akong maghanap ng yaya at tutor para kay Adrianna? Magiging abala kasi kami ni Norraine sa pag-aasikaso sa aming kasal kaya kailangan ng mag-aalaga kay Adrianna.”  “Marami namang katulong dito sa bahay, ah. Bakit maghahanap pa kayo?”  “Ang gusto ko ho kasi ay iyong talagang matututukan si Adrianna.”  Tumangu-tango ito. “Sige, bukas ay maghahanap ako. Aakyat na ako sa kuwarto at gusto ko nang magpahinga. Pasensiya na kayo at 'di ko na kayo masasabayan sa paghahapunan.”  “Okay. Thanks, Tita.”  “JAMELIA, ako muna riyan sa counter. Ipinapatawag ka ni Ma’am Vera sa opisina niya,” anang isa sa mga kasamahan niya.  Napakunot-noo siya sa pagtataka. Pero agad din siyang pumunta sa opisina ng kanilang amo. Pagkatapos kumatok ay pinihit niya ang seradura at pumasok siya sa pinto. “Ipinatatawag n’yo raw ho ako, Ma’am,” aniya pagkapasok sa loob ng silid.  “Maupo ka.” Itinuro nito ang silya na nasa tapat ng mesa nito.  Ipininid niya ang pinto bago siya tahimik na umupo sa silyang itinuro nito.  “Kumusta na ang ate mo?” tanong nito.  “Mabuti-buti na ho ang lagay niya ngayon. Si Lester ho ang nag-aalaga sa kanya. Maraming salamat nga ho pala uli sa pagbabayad ninyo ng hospital bills ni Ate.”  Tumango ito. Titig na titig ito sa kanya na para bang pinag- aaralan nito nang mabuti ang kanyang mukha. “May pera na ba kayo para mapatingnan at maipaopera si Jenny?” kapagdaka ay tanong nito. Umiling siya nang marahan. “Nag-iipon pa ho kami.”  Humugot ito ng malalim na hininga bago nagsalita. “Handa akong gastusan ang pagpapaopera niya.”  “Ho?” Napatitig siya rito.  “Pero may maliit akong pabor na hihingin sa iyo bilang kapalit.”  “Ano hong pabor?” Napakunot-noo siya.  “Gusto kong akitin mo ang pamangkin kong si Adrian.”  Napamaang siya rito. Hindi niya tiyak kung tama ang pagkakarinig niya sa sinabi nito. “Bakit ho gusto ninyong gawin ko 'yon?” tanong niya nang makabawi.  “Dahil hindi dapat matuloy ang kasal nilang dalawa ni Norraine.”  Si Adrian, ikakasal? Parang gusto niyang manghina sa narinig.  “Kaya mo ba iyong gawin, Jamelia?”  “S-seryoso ho ba kayo, Ma’am Vera?”  “Mukha ba akong nakikipagbiruan, Jamelia? Kung gagawin mo ang pabor na hinihingi ko, sasagutin ko ang lahat ng gastos sa pagpapagamot kay Jenny at bibigyan ko pa kayo ng sapat na halaga para sa pag-aaral ng bunso ninyong kapatid.”  Napalunok siya. Kahit sino na nasa kalagayan niya ay hindi siguro tatanggihan ang alok nito. Pero hindi niya kayang manira ng isang relasyon dahil sa pera. “Hindi ho sa nakikialam ako pero bakit ho ba ayaw ninyong matuloy ang kasal nila?” lakas-loob na tanong niya.  “Dahil hindi ako naniniwala sa oportunistang babaeng 'yon!” wika nito na bakas sa boses ang galit.  Lalo siyang naguluhan. Hinintay niya itong magkuwento.  “Seven years ago ay iniwan ni Norraine ang pamangkin ko nang walang paalam. Nakita ko kung paano halos gumuho ang buhay ni Adrian sa pagkawala niya. Siya ang dahilan kung bakit naging miserable ang pamangkin ko. Ngayon ay bumalik siya kasama ang anak niya. At ang tonto kong pamangkin, inalok pa rin ng kasal ang babaeng iyon sa kabila ng lahat!”  Hindi siya nakakibo. Ganoon ba kalaki ang pagmamahal ni Adrian sa Norraine na iyon kaya kahit sinaktan na ito ng babae ay nagawa pa uli nitong tanggapin ang babae at pati ang anak nito? “B-baka ho talagang mahal na mahal niya si Norraine kaya ganoon.” Parang may tumutusok sa kanyang puso habang sinasabi niya iyon. Dama niya ang matinding pagseselos pero sinaway niya ang kanyang sarili. Ano naman ang karapatan niyang makadama ng ganoon?  Ngumiti nang mapakla si Ma’am Vera. “I doubt it. Sa tingin ko ay hindi na niya mahal ang babaeng iyon katulad ng dati. Ginagawa lang iyon ni Adrian alang-alang sa bata.”  Naguguluhan pa rin siya.  “Ang sabi ni Norraine ay anak ni Adrian ang batang iyon. Agad naman iyong pinaniwalaan ni Adrian kahit walang sapat na katibayang ipinakita si Norraine na totoo ang sinasabi nito.”  Kung ganoon ay talagang mahal ng pamangkin ninyo si Norraine para maniwala siya nang ganoon kadali, naisaloob niya.  “Pero hindi ako naniniwala kay Norraine. Kung may anak sila ni Adrian, bakit pa siya umalis noon? Alam naman niyang pananagutan siya ni Adrian kapag nalaman nito ang kalagayan niya. Pero nilayasan niya noon ang pamangkin ko kaya paano niya ako mapapaniwala sa kasinungalingan niya ngayon?”  May punto ito. Lihim siyang nanggigigil kay Norraine kahit hindi niya ito kilala. Para sa kanya ay napakasamang tao nito. Iniwan nito si Adrian noon at ngayon ay gusto uli nitong guluhin ang buhay ng lalaki.  Walq kang pakialam sa bagay na iyon. Kung gustong magpakatanga ni Adrian sa babaeng iyon, problema na niya 'yon, anang isang bahagi ng kanyang isip.  “Ano’ng desisyon mo, Jamelia?” pukaw sa kanya ni Ma’am Vera. “Kapag tinanggap mo ang alok ko ay makakalakad uli ang ate mo at masisiguro mo pa ang kinabukasan ni Lester.”  Napahinga siya nang malalim. Napakahirap gumawa ng desisyon. Mahal na mahal niya ang kanyang ate. Malaki ang utang-na-loob niya rito kaya nakahanda siyang gawin ang lahat para dito at ganoon din para kay Lester. Ngayong nasa harap na niya ang pagkakataon ay hindi naman siya makapagdesisyon. “Jamelia, nakikiusap ako sa iyo. Tulungan mo akong mailayo ang babaeng iyon sa pamangkin ko. Kawawa naman si Adrian kapag natuloy ang kasalang iyon. Walang maidudulot na maganda sa buhay niya si Norraine.”  “B-bakit po ako ang napili ninyo para gawin 'yan? Paano ho kung hindi ako magtagumpay na akitin siya?” “Kayang-kaya mong gawin 'yon, hija. Minsan ka na naming napag-usapan ni Adrian at sa kanya mismo nanggaling na hindi ka mahirap magustuhan at mahalin.”  Hindi siya nakakibo.  “Alam kong nahihirapan kang mag-isip kaya bibigyan kita ng sapat na panahon. Mag-usap uli tayo pagkalipas ng tatlong araw at sana, sa muling paghaharap natin ay nakabuo ka na ng desisyon.”  Tumango siya. “Sige ho. Pag-iisipan ko hong mabuti ang alok ninyo.” Nagpaalam na siya rito para bumalik sa kanyang trabaho.  “BAKIT parang napakatahimik mo? May problema ka ba?” tanong ni Linda kay Jamelia. Nakiusap ito kung maaari itong matulog sa kanilang apartment. Pumayag siya. Doon muna niya pinatulog si Lester sa silid niya at ni Ate Jenny at sila ni Linda ang umokupa sa silid nito.  “May iniisip lang ako,” aniya habang nakatitig sa kisame.  “Problema ba?”  Hindi siya sumagot. Naglalaro sa isip niya ang pinag-usapan nila ni Ma’am Vera. Mayamaya pa ay naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga mata. Pinahid niya ang luhang dumaloy sa kanyang pisngi. Nakita iyon ni Linda.  “Okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong nito.  “Ikakasal na si Adrian,” tanging nasabi niya. Bahagya pa siyang napapiyok. Nabanggit na niya rito ang tungkol sa lihim niyang nararamdaman para sa binata. Alam din nito na unti-unti na silang nagkakalapit ni Adrian. Pero labis-labis na sakit ang nadarama niya sa nalaman niyang iyon. Ang buong akala kasi niya ay may pagtingin din sa kanya si Adrian pero nagkamali pala siya. Wala naman palang ibang ibig sabihin ang mga ipinakita nitong kabutihan.  “Paano nangyari 'yon?” nagtatakang tanong ni Linda. “Ang akala ko ba, nagpapakita na siya ng motibo sa iyo?”  “Bumalik iyong dati niyang nobya na si Norraine at inalok niya ito ng kasal dahil sa batang sinasabi nito na anak nila. Kaya pala ilang araw na siyang hindi dumadalaw sa bahay. Wala rin akong natatanggap na text mula sa kanya.”  “Sigurado ka ba riyan? Paano mo naman nalaman ang tungkol doon?” Ikinuwento niya rito ang naging pag-uusap nila ni Ma’am Vera, pati na rin ang iniaalok nitong trabaho sa kanya.  “Ano’ng plano mong gawin ngayon? Tatanggapin mo ba ang offer niya?” tanong nito pagkatapos niyang magkuwento.  “Ewan ko. Hindi ko alam.” Nagkibit-balikat siya.  “Kahit sinong nasa sitwasyon mo ay hindi tatanggihan ang ganoong offer.”  Tumango siya bilang pagsang-ayon dito.  “Pag-isipan mo muna iyang mabuti. Huwag kang magpadalus- dalos sa pagdedesisyon,” payo nito sa kanya.  “Oo,” aniya. “Pero kung ikaw ang nasa kalagayahan ko, tatanggapin mo ba?”  Matagal bago ito sumagot. “Oo, tatanggapin ko pero hindi lang dahil kailangan ko ng pera para sa mga kapatid ko.”  Tinitigan niya ito.  “Gagawin ko iyon dahil gusto ko. Dahil mahal ko si Adrian at gusto ko siyang iligtas.”  Hindi siya nakakibo. Kahit siya ay iyon din ang naiisip na sagot. “Linda, wala sanang ibang makaalam tungkol sa mga sinabi ko ngayon sa iyo,” hiling niya rito.  “Your secret is safe with me,” sabi nito at saka siya nginitian.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD