Chapter Nineteen

1597 Words
ILANG gabing pinag-isipan nang mabuti ni Jamelia kung susundin niya ang ipinayo sa kanya ng Ate Jenny niya. Naisip niyang humingi ng payo kay Linda kaya tinawagan niya ito.  “Hello,” bati niya sa nag-angat ng telepono sa kabilang linya. “Puwede ho bang makausap si Linda? Pakisabi ho, si Jamelia ito.”  “Sandali lang, hija, at tatawagin ko siya sa itaas,” anang boses ng matandang babae. Narinig nga niyang tinawag nito ang kanyang kaibigan. Mayamaya ay si Linda na ang kausap niya sa kabilang linya. “Jamelia, ano’ng nangyari sa iyong babae ka at napakatagal mong hindi nagparamdam? Pinuntahan kita sa bahay ninyo three weeks ago pero matagal na raw walang tao roon sabi ng mga kapitbahay ninyo. Nasaan ba kayo?” mabilis na sabi nito.  “Narito kami sa Manila. Ipinaopera na namin si Ate,” maikling tugon niya.  “Nakapagpa-opera na si Ate Jenny? Saan kayo kumuha ng pera? Ang akala ko, hindi na ninyo ibinenta ang lupa ninyo?”  Hindi siya sumagot.  “Huwag mong sabihing tinanggap mo ang alok sa iyo ni Vera Benitez?” wika nito na bahagyang tumaas ang boses.  “O-oo.”  “Oh, my God!” Pumalatak ito.  Ikinuwento niya rito ang mga nangyari.  “Bakit hindi ka man lang tumawag sa akin para ipaalam ang naging desisyon mo?”  “I’m sorry,” mahinang sabi niya.  “Kawawa naman si Adrian. Napakawalanghiya naman pala ng tiyahin niyang iyon, eh. At ikaw, napakagaga mo at pumayag kang maging kasangkapan sa balak niya!”  “Hindi ko naman alam na iyon pala talaga ang dahilan kaya ayaw ni Ma’am Vera na matuloy ang kasal nina Adrian at Norraine. Nang nalaman kong ang iniwang kayamanan ng papa ni Adrian ang habol ni Ma’am Vera ay wala na akong nagawa dahil hawak na niya ang mga kapatid ko,” katwiran niya. Namayani ang sandaling katahimikan.  “Nagsisisi ka ba?” kapagkuwan ay tanong nito.  “Oo, siyempre. Napalapit na sa akin si Adrianna kaya awang-awa ako sa bata. Nawala ang pagkakataon niyang magkaroon ng isang buo at masayang pamilya dahil sa akin.”  “Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang tinutukoy ko ay ang namagitan sa inyo ni Adrian,” ani Linda.  Hindi agad siya nakaimik. Naramdaman niya ang pag-iinit ng sulok ng kanyang mga mata. Kumurap-kurap siya para pigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha.  “Jamelia,” wika nito na hinihintay ang sagot niya.  “Hindi. Mahal ko siya, Linda. Isa iyon sa mga dahilan kaya tinanggap ko ang alok ni Vera noon. Gusto kong protektahan ang taong mahal ko dahil akala ko ay totoo ang sinabi ni Ma’am Vera na oportunista si Norraine.”  Bumuntong-hininga lang ito.  “May hihingin sana akong pabor sa iyo. Puwede bang puntahan mo ang address na ito?” Idinikta niya rito ang tinutukoy niyang address. Dalawang beses niyang inulit iyon hanggang sa maisulat nito nang tama iyon.  “Ano’ng gagawin ko pagpunta ko sa bahay na 'yon?” kapagkuwan ay tanong nito sa kanya.  “Hanapin mo si Norraine. Alamin mo kung naroon pa siya, 'tapos, tawagan mo agad ako,” tugon niya. “Uuwi ako riyan. Kakausapin ko siya. Aayusin ko ang gulong ginawa ko.”  “Paano si Vera?”  “Sigurado naman akong hindi na niya kami matatagpuan ng mga kapatid ko.”  “Okay, sige. Bukas na bukas din ay pupuntahan ko ang address na ito at pagkatapos ay tatawagan agad kita.”  Ilang sandalli pa silang nag-usap bago siya nagpaalam dito. Napahinga siya nang malalim pagkababa niya sa telepono.  “Natutuwa ako sa naging pasya mo,” biglang sabi ng ate niya mula sa kanyang likuran.  Nilapitan niya ito. “Kinakabahan ako, Ate. Paano kung gantihan niya ako... tayo? Kung alam ko lang na ganito kalaking komplikasyon ang ihahatid ng—” Napatigil siya nang hawakan nito ang kanang kamay niya.  “Gawin mo ang kung ano sa tingin mo ang tama.”  Tinitigan niya ito at kapagkuwan ay tumango siya.  INUBOS ni Adrian ang alak na laman ng hawak niyang kopita. Nasa bahay siya nina Ruel at magkasama sila nito na umiinom sa hardin.  “Pinuntahan ko na ang sinasabi mong kamag-anak nina Jamelia pero hindi rin daw nila alam kung nasaan sila. Matagal na raw nilang hindi nakakausap ang tatlong magkakapatid,” sabi sa kanya ni Ruel habang pinanonood nito ang pagsasalin niya ng alak sa kopita.  Humingi siya ng tulong dito para mahanap sina Jamelia. Mula nang umalis ito sa mansiyon ay hindi na siya tumigil sa paghahanap dito. Nagtanung-tanong siya sa ilang mga kakilala nito pero wala namang makapagturo kung nasaan ito o ang mga kapatid nito. Si Ruel ang pumunta sa kabilang bayan para hanapin ang mga kamag-anak ni Jamelia sa pagbabaka-sakaling naroon ito. Naalala kasi niya ang sabi nito noon na nasa kamag-anak nito sa kabilang bayan ang dalawang kapatid nito.  “Hindi ko na talaga alam kung saan ko sila hahanapin.” Napabuga siya ng hangin at nasuklay ng mga daliri ang buhok.  “Sinubukan mo na bang kausapin iyong kaibigan ni Jamelia na si Linda?” tanong ni Ruel sa kanya.  Tumango siya. “Kanina lang ako naglakas ng loob na tanungin siya pero hindi rin daw niya alam kung nasaan si Jamelia.”  Napakamot ito sa ulo. “Napakaimposible naman yatang hindi niya alam kung nasaan ang kaibigan niya.”  “Natitiyak kong hindi niya alam. Sa hitsura kasi niya ay mukhang hindi rin niya alam ang mga nangyari sa amin ni Jamelia, eh. Parang nagulat pa nga siya nang sabihin ko na bigla na lang lumayas sa mansiyon si Jamelia. Hindi raw kasi niya alam na tumira pala si Jamelia sa mansiyon.”  Tumangu-tango ito. “So, saan pa natin hahanapin ang babaeng 'yon?”  Umiling siya. “Hindi ko alam, pare. Wala naman akong alam na ibang maaari nilang puntahan.”  LULAN ng taxi si Jamelia patungo sa ibinigay ni Linda na address sa kanya. Nang nagdaang araw nga ay tinawagan siya nito at sinabi sa kanya na wala na sa San Felipe sina Norraine at Adrianna. Pero nakuha naman nito ang address ng bahay ni Norraine sa Las Piñas.  Ilang sandali pa ay huminto ang taxi sa tapat ng bahay na hinahanap niya. Pagkaabot niya sa driver ng bayad niya ay bumaba siya ng taxi. Huminga siya nang malalim bago niya pinindot ang buzzer sa gate. Ilang sandali pa ay may nagbukas ng gate.  “Magandang umaga,” bati niya sa babaeng sa tantiya niya ay kasing-edad lang niya. “Dito ba nakatira si Norraine Aboga?”  “Oo. Dito nga siya nakatira. Sino ho ba sila?” balik-tanong nito. “Gusto ko sana siyang makausap. Importante lang ho. Pakisabi, si Jamelia.”  “Pumasok ka, Miss,” wika nito na niluwangan ang pagkakabukas ng gate para sa kanya.  Pumasok siya sa gate at tahimik na sumunod dito papasok sa bahay. Nang nasa sala na sila ay natigilan siya nang makita ang ina ni Norraine. Pakiramdam niya ay lalong nanginig ang kanyang mga tuhod.  “May naghahanap po kay Ate Norraine.”  Tiningnan siya ng ina ni Norraine.  “Magandang umaga ho,” mahinang sabi niya rito.  “Maupo ka. Tatawagin ko lang si Norraine sa silid niya. Mercy, balikan mo na ang ginagawa mo sa kusina,” matabang na sabi nito. Umakyat ang matandang babae sa hagdan habang si Mercy ay bumalik sa kusina.  Umupo siya sa sofa habang tahimik na hinihintay ang pagbaba ni Norraine. Hindi nagtagal ay nakita na niya ito. Tumayo siya mula sa kinauupuan. Gusto niyang maluha sa tindi ng sundot ng konsiyensiya nang makita niya ito. Malaki ang inihulog ng katawan nito at sa tingin niya ay namumutla ito. Iyon ba ang bunga ng ginawa niyang g**o sa buhay nito?  “Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong nito sa kanya. Blangko rin ang ekspresyon nito habang nakatitig sa kanya.  “Maaari ba tayong mag-usap?” mahinang sabi niya.  “Wala tayong dapat pag-usapan.”  “Marami, Norraine. Kailangan mong maintindihan ang mga nangyari noon.”  “Alam ko kung ano ang nakita ko nang araw na 'yon, Jamelia. Hindi ko kailangan ang paliwanag mo para maintindihan ang bagay na iyon. Makakaalis ka na.” Akmang babalik na ito sa itaas pero natigilan ito nang muli siyang magsalita.  “Walang kasalanan sa iyo si Adrian. Ako ang pumasok sa silid niya. Inakit ko siya.”  “Ano?” Napatingin ito sa kanya.  “Bigyan mo ako ng pagkakataong ipaliwanag sa iyo ang lahat... please? Hayaan mo akong itama ang nagawa kong pagkakamali.” Pigil niya ang sarili na mapaiyak.  Tinitigan siya nito. Mayamaya ay huminga ito nang malalim at bumalik sa harap niya. Umupo ito sa sofa; ganoon din ang ginawa niya. Ikinuwento niya rito ang lahat-lahat. Walang kaimik-imik ito habang nagsasalita siya. “I’m sorry. Hindi ko naman talaga gustong sirain ang buhay ninyo. Napilitan lang akong gawin iyon para sa mga kapatid ko. Madali rin akong napaniwala ni Ma’am Vera na gusto lang niyang protektahan si Adrian. I know it’ll be hard for you to forgive me, Norraine. Naiintindihan ko iyon. Ginulo at sinira ko ang buhay ninyong tatlo nina Adrianna at Adrian. I’m really sorry,” aniyang napayuko.  Hindi pa rin ito nagsalita.  “Puntahan mo si Adrian. Ituloy ninyo ang kasal. Mahal na mahal—”  “Huwag mo akong diktahan ng dapat kong gawin. Makakaalis ka na, Jamelia.” Pagkasabi niyon ay tumayo ito at tuluyan na siyang iniwan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD