Chapter Twenty (Last Chapter)

2961 Words
Four months later NAGMAMANEHO si Adrian patungo sa bahay nina Norraine sa Las Piñas. Tahimik siya pero hindi maalis sa kanyang isip kung ano ang aabutan niya sa pupuntahan. Nang tawagan kasi siya ng inay nito kahapon ay umiiyak ito. Ayaw naman nitong sabihin sa kanya kung bakit. Inihinto niya ang kanyang kotse sa harap ng isang katamtaman ang laking bahay. Bumaba siya ng sasakyan at pumasok sa loob ng gate. Sinalubong siya ng ina ni Norraine.  “Mabuti naman at nakarating ka, hijo. Naroon sa itaas si Norraine. Kanina ka pa hinihintay.”  “Ano ho ba’ng nangyayari?” tanong niya nang mapansing tila malungkot ito.  “Hindi ako ang dapat magsabi sa iyo. Halika na. Umakyat na tayo at kayo na lang ni Norraine ang mag-usap.” Nagpatiuna itong pumasok sa loob ng bahay.  Sumunod siya rito hanggang sa makarating sila sa isang silid. Binuksan nito ang pinto. Para siyang itinulos sa kinatatayuan nang makita niya ang babaeng nakaratay sa kama. “Norraine?” Lalong namayat ito. Maputlang-maputla rin ito at may suot itong turban. Pilit na ngumiti ito sa kanya.  “Daddy!” sabi ni Adrianna na umagaw ng kanyang atensiyon. Lumapit ito sa kanya.  Hinagkan niya ito sa noo bago muling tiningnan si Norraine.  “Inay, ilabas ho muna ninyo si Adrianna para makapag-usap kami nang maayos ni Adrian,” wika ni Norraine na hirap na hirap sa pagsasalita.  Tumalima ang ina nito. Kasama nitong lumabas ang apo nito.  “Ano’ng nangyari?” tanong niya nang lapitan niya si Norraine. Mula nang mag-usap sila nito at sabihin nitong ayaw na nitong ituloy ang kasal ay noon lang uli sila nagkita. Ang kapatid nito ang naghahatid kay Adrianna sa kanilang probinsiya tuwing weekends para makasama niya ang bata.  “Nakikita mo naman, 'di ba? I’m sick. Actually, I’m dying, Adrian.”  Nanghihinang napaupo siya sa silyang nasa tabi ng kama nito. “Anong... Bakit hindi—”  “Mamaya na natin pag-usapan ang kalagayan ko. Marami kang dapat malaman. Marami akong kailangang sabihin sa iyo. Unang-una na ang paghingi ko sa iyo ng tawad. I’m sorry, Adrian.”  “For what?” nakakunot ang noong tanong niya.  “Sa ginawa kong pag-iwan sa iyo noon.”  “Napag-usapan na natin 'yon, 'di ba? Matagal na kitang napatawad.”  “Pero hindi ko pa nasasabi sa iyo ang totoong dahilan ng bigla kong paglayo.”  Naguguluhang tiningnan niya ito.  “Sinabi ko sa iyo na natatakot akong hindi matanggap ng pamilya mo ang pagbubuntis ko. Totoo iyon. Ang isa pang dahilan ay dahil...” Ibinitin nito ang sinasabi. Humugot ito ng malalim na hininga. “Dahil hindi ko tiyak kung sa iyo nga ang batang dinadala ko noon.”  Nagsalubong ang dalawang kilay niya.  Pinilit nitong ngumiti. “Kung iniisip mong pinagtaksilan kita, nagkakamali ka. I was r***d, Adrian.” “What?!”  “Natatandaan mo pa ba noong um-attend tayo ng debut ng kapatid ni Lisa? Hindi ba’t mag-isa lang ako noong umuwi dahil nagkaroon tayo ng argumento? Noon nangyari ang panggagahasa sa akin.”  Namayani ang katahimikan sa kanilang pagitan.  “Bakit hindi mo iyon sinabi sa akin?” kapagkuwan ay tanong niya.  “Dahil natatakot akong pandirihan mo ako. Hindi ko iyon ipinaalam sa iba dahil ayokong kaawaan ako. Kina Inay ko lang sinabi ang nangyari sa akin. Sinikap ko na walang ibang makaalam niyon dahil ayokong pati ang pangalan mo ay makaladkad sa eskandalong maaaring ihatid niyon.”  Hindi siya umimik. Awang-awa siya sa sinapit nito.  “Nagpasya akong umalis kasama sina Inay,” pagpapatuloy nito. “Noong dalawang taon na si Adrianna, babalik na sana kami sa iyo dahil nakatiyak na ako noong anak mo siya pero saka ko naman nalaman na may leukemia ako.”  Nanatili lang siyang tahimik.  “Pinili kong itago muna sa iyo ang bata habang nagpapagamot ako dahil umaasa akong gagaling pa ako at mabubuo tayo bilang isang pamilya.” May nakita siyang kumislap na luha sa mga mata nito. “But when the doctor told me I’m dying, noon ako nagpasyang ipakilala na sa iyo ang anak natin. Dahil gusto kong makita kayong magkasama bago man lang ako mamatay.”  “Ang sakit mo ba ang dahilan kaya tinanggihan mo noong una ang alok kong kasal?”  Tumango ito kasabay ng paglaglag ng mga luha nito. “Nang tanggapin ko ang alok mo, nangako ako sa sarili ko na hahanap ako ng paraan para hindi rin matuloy ang kasal natin.”  Napatitig siya rito. “Nang makita ko kayo ni Jamelia, magkakahalong damdamin ang naramdaman ko. I was hurt... Pero mas natuwa ako dahil hindi na kita kailangang saktan pa para hindi matuloy ang kasal natin.”  “Hindi ko talaga sinasadya ang nangyari sa amin ni Jamelia.”  Ngumiti ito. “Don’t fool yourself, Adrian. Alam kong may nararamdaman ka para sa kanya.”  Hindi siya nakakibo.  “Noong inalok mo ako ng kasal, I thought you still love me. Pero nang dumating si Jamelia sa mansyon, I knew right there and then na hindi ko na pag-aari ang puso mo. You love her, kitang-kita ko iyon sa mga kilos at tingin mo kay Jamelia.”  Gustuhin man niyang magsalita ay hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. Napayuko siya.  “May isa ka pang dapat malaman.”  Nag-angat siya ng tingin.  “Planado ang nangyari sa inyo. Mula sa pagdating niya sa mansyon bilang tutor ni Adrianna.”  “Hindi ko maintindihan.”  “Hindi totoong nasa tiyahin nila ang mga kapatid ni Jamelia. Ang totoo ay narito sa Maynila sina Jenny para sa operasyon nito habang nasa mansyon si Jamelia. Ipinagamot ng Tita Vera mo si Jenny kapalit ng pagsira ni Jamelia sa relasyon natin.”  Matagal bago siya nakapag-react. “Si Tita Vera? Ano'ng sinasabi mo?"  “Alam kong mahirap paniwalaan, pero ipinagtapat sa akin ni Jamelia ang naging kasunduan nila noon ng tita mo. Pinuntahan niya ako rito ilang buwan na ang nakararaan para sabihin iyon sa akin.” Sinabi nito ang mga bagay na sinabi raw dito ni Jamelia.  Napailing-iling siya. Hindi siya makapaniwala sa narinig. “Bakit naman iyon gagawin ni Tita?" “Wala ka bang maisip na dahilan para pigilan niya ang kasal natin?” tanong ni Norraine sa kanya na wari ay may gusto itong ipaalala sa kanya.  Lalong lumalim ang gatla sa kanyang noo.  “Ano ba ang laman ng testamento ng papa mo?”  Nag-flash back sa isip niya ang testamento ng papa niya na binasa ng abogado nila tatlong taon na ang nakalilipas. Ang sixty percent sa pera at mga ari-arian ng kanyang papa ay pinaghatian nila ni Tita Vera at ang natitirang forty percent ay mapupunta sa magiging asawa at mga anak niya. Pero kailangang maikasal siya bago siya dumating sa edad na treinta kung hindi ay mapupunta ang forty percent na iyon sa kanyang tiyahin.  Naisuklay niya ang kanyang daliri. “Hindi ko akalaing magagawa iyon ni Tita. Pero mas hindi ko akalaing kaya ni Jamelia na makipagsabwatan sa planong iyon.”  “Don’t blame her. Napilitan lang siyang gawin iyon para sa mga kapatid niya. At isa pa, nagsinungaling sa kanya si Tita Vera. Huli na nang malaman ni Jamelia ang totoong pakay niya.”  Hindi siya nagsalita.  “Kung tutuusin ay si Jamelia ang pinakatalo sa nangyaring ito. Pero sa tingin ko ay hindi rin naman niya pinagsisisihan ang nangyari sa inyo. Dahil mahal ka rin niya, Adrian.”  Napatingin siya rito.  “Matagal ko nang napapansin noon ang feelings ninyo ni Jamelia para sa isa’t isa.”  “I’m sorry. Sinubukan kong pigilan ang nararamdaman ko noon pero—”  “Pero mahirap. Hindi mo talaga mapipigilan ang damdamin mo, Adrian.”  Napayuko lamang siya. “Adrian, sa iyo ko iiwan si Adrianna. Take good care of her.”  Hinawakan niya ang mga kamay nito. “Hindi mo na kailangang sabihin iyon sa akin.”  Ngumiti ito. “Kailangan ni Adrianna ang isang kompletong pamilya. Kailangan niya ang isang ina at kung may papalit man sa puwesto ko as her mother, ang gusto ko ay si Jamelia. Sigurado akong mamahalin at aalagaan niya kayong dalawa ni Adrianna.”  “Are you saying na hanapin ko si Jamelia at pakasalan?”  Walang pag-aalinlangang tumango ito.  “Imposible 'yon. Hinanap ko na siya pero hindi ko siya matagpuan.”  “Gaya nga ng sabi ko, pinuntahan niya ako rito. Pinasundan ko siya. Inutusan ko ang kapatid ko para alamin kung saan siya nakatira.” May dinukot itong papel sa ilalim ng unan nito at iniabot nito iyon sa kanya. “I’m sorry. Dapat ay noon ko pa iyan ibinigay sa iyo kaya lang ay naging selfish din ako. Naunahan ako ng sama ng loob na nararamdaman ko dati para kay Jamelia. Pero plano ko naman talagang ibigay iyan sa iyo.”  Tiningnan niya ang address na nakasulat sa papel.  “Puntahan mo siya, Adrian. Huwag mo siyang hayaang mawala sa iyo.”  Niyakap niya ito. “Salamat, Norraine. Maraming-maraming salamat.”  NAKAKUNOT ang noo ni Tita Vera nang salubungin nito si Adrian. Karga-karga niya si Adrianna.  “Saan ka nanggaling? Dalawang linggo kang hindi umuwi rito,” tanong nito sa kanya.  Sa halip na sumagot ay ibinaba niya si Adrianna at tinawag niya ang dalawang kawaksi nila. “Anak, sumama ka muna sa kanila. Help them pack my things,” aniya sa anak bago binalingan ang dalawang katulong. “Iempake ninyo ang mga gamit ko. Bilisan ninyo.”  Agad namang tumalima ang mga ito kasama ang anak niya. Pagkatapos ay umakyat siya sa study room. Sinundan siya ng Tita Vera niya.  “Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Bakit ganyan ang ayos mo? Parang puyat na puyat ka.”  “Puyat at pagod ako sa pag-aasikaso ng burol at libing ni Norraine, Tita,” malamig na tugon niya.  “Si Norraine?” gulat na sabi nito. “Why? What happened to her? Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin ang nangyari sa kanya?”  Hindi siya sumagot. Inilagay niya sa isang kahon ang mga importanteng gamit at papeles na dadalhin niya sa pag-alis.  “Sana, itinawag mo sa akin para naiparating ko man lang ang pakikiramay ko sa pamilya niya.”  Huminga siya nang malalim pero hindi siya nagsalita.  “Adrian, ano ba? Bakit hindi ka nagsasalita? At saka ano iyang ginagawa mo? Bakit nag-eempake ka? Saan ba kayo pupunta ni Adrianna?” Itinigil niya ang ginagawa at tiningnan niya ito. “Sa lugar na malayo sa iyo, Tita,” tuwirang sabi niya.  Natigilan ito. “Ano’ng sinasabi mo? Hindi kita maintindihan.”  “Ako rin. Hindi ko rin maintindihan at matanggap na nagawa mo iyon sa akin.”  “Ano ba ang sinasabi mo? Hindi kita maintindihan.”  “Tama na ang lokohan, Tita. Alam ko na ang lahat tungkol sa plano ninyo noon ni Jamelia. Alam ko na binayaran mo siya para guluhin kami ni Norraine at nang hindi matuloy ang kasal namin.”  Bigla itong namutla. “N-natagpuan mo na si Jamelia?” tanong nito.  Umiling siya. “Si Norraine ang nagsabi sa akin. Pinuntahan siya ni Jamelia at ipinagtapat sa kanya ang lahat.”  Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Kapagkuwan ay yumuko ito.  “I’m sorry, hijo. I—”  “Hindi ko kailangan iyan, Tita. Hindi naman ako galit, eh. Aalis ako rito dahil ayokong lumaki si Adrianna na kasama ka. And I’m sorry to say na hindi ka pa rin nagtagumpay kahit hindi natuloy ang kasal namin ni Norraine.”  Wala pa rin itong imik.  “Pupuntahan ko si Jamelia at sisiguruhin ko na pakakasalan niya ako ngayon ding linggong ito. Sa kanya at kay Adrianna mapupunta ang hinahangad mong kayamanan,” patuloy niya.  Nanghihinang napaupo ito sa sofa. "Adrian, please..." “But don’t worry, Tita, mapapasaiyo naman ang bahay na ito.” Mabilis niyang sinimot ang lahat ng gamit niya at isinakay sa kanyang kotse pagkatapos ay umalis na sila ni Adrianna. PAKIRAMDAM ni Jamelia ay nanlamig ang buong katawan niya pagkakita niya sa lalaking nasa labas ng kanilang pintuan.  “Kumusta ka na, Jamelia?” tanong sa kanya ni Adrian.  Hindi siya nakasagot. Pakiramdam niya ay nalunok niya ang kanyang dila dahil sa kaba at takot na nararamdaman.  “Puwede ba tayong mag-usap?”  “T-tungkol saan?”  Nagkibit-balikat ito. “Hindi mo man lang ba ako patutuluyin?”  Nakayukong niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto para makapasok ito. Pinaupo niya ito sa sofa.  “Kumusta ka na? Nasaan ang mga kapatid mo?”  Umupo siya sa tapat nito. “Mabuti naman. Nasa ospital ngayon sina Ate at Lester. May therapy session si Ate, eh.” Hindi niya ito magawang tingnan nang diretso. Nahihiya siya sa ginawa niya rito. Bukod pa roon ay ayaw niyang makita nito ang pananabik sa kanyang mga mata. Hindi niya itinatanggi na kinasasabikan niya ang pagkakataong iyon na makita uli niya ito.  “Alam mo bang matagal na kitang hinahanap? Alam ko na ang lahat, Jamelia. Nasabi na sa akin ni Norraine ang mga ipinagtapat mo sa kanya.”  Napalunok siya bago siya nagsalita. “I’m sorry. Napilitan akong makipagsabwatan sa tita mo dahil sa pagmamahal ko sa mga kapatid ko at dahil akala ko ay mabuti ang intensiyon niya kaya gusto niya kayong paglayuin ni Norraine.”  Tahimik namang nakinig ito sa paliwanag niya.  “Sa maniwala ka’t sa hindi ay ayoko na sanang ituloy pa iyon nang malaman ko ang totoong dahilan kung bakit ayaw niyang makasal kayo ni Norraine.”  “Dapat din akong humingi ng tawad sa iyo,” sabi nito.  “Para saan? Sa nangyari sa atin? Wala kang dapat ihingi ng tawad.”  “Talagang hindi ako hihingi ng tawad dahil hindi ko pinagsisisihan iyon. Humihingi ako ng tawad sa iyo sa pananamantala ni Tita sa kalagayan ninyong magkakapatid.”  Hindi siya kumibo.  “Huwag kang mag-alala, hindi siya nagtagumpay. Hindi rin niya makukuha ang pamana sa akin ni Papa na pinag-iinteresan niya.”  Napatingin siya rito. “Bakit? Ikinasal ka na?”  Umiling ito. “Ikakasal pa lang ako,” sagot nito.  Parang may sumaksak sa kanya dahil sa narinig. “Ganoon ba? Mabuti naman at nagkaayos na kayo ni Norraine. Napatawad na ba niya ako?”  “Matagal ka na niyang napatawad. In fact, siya ang nagturo sa akin ng kinaroroonan ninyong magkakapatid.”  Ilang sandali siyang natigilan. “G-gusto ko siyang makausap.”  “I’m pretty sure na gusto ka rin niyang makausap pero hindi na maaari, Jamelia.”  Kumunot ang kanyang noo.  “She’s gone. Namatay siya noong isang linggo.”  “Paanong—” Lumalim ang gatla sa kanyang noo.  “May leukemia siya. Isa pa iyon sa dahilan kaya hinayaan niyang matuloy ang plano ninyo dahil ayaw rin niyang maikasal sa akin. Alam kasi niyang mamamatay na siya.”  “Pero ang sabi mo kanina, ikakasal ka na.”  “Oo. We’re getting married this week. Pero okay lang ba kung civil wedding muna? Kamamatay lang kasi ni Norraine. Gusto kong irespeto ang alaala niya. Gusto ko lang na maikasal na tayo para masiguro kong hindi makukuha ni Tita ang gusto niya.”  “Ano’ng sinasabi mo?” gulat na sabi niya. “Ikaw ang pakakasalan ko, Jamelia.”  “What? Hindi puwede,” aniyang napatayo pa. Titig na titig siya rito. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Ano ba ang plano nito? Iyon ba ang paraan ng pagganti nito?  “Hindi ka puwedeng tumanggi, Jamelia.”  “Bakit? Dahil may atraso ako sa iyo at ito ang kapalit na hihingin mo?”  Tumayo ito. “There are three reasons kung bakit hindi ka puwedeng tumanggi. Oo, isa ang sinabi mong iyon sa mga rason. Ang pangalawa, kung kaharap mo ngayon si Norraine, iyon din ang hihilingin niya sa iyo.” Ngumiti ito. “Sigurado naman ako na hindi ka makakatanggi sa huling kahilingan niya.”  “Hindi ako pakakasal sa iyo. Ayokong—”  “And third, hindi ka puwedeng tumanggi dahil alam mo sa sarili mo na mahal mo ako.” Lumapit ito sa kanya at walang sabi-sabing hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya. “I won’t take ‘no’ for an answer.”  “Pero—” Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil siniil na siya nito ng halik sa mga labi. Napapikit siya. Nagmulat lang siya ng mga mata nang maghiwalay ang kanilang mga labi.  “Tatanggihan mo pa ba ang marriage proposal ko?”  “Adrian, hindi—”  “Ano pa ba ang gusto mong marinig para mapaoo kita, Jamelia?” Hinalikan uli siya nito sa kanyang mga labi. “Please say ‘yes,’ Jamelia. I need you. Adrianna needs you.”  Hindi siya sumagot. Itutulak sana niya ito nang dugtungan nito ang sinabi.  “And I love you.” Nanlalaki ang mga matang napatingin siya rito.  “Siguro naman ay sapat nang dahilan iyon para pakasalan mo ako.”  Hindi siya nakapagsalita. Naramdaman lang niya ang sunod-sunod na pagpatak ng luha niya habang nakatitig siya rito.  Hinapit siya nito at niyakap. “Does that mean ‘yes’?”  Tumango siya nang marahan bilang tugon. “Mahal din kita, Adrian.”  Muli siya nitong hinalikan. Sa pagkakataong iyon ay nilaliman nito ang pag-angkin sa kanyang mga labi. Patuloy lang ang pagbagsak ng kanyang mga luha. Masayang-masaya siya. She didn’t expect this at all. Who would have thought na sa pagwawakas ng larong iyon ay magiging maligaya rin siya sa piling ng lalaking kanyang pinakamamahal. ***WAKAS***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD